***** RUCIA ***** “TAHIMIK ka kanina pa,” hihikab-hikab na pansin sa kanya ni Jella. Tamad na inihilig ni Rucia sa bintana ng taxing sinakyan nila ang kanyang ulo at diretso ang tingin niya sa unahan, sa kawalan. Ang hitsura niya’y parang nalugi ng milyong dolyar sa sugal. Sila lang dalawa ni Jella dahil may sinamahang bigating suki ng bar si Eyrna. Buti na lang at hindi siya ang pinili niyon dahil wala sana siyang gana. “Hulaan ko. Si Cara na naman ang iniisip mo?” Marahang tumango siya. “Iniisip ko pa rin kung paano matutulungan si Cara.” May sakit na gumuhit sa mukha ni Jella. Ngumuso-nguso ito. “Nagseselos na kami ni Eyrna, ah. Parang mas love mo na ang Cara na iyon kaysa sa amin.” Guiltily, itinulak niya ito sa ulo. “Gaga, iba naman kayo ni Eyrna. Kayo mga best of friends ko.