Pagmulat ng mata ni Rosario kinaumagahan ay kaharap na nito ang kanyang ina na si Lucila sa loob ng kwarto. Nakapameywang pa ito na tila hinintay talaga ang paggising niya.
"Anong ipapaliwanag mo ngayon aber? Baka ilang beses mo ng ginagawa 'yun eh hindi pa namin alam. O baka gusto mong mangyari eh isang umagang paggising namin eh may tama ka na ng baril o kaya eh sibat. Sabagay hindi na uso sibat ngayon. Yun ay kung buhay ka pa." ratrat agad ni Lucila sa pupungas-pungas pang si Rosario.
"Mommy ang aga naman niyan. Ang sakit pa ng mga kurot mo tapos almusal ko agad eh sermon?" padabog na umupo si Rosario sa kama na gusot pa ang buhok.
Humakbang pa ng kaunti si Lucila palapit sa anak. "Eh ano gusto mo? May oras ba ang pag-sermon? O baka gusto mong ang Daddy mo pa ang kumastigo sa 'yo? Rosario, binalaan ka na namin dati, ayan ka na naman, umulit ka na naman. Saan ka pa ba nagpupunta? Sabihin mo sa 'kin kung saan mo gustong pumunta at yayayain ko Daddy mo ngayon din." patuloy ni Lucila.
"Nagpalipas lang naman ako ng sama ng loob." umirap pa si Rosario.
"Aba, at ano naman ang ikinasama mo ng loob? Sige nga magsalita ka." napataas pa ang boses ni Lucila.
Naisipang mag-drama ni Rosario. "Mommy, bakit ba bawal ang umibig ang isang kagaya ko sa isang kagaya ni Devon? Anong batas ba ang nagbabawal kung sakaling ang dalawang tao eh nagmamahalan? Gusto n'yo bang magaya din kami kay Romeo at Juliet? Kay Crisostomo Ibarra at Maria Clara? O kay Romnick Sarmenta at Sheryl Cruz?"
"Baka gusto mong magaya kay Judy Ann Santos sa Mara Clara at Sharon Cuneta sa Bukas luluhod ang mga Tala kapag hindi ka naglubay diyan sa kaartehan mo. Pati si Romnick at Sheryl na idol ko eh dinamay mo pa." tugon ni Lucila.
"Eh mommy naman kasi eh." isinaldak pa ni Rosario ang puwitan sa kama.
"Tumayo ka na diyan, mag-aalmusal at kakausapin ka ng Daddy mo. Lumipad ka na para mabilis. Dali na. Tayo na." malakas na sabi ni Lucila.
"Eto na nga po." sagot ni Rosario na nagsimula nang bumaba ng kutson.
Hindi agad nagsalita si Mang Fidel pagkakita sa anak. Sa halip ay inananyayahan lang niya itong kumain. Buong akala ni Rosario ay tinakot lamang siya ng kanyang ina, subalit matapos kumain ay nagbitiw ng salita ang kanyang ama.
"Pagkatapos mo diyan, mag-usap tayo sa sala." saad nito pagkainom ng tubig at tuluyan ng dumiretso ng sala.
Gumana agad ang isip ni Rosario. Alam niyang tungkol sa kanila ni Devon ang dahilan kung bakit siya gustong kausapin ng kanyang ama. Dahil sa kanyang pag-iisip ay napabagal ang kanyang pagkain.
"Rosario, binibilang mo pa ba 'yang butil ng sinangag? Kanina pa naghihintay ang Daddy mo duon sa sala. Saka marami pa din akong gagawin kaya bilisan mo diyan nang makaligpit na 'ko." turan ni Lucila.
Seryoso ang mukha ng kanyang ama nang datnan niya sa sala. Hindi niya banaag ang galit sa mukha nito pero alam niyang napaghandaan na nito ang sasabihin aa kanya.
"Nasabi sa 'kin ng mommy mo 'yung tungkol sa inyo ni Devon. Kahit ilihim mo, kita sa kilos mo na gusto mo din 'yung batang 'yun. Nag-iisang anak ka namin Rosario at alam namin ang makakabuti para sa 'yo. Unang-una, gusto naming gumaling ka na agad kaya kita mo naman, wala kang ginagawa dito sa bahay, pangalawa gusto naming makatapos ka ng pag-aaral at ikaw din ang magmamana ng negosyo natin. At ikatlo, hindi ka namin sasalungatin sa lalaking magugustuhan mo basta't alam naming mapapabuti ka din sa kanya. Malaki tiwala namin sa 'yo na marunong ka ding pumili ng totoong mamahalin mo at mamahalin ka din. Pero, alam mo ang limitasyon nuon pa man. 'Wag mong gawing posible ang isang imposible. Wag mong pag-apuyin ang abo na at 'wag mong ilagay sa peligro ang buhay mo, buhay natin at ng lahat ng kagaya natin." bungad ni Mang Fidel.
Pakiramdam ni Rosario ay binubugbog siya sa mga salita ng ama.
"Daddy mabuting tao si Devon ---" tugon ni Rosario na maagap na pinutol ng ama.
"Wala akong sinabing masamang tao si Devon. Tama 'yung sinabi mo at nakikita ko 'yun. Pero hindi sapat na dahilan 'yun para payagan namin ang kahibangan mo. Rosario, naisip mo na ba ang magiging reaksyon niya kung malalaman niya ang tunay mong pagkatao? Ang kapangyarihan mo at ang mga kaya mong gawin? Sa palagay mo ba ay sa panghabambuhay mong maitatago sa kanya 'yun?" patuloy ni Fidel.
Dahil sa mga narinig ni Rosario ay nais na nitong ipagtapat sa ama na alam na ni Devon ang tungkol sa lihim ng pamilya nila. Subalit ikinabigla niya ang tinuran ng ama.
"Gusto mo bang muling mabuhay ang lahi ng mga tiyanak?" dugtong ni Fidel.
"B-bakit Daddy? Anong kinalaman dito ng mga nilalang na 'yun? 'Di ba matagal na silang wala?" mabilis na tanong ni Rosario.
"Ang nagiging anak ng isang normal na tao at isang kagaya natin ay isang tiyanak. Gusto mo bang mag-alaga ng sanggol habambuhay? Ang anak mo mismo ang papatay sa 'yo." matigas na pagkakasagot ni Fidel.
Ang mga tiyanak ay mga sanggol. Sanggol na maaamo ang mukha at kaibig-ibig. Nanatili silang sanggol kahit lumipas pa ang maraming taon. Wala silang ginawa kundi dumede sa s**o ng kanilang ina. Ayaw nilang dumede sa bote gaya ng pangkaraniwang bata. Kapag wala ng madede ang sanggol sa ina ay patuloy pa din ito sa pagsipsip hanggang sa dugo na ang masipsip nito.
Bilang isang ina ay hindi nila matitiis ang kanilang anak, kaya't nagiging dahilan ng kamatayan nito ay ang pagkatuyo ng dugo.
Hangga't may ina na naaawa at pinapadede ito ay patuloy itong mabubuhay. Dapat ay mawala ang awa at hindi ito maka-dede para ito ay mamatay.
Naubos na ang lahi ng mga tiyanak. Pero walang katotohanan ang sinabi ni Fidel na ang tiyanak ay nagmula sa nagkapangasawahang manananggal at normal na tao. Ginawa niya ang rason na 'yun upang iiwas sa kapahamakan si Rosario at ang angkan ng manananggal.
Kumabog bigla ang dibdib ni Rosario sa narinig buhat sa ama. Napailing siya dahil hindi niya matanggap ang sinabi nito. Labis siyang nag-alala para sa kanila ni Devon, kung paano niya ito sasabihin kay Devon. Dahil alam niyang hindi din nito matatanggap ang magkaanak na gaya ng tiyanak.
"Kaya kung ako sa 'yo anak, muli kang makipag-ugnayan kay Jansen. Siya ang mas nababagay sa 'yo. Gwapo, mayaman. Panay ang iwas mo sa engkantong alam mong gustong-gusto ka. O kaya kung ayaw mo talaga sa kanya, mag-search ka sa secret page ng mga single na manananggal, 'yung Mananangboys, ingat ka lang at marami ding kasaling manananggal ng lakas du'n, 'yung Manananggays." seryosong saad ni Fidel.
Hindi pa din makakibo si Rosario dahil sa pagkasindak sa mga nalaman niya. Kailangan niyang mag-isip ng paraan kung paano ang gagawin niya. Pero una agad niyang desisyon ay hindi ipagtapat kay Devon ang sinabi ng kanyang ama tungkol sa tiyanak.
Samantala, biglang nanibago si Devon dahil hindi na siya binubuntutan ni Sally. Naisip niyang maaaring iniwasan na siya nito simula nang kausapin niya at ipinagtapat niyang girlfriend na niya si Rosario.
Patungo siya ng canteen ng mapansin niyang maraming kababaihan ang naroroon at nagtitilian pa habang nagkukuhanan ng picture.
Nang mapalapit siya ay natanaw niya ang transferee na may mga nagpapa-selfie na ibang estudyante. Hiindi na niya masyadong binigyang pansin 'yun at dumiretso na siya sa counter upang pumili ng kanyang kakainin.
"Grabe naman, nag-CR lang ako nagkagulo na kayo diyan."
Nilingon ni Devon ang pamilyar na boses. Masaya ang pagkakasabi nito sa mga babaeng nagpapakuha ng litrato sa gwapong estudyante. Napataas ang dalawang kilay niya nang makita niya si Sally.
"Mga sister next time naman ha baka pagod na ang boyfriend ko." dugtong pa ni Sally.
Mas napadilat pa si Devon pagkarinig nu'n kay Sally. Nilingon niya muli ito at nakita niyang yumakap pa si Sally mula sa likod ng nakaupong transferee.
Muli niyang itinuon ang sarili sa binibili hanggang sa pagbabayad sa kahera. Matapos ay luminga siya upang humanap ng bakanteng mesa at upuan.
'Devon... Devon." tawag ni Sally habang kumakaway. Napatingin naman agad si Devon. "Dito ka na. May bakante pa oh." sambit nito.
Dahil sa wala ng pagpipilian ay tinungo na ni Devon ang kinapupwestuhan nina Sally at ng sinabing boyfriend nito.
"Hi Devon. Upo ka. Bakante naman 'yan." wika ni Sally nang makalapit si Devon.
"Thank you ha. Tara, kain tayo." alok ni Devon.
"Sino 'yan?" tanong ni Jansen na kunwari ay hindi niya kilala ang pinaupo ni Sally.
"Ah oo nga pala, Devon boyfriend ko nga pala si Jansen. Babe siya si Devon, hindi mo ba naaalala, 'yung partner ko sa play?" pakilala ni Sally sa dalawa.
"Ah siya ba 'yun. Sa stage kasi iba itsura n'ya, sa make-up siguro." hinagod pa ng tingin nito si Devon kahit nakaupo na 'to.
"Devon pre." pakilala ni Devon sa sarili habang inaabot ang kanang kamay.
"Babe let's go. Ang init dito eh. Saka parang ang baho, daming tao eh." sambit ni Jansen na hindi pinansin ang pakilala ni Devon.
Binawi ni Devon ang kanyang kamay nang mapansin niyang tumayo na si Jansen. Balewala naman kay Sally ang nakitang pambabastos ng boyfriend niya kay Devon, sa halip ay Ikinatuwa pa nito.
"Ah Devon, bye na ha. Nagyayaya na boyfriend ko eh. Sige, bye." paalam ni Sally na tumangan pa agad sa braso ni Jansen paglakad ng mga ito.
"Yun ba 'yung sinasabi mo na may girlfriend na pilay?" turan ni Jansen nang makalabas sila ng canteen.
"Oo 'yun nga, si Devon." tugon ni Sally.
"Taga-saan ba 'yan?" si Jansen.
"Sa baryo San Roque. Bakit mo naman naitanong?" bahagyang nagtaka si Sally.
"Wala naman. Tama pala hinala ko. Mukhang taga-baryo nga. Amoy taga-baryo din." ngumisi pa si Jansen nang sumulyap kay Sally.
Napilitan namang ngumiti si Sally kahit na hindi niya masyadong nagustuhan ang binitawang salita ng kanyang boyfriend.
"Babe, malayo ba ang San Roque dito?" muling tanong ni Jansen kay Sally habang naglalakad sila sa pasilyo ng paaralan.
"Hmm. Mga tatlong barangay ang dadaanan. Siguro mga thirty minutes nanduon ka na kapag tricycle ang sasakyan mo." tugon ni Sally habang tinatanaw ang mga kasalubong na napapatingin kay Jansen.
"Ah malapit lang pala." tugon ni Jansen.
Naisip niyang tatlong kisap mata ang gagawin niya hanggang makarating siya doon. Magtatanong-tanong na lang siya sa masusulputan niyang lugar kung saan ang papuntang San Roque. Hindi na siya nag-aksaya ng panahon. Sa isang saglit ay bigla siyang naglaho.
Patuloy naman sa pagsasalita si Sally.
"Oo malapit lang. Paglabas mo dito unang mong dadaanan ang Barangay Sapang Bayan, pagkatapos nu'n madadaan ka ng San Pablo tapos ang kasunod na nuon ay ang San Roque." patuloy ni Sally na hindi niya namalayang wala na siyang kasabay na naglalakad.
Panay pa din ang tinginan ng mga nakakasalubong ni Sally dahil nakikita siyang nagsasalitang mag-isa. Ang buong akala niya ay kay Jansen pa din nakatingin ang mga ito.
"Alam mo ba, nakakatakot nga daw sa lugar na 'yun kasi dati daw may nakatirang manananggal du'n. Pero matagal na 'yun, usap-usapan pa din daw hanggang ngayon kaya pagdating gabi eh maagang natutulog ang mga tao du'n." patuloy ni Sally. Nang may makasalubong itong mga kakilala.
"Hi Sally." bati ng mga ito.
"Hello." ani Sally.
"Sally, sino kausap mo? Panay ang salita mo diyan?" tanong ng mga ito.
"Si Jan --- " naputol bigla ang sasabihin ni Sally dahil nawala sa tabi niya si Jansen.
"Asan na 'yun? Bigla na lang nawala." aniya sa sarili habang lumilinga.
"Sinong Jan?" tanong ng mga kakilala.
"Ah may binanggit ba kong Jan? H-hindi, ano kasi. Nagrereview ako Jan..Janeral Psychology... Tama General psychology." saad ni Sally at nagpatuloy na siyang maglakad.
"General psychology will allow you to explore the way humans and animals... animal ka Jansen saan ka ba napunta." bulong niya habang naglalakad.