Chapter 8

2214 Words
"Okay sige. Basta professional lang ha. Walang malisya." sambit ni Devon at pumwesto na siya para simulan na nila ni Rosario ang pag-eensayo. "Oo nga, dali na. Seryoso na. Internalize. Simulan mo, ikaw ang una sa script." si Rosario. Sineryoso ni Devon ang mukha nito, kapagdaka'y nagsimula ito sa pagtitig lang kay Rosario. "Juliet." si Devon. "Romeo." si Rosario na nakatitig lang din sa mukha ng kaharap. "Mahal na mahal kita Juliet." humawak pa ang isang kamay ni Devon sa kanyang dibdib. "Mahal na mahal din kita Romeo." mabilis na sagot ni Rosario. Dahan-dahang lumapit si Devon kay Rosario, nang halos magkadikit na ang sila ay yumakap siya kay Rosario. Imbes na kamay ang ipanghawak ni Rosario, ang kanyang mga pakpak ang ipinangyakap niya habang ang mga braso niya ay itinabing niya sa kanyang katawan. Nakaramdam ng pagkaasiwa si Devon dahil sa kakaibang pakiramdam ng mga pakpak na nakayakap sa kanya. "Pwede bang time-out? Cut muna." saad ni Devon. "Oh bakit? Ano ba namang artista 'to?" sabay buka ng pakpak ni Rosario upang pawalan si Devon. "Kinikilabutan ako sa pakpak mo eh." napakamot pa ng batok si Devon. "Inaano ka ba ng pakpak ko? Niyakap ka lang naman." napakunot ang noo ni Rosario. "Eh basta. Parang ang lamig kasi ng pakpak mo. Pwede ko bang mahawakan 'yan?" si Devon. "Sige. Hawakan mo." sagot agad ni Rosario. "May pakiramdam ba 'to?" tanong ni Devon habang dahan-dahan niyang inilalapit ang mga kamay niya dito. "Aba'y natural, part ng katawan ko 'yan." mataray na sagot ni Rosario. "Kahit nga 'yung kalahati ng katawan ko, kapag may humawak nu'n mararamdaman ko pa din, kahit malayo sa 'kin. Eto pa kayang nakakabit mismo sa 'kin." Marahang hinimas-himas ni Devon ang pakpak ni Rosario. "Ayan, nararamdaman mo?" aniya. "Oo nga. Ginawa mo pa 'kong aso. Nararamdaman ko din 'yung lambot ng palad mo. Ano? Maghihimasan na lang ba tayo o itutuloy natin ang praktis mo?" "Okay sige, may gusto pa kasi kong itanong sa 'yo eh. Du'n tayo sa naputol na linya 'yung magkayakapan na. Sige iyakap mo na ulit 'yung pakpak mo." saad ni Devon na muling lumapit kay Rosario. "Okay game. Aaaaaction." sambit ni Rosario at bigla niyang iniyakap muli ang mga pakpak niya. Isinandig pa niya ang mukha sa balikat ni Devon. Ilang sandali pa'y inihiwalay ni Devon ang kanyang mukha at muli itong nagwika. "Habambuhay tayong magsasama Juliet." mahina subalit puno ng emosyon ang mga salita ni Devon habang nakatitig siya sa mga mata ni Rosario. "Kamatayan lang ang makakapaghiwalay sa aton Romeo, mahal na mahal kita." ginaya ni Rosario ang pagkakasalita ni Devon. Matapos ay tumungo ang mga mata ni Devon sa mga labi ni Rosario. Nanginginig siya pero kailangan niyang ituloy ang nakalagay sa script. Gayundin si Rosario, naghihintay na lamang siya ng pagdampi ng labi ni Devon. Nararamdaman na nila ang init ng hininga ng iaa't isa. Papikit na sana si Devon upang ilapat niya ang mga labi kay Rosario nang matanawan niyang may mga paniki na nakakapit sa itaas ng kanyang bintana. Mistulang kurtina iyon sa pagkakahilera at pagkakadikit-dikit. Natanaw din niyang nakatingin ito sa kanila. Bigla siyang napapitlag na naging dahilan upang ibuka ni Rosario ang kanyang mga pakpak. Nabakas ni Rosario ang pagkabigla sa mukha ni Devon habang nakatingin ito sa bintana. Sinundan niya sang direksyon ng mga mata nito at nakita niya ang mga paniking nanunuod sa kanila. "Ik ik ik ik ik ik ik." wika ni Rosario sa mga paniki. Nagitla si Devon dahil narinig niyang sumasagot ang mga paniki sa uri ng pakikipag-usap ni Rosario sa mga ito. "Ik ik ik ik ik ik ik ik." muling sambit ni Rosario sa mga ito at isa-isa itong nag-alisan. "Bwisit na mga paniki na 'yun. Kanina pa pala d'yan, nanunuod daw sila. Nagpapaalam pa." baling ni Rosario kay Devon. "N-nakakausap mo mga paniki? N-nagkakaintindihan kayo?" hindi makapaniwalang tanong ni Devon. "Obvious ba? Ayun nga oh pinaalis ko na." si Rosario. "T-teka, malamang ikaw 'yung nag-utos na habulin ng mga paniki 'yung mga lasenggero diyan noh?" naroon pa din ang pagkabigla ni Devon. "Korek. Ayun, mga nawala ang mga lasing nu'ng hinabol sila." natawa pa si Rosario sa sagot niya. "Teka nga, mag-usap muna tayo. A-ano pa ba ang dapat kong malaman sa 'yo? Ano pa ba kapangyarihan mo? Bukod diyan sa nakakalipad ka, nakakausap mo ang mga paniki, nararamdaman mo ang mga engkanto." bahagyang lumayo si Devon sa kinauupuan. "Eto naman po tayo sa question and answer portion. Okay sige, pero maiba 'ko, okay na 'yung acting na 'yun. Pasado ka na sa 'kin. S-saka tama lang din ang tiyempo ng mga paniki, eh halos dumikit ka na sa lips ko. Kapag ganu'n dadayain mo na lang sa anggulo, kunwari eh magkadikit kayo ng labi nu'ng kapartner mo." sambit ni Rosario. "Eh paano kung natuloy 'yung halik ko sa 'yo?" tanong ni Devon na naglabas ng simpatikong ngiti. "Hmm, nasa sa 'yo na 'yun kung nagte-take advantage ka o for the sake of art lang. Basta ako, acting lang talaga. Ewan ko lang ikaw ah." pairap-irap ni Rosario habang nagsasalita. "Oh ano pa gusto mong malaman?" "Ikaw na magkwento, 'yung mga hindi ko pa alam tungkol sa 'yo." umayos na pagkakaupo si Devon sa kanyang kutson. "Ano pa ba? Teka." humugot ng buntong-hininga si Rosario. "Ah okay, ang pakpak namin, hindi lahat kulay itim. May ibang kukay puti, lahing albino 'yung mga 'yun. Sinubukan ko ng gamitan ng likas papaya 'to, pero hindi na daw talaga puputi ito sabi ni mommy. Isa pa, mas malakas kami ng sampung beses kapag nakalabas ang pakpak namin. Halimbawa, kung magkakabit ang katawan ko hindi kita kayang buhatin pero kapag ganito ako, kahit isang kamay kaya kitang buhatin at ihagis." Napapanganga si Devon sa mga sinasabi ni Rosario. Nagsawalang kibo siya habang naghihintay pa ng kwento nito. "May sariling buhay din ang kalahati naming katawan, pero dapat nakikita namin. Halimbawa nakikita ko 'yung kalahati ko, kapag sinabi ko sa isip ko na lumapit siya, lalapit sa 'kin 'yun. Kapag sinabi kong sumipa siya, sisipa 'yun, o tumakbo tatakbo 'yun kasi ako din 'yun. Kontrolado din ng utak namin 'yung nakahiwalay sa 'ming katawan. Eto lang ang isang pinangangamba namin, hindi kami pwedeng lumabas ng umuulan. Dahil kapag nabasa kami, kahit ayaw namin, kusang lalabas ang mga pakpak namin at mahahati ang aming katawan." patuloy ni Rosario. "G-ganu'n? Eh p-paano kapag naliligo kayo?" puno pa din ng pananabik at pagkagitla ang tono ni Devon. "Ade, ganu'n nga nangyayari. Kaya nga maluwag ang banyo namin. Saka time namin 'yun para linisin namin 'yung mga pakpak namin. Ayan oh, 'yung mga singit na 'yan, nagkakalibag din 'yan. Saka mas madali nga naming malinis katawan namin kasi hati 'di ba? Hindi namin kailangang yumuko para maglinis ng paa. Pati 'yung ano namin nalilinis naming mabuti." natatawang kwento ni Rosario. "Anong ano?" agap na tanong ni Devon. "Yung ano, 'yung singit namin, saka likod ng binti, alak-alakan. 'Yan ang mahirap linisin aminin mo." tugon ni Rosario. "Ano pa?" tanong ulit ni Devon. "Hmm, nasabi ko na yata sa 'yong lahat eh. Ayy teka, nakakahalata na 'ko eh. Lagi ikaw nagtatanong. Siguro naman pwede na 'kong magtanong ngayon." nakangiting saad ni Rosario. "Oh, ano naman ang itatanong mo sa 'kin? Hindi naman interesting ang buhay ko. Ganito lang naman ako, simple lang. Bahay-eskwela lang ako. Teatro, kasi kailangan ko 'to. Ito kasi nagpapa-aral sa 'kin. Full scholar kasi 'ko dahil dito. Minsan nagsisimba 'ko kapag linggo du'n sa bayan, pero kapag walang pamasahe dito na lang ako sa bahay nagdarasal. Paminsan-minsan nagpupunta 'ko sa mga barkada ko diyan sa malapit lang. Ayun, ganu'n lang ang buhay ko." saad ni Devon. "Hmm, wala kang lovelife? Hindi mo yata naikwento 'yun?" napahalukipkip si Rosario. "Wala ngayon eh. Graduating kasi 'ko ng Computer Science. Saka sunod-sunod ang teatro namin. Pagkatapos nito may kasunod na naman. Sinusulit yata ng school ang pinampapaaral sa amin. Kaya ayun, wala akong time sa lovelife." sagot ni Devon na pinaniwalaan naman ni Rosario dahil nakita niya ang sinseridad sa pagkakasabi nito. "Sa itsura mong 'yan? Parang hindi yata ako naniniwala." pagpupumilit pa din ni Rosario. "Wala nga. Kahit tingnan mo pa cellphone ko. Wala akong ka-chat, wala akong katext. Saka wala naman akong natitipuhan ngayon eh." salaysay pa ni Devon. Nakaramdam ng tuwa si Rosario sa narinig niya mula sa binata. Subalit agad napawi 'yun dahil hindi rin siya sigurado kung magugustuhan siya nito sa kabila ng pagkakakilala nito sa pagkatao niya. "Oh bakit natahimik ka na? Naniniwala ka na noh." wika ni Devon. "Teka, nakakwentuhan ko nga pala Daddy mo kanina, nalaman ko 'yung tungkol sa aksidente mo. Sumasakit pa ba hanggang ngayon?" "Hindi masakit, nakakangawit na laging nakadiretso. Lalo na kapag nakatayo ako. Bakit ka nga pala nagawi sa 'min kanina?" "Nagwalis kasi 'ko ng bakuran. Nakita ko ang laki na ng pinagbago ng bahay n'yo. Ayun, napalapit ako kasi gusto ko nga makita ng malapitan. Eh nakita 'ko ng daddy mo, niyaya na 'kong magkape." "Kaya pala pagdungaw ko ulit wala ka na." "Bakit? Hinahanap mo ba 'ko?" "H-hindi ah. Natural nakita kitang pumunta, pero pagdungaw ko ulit, nakaalis ka na daw. Tinatanong nga ako kung kilala kita. Sabi ko hindi. Sabi ko lang narinig ko lang pangalan mo nu'ng kumakain tayo nu'ng naglilinis pa lang ng bakuran." "Hmm, Rosario ano pakiramdam ng lumilipad?" muling tanong ni Devon. "Masarap, masaya. Pakiramdam mo malaya ka. Kaya lang, kapag nakita nila pakpak ko, eh hindi na 'ko malaya nu'n. Tiyak ha-hunting-in na 'ko. Buti dito hindi masyadong matao sa gabi kaya medyo kampante 'ko." "Oo maaga natutulog mga tao dito. Alas sais pa lang naghahapunan na kaya pagdating ng alas siete, mga nakahiga na 'yung iba." "Tara." nakangiting aya ni Rosario. "Huh? Saan?" napamaang na tanong ni Devon. "Lilipad tayo. Para maramdaman mo kung paano lumipad. Tara na, 'wag ka na mag-isip." ulit ni Rosario. "Ih, nakakatakot. Baka malaglag ako." "Ako bahala, basta kumapit ka lang. Ano ba sabi ko sa 'yo? Malakas kami kapag ganito. Tara na." umakma na si Rosario sa bintana. "Bilisan mo at baka may makakita pa sa 'kin dito. Pumasan ka sa 'kin. Kumapit ka sa leeg ko ha. Pero 'wag mo 'kong sasakalin." "S-sigurado ka ha? Kaya mo 'ko ha?" bantulot man ay pumwesto na sa likod si Devon at inakbay ang dalawang braso niya sa balikat ni Rosario. "Oh paghawakin mo ngayon 'yung mga kamay mo para siguradong hindi ka malalaglag." turan ni Rosario na akma ng palipad. "Ready ka na ha?" "O-okay sige." napapikit ng mariin si Devon ng magsimulang ipagaspas ni Rosario ang mga pakpak nito. Hindi man niya niya nakikita pero nararamdaman niyang umaangat sila. Pataas ng pataas. Lalong napahigpit ang yakap niya kay Rosario. "Oh hindi ka na nagsalita? Dito na tayo sa taas." wika ni Rosario. "Talaga? Nakapikit ako eh." tugon ni Devon. "Ngek, dumilat ka para makita mo." sabi ni Rosario. Unti-unting idinilat ni Devon ang mga mata niya. Laking gulat niya nang makita kung gaanong kataas ang layo nila mula sa ibaba. Sa una ay nakaramdam siya ng lula. Pero dahil sa banayad na paglipad ni Rosario ay unti-unti niyang naramdaman ang kakaibang saya habang nasa himpapawid. "Rosario, we're flying." wika niya. "Yes Jack.. este Devon. Lakas maka-titanic ha." tugon ni Rosario. "A-ang ganda." manghang wika ulit ni Devon. "Sino?" tanong ni Rosario. "Anong sino? Ang ganda 'kako kapag pala nandito ka sa itaas." tugon ni Devon. "Hmp." ismid ni Rosario at dinaan niya sa pagkanta-kanta habang nililibot nila ang paligid ng kanilang baryo. " Near... far... whereever you are..i believe that my heart does go on..once...more yo open the door... and you're here in my heart and my heart will go on and on..." Hindi na nangahas si Rosario na lumayo. Kaya't ilang ikot pa ay muli na niyang ibinalik si Devon sa bahay nito. "Ano? Nag-enjoy ka ba?" wika ni Rosario na hindi na pumasok sa loob ng kwarto ni Devon. Inilapag na lang niya ang katawan sa pinagkakalangan ng bintana ng kwarto nito. "Sobra. Grabe. Salamat Rosario ha." nangingislap ang mga mata ni Devon habang sinasabi 'yun. Hindi niya maitatanggi ang mas tuminding paghanga niya kay Rosario. Habang sila ay lumilipad ay dumadampi sa kanya ang mabangong buhok ni Rosario. Pati ang makinis nitong balat sa leeg ay damang-dama niya. Sa tuwing ito'y nagsasalita ay naaamoy din niya ang mabangong hininga nito na lalong nagpaakit sa kanya. "Paano? Aalis na 'ko ha. Saka 'yung pinag-usapan natin kanina habang lumilipad tayo, isasama mo 'ko sa final rehearsal n'yo ha." paalam ni Rosario. "Sige, isip tayo ng paraan kung paano kita ipagpapaalam sa inyo. Basta tulungan mo din ako ha." nakangiting tugon ni Devon. "Okay sige." akmang palipad na si Rosario nang muli siyang tawagin ni Devon. Humarap siya muli dito habang nakatuntong pa din ang katawan niya sa bintana. "Ano 'yun?" "Last na tanong na. Naisip ko lang. P-pwede bang magkatuluyan ang isang normal na tao at isang manananggal?" matamis ang ngiti ni Devon sa pagkakatanong na 'yun. Kumabog ng malakas ang dibdib ni Rosario sa tanong na 'yun. Tila nahipnotismo siya sa mga ngiti at titig ni Devon. Hindi agad siya nakasagot sa tanong nito. Pakiramdam niya ay nanlalambot siya. Nalimutan niyang nasa bintana siya at hinimatay siyang bigla sa sobrang pagdiriwang na nararamdaman ng puso niya. Lumagpak siya sa lupa ng nakatalikod. Mabilis namang dumungaw si Devon upang tingnan ang nangyari kay Rosario. Inabutan niyang naka hilata ito at nakalatag ang mga pakpak. "Rosario..Rosario." pigil niyang sigaw dito. "Araaay. Oh? Okay lang ako. S-sige. K-kaya ko na 'to. Nawalan lang ako ng panimbang." sagot ni Rosario na dumadaing. Pagkabaliktad nito ay mabilis na itong lumipad pauwi. "Nawalan ng panimbang? Ngayon lang ako nakarinig ng manananggal na nawalan ng panimbang. Wala namang paa, eh nawalan ng panimbang." sabi ni Devon sa sarili na nakakunot-noo.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD