Chapter 9

2036 Words
Sa pamamagitan ng cellphone ay nagkausap sina Devon at Rosario kung paano ang kanilang gagawing pagpapaalam sa mga magulang ni Rosario sa pagsama nito sa huling rehearsal ng dula ni Devon. Hindi naman nag-aksaya ng panahon ang dalawa sa kanilang plano kaya't sinimulan agad nila 'yun kinabukasan. Nanibago ang mag-asawang Lucila at Fidel sa pagtambay ng kanilang anak sa may veranda ng hapon na 'yun. Inisip na lang nila na maaaring naiinip ito na nasa kanyang kwarto lang palagi. "Anak, buti naman at naisipan mong lumabas? Maputla ka na kapipirmi duon sa itaas. Mas mainam kun ,sa umaga ka nand'yan para naarawan ka kahit sandali. Hindi ka naman iitim." hindi nakatiis si Mang Fidel kaya't binati nito ang anak na kasalukuyang nagdududutdut ng kanyang cellphone. "Sige minsan Daddy, papanuorin 'ko kayo ni Mommy habang nagdidilig kayo ng mga halaman." sagot ni Rosario na nanatiling nakatuon ang mga mata sa cellphone. Nang mga oras namang iyon ay nasa labas ng gate ni Devon at nagkakandahaba ang braso nito hawak ang cellphone na kunwari ay naghahanap ng signal. Naka-uniporme pa din ito galing sa eskwelahan. Hinihintay ni Rosario na mapansin ito ng kanyang ama. "Lumapit ka pa ng kaunti sa gate." tinext agad ni Rosario si Devon na nabasa naman agad ng huli at siya ngang ginawa nito. "Oh, ano ginagawa ni Devon du'n?" puna ni Mang Fidel nang makita ang binata sa labas ng kanilang malaking gate. "Ay, wala sigurong signal sa kanila." patay-malisya namang sagot ni Rosario. "Buti dito sa 'tin malakas ang signal." dugtong pa nito. "Teka nga, puntahan ko lang. Baka importante 'yung kailangan nitong batang 'to." tumayo agad si Mang Fidel at nilapitan si Devon. Nangiti ng lihim si Rosario. Nagtagumpay sila sa plano nila ni Devon. Natanawan na lamang niya na pinapapasok na ito ng kanyang ama  sa kanilang bakuran. Sa sulok ng mga mata niya ay nakita niyang papalapit na ang dalawa sa kanyang kinauupuan. "Upo ka Devon." wika ni Mang Fidel pagsapit nila sa upuan sa veranda. "Rosario, ibigay mo nga kay Devon 'yung password ng wifi natin at kailangan niyang i-check kung kailan daw 'yung final practice nila ng play nila. Kilala mo naman si Devon 'di ba?" baling ni Mang Fidel sa anak. "Devon, anak ko nga pala si Rosario." pakilala ni Mang Fidel sa anak. "H-hi Rosario." bati naman ni Devon na kunwari ay nuon lang sila nagkausap. "Mang Fidel, baka nga po pala gusto n'yong manuod ng play namin. May lima po akong libreng tiket. Eh si nanay lang naman ang manunuod sa 'kin. Baka gusto n'yo pong manuod. Romeo and Juliet po, ako ang gaganap na Romeo." turan ni Devon. Siya namang paglabas ni Lucila. "Romeo and Juliet ba kamo? Aba, Rosario 'di ba 'yan 'yung kwentong binabasa mo nu'ng isang umaga? Gusto mo bang manuod? Libre naman daw sabi ni Devon." aniya. "Eh okay lang po ba sa inyo? Gusto ko po talaga 'yung kwento na 'yun, isa pa para naman mapasyal naman ako." kunwari ay matabang ang sagot ni Rosario pero ang totoo ay tuwang-tuwa siya. "Ikaw nga tinatanong namin." anang Lucila. "Eh kailan ba 'yan Devon?" baling nito sa binata. "Itong weekend na po. Final praktis nga daw po namin bukas. Eto po oh, kababasa ko lang. Malakas pala signal dito sa inyo." saad naman ni Devon na kunwari ay may nabasa sa cellphone niya. "Naiinip ka ba dito Rosario? Gusto mo sumama ka bukas, panuorin mo, final rehearsal namin, naka-costume na din kami nu'n. Sasabihin ko sa direktor namin na kaibigan kita." dugtong pa ni Devon. "Hmm, gusto ko sana. Eh ewan ko lang kung papayagan ako nila mommy at daddy." nilungkutan pa ni Rosario ang boses niya. Nagkatinginan naman ang mag-asawang Lucila at Fidel. "Sa 'kin okay lang. Kilala naman natin na si Devon. Ewan ko dito sa daddy mo." saad ni Lucila. "Eh kung gusto mo talaga anak eh sige, ihahatid kita. Mahirap na kapag nag-tricycle ka lang." dugtong ni Fidel sa sinabi ng asawa. "Wala naman po akong pasok bukas, rehearsal lang po namin. Baka pwede na din po akong sumabay Mang Fidel." nakangiting turan ni Devon. "Mas mainam kung ganu'n, para may kasama si Rosario pagpasok ng paaralan. Devon, alam mo naman ang kondisyon nitong anak ko ha. Ikaw na bahala." saad ni Mang Fidel. "Daddy naman ginawa mo naman akong bata. Ang tanda ko na eh. Saka may saklay naman ako. Kayang-kaya ko sarili ko." sagot agad ni Rosario. "Oh sige. Sabagay, baka nga kung hindi ka ganyan eh kung saan-saan ka na nakarating." natawa pang bahagya si Mang Fidel. "Oh sige, basta Devon ha mag-ingat kayo. Gagabihin ba 'yan?" si Aling Lucila. "Medyo po. Dapat po kasi ma-perfect na po namin. Pero marami naman pong tricycle sa bayan kahit po gabi. 'Wag po kayong mag-alala." mabilis na sagot ni Devon. "Oh siya, sige iwan ko muna kayo dito. May gagawin lang ako sandali." paalam ni Mang Fidel. "Teka Fidel, may ginagawa ako sa kusina." si Aling Lucila. "Sige mommy, okay lang. Tanong ko na lang kay Devon 'yung eksaktong oras bukas para makapaghanda ako." si Rosario. "O siya, sige Devon mag-usap muna kayo ni Rosario ha. Iwan ko muna kayo." saad ni Lucila at tumungo na ulit ito sa loob ng bahay. Nagkangitian ang dalawa dahil nagtagumpay ang kanilang plano. Ipinakita nila sa mga magulang ni Rosario na nagkapalagayan na sila ng loob. Ilang sandali pa ay nagpaalam na din si Devon. Gaya ng napag-usapan, sabay na nagpunta ng paaralan sina Devon at Rosario. Matapos silang ihatid ng kotse ni Mang Fidel ay iniwan na sila nito. Napansin ni Rosario na hindi ganuong kalaki ang kolehiyong pinapasukan ni Devon. Limitado lang ang mga kursong  itinuturo doon ayon kay Devon. Isa pa, ito ay pribado kaya't hindi lahat ay may kakayahang makapag-aral, nagkataon lang na nakuhang artista sa teatro si Devon na naging dahilan para maging iskolar siya. Nakiwento din ni Devon na ang kinikita ng kanilang pagtatanghal ay ginagamit sa pagpapatayo ng gusali at pagpapaganda pa ng kanilang paaralan. Kaya't ang bawat mag-aaral ay obligadong bumili ng tiket, ang ibang mga opisyal ng bawat classroom ay nagbebenta pa. Pagpasok pa lang ng gate ng paaralan, napuna agad ni Rosario na maraming babae na tumitingin at bumabati kay Devon. "Kakilala mo ba lahat 'yung bumabati sa 'yo?" tanong ni Rosario matapos makipag-usap ni Devon sa guwardiya upang ipagpaalam na may kasamahan siya. "Hindi naman lahat." maiklling tugon ni Devon. "Ibig sabihin peymus ka dito, ganu'n?" nakangiting tanong ni Rosario. Hindi rin nila nalingid sa kanila ang mga lalaking pumupuna kay Rosario, pati na ang mga sinasabi ng mga ito kapag napadaan na sila, mahina man ay dinig pa din nila. "Ganda naman ng kasama ni Devon kaso pilay naman." karaniwang mga naririnig nila. Nang biglang mapahinto si Rosario. May kakaiba siyang nararamdaman sa lugar na iyon. Nag-alala naman agad si Devon sa ikinilos ng kasama. "B-bakit? Sumakit ba paa mo?" mabilis na tanong ni Devon. "H-hindi Devon. May engkanto dito sa loob ng paaralan n'yo. Pero hindi ganu'ng kalakas ang kapangyarihan niya." tugon ni Rosario na ikinagulat ni Devon. Nilinga nito sa paligid ang mga mata, marami siyang nakikitang mga gwapong lalaki at naggagandahan ding babae. Hindi niya matukoy kung sino sa mga 'yun. "N-nakikita mo ba?" si Devon. "H-hindi Devon. Pero nandito lang siya. Hindi ko din alam kung lalaki o babae siya pero meron dito, sigurado ko." umakma na ulit sa paglakad nang biglang may sumulpot sa kanilang harapan. "Hi Devon. Akala ko late na 'ko."  bati ng babaeng galing sa likod nila. "Ah kadarating ko lang din. Nga pala, si Rosario, friend ko. Rosario, si Sally, kasama ko sa teatro, siya 'yung gaganap na Juliet."  pakilala ni Devon. "Hi." bati ni Rosario kay Sally na sinamahan pa niya ng ngiti. Pero hindi siya nito binati, sa halip ay hinagod lang siya ng tingin nito mula ulo hanggang paa. "Ah Devon, mauna na 'ko. Mas matagal isuot ang costume ko eh, saka mukhang matatagalan pa kayo bago makarating ng auditorium." wika nito. Bago lumakad ay sumulyap pa ito sa paa ni Rosario. "Yabang naman nu'n. Hampasin ko kaya nitong saklay ko." turan ni Rosario kay Devon nang bahagyang nakalayo na si Sally. Natawa ng bahagya si Devon bago ito sumagot. "Pabayaan mo na lang. Feeling sikat din kasi dito sa campus 'yun. Baka na-insecure sa 'yo kasi mas maganda ka sa kanya." Kinilig naman si Rosario sa tinuran ng binata. "Pilay pa 'ko niyan ha. Pa'no pa kung maayos ang paglalakad ko?" sakay naman ni Rosario sa biro ni Devon. "Panis na silang lahat kapag ganu'n." sabay tawa ni Devon. Nagpatuloy sila sa paglalakad nang may grupo ng kababaihan na dumaan sa kanilang harapan. "Nakita niyo ba 'yung transferee? Ang gwapo 'di ba? Tara, nanduon daw sa canteen, mag-isa lang daw du'n." kinikilig na saad ng isa sa grupo. Nagmamadali pa ang mga kababaihan. "Ayun na si Devon kung sino-sino pa hinahanap n'yo." narinig pa nila nang papalayo na ang grupo. "Hearthrob ka siguro dito noh?" tanong ni Rosario nang magpatuloy lumakad. "Hindi ko alam. Sabi ko sa 'yo simple lang ako 'di ba?" nakangiting tugon ni Devon. Pagsapit nila ng auditorium ay naging tampulan ng pansin ang kanilang pagpasok dahil si Devon na lang ang hinihintay. Tanging ang mga tauhan lamang sa dula ang nasa sa loob at nasa entablado na din ang mga ito. Ang direktor ay nasa harapan at may mga mangilan-ngilan na kasama sa produksiyon ng palabas. "Direk, kaibigan ko po. Eh isinama ko pong manuod para po ma-criticize niya 'yung pag-arte ko. May alam din po kasi siya sa teatro. Eh baka po pwede dito na muna siya sa tabi n'yo habang nanunuod po." wika ni Devon sa direktor at professor din sa paaralang 'yun. Ikinabigla ni Rosario ang pagkakasabi ni Devon na may alam siya sa teatro pero hindi niya ito ipinahalata sa kaharap na direktor. "Ah sige, tara maupo ka hija. Mas mainam nga 'yung may nagsasabi kung maganda o kulang ang mga eksena." alok nito kay Rosario. "Saka bata pa siya, tiyak na mas advance ang alam nito." tugon ng direktor kay Devon. "Salamat direk." pilit naman ang pagkakangiti ni Rosario. Pinakita pa niya kay Devon ang pagsalubong ng kanyang kilay bago ito pumanhik ng entablado. Sinundan pa ni Rosario ng tingin si Devon, kahit malayo ay natanawan niya ang kapareha nitong si Sally. Nang magtama ang tingin nila ay umirap pa ito sa kanya. "May attitude ka ha. Sige artehan mo pa 'ko." sa loob-loob ni Rosario. Sinimulan ang pag-ensayo. Pinatay ang ilaw sa entablado, pagbukas nito ay ipinakita ang unang senaryo, si Devon bilang si Romeo. Hinangaan ni Rosario ang pagkakagayak ng entablado, maging ang mga costume na ginamit. Pati ang pagpapalit ng senaryo ay mabilis ding napapalitan ang gayak sa entablado. Mahuhusay din ang mga artista, lalong nadagdagan ang paghanga niya kay Devon dahil sa kakisigan nito sa suot nitong costume at sa pag-arte nito na parang totoo. Mahusay man si Sally ay kinainisan niya agad ito dahil sa pinakitang ugali sa kanya. "Direk, ang galing mo ha. Napaka-advance ng mga alam mo." pambobola ni Rosario sa direktor na ikinatuwa naman ng huli. Nalilibang si Rosario sa mga eksena, tuloy-tuloy dahil kabisado ng lahat ang gagawin. Hanggang dumating sa punto na hahalikan na ni Devon ang kapareha nito. Nakaramdam ng selos si Rosario. Hindi niya hahayaan na makita si Devon na may halikan kahit pag-arte lamang ito. "Cut!" biglang sigaw ni Rosario. Nabigla ang lahat ng nasa loob ng auditorium. Maging ang direktor ay napalingon kay Rosario na takang-taka sa ginawa nitong pagputol sa pag-eensayo ng dula. "Ah direk sorry, k-kasi po ano. Y-yung ganyang kissing scene eh dapat patakaw lang sa audience 'yan. 'Y-yung tipo bang kapag maglalapit na 'yung mga labi tapos unti-unting nagfe-fade 'yung ilaw hanggang sa dumilim. H-hindi naman talaga kailangang magdikit 'yung lips nila. Paano kung may batang makapanuod 'di po ba? Saka live po ito at isa pa, halos mga estudyante po ang audience n'yo. Saka understood na sa audience 'yun na magki-kiss sila." nauutal man ay nagpaka-propesyonal si Rosario sa kanyang sinabi . "Suggestion ko lang po 'yun direk." dugtong agad nito. Napatango-tango ang direktor habang nakikinig kay Rosario. "May point ka hija. Maganda 'yang suggestion mo." sambit nito. Natawa ng lihim si Rosario dahil nakita niya ang pagsimangot ni Sally. Muling pinaulit ng direktor ang eksena at sinunod ang sinabi niya. Ikinainis ni Sally ang pagkakabago nu'n at alam niyang kagagawan ito ni Rosario dahil kausap nito ang kanilang direktor. May lihim siyang pagtingin kay Devon at hinihintay niya ang eksenang 'yun upang maramdaman niya ang inaasam na mga labi ng kanyang itinatangi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD