Chapter 13

1963 Words
Simula nuon ay napadalas na ang pagdalaw ni   Devon sa bahay nila Rosario. Sa tuwing uuwi siya galing eskwela ay pumupunta siya agad dito pagkapalit ng uniporme. Sa tuwing walang pasok naman ay tumutulong siya sa mga magulang ni Rosario sa  pagpapaganda ng hardin nito sa maluwag na bakuran. "Malaki na din nagastos namin dito Devon. Nasimulan na eh. Hindi naman namin inasahan na ganu'ng kalaki ang aabuting gastos. Gaya niyan, nagpalagay pa si Lucila ng bermuda grass. Pero pagkatapos nito, aasikasuhin ko na ang negosyo namin sa Pangasinan." sambit ni Mang Fidel. "Ano po ba negosyo n'yo duon?" urirat naman ni Devon. "Mga buy and sell na antigo o antique. Baka hindi mo alam sa tagalog eh. May mga tauhan naman ako duon saka nandun din 'yung pamangkin ni Lucila. Kaya lang, may mga tumatawag sa 'kin na inaalok 'yung mga binebenta nilang antique. Gusto ko kasi ako 'yung mismong tumitingin. Minsan kasi sasabihin nilang antique, eh hindi naman pala. Gawa lang sa simpleng materyales na naluma na." salaysay ni Mang Fidel. "Ah ganu'n po ba." tugon ni Devon habang sinusundan ang ginagawang paglalagay ng bermuda grass ni Mang Fidel. Sa veranda naman ay naroroon at nakaupo si Lucila at ang anak na si Rosario habang nakamasid ang mga ito kina Fidel at Devon. "Rosario, napapansin ko na ang bilis niyong naging malapit ni Devon. Nanliligaw ba sa 'yo 'yang batang 'yan?" turan ni Lucila. "P-parang ganu'n nga mommy."  tugon ni Rosario. "Hindi kami tutol ng daddy mo kung magkaibigan lang kayo, pero alam mong hindi maaaring maging kayo. Ama mo ang ibig kong sabihin. Maraming kalahi natin ang nagkakagusto sa 'yo. 'Wag kang magpa-asa ng taong alam mong hindi rin kayo maaaring magkatuluyan bandang huli." dugtong ni Lucila. "Mommy, talaga bang nasa batas natin 'yan?" napasimangot bigla si Rosario. "Anak, matagal ng limot ng tao ang tungkol sa kagaya natin. Tanging sa mga pelikula at babasahin na lang nila tayo nakikita, 'yun nga lang, pangit tayo sa pagkakakilala nila. Pero andu'n na tayo, ang ibig kong sabihin eh 'wag mo ng guluhin ang pananahimik ng lihim natin." saad pa ni Lucila. "Si daddy kaya?" ang opinyon ng ama ang ibig sabihin ni Rosario. "'Yan din ang sasabihin ng daddy mo. Bakit Rosario? Sinasabi mo bang gusto mo din si Devon? Aba'y naka bigla kang layuan niyan kapag nalaman kung ano ka talaga. Ikaw din, bandang huli ikaw din ang masasaktan. Damay pa ang buong pamilya natin." Hindi masabi ni Rosario sa ina na alam na ni Devon ang katauhan niya. Alam niyang mangangamba ito maging ang ama niya kapag nalaman ng mga itong ipinagtapat na niya kay Devon ang katotohanan sa kanilang pagkatao. Nais lang niyang makatiyak mula kay Manang Gala kung ano ang magiging kalalabasan kung magkakatuluyan ang isang normal na tao at ang kagaya niya. "Kaya kung ako sa 'yo eh iwasan mo na si Devon kung nahuhulog na din ang loob mo sa kanya. O kaya, sabihin mo na may boyfriend ka na na nasa malayo para siya na ang mismong umiwas sa 'yo." dugtong pa ni Lucila. Hindi na kumibo si Rosario upang hindi na humaba ang usapan nilang mag-ina. Sa oras na malaman niya ang sagot ni Manang Gala ay saka niya ipagtatapat sa mga magulang ang kanilang relasyon ni Devon. Samantala, patuloy pa din ang pagbuntot ni Sally kay Devon sa paaralan. Sa tuwing makikita nito ang binata, lagi niya itong kinukulit na makipagwentuhan o kaya'y kumain sa labas. Upang matigil na si Sally sa ginagawa nito, minsan itong pinagbigyan ni Devon. Nagpunta sila ng canteen at umorder agad ng dalawang burger at softdrinks si Sally. "Salamat naman at pinagbigyan mo 'ko. Para naman tayong walang pinagsamahan niyan eh." nakangiting bungad ni Sally. "Ano bang gusto mong pag-usapan natin? May sasabihin din kasi 'ko sa 'yo." tugon ni Devon. "Hmm, 'yung success nu'ng play natin. Saka 'yung plano ni direk na next project. Plano yata eh tayo ulit 'yung bida." sambit ni Sally. ".S-saka 'yung kilig scene natin, napaka-gentle nga ng kiss mo nu'n eh. Unforgettable talaga sa 'kin 'yun." dugtong ni Sally na nagpakita pa ng bahagyang pagkilig. Nanatili namang seryoso ang mukha ni Devon. "Alam mo Sally, pinatanggal na ni direk 'yung eksenang 'yun, ginawa mo pa din." aniya. "Ni direk o nu'ng kaibigan mong pilantod?" napalakas ang salita ni Sally. Naalala niyang nasa canteen sila ng paaralan nang dinala na ang mga orders nila ng tauhan ng canteen. "May pangalan siya Sally, Rosario. Rosario ang pangalan niya. Saka please lang, 'wag mo na sanang tawagin ulit ng ganu'n 'yung girlfriend ko." saad ni Devon. Napamulagat bigla si Sally sa tinuran ni Devon. "G-girlfriend mo na siya?" "Oo. Kaya kita kinausap para sabihin ko din sa 'yo 'yun. Don't worry, wala namang magbabago sa pakikisama ko sa 'yo eh. Sige, excuse me." sinabayan ni Devon ng tayo at umalis na ito. Naiwang tulala si Sally sa kinauupuan. Hindi siya makapaniwala sa sinabi ni Devon. Matagal na niyang lihim na minamahal ito. At  simula ng makilala niya si Devon ay hindi pa niya narinig o nakitang may-girlfriend ito kaya't umasa siya na mapapansin siya nito. Hindi niya napuna na tumutulo na pala ang luha niya. Pinalis niya 'yun ng mga palad niya. "Miss, eto panyo oh. Gamitin mo." mula sa kanyang gilid ang pinanggalingan ng boses. Binalingan agad ito ni Sally. Napamaang siya hanang nakatingala ng makita ang mala-artistang mukha ng lalaki sa harap niya. Maamo ang mukha nito na halos perpekto ang hugis. Malamlam ang mga mata nito, matangos ang ilong at mapupula ang mga labi. Maputi din ang makinis nitong kutis at maganda ang pangangatawan kahit natatakpan pa iyon ng uniporme. "S-salamat." sabay abot ni Sally sa panyong inalok sa kanya. "Pwede bang makiupo miss. Sayang 'yung burger at softdrinks, mukhang iniwan ka yata ng ka-date mo?" turan nito. "W-wala akong ka-date. Sige upo ka. Sa 'yo na din 'yang burger at softdrinks." saad ni Sally habang pinupunasan ang mga luhang pumatak sa pisngi niya. "Hindi bagay sa 'yo ang umiiyak Juliet, pang-play lang 'yan." saad nang lalaki habang ito ay papaupo. Napahinto bigla si Sally at napatitig sa kaharap. "Di ba ikaw 'yung transferee? B-bakit kilala mo 'ko?" aniya. "Sino ba naman ang hindi makakakilala sa ganda mong 'yan?Ang pinakasikat dito sa campus at i was there nu'ng play n'yo. Pinanuod kita." simpatikong ngiti ang pinawalan ng lalaki. Pinamulahan ng mukha si Sally at nakaramdam siya ng pagkabog ng kanyang dibdib. "Ang lalaki talaga, napakamambobola." ani Sally. "Oops, 'wag mo namang lalahatin. Minsan nga kami ang madalas maloko eh. Gaya ko, kalilipat ko lang dito, dalawa na agad ang nanloko sa 'kin. Sabi mahal daw ako, tapos mahuhuli ko may ibang guy na ka-text o kaya ka-chat." patuloy ng lalaki. "Boyfriend mo ba 'yun? 'Yung umalis?" dugtong pa nito. "Hindi." madiin na sagot ni Sally. "Di ba 'yun 'yung partner mo sa play? Akala ko in real life kayo din." anang lalaki. "Imposible ng mangyari 'yun at may girlfriend na daw siya. Ang gusto pala eh pilantod." simaktong na sambit ni Sally. Natawa ng bahagya ang lalaki. "Pilantod? Anong ibig mong sabihin?" "Pilantod... pilay. Bagong kakilala lang niya 'yung Rosario na 'yun girlfriend na niya agad." si Sally. Nawala bigla ang ngiti ng lalaki. "Ano na nga ulit ang pangalan nu'ng girlfriend nu'n?" "Rosario. Malapit lang sa kanila ang bahay. Galing daw sa Pangasinan." tugon ni Sally. Mas nagka-interes lalo ang lalaki sa sinabi ni Sally. "Ano naman ang itsura? S-saka bakit pilay?" napatukod pa ang mga braso nito sa mesa. "Hindi ko alam kung bakit pilay 'yun. Oo maganda 'yung Rosario, maputi pero maputla. Mukhang hindi yata lumalabas ng bahay 'yun. Teka bakit naman napunta du'n ang usapan natin?" puna ni Sally. Napansin din ng lalaki ang sunod-sunod niyang tanong tungkol kay Rosario. "Ah k-kasi naman, nagtataka ko't hindi ka nagustuhan ng lalaking kapartner mo sa play eh ang ganda-ganda mo. By the way, ako nga pala si Jansen. Ikaw? Juliet lang ang pagkakilala ko sa 'yo eh." sabay abot nito ng kamay. "Sally." at nakipagkamay siya sa lalaki. Naramdaman pa niya ang bahagyang pagpisil sa kanyang kamay ni Jansen habang nakangiti itong nakatitig sa kanya. "Pwede ko bang makuha sss account mo? Add sana kita, kung okay lang sa 'yo?" sabi ni Jansen. Ibinigay naman ni Sally ang kanyang pangalan sa f*******:. Ipinakita pa sa kanya ni Jansen na nag-friend request na siya dito. Napansin ni Sally na marami na palang tao sa loob ng canteen at pinagtitinginan sila. Pero mas nakakatiyak siya na si Jansen ang dahilan kung bakit nakatingin ang mga tao sa paligid nila. "Kainin mo na 'yan Jansen. Kakainin ko na din 'to." tuluyan ng nawala ang lungkot na kanina lang ay naramdaman ni Sally. "Sige magkainan na tayo." tugon ni Jansen. "Ano?" si Sally. "Magkainan na tayo. Kakainin ko 'to, kakainin mo 'yan. Bakit? Ayaw mo yatang ipakain 'to sa 'kin eh." sambit ni Jansen habang hawak na ang burger. "H-hindi, sige kain na tayo." nangiti na ng tuluyan si Sally. Napaisip bigla si Jansen sa pagkakabanggit ni Sally sa pangalan ni Rosario. "Sinabi ko na nga ba't malapit ka lang eh.  Kaunting panahon pa at tuluyang magiging akin ka Rosario." aniya sa sarili. Mula sa lahi ng mga engkanto si Jansen. Una niyang nakilala si Rosario sa isang pagtitipon ng mga kakaibang nilalang na gaya nilang mga engkanto at manananggal. Simula nang malaman niyang hindi nito nakatuluyan ang nakatalagang mapapangasawa nito ay lalong mas nag-umigting ang interes niya dito. Bukod pa doon, nais niyang mas madagdagan pa ang kanyang kapangyarihan upang malibot niya ang buong mundo. Naiinggit siya sa mga kalahi niya na malalakas ang mga kapangyarihan. Nakakapunta ang mga ito sa nais nilang puntahan. Nakapapasok sila ng mga sinehan at nakakakain din sa mga mamahaling restaurant ng hindi nagbabayad. Nagagamit din nila ang kanilang kapangyarihan sa pagnanakaw at makuha anuman ang kanilang naisin. Dahil sa isang iglap ay kayang nilang makarating at maglaho sa pamamagitan lamang ng isip. At 'yun ang isang nais niya kay Rosario, ang mapa-ibig niya ito dahil nagmula ito sa malalakas na angkan ng mga manananggal. "Ah Jansen, na-accept ko na 'yung friend request mo."  pukaw ni Sally sa panandaliang pananahimik ng kaharap. "Ah thank you, bukod sa maganda ay mabait ka din pala." tugon nito. "Ah siyanga pala Sally, pwede ba tayong magsabay lagi kapag lunchtime? Wala naman kasi 'ko masyadong kaibigan dito eh." dugtong pa nito. "Ah eh o-okay lang. Kung pareho schedule ng break natin, bakit naman hindi. Baka naman may magalit sa 'kin ha kapag nakitang magkasabay tayong kumain." nakangiting saad ni Sally. Hindi pa man nakakasagot si Jansen nang tatlong babae ang papalapit sa kanila. "Jansen, bakit naman pinaiyak mo 'tong kaibigan namin? Nakipag-break ka na daw aa kanya." bungad ng isang babae. Ang sinasabi nitong umiiyak ay ang pangalawang girlfriend ni Jansen sa paaralang 'yun. "Bakit hindi siya ang tanungin n'yo? Nahuli ko siyang may katext na iba at tinatawagan niya. 'Yan ang hirap sa inyong mga babae eh, lagi kayong tamang hinala sa aming mga lalaki pero ang totoo eh kayo ang manloloko." galit na turan ni Jansen. "Kapatid ko nga 'yun, bakit ba ayaw mong maniwala?" lumuluhang singit ng babaeng umiiyak. "Tama na 'tong kalokohan na 'to. Ayoko na, pagod na ko." wika ni Jansen. "Naku tara na nga, mukhang wala ka talagang mapapala sa Jansen na 'yan. Tigilan mo na 'yang pag-iyak mo." sadyang pinarinig pa ng isang babae kay Jansen ang sinabi at sabay-sabay na itong umalis. Galit ang mukha ni Jansen pero nagdiriwang ang kalooban niya sa nakikita niyang pag-iyak ng babae sa kanya. Nararamdaman din niyang  mas nadaragdagan ang kanyang lakas at kapangyarihan. "Baka gaya ka din niya ha Sally?" baling niya sa kaharap na pansamantalang nabigla sa pagsugod ng tatlong babae. "Huh? H-hindi ah. Kapag nagka-boyfriend ako stick to one lang ako at never na akong titingin sa ibang lalaki." iniangat pa ni Sally ang kanyang baba sa pagsasalita. Bahagyang dumukwang si Jansen malapit sa mukha ni Sally. "Yan ang mga gusto ko sa babae eh. Sana all."  aniya. Hindi makatingin ng diretso si Sally sa kaharap sa sobrang kilig niya. Ang hindi niya alam ay sinisimulan na siyang ihulog ni Jansen sa kanyang patibong.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD