NAKASAKAY NA SI Tara sa fx taxi papunta sa private clinic kung saan siya kukuha ng kanyang medical certificate. Um-absent pa talaga siya sa kanyang trabaho para matapos na ang huling requirement niyang iyon at nang hindi na siya magahol sa oras kapag dumating na ang kanyang visa.
Katatapos lang niyang magbayad nang marinig ang pag-iingay ng kanyang cellphone. Her heart skipped a beat and a warm smile curved her lips when she saw Avex’s number on her cellphone screen.
“Hello?”
“Hi!”
Nabitawan niya ang cellphone nang magulat sa lakas ng sigaw na iyon sa kabilang linya. May pakiramdam din siyang narinig din ng mga kasama niya sa fx taxi ang sigaw na iyon.
Mabilis niyang dinampot ang cellphone. “Hello—“
“Tara!”
“Ano ka ba!” pigil-sigaw niyang saway dito. “Huwag ka ngang sumigaw at nabibingi na ako!”
“Sorry.” Modulated na uli ang boses nito. “Nasaan ka?”
“Magpapa-medical ako ngayon.” Katahimikan na ang sunod niyang narinig mula sa kabilang linya. “Hello? Nandiyan ka pa?” Wala pa ring sumasagot. Medyo nag-alala na tuloy siya. “Avex, kapag hindi ka sumagot, ibababa ko na rin ang phone ko.”
“Sige, magpa-medical ka na. Bye.”
Napamaang na lang siya nang maputol ang kuneksyon. Ang mokong na iyon. Pagkatapos siyang bulabugin, basta na lang siya bababaan ng telepono? Asar niyang ibinato sa loob ng bag niya ang cellphone. Na agad din niyang dinampot para tawagan ang lalaki.
“Bakit ka nga ba tumawag? May nangyari ba sa iyo?”
“Meron.”
Bumalik ang kaba sa kanyang dibdib. “Anong nangyari? Naaksidente ka? May sakit ka?”
“Hindi ako makababa ng bubong ng bahay namin.”
It took her a few moment to absorb what he just said. “Ano kamo?”
“Hindi ako makababa sa bubong ng bahay namin.”
“Anong ginagawa mo sa bubong ng bahay ninyo?”
“Naisipan kong magwalis bigla.”
“Sa bubong ng bahay ninyo?!”
“Oo. Aksidente ko nga lang na nasagi ‘yung ginamit kong hagdan kaya hindi ako makababa ngayon.”
“E bakit ako ang tinawagan mo? Dapat fire department o kaya…” Sino pa ba ang puwedeng tumulong sa isang na-trap sa bubong ng bahay? “’Yung mga kaibigan mo.”
“Ang boses mo ang gusto kong marinig, hindi boses ng mga kaibigan ko.”
Diyos ko, Lord. Have mercy on my poor heart! “Avex…”
“Okay lang. Ngayong narinig ko na ang boses mo, masaya na akong maghihintay ng ibang sasaklolo sa akin dito habang unti-unti akong piniprito ng haring araw. Sige, goodluck sa medical exams mo at…salamat sa pagtawag.”
Naputol na naman ang linya bago pa man siya makapagsalita uli. Gusto niyang tawagan uli ang lalaki para sigawan ito, sermunan at paulanan ng sandamakmak na ewan. Subalit kahit anong asar niya rito, ramdam pa rin niya ang hindi niya mapigilang pag-aalala rito. Paano nga kung maprito ang kumag na iyon? Kawawa naman…
“Para, mama! Diyan na lang ho sa tabi!”
Mabilis siyang bumaba ng sasakyan at nag-abang ng taxi. Nang maalala niyang hindi nga pala niya alam kung saan nakatira si Avex. Tatawagan na lang niya ang numero ng kanyang boss upang dito magtanong ng address ni Avex nang marinig niya ang malakas na busina na iyon bago ang sagitsitan ng mga gulong. Paglingon niya sa pinanggalingan niyon ay isang kotse ang nakita niyang halos ilang hakbang na lang ang layo sa kanya. Dalawang babae ang nakita niyang nagmamadaling lumabas ng backseat ng sasakyan. Naghanda na siya ng matinding pagpapaumanhin nang magulat siya sa biglang pagyakap ng mga ito sa kanya.
“Hulog ka ng langit!”
“Salamat at iniligtas mo ang buhay namin!”
“T-teka…” Isa pang babae ang nakita niyang lumabas naman sa driver’s seat ng kotse.
“Ang OA nyo naman,” wika nito. “Para nagkamali lang ako ng pagtapak sa preno at silinyador.”
Galit na binalingan ito ng dalawang babae.
“Hindi mo dapat pinagkakamali ang dalawang iyon!”
“And you made that mistake not just once, but twice!”
“Anong twice? Ilang beses na kamo iyon!”
Doon niya nakilala ang huling nagsalita. Si Everly. Naalala niya na ka-close nito ang isa sa mga kaibigan ni Avex na si Dominic.
“Everly! Mabuti at nakita kita!”
Nilingon siya nito. “Tara? Susme! Ikaw pa pala ang muntik madisgrasya ng haragan naming amo na iyan—“
“Puwede mo ba akong tulungan? Alam mo ba kung saan nakatira si Avex?”
“Ha?”
“Hi. I’m Jed. Everly’s friend and co-writer. Naikuwento kasi sa akin ni Everly ang tungkol sa inyo ni Avex. Ang cute ng love story ninyo, in fairness.”
“So, ikaw pala ang tinutukoy na Tara ng pinsan kong si Dominico,” singit ng amo ng mga ito. “Anyway, I know Avex’s place. Wanna hop in?”
Pinigilan siya ng dalawang babae na halatang nag-aalala para sa kaligtasan niya. But she needed to get to Avex as soon as possible.