Chapter 11

1990 Words
Hindi na nag-alala ang mag-asawang Fidel at Lucila dahil nararamdaman nilang naroon na sa kanila ang anak na si Rosario. Ang hindi lang nila alam ay naroon pa ito sa hardin at kakwentuhan si Devon. "Sige na Rosario, uuwi na 'ko, baka nag-aalala na din si Nanay. Baka nga nagising 'yun kanina nu'ng dumating tayo eh. Saka nga pala, 'yung sinabi ko sa 'yo, totoo 'yun." paalam na Devon na nag-iwan pa ng matamis na ngiti. "Sige, ingat ka ha." wika ni Rosario pagkalabas ng gate ni Devon. Matapos ikandado muli ni Rosario ang gate, humiiwalay ulit ang kalahati nitong katawan. Sa pagkakataong 'yun, binuhat na lang nito ang kalahati at inilipad papuntang bintana ng kwarto nito. Natunghayan pa ni Devon ang ginawa na 'yun ni Rosario. "Shortcut." pailing-iling habang nakangiting bulong ni Devon. Seryoso si Devon sa binabalak niyang panliligaw kay Rosario. Nu'ng una pa lang niya itong nakita ay humanga na siya dito at hindi na nabawasan ang pagtingin niya dito sa kabila nang pagkakatuklas niya sa totoong pagkatao nito. Sa halip, mas nagustuhan niya ang pagiging natural nito at pagiging matapat sa kanya. Tuloy-tuloy siyang pumasok ng kanilang bakuran na ngingiti-ngiti. Nakapatay na ang ilaw sa kanilang sala at inisip niyang tulog na ang ina nito. Dahan-dahan pa ang ginawa niyang pagpasok ng pintuan nang biglang bumulaga sa kanyang harapan ang inang si Salome. "Aaaahhh." sigaw ni Devon sa pagkagulat. "Hoy Devon, ako 'to. Kung makasigaw ka akala mo nakakita ka ng multo." mahinang sambit ni Salome pero may diin 'yun. "May makarinig sa 'yo eh ---" Nang mawala ang kanyang gulat ay nagmano na sa kanyang ina si Devon. Dire-diretso na sana itong papanhik sa itaas nang inawat ito ng kanyang ina. "Saglit Devon, mag-usap nga tayo. Maupo ka muna." nameywang pa si Salome habang hinihintay makaupo ang anak. "Bakit po 'nay?" muling nanumbalik ang ngiti kay Devon. "Hindi pa 'ko natutulog at hinihintay kita. Narinig ko 'yung tricycle at nakita na kitang bumaba. At kung hindi ako nagkakamali, eh kasama mong bumaba ng tricycle 'yung anak ni Fidel. Aba'y kailan pa kayo naging malapit nu'n? Wala ka yatang naikukwento sa 'kin." wika ni Salome. "Ah si Rosario ba 'nay? Nuon pa po, nu'ng tumulong ako nu'ng bagong lipat sila. Eh hindi pa kami ganu'n magka-close nu'n. Saka sa messenger lang kami nagkakausap. Niyaya kong manuod kanina, pinayagan naman ni Mang Fidel." tugon ni Devon. "Eh bakit ganyan ka makangiti? Devon, nililigawan mo ba 'yang si Rosario?" napataas pa ang kilay ni Salome. "Hindi pa 'nay, plano pa lang po." walang gatol na sagot ni Devon. "Aba'y Devon, sinasabi ko lang sa 'yo, ayoko ng makakarinig na mamaliitin ka ng pamilya na 'yan. Hindi naman sa binabawalan kita pero nakikita mo naman ang estado ng buhay nila at ng buhay natin." pairap na turan ni Salome. "Nay, mabait po si Mang Fidel at Aling Lucila. Sa tingin ko eh hindi mangyayari 'yung iniiisip n'yo." nakangiti pa din si Devon. "Eh pa'no kapag nalaman nang nanliligaw ka pala sa anak nila? Mabait pa kaya mga 'yun sa 'yo?" bahagyang huminto si Aling Salome at humakbang ng dalawa. "Saka magustuhan ka kaya ni Rosario?" sabay baling nito sa anak. "Kaya nga liligawan 'di ba 'nay?" agap na sagot ni Devon. "Ikaw Devon ha, pag-isipan mong mabuti 'yang pumasok sa kukote mo. Ang ayoko lang eh hamakin ang pagkatao mo ng ibang tao, duon ako makikialam at nang makilala nila 'ko." akma ng papasok si Salome nang may ihabol pa si Devon. "Nay, sa sabado na 'yung palabas namin ha. Manunuod din sina Mang Fidel. Isasabay ka na lang nila pagpunta ng eskwelahan. Maaga pa lang andun na 'ko. Iiwan ko na lang 'yung mga free ticket." "Hay naku, 'di ba nakakahiya sa kanila at sasabay pa 'ko?" "Hindi 'nay. Mabait nga 'yung pamilyang 'yun. Sige na 'nay matulog ka na at papanhik na din ako." Simula nuon ay nakaugalian na ni Devon na dumaan kina Rosario sa tuwing galing ito ng paaralan. Iniiisip nina Mang Fidel at Lucila na nakikipagkaibigan lang si Devon sa kanilang anak. Araw-araw din nitong pinapaalala ang araw ng kanilang pagtatanghal. "Alam mo Devon, naalala kong bigla 'yung naramdaman ko sa eskwelahan n'yo nung last rehearsal n'yo. Estudyante kaya 'yung engkanto na 'yun o teacher? Pero sigurado ko na engkanto 'yun." saad ni Rosario nang minsan isang hapon ay dumaan si Devon. "Hindi naman yata nananakit ang engkanto, di hayaan na lang natin 'yun." "Hindi nga nananakit ng pisikal, pero wasak naman ang puso mo." "Wag kang mag-alala, hindi naman niya mawawasak puso ko eh, isa lang kasi kilala nito at hindi na titingin sa iba." saad ni Devon. "Hoy Devon marinig ka nila Daddy't Mommy. Ayan ka na naman ha." mahinang sabi ni Rosario. "Oh bakit? Totoo naman ah. Nga pala, hindi pa ba bumabalik 'yung inutusan mong paniki?" si Devon. "Wala pa, baka nahirapang hanapin si Manang Gala. Ipapaalam ko agad sa 'yo kapag bumalik at kung ano sabi." ani Rosario. "Nagmamadali ka ba?" Nagpawala ng bahagyang pagtawa si Devon bago nito tinuloy ang sasabihin. "Hindi naman. Saka kahit ano sabihin ni Manang Gala, hindi naman magbabago 'yung feelings ko eh." Pilit pinipigilan ni Rosario ang nararamdamang pagkakilig dahil baka makita siya ng kanyang mga magulang anumang sandali. Hanggang sa dumating ang araw ng pagtatanghal nila Devon. Nauna siyang dumating ng paaralan ayon sa kautusan ng kanilang direktor. Papasok na siya ng gate nang matanawan niya ang isang umpukan ng mga estudyanteng kababaihan. Hindi man mga naka-uniporme ang mga 'yun ay natiyak niyang duon sa kanilang paaralan pumapasok ang mga iyon. Bago siya tuluyang pumasok ng gate ay naisipan niyang maki-usyoso sa mga ito. Isang babae ang pinagkukumlumpungan ng mga ito at umiiyak. Walang siyang ideya sa pangyayari kaya't nagtanong siya sa isa sa mga naroon. "Miss, ano nangyari diyan? Nawalan ba ng pera o nadukutan?" usisa niya. "Broken. Eh 'yung boyfriend daw niya na kasabay na manunuod ng play eh may kasama ng iba. 'Yung transferee na pogi." sagot ng napangtanungan ni Devon. "Hmm, baka naman kaklase o kaibigan lang 'yung kasama?" giit pa ni Devon. "Kaya nga ngumangalngal eh di-neny pa siya. Para daw siyang hindi kakilala, as in dinedma. Super sweet pa daw nu'ng boyfriend niya saka 'yung bagong kasama na girl." sagot ng babae. Sumlyap pang muli si Devon sa tumatangis na babae bago siya pumasok sa loob ng gate. Napuna niya na ang sobrang paghihinagpis ng babae. Naisip tuloy niyang sobrang mahal nito ang lalaking nang-iwan sa kanya. "Sayang, ang ganda pa naman niya tapos iiyak sa lalaki." aniya sa sa sarili na pailing-iling. Samantala ay papunta na din sina Rosario at ang mga magulang niya. "Daddy, baka makalimutan mong dadaanan natin ang nanay ni Devon ha." saad ni Rosario na nasa backseat ng kotse. "Hindi. Ako na bababa para naman makamusta ko na din siya." tugon ni Fidel. "Sasama ko Fidel para naman makilala ko nanay ni Devon." mabilis na sambit ni Lucila. "Okay, teka igilid ko lang 'tong kotse." si Fidel. Halos sabay bumaba ng sasakyan ang mag-asawa at diretsong pumasok sa bakuran nila Salome. "Tao po... tao po." sinabayan ng pagkatok sa pintuan ni Fidel ang pagtawag. Naghihintay na talaga si Salome sa pagdaan nila Fidel kaya't pagkatok nito'y naroon na agad siya pintuan. "Ah Salome, kamusta? Asawa ko nga pala si Lucila." bungad ni Fidel. "Magandang hapon." bati ni Lucila. "Ayos naman. Tara pasok muna kayo." anyaya ni Salome. Pinagbigyan naman ng mag-asawa ang anyaya nito. "Eh naimbitihan kami ng anak mo na manood ng play nila. Itong anak naming si Rosario eh gusto daw manuod, naiinip na din kasi sa bahay. Kamusta kayo dito? Taga-saan nga pala napangasawa mo?" inililibot pa ni Fidel ang mga mata sa kabahayan. "Sa Maynila, nakilala ko nu'ng namasukan ako nuong saleslady. Ayos naman, isa lang din naging anak namin, si Devon nga." sagot ni Salome. "Maupo muna kayo. Kape? Timpla ko kayo?" dugtong niya. "Isa nga lang eh ke-pogi naman saka ang bait pa." singit ni Lucila. "Naku 'wag na Salome. Katatapos lang din namin. Tara na, baka naiinip na din si Rosario sa loob ng kotse." si Fidel. Matapos ikandado ang pintuan ay isinabay na nila Lucila si Salome upang sumakay ng kotse katabi si Rosario. Nadagdagan pa ang kanilang pagkukuwentuhan sa loob ng sasakyan. Maging si Rosario ay nagkwento din tungkol sa panunuod nito ng pagsasanay nila Devon sa paaralan. Panay papuri kay Devon ang naririnig ni Salome at napatunayan niya na tama nga ang sinasabi sa kanya ng kanyang anak. Mainit ang naging pagtanggap sa kanila ng mga nasa entrada ng auditorium. Alam ng mga ito na kasamahan nila si Devon at sinamahan pa sila hanggang sa harapan na upuan. Ilang sandali pa ay sinimulan na ang palabas. Hindi na gaanong nasurpresa si Rosario sa kanyang pinapanuod dahil halos iyon na din ang napanood niya nuong huling pagsasany nito. Nasulyapan niya ang mga magulang niya at si Salome na mataang nakatutok sa pinapanuod. Madalas ang mga eksena ni Devon.Banaag niya sa mukha ng mga kasamahan ang paghanga sa pagganap nito. Naging malikot ang kanyang mga mata dahil muli niyang naramdaman ang presensya ng engkanto. Subalit balewala ang kanyang paglinga dahil may kadiliman sa loob ng audotorium. May kakayahan man silang makakita sa dilim, subalit hindi niya matutukoy kung sino ang duon ang engkanto dahil sa dami ng tao. Alam niyang nararamdaman din ito ng mga magulang, pero hindi nila ito bibigyan ng pansin dahil hindi naman ito makakaapekto sa kanila. Nabalik lang ang atensyon ni Rosario sa entablado sa parteng hahalikan na ni Devon bilang si Romeo at si Sally bilang si Juliet. Alam niyang binago ng direktor ang eksenang 'yun ayon na rin sa kanyang suhestyon pero nagka-interes pa din siyang panuoron ito. Naghihiyawan ang ilang kabataan sa nasasaksihang eksena, lalo na ng unti-unting naglalapit ang mga mukha nina Devon at Sally. Nang malapit na ang mga labi nito sa isa't-isa at unti-unting dumidilim sa entablado. Sa pagpatay ng ilaw ay naaaninaw pa din ni Rosario na naglapat ang labi ng dalawa na dapat at wala na sa eksena. Alam niyang nabitin ang mga tao sa eksenang 'yun subalit nakita pa din 'yun ni Rosario. Kahit malamig sa loob ng auditorium ay nakaramdam ng init si Rosario. Alam niyang nagseselos siya. Mahaba pa ang mga eksena pero tuluyan ng nawala ang interes niya sa panunuod. Halos maputol na ang ngipin niya sa sobrang ngitngit niya. Natapos ang palabas, naglabasan mula sa likod ng entablado ang mga nagsipagtanghal. Maging ang direktor. Naghawak-hawak ito ng mga kamay at sabay-sabay na yumuko para sa pagpapaalam sa mga manunuod at pagpapasalamat. Tayuan naman lahat ng mga manunuod habang pumapalakpak maliban kay Rosario. Dahil nasa harapan silang upuan, napansin ni Devon ang hindi pagpalakpak at pagtayo ni Rosario. Naiintindihan niya ang hindi pagtayo nito dahil sa kapansanan nito sa paa pero naaninag din niya ang nakasimangot nitong mukha. Napuna ni Rosario na nilingon siya ng kanyang ina kaya't kahit paano ay pumalakpak siya pero bilang na bilang lang 'yun at ni hindi 'yun tumunog. Nanatiling tahimik si Rosario haggang sa palabas na sila ng paaralan. Hindi nawawala sa isipan niya ang eksenang pagdidikit ng labi ni Devon at ni Sally. "Devon." sabay-sabay silang napalingon sa pinanggalingan ng boses. Si Sally. "Devon, congrats sa 'tin. Dahil daw sa success ng palabas ang dami daw nagre-request for another play sabi ni direk. Thank you po inyong lahat." bati ni Sally sa grupo nila. "Sige Devon, bye." yumakap pa ito kay Devon. At bago tuluyang umalis ay nag-iwan pa ito ng makahulugang ngiti kay Rosario. Lalong nag-umigting ang ngitngit ni Rosario pero ayaw niya itong ipahalata sa mga kasama. "Tara, kumain muna tayo. Ang galing mo Devon. Hindi ko akalain na magagawa mo 'yun ah. Mukha ka talagang artista sa stage." ani Mang Fidel. "Artista naman talaga siya." singit ni Lucila. "Ibig kong sabihin, para siyang artista sa tv o pelikula. Kinontra mo na naman ako Lucila." saad ni Fidel na nauwi sa pagtatawanan. "Tara, sabihin n'yo kung saan n'yo gustong kumain ha." dugtong ni Mang Fidel. Nang palakad na silang muli ay sinadya ni Rosario na itukod ng mariin ang dulo ng saklay nito sa paa ni Devon. "Araay." daing agad ni Devon na muling nagpalingon sa lahat maliban kay Rosario. "Sorry." madiin din ang pagkakasabi ni Rosario nu'n. "Hindi ko alam na didikit pala."
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD