SA isang kisapmata ay nakalabas ng paaralan si Jansen. Dahil sa hindi pa ganoong kalakas ang kanyang kapangyarihan, hindi pa nito kayang sumulpot sa lugar kung saan niya ninanais.
Isang grupo ng mga nanay ang nagtsitsimisan sa tabing kalsada ang nabungaran ni Jansen sa kanuang muling pagsulpot. Isang aso ang panay ang kahol nang makita siya. Napalingon naman ang mga nagsisitsitan sa tinatahulan ng aso.
"Dyu.. dyu. Mare napakatapang naman ng aso mo. Bakit hindi mo itali, baka,makakagat 'yan." wika ng isa.
"Aba'y napakagwapo naman ng batang ire. Mukhang hindi taga-rito." wika ng may-ari ng aso.
Patuloy pa din ang pagtahol ng aso, sa inis ni Jansen ay tinitigan niya ito, nang tumama ang tingin ng aso sa kanyang mga mata ay tila nakakita ito ng isang nakakatakot na nagpatakbo palayo sa aso.
Nagulat panandalian ang mga naroroon pero nawala agad 'yun nang makita nilang papalapit sa kanila ang gwapong binata na nakangiti pa.
"Ah pwede po bang magtanong?" bungad ni Jansen sa grupo.
"Artista yata 'yan na naligaw. Tingnan mo ang kutis saka 'yung mukha, parang si Gerald Anderson." bulong ng isa na naulinigan pa ni Jansen.
"Ah hijo, mukhang hindi ka taga-rito? Saan ba tungo mo?" tugon ng isa.
"Eh sa San roque po sana. Naligaw po yata ako." saad ni Jansen.
"Naku malayo ka pa hijo. Sumakay ka ulit ng tricycle dalawang barangay pa bago duon." tugon ng isa pa.
"Eh sino ba pupuntahan mo duon?" sabad ng isa.
"Teka nga at itawag ka namin ng tricycle." sabi pa ng isa.
"Di ba duon 'yung nabalita nuong araw na may manananggal?" singit ng napagtanungan ni Jansen.
Sa 'di kalayuan ay may isang tricycle na nakaparada na tila naghihintay ng pasahero ang driver. Kinawayan 'yun ng isa na nasa umpukan. Mabilis namang naglaho si Jansen habang abala ang mga napagtanungan sa bagong tema nila na tungkol sa manananggal.
"Sino po ang sasakay?" tanong agad ng driver ng tricycle nang dumating ito sa umpukan na tumawag sa kanya.
"Ah eto na pala ---. Aba, nasa'n na 'yung batang 'yun?" gulat na turan nito.
"'Yung naka-uniporme na binatilyo, hindi mo ba napansin?" tanong ng isa pa sa driver.
"Nandito lang 'yun ah." singit pa ng isa. "Ang poging bata nu'n. Bakit bigla na lang nawala? Baka sumakay ng ibang tricycle." dugtong pa nito.
"Wala namang dumadaan na ibang triycle. Wala bang sasakay? Nakaabala kayo ng naghahanapbuhay. Puro kasi tsismisan ang alam, kung ano-ano na tuloy nakikita n'yo." saad ng driver na nainis at mabilis itong sumibad ng alis.
Panay naman ang linga ng mga babaeng nagsisitsitan habang hinahanap ang binatang nagtanong sa kanila. Dahil sa hindi nila ito nakita, nagkaroon na naman sila ng bagong pag-uusapan.
Grupo naman ng sabungero ang nagisnan ni Jansen sa kanyang muling paglitaw. Nasa tabing kalsada ang mga ito at kasalukuyang nagbibitaw ng mga manok bilang ensayo ng mga ito kung sakaling ilalaban na nila sa sabungan ang kanilang alaga. May mangilan-ngilan na nakapaikot sa dalawang manok na kasalukuyang pinagkakahig habang hawak pa sa buntot ng mga may-ari.
"Excuse me po, pwede po bang mag-tanong?" singit ni Jansen sa umpukan.
Pansamantalang nahinto ang ginawang pagpapatapang sa mga manok dahil sa pagsingit ni Jansen.
"Ano ba 'yun?" tugon ng isa.
"Eh tatanong ko lang po kung ano'ng lugar na 'to saka kung malayo pa ba ko sa San Roque." saad ni Jansen.
Dahil may kumausap na kay Jansen, ibinaling na ulit ng mga naroon ang naudlot na pagsasabong.
"Ah San Pablo pa lang 'to. Sa susunod na barangay 'yung hinahanap mo. Mga sampung minuto nanduon ka na kapag sumakay ka ng tricycle." tugon ng kausap ni Jansen.
"Ah ganu'n po ba?" sabi ni Jansen. Napatingin siya sa dalawang manok. "Krruuuk." wika ni Jansen at napatingin ang dalawang manok.
Saglit na natigilan ang mga manok at muling hinarap ang isa't isa. Naglaho na si Jansen na hindi namamalayan ng nasa umpukan ng dalawang manok na ipagsasabong.
Subalit kakatwa ang ginawa ng dalawang manok. Lumukso-lukso papuntang kaliwa ang isang manok, sumunod naman ang kaharap nito. Matapos ay lumukso ng pakanan na sinusundan naman ng kaharap nito. Hanggang sa sabay itong naglulukso na animo'y sumasayaw ng tinikling. Nagpapalit pa ito ng pwesto. Kapag nagpalit ng pwesto ay iikot din ang may-ari ng manok pati na din ang mga nanunuod.
Sa muling paglitaw ni Jansen ay natanawan niya ang isang tambay na nakaupo sa tabing kalsada na abala sa paglalaro ng cellphone. Nilapitan niya ito upang magtanong
"Pre, pwede bang magtanong?" singit ni Jansen sa tambay. Napuna niyang naglalaro ito ng Mobile Legend.
Saglit na sumulyap sa kanya ang lalaki at muling itinuon ang atensyon sa ginagawa.
"Ano 'yun?" mabilis na wika ng lalaki
"Pre ano'ng lugar na 'to?" si Jansen.
Hindi man nakatingin sa kanya ang lalaki ay mabilis ang ginawa nitong pagsagot. "San Roque 'to."
Nangiti si Jansen sa itinugon ng lalaking naglalaro.
"M-may kilala ka bang Rosario dito na bagong lipat lang, mga ilang buwan pa lang." singit ulit ni Jansen.
Hindi agad kumibo ang lalaki dahil abala ito sa pakikipaglaban sa nilalaro at malapit na nitong matalo ang kalaban. Upang matapos na ang kanilang usapan ay nagpasya itong sagutin si Jansen.
Muling sumulyap ang lalaki kay Jansen. "May bagong lipat duon sa duluhan. Sa lumang bahay. Hindi ko lang alam kung may Rosario na nakatira du'n." nagmamadaling saad ng lalaki at mabilis din nitong ibinalik ang mga mata sa cellphone. Pagkatingin sa nilalaro ng lalaki ay sinamantala agad ni Jansen na biglang maglaho.
Laking gulat ng tambay nang pagbalik niya ng kanyang mga mata sa cellphone ay Temple Run na ang nasa screen ng cellphone niya. Napakamot pa ng ulo ang lalaki pagkakita dito.
Hanggang sa muling pagsulpot ni Jansen ay nakatanaw siya ng isang babae na bumibili sa tindahan. Hindi gaanong matao sa lugar na kanyang sinulputan, kaya't matiyaga siysng naghintay sa babaeng bumibii upang duon magtanong.
Ang babaeng hinihintay ni Jansen na bumibilli sa tindahan ay ang ina na ni Devon na si Aling Salome. Kulang ang sangkap niya sa adobong lulutuin kaya't sumaglit siya na bumili dahil wala naman siyang ibang mauutusan.
"Ah pwede po bang magtanong?" bungad ni Jansen sa pauwi nang si Aling Salome.
Napahagod ng tingin si Aling Salome sa kumausap sa kanya dahil katulad ng suot nitong uniporme ang sa anak niyang si Devon.
"Sa bayan ka nag-aaral hijo noh? Du'n din kasi nag-aaral ang anak ko. Saan ba tungo mo?" tanong ni Aling Salome.
"Saan po gawi dito ang bahay nila Rosario? 'Yung pong bagong lipat kamakailan lang po?" saad ni Jansen.
"Ah 'yung anak ni Fidel at Lucila?" si Salome.
"Yun... 'yun nga po. Saan po dito ang kanila?" namilog ang mata ni Jansen dahil sa kapanabikan.
"Tara at sumabay ka na sa 'kin ng maituro ko sa 'yo. Mga limang bahay pa siguro mula sa amin hijo." sambit ni Salome na nagsimula ng maglakad.
"Kaya ang ang mga bahayan kasi dito eh layo-layo, kadalasan eh puro bakuran ang makikita mo." dugtong pa nito. Wala namang kibo si Jansen at palinga-linga lang sa kanilang nadadaanan.
Nang nasa tapat na ng bahay nila si Aling Salome ay huminto ito.
"Hijo may niluluto kasi 'ko. Pero kapag dumiretso ka d'yan, ayun naaaninaw mo ba 'yung gate sa malayo na 'yun? 'Yun ang bahay nila." hindi napuna ni Aling Salome na naglaho na sa tabi niya si Jansen pagkaturo ng bahay nila Rosario.
Siya namang dating ni Devon na kasalukuyang bumababa ng tricycle. Hindi napuna ni Aling Salome ang paghinto ng tricycle dahil sa patuloy nitong pagsasalita.
"Iwasan mo lang 'yung mga mapuputik na daan at marurumihan 'yang sapatos mo. Saka ang pagkakaalam ko eh lagi lang diyan 'yun gawa ng may diperensya sa paa, kaya punta ----" napatigil si Aling Salome nang biglang batiin ito ng anak.
"Nay sino kausap mo d'yan?" bungad ni Devon pagkakita sa ina nito.
"Ay ikaw pala Devon. Etong ba ---- Aba, saan napunta 'yun?" luminga-linga agad si Aling Salome.
"Sino 'nay? Eh wala naman akong nakita kahit nu'ng malapit na 'ko. Nakita ko na lang kayo na turo ng turo du'n sa malayo, sa gawi,ni la Mang Fidel." saad pa ni Devon.
"Anong wala? Binati ko pa nga na kamukha ng uniporme mo ang suot. Ang pogi nga nu'ng binatilyo eh."
"Mas pogi pa sa 'kin 'nay?" nakangiting biro ni Devon.
"Maputi lang sa 'yo pero... mas pogi ka pa din du'n. Siempre anak kita eh. Teka, saan ba napunta 'yun? Tinatanong kasi 'yung bahay daw nila Rosario. Tapos tinuturo ko, bigla na lang nawala tapos ikaw na nand'yan." napakunot-noo na si Aling Salome.
"Nay naman, ang taas pa ng araw para pakitaan ka ng multo. O baka naman nagugutom ka lang?" ani Devon.
"Ano palagay mo sa 'kin, nalipasan ng gutom?" muling sumulyap si Aling Salome sa daan papunta sa dating lumang bahay pero wala siyang nakitang naglalakad papunta doon.
"Tara na nga 'nay, nagugutom na nga ako eh." aya ni Devon na humimas pa sa kanyang tiyan.
"Naku 'yung niluluto ko nga pala." nataranta bigla si Aling Salome at nagmamadaling pumasok ng loob ng bahay.
Bago sundan ang ina ay napaisip bigla si Devon sa tinuran ng ina. Alam naman niyang walang lalaki na nakakakilala kay Rosario sa kanilang paaralan. Naisip na lang niya na maaaring kamukha lang ng uniporme ng paaralan nila ang nakita ng kanyang ina. Naisip din niyang itanong na lang kay Rosario kung sino ang naging bisita nitong napagtanungan ang kanyang ina.
Sumulpot si Jansen sa isang puno malapit sa gate ng bahay nila Rosario. Sinipat niyang mabuti ang kabuuan nito upang makabisado ng kanyang utak sa kanyang muling pagbabalik.
"Sinabi ko na nga ba't makikita din kita. Kailangang mapaghandaan ko ang pagpunta dito. Gagawin ko ang lahat mapa-ibig lang kita Rosario." wika niya sa sarili at naglaho agad ito.
Sa loob naman ng bahay nila Rosario ay napalabas agad ang mag-asawang Fidel at Lucila.
"Sino kaya 'yun?" tanong agad ni Lucila.
"Naramdaman mo din pala agad." turan ni Fidel sa asawa.
"Oo naman. Pero nawala na eh. Nararamdaman mo pa ba?" ani Lucila.
"Wala na nga. Sino naman kaya 'yun? Kung tayo ang sadya nu'n, bakit hindi naman tumuloy dito sa 'tin?" palinga-linga pa ding turan ni Mang Fidel.
Sa itaas ng bahay ay naroon si Rosario at napasilip din bigla sa kanyang bintana dahil naramdaman nitong may engkanto sa kanilang paligid. Pero gaya ng kanyang mga magulang, saglit lang niya itong naramdaman at nawala din kaagad.
Naalala bigla ni Rosario na huling niyang naramdaman ang presensya ng isang engkanto ay nuong nasa paaralan siya nila Devon.
"Hindi kaya 'yung engkantong 'yun at engkantong nagparamdam ngayon ay iisa?" napaisip bigla si Rosario.
Samantala, dahil mahina pa ang kapangyarihan, kung paano nakarating si Jansen sa lugar nila Rosario ay dadaanan niyang muli ang mga lugar na pinagsulputan niya pabalik.
Magtatapon ng basura si Aling Salome sa labas ng kanilang bahay nang matanawan niya ulit sa tapat ng bahay nila si Jansen.
"Oh ayan ka pala, nakapunta ka na ba du'n kina Rosario? Bigla ka na lang nawala eh." tanong niya agad kay Jansen.
Pagkalagay sa basurahan ay wala na si Jansen sa harap ng bahay nito.
"Dyusku, multo nga yata 'yun ah." kumakabog ang dibdib ni Salome na tumakbo sa loob ng bahay.
Ang nakatambay namang naglalaro sa cellphone ay umiwas na agad nang muling makita si Jansen. Ang mga nagsasabong naman ay wala na doon. Isang kisapmata pa ay nabalik na naman siya sa umpukan ng mga tsismosa at patuloy pa din sa sitsitan ang mga naroroon.
"Oh hijo, nand'yan ka pa pala." bati agad ng isa.
"Kayo talaga puro kasi kayo tsismis eh nandyan pa pala 'tong poging batang 'to." singit ng isa pa.
"Ito eh sabihan pang may sa-maligno daw itong poging 'to. Kung anu-ano kasi pinapanuod sa telebisyon." sabad ng isa.
"Kuya eto na 'yung sasakay." muling tawag ng isa sa driver ng tricycle na naghihintay ng pasahero.
Nakatingin ang lahat sa paparating ng tricycle at sinamantala 'yun ni Jansen upang maglaho.
"Nasa'n 'yung sasakay?" tanong muli ng driver.
"Eto oh. Aba't.... narito lang 'di ba? Abe nawala na naman." gulat na sambit ng isa.
"Nand'yan nga lang. Nakita ko din eh." sagot ng isa.
"Saan kaya napunta 'yun?" singit din ng isa.
Hindi na kumibo ang driver ng tricycle at galit nitong inandar ulit ang kanyang sasakyan. Sa pagkakataong 'yun, inakma niyang sagasaan ang umpukan ng mga nagsisitsitan.
"Eeeeeeeeehhh." sabay-sabay na hiyawan at takbuhan ng mga babae at naghiwa-hiwalay na ang mga ito.