Chapter 14

1979 Words
Dahil sa tinuran ng kanyang mga magulang tungkol sa pagiging malapit nila,  naisipang kausapin ni Rosario si Devon ng personal.  Kasalukuyan namang nakahiga si Devon sa kanyang kwarto nang mapansin niyang isang grupo ng mga paniki ang nasa labas ng kanyang bintana. Bahagya siyang napaangat nang mapuna niyang mas dumami pa ito. Isa-isang bumitin ang mga paniki sa kanyang bintana. Matapos bumitin ang unang linya ay isang linya naman ang kumapit sa kapwa nila paniki na nasa unang linya. Tuluyan nang napaupo si Devon at pinanuod ang ginagawa ng mga paniki. Ang dalawang linya ng paniki ay naging tatlo... naging apat... hanggang sa natakpan nito ang buong bintana. Hindi na makita ni Devon ang labas dahil sa pagtakip ng mga paniki. Nahihiwagaan man siya sa ginawa ng mga ito pero alam niya na iyon ay kagagawan ni Rosario. Bumangon siya upang lapitan ang mga paniki.  Nang malapit na siya sa mga ito ay naisipan niyang kausapin ang isa. Inilapit pa niya ang mukha sa paniking nakapwesto sa gawing gitna. Nang malapit na siya dito upang magsalita ay sabay-sabay itong nag-alisan. Biglang bumuluga sa kanya si Rosario na nasa bintana na pala at kinublihan lamang ng mga paniki. "Hi." bungad ni Rosario na ikinaway pa ang dalawang kamay. Napaatras naman si Devon sa pagkagulat. "Ano ba naman 'yan? Nanggugulat ka naman eh." aniya. "Nagulat ka agad? Iniba ko lang ang entrance ko, eto naman." nakangiting tugon ni Rosario. "Pasok ka, bilisan mo. Baka may makakita sa 'yo dyan." agap naman ni Devon. Inilapag ni Rosario ang katawan sa kutson habang isinasara ni Devon ang kalahati ng bintana upang hindi makita si Rosario kung sakali mang may mapatingin duon. Pagbaling niya kay Rosario ay wala na ang ngiti nito. Napakunot bigla ang noo ni Devon. "Rosario, may problema ba?" aniya. "Medyo. Naramdaman nila momny at daddy na nanliligaw ka sa 'kin. Pero hindi ko pa sinabi na tayo na. Alam mo naman mga 'yun." malungkot na sambit ni Rosario. "Eh kung ipagtapat na kaya natin na alam ko na ang totoo?" sabi ni Devon matapos ang saglit niyang pag-iisip. "Hindi ganuon kadali 'yun Devon. Pwede ba tayo sa labas mag-usap? Gusto ko lang din mamasyal. Sa lugar na makakapag-usap tayo ng maayos. Dito kasi baka biglang akyatin ka ng nanay mo eh mahuli pa tayo." si Rosario. "Sige. Pero smile ka naman, ayokong makitang malungkot ka eh." sabay hawak ni Devon sa baba ni Rosario. Unti-unti namang inilabas ni  Rosario ang kanyang ngiti. Kusa iyong sumilay dahil na din sa lambing ng pagkakasabi ni Devon. Palabas na sila ng bintana ng madatnan nilang naroon pa ding ang sangkaterbang paniki. Hindi pa tuluyang umalis ang mga ito. "Oh akala ko nag-alisan na mga 'to?" sambit ni  Devon na bahagyang nagulat. "Wait." wika ni Rosario at binalingan ang mga paniki. "chin chun su, o mei su, lyna, san ing, topgel, kukukuruk ik ik." aniya sa mga paniki. "Ano ibig sabihin nu'n?" napakamot pa si Devon nang itanong 'yun. "Wag mo ng intindihin 'yun. Tara na. Kapit ka na Ding...este Devon pala." turan ni Rosario bago ito lumabas ng bintana na nakapasan sa likod si Devon. "Sinong Ding? May iba ka yatang ipinapasyal ah." saad ni Devon nang papataas na ang kanilang paglipad. "Slow mo naman. Feeling Darna lang ako." tugon ni Rosario. "Ahh." napangiti pa si Devon. "Saan mo ba balak pumunta tayo?" "Sa Baguio para malamig." si Rosario. "Seryoso?" si Devon. "Joke lang. Baka may makakita sa atin eh barilin na lang tayo bigla. Basta hanap tayo ng place na maganda. Relax ka lang." ani Rosario. Samantala, naulinigan pala ni Aling Salome na may kausap ang anak niyang si Devon. Naalala niyang tapos na ang pagtatanghal nito kaya't alam niyang hindi na ito nag-eensayo. Upang masiguro, dali-dali siyang pumanhik ng itaas upang tingnan kung sino ang kausap ng anak. Pagsapit ng pintuan ay kumatok ng marahan si Aling Salome. "Devon...Devon." mahinang tawag ni Aling Salome. Narinig ng isang paniki ang pagkatok ng ina ni Devon. Mabilis nitong tinawag ang mga kasama. Sabay-sabay itong nagpasukan ng kwarto at nagpunta sa ilalim ng kumot ni Devon. Ipinorma nila ang pagkakasama-sama na korteng tao na nakatalukbong. Dahil hindi nakakandado ang pintuan, ay marahang binuksan ni Aling Salome ang pintuan. Bukas pa ang ilaw ng kwarto. "Aba, natutulog na pala. Talagang hindi na nagpapatay ng ilaw itong batang 'to simula ng nanaginip ng manananggal." mahinang saad ni Aling Salome. Kumislot-kislot pa ang mga paniki sa loob ng kumot upang papaniwalain ang ina ni Devon na iyon nga ang anak. "Naku nagising ko pa yata." bulong pa ni Aling Salome at marahan uli itong lumabas ng kwarto at isinara ang pintuan. Naglabasan naman ang mga paniki nang natiyak ng mga ito na lumabas na ang ina ni Devon. Masisigla pa ito paglabas ng bintana. Nag-appear pa ng mga pakpak na tila nagdiriwang sa tagumpay ng kanilang ginawa. Samantala, tumungo naman si Jansen sa Engkantuta upang sabihin sa kanyang mga magulang ang kanyang magandang balita. Ang Engkantuta ay ang kuta ng mga engkanto. Ito ay matatagpuan sa isang magarang subdivision sa Pampanga. Simula ng naging isa sa mga ministro ng mga engkanto ang kanyang ama na si Salem,  lumipat ito mula sa Aklan. Duon na ito nanirahan kasama ang asawa na si Beda at ang labindalawa pang ministro na gaya nito. Naipagawa ang mala-palasyong bahay na pinagkukutaan ng mga engkanto dahil na rin sa mga pinagsama-samang nanakaw na pera ng mga may katungkulan. Minsan sa isang taon ay nagtitipon lahat ng engkanto sa Pilipinas para sa kanilang espesyal na araw, ang pebrero katorse. Dito rin ginagawa ang pagpaparusa o paglilitis sa mga engkanto na nahuli nilang hindi tumutupad sa kanilang sariling batas. May mga sariling gwardiya ang mansion na pawang mga engkanto din. Hindi basta-basta nakakapasok ang sinuman sa Engkantuta. Dapat ay isa kang kaanak ng isa sa mga ministro o dili naman kaya, mahalaga ang iyong sadya sa pinaka-pinuno ng mga ito na si  Tutan. Dahil sa kilalang anak si Jansen ng isa sa mga ministro ay pinapasok siya ng mga gwardiya matapos inspeksyunin ang pagkakakilanlan nito. Napakaliwanag sa loob ng Engkantuta. Nagniningning ang mga gamit na halos lahat ay may sangkap na ginto. Ang pintura nito, ang mga muwebles, ang mga naggagandahang aranya maging ang sahig nito. Isang kisapmata ay sumulpot ang ama ni Devon sa tanggapan ng mga bisita. "Kamusta na anak? Kahit hindi mo sabihin alam kong nakailang stop-over ka bago na nakarating dito. Hindi mo pa din napapalakas ang kapangyarihan mo hanggang ngayon." ani Salem. "Yan ang sinadya ko dito Papa. Natagpuan ko na si Rosario." masayang wika ni Jansen. Siya namang biglang pagsulpot ng ina nitong si Beda na noon ay nakapantulog na ng kulay puti subalit maningning pa din ang damit nito dahil may ga-pulbos na mga ginto na nakahalo sa tela ng suot nito. "Oh, ano na? Kailan mo siya dadalhin dito upang ipakilala mo bilang girlfriend mo o kaya'y fiancee mo?" saad nito. "Malapit na 'Ma. Kaunting panahon na lang. Bigyan n'yo ko ng kaunti pang time. Saka bigyan n'yo na din ako ng allowance. Wala na 'kong pera." ani Jansen. "Bakit hindi mo gamitin ang kapangyarihan mo?" matigas na tugon ni Salem. "Pa, nag-aaral ako. Du'n ako mapapalapit kay Rosario sa pamamagitan ng eskwelahang 'yun. Paano kung magkaroon ako ng kaso, mahuli 'ko sa CCTV? Sira ang record ko. Hindi pa 'ko ganuong kabilis Papa. Saka nag-eenjoy pa 'ko sa lugar na 'yun. Kailangan kong magpa-good shot kay Rosario kaya hindi ko pwedeng gamitin ang kapangyarihan ko duon para magkapera. Sige na Papa. Ma, please." pakiusap ni Jansen. Saglit na naglaho si Beda, sa muling pagsulpot nito ay isang naka-bundle na pera na ang hawak nito. "Oh ayan ang fifty thousand. Pagkasyahin mo 'yan sa isang buwan ha." saad nito pagkaabot ng pera. "Gamitin mo 'yang kukote mo Jansen. Nag-iisa kang anak namin ng Mama mo, ikalat mo ang lahi natin. Hindi puro pagpapalakas ngvkapangyarihan 'yang inaatupag mo." ani Salem. "Opo Papa. Sige po tutuloy na 'ko. Ma, thank you ha. Pwede ko bang ibenta 'yang nighties mo Ma?" nakangiting biro ni Jansen sa ina. "Jansen, umalis ka na bago ko bawiin 'yan." tugon ng ina nito. "Joke lang naman." umalis na si Jansen matapos maglaho bigla ang kanyang ama at ina. Samantala, isang monasteryo na nasa tuktok ng bundok ang tinungo nina Devon at Rosario. Nagdasal muna sila sa malaking krus na naroon bago sila nag-usap. "Ano pinagdasal mo?" tanong agad ni Devon habang nakaupo siya sa damuhan. "Nagpapasalamat ako at the same time sabi ko sana pumayag na sina mommy at daddy tungkol sa 'tin." tugon ni Rosario na lilipad-lipad katabi ni Devon. "Ano naman ang pinagpasalamat mo?" dugtong agad ni Devon. "Marami eh. Isa duon ay 'yung nakilala kita." saad ni Rosario. "Uy kinikilig naman ako. Ako din eh, 'yun din ang sinabi ko sa Kanya. Saka sabi ko, sana walang maging hadlang sa 'ting dalawa." nakangiting sabi ni Devon. Napansin ni Devon ang patuloy na pagpagaspas ni Rosario. "Bakit hindi ka umupo? Hindi ka ba napapagod?" tanong agad nito. "Asan ang puwet ko aber? Paano 'ko uupo?" ani Rosario. "Yung katulad ng ginagawa mo du'n sa kwarto ko, 'yung ganu'n." si Devon. "Ang galas ng damuhan Devon. Edi nangati ko kapag ibinaba ko diyan 'yung katawan ko. May panyo ka ba diyan? Sapinan mo nga please." saad ni Rosario. "Ah teka, eto buti na lang at hindi ko pa nalalagay sa labahin. May kaunting sipon lang 'yan ha." biro ni Devon habang inilalatag ang panyo. "Eew." si Rosario. "Wala. Binibiro ka lang." natawang sabi ni Devon. Pagkalapag ni Rosario ay inakbayan naman agad nito ni Devon. Isinandig pa ni Rosario ang kanyang ulo sa balikat ng boyfriend. Dahil sa napuna ni Lucila ang pagkalungkot ni  Rosario nang kausapin niya ito hinggil sa pakikipagmalapitan kay Devon, bilang ina hindi niya natiis na hindi ito muling kausapin at paliwanagan. Nasabi na niya sa asawang si Fidel ang tungkol dito at si Fidel na din mismo ang nagtulak sa asawa na paliwanagan ito ng maaaring maging epekto sa pakikipagmabutihan kay Devon. Napansin din ni Fidel ang pagiging matamlay ng anak nu'ng araw na 'yun. "Lucila, sabihin mo tuloy sa kanya na makipag-ugnayan siya kay Jansen. Magbabago din ang ugali ng batang 'yun. Isa pa, wala kamo magiging problema kung si Jansen ang gugustuhin niya dahil kagaya din natin silang kakaiba sa pangkaraniwang tao." ani Fidel bago tuluyang panikhin ni Lucila ang anak. Mabilis ang ginawang pagpanhik ni Lucila sa mataas nilang hagdanan. Subalit nang palapit na ito sa kwarto ng anak ay naging marahan ang mga kilos niya. "Rosario, anak." sinabayan pa ng marahang pagkatok ang pagtawag ni Lucila. "Anak, mag-usap tayo. Alam kong gising ka pa. Naka-online ka pa nakita ko." dugtong pa, niya. Sinubukan niyang pihitin ang doorknob nito at napuna niyang hindi iyon nakakandado. Tinuloy niya ang pagpihit hanggang sa mailusot niya ang ulo sa loob ng kwarto. "Rosario." tawag niyang muli. Itinulak pa niya ng bahagya ang pintuan upang makita ang pinakaloob ng kwarto. Bigla niyang naibukas ng tuluyan ang pintuan ng makita niyang nakatayo ang kalahati nitong katawan sa sulok ng sild. Sa gilid nito at nakasandig ang saklay nito. "Kaya pala walang sumasagot eh naglakabay pala 'tong makulit na batang 'to. Sinabi ng 'wag na niyang uulitin eh makulit talaga. Teka nga." nakapameywang pa si Lucila habang nakaharap sa pang-ibabang bahagi ng katawan ng anak. Nilapitan niya iyon ay akmang kukurutin sa  puwit nito. Sa kabilang dako naman, masaya ang kwentuhan nina Devon at Rosario habang nasa dati pa din silang ayos. Nang biglang makaramdam ng kurot si Rosario. "Aray. Aray." daing ni Rosario. "Oh bakit? Nakagat ka ba ng langgam?" pag-aalalang tanong ni Devon. "Aray ko." patuloy ni Rosario sa pagkislot. "Uy, hindi naman kita inaano ah. Napapa'no ka ba?" nagtatakang patuloy ni Devon. "Devon, si mommy, kinukurot ako. Nakita niya sigurong wala ako sa bahay. Aray. Tara na uwi na tayo. Aray, uuwi na nga ako." sabi ni Rosario na umakma na sa muling paglipad. "Tara na Devon. Ayaw tumigil ni Mommy." dugtong pa niya. Kung hindi lang pilay si Rosario ay kaya niyang patakbuhin o paiwasin ang kalahati niyang katawan. Nakailang kurot pa si Lucila bago nilubayan ang anak. "Mag-uusap tayo bukas." wika ni Lucila matapos pagkukurutin ang puwitan ng anak. Batid nito na uuwi na si Rosario dahil naramdaman nito ang ginawa niya sa iniwan nitong katawan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD