KUMURAP-KURAP si Iza, umiling-iling. Baka nga nagmamalikmata lamang siya. Baka nga hinahabol lang siya ng bangungot niya noong annual auction party ng Orchedia. Pero bakit ganoon ang nararamdaman niya? Ayaw paawat sa pagkabog ang kanyang dibdib.
Pagbalik niya sa opisina ay nagulat siya nang may kahon ng branded na doughnut sa ibabaw ng table niya. Nilingon niya si Garcilia na busy sa pagtipa sa keyboard ng computer nito. Busy rin si Karla sa sinusulat nito.
“Girls, kanino itong doughnut?” hindi natiis na tanong niya sa mga kasama.
“Eh 'di sa 'yo?” sagot ni Karla.
“Ha? Kanino naman galing?” 'takang tanong niya.
“Eh 'di sa secret admirer mo,” si Garcilia naman ang sumagot.
“Buksan mo na dali! Kanina pa kami natatakam ni Garcilia, eh,” excited na udyok sa kanya ni Karla.
Napakamot siya ng batok. Wala man lang nakalagay kung kanino nanggaling ang naturang pagkain. Heto na naman ang palaisipan niya. Mabuti pa 'yong flower, may card at galing kay Prince. Baka nga hindi na si Prince ang admirer niya. Baka may iba pa. At saka, umamin naman si Prince na hindi ito nanliligaw sa kanya. Sumasakit na ang ulo niya sa kakaisip.
Nang buksan niya ang kahon ng doughnut ay nag-uunahan sina Karla at Garcilia na kumuha ng doughnut. Pinagpapalo niya ang mga kamay ng mga ito.
“Aray!” panabay na daing ng mga ito.
“Sige, mauna kayong kumain nang una kayong mamamatay sa akin kapag may lason 'yan!” asik niya.
“Uy grabe siya, oh. Patay agad?” amuse na sabi ni Karla.
“Pahingi, ah,” naglalambing pang paalam ni Garcilia. Hinayaan na niyang kumain ang mga ito.
May baon naman siyang hopiang monggo pero ang kinain niya ay ang doughnut. Paborito niya kasi iyon pero since mahal at nagtitipid siya, nagtitiyaga na muna siya sa hopia na fifteen pesos isang balot. Not bad. Wala namang mawawala sa kanya kung tatanggapin niya ang binibigay ng secret admirer niya. Ika nga, masamang tumanggi sa grasya. Ngingiti-ngiting kumakain siya ng doughnut. Gusto talaga niya ang chocolate flavor.
NASANAY na ata si Iza na pabigla-bigla siyang nilalapitan ni Prince at naihahatid siya pauwi. Tatlong araw na simula noong umalis sa Orchedia si Prince. Na-miss din niya itong kasalo sa tanghalian. Samanlatang patuloy pa rin siyang nakatatanggap ng bulaklak, pack lunch at meryenda. Still, her admirer is anonymous. She's not comfortable while she's outside the company or even in her house. Ramdam pa rin niya na may nakasunod sa kanya.
Lunes ng umaga pagpasok niya ay isang malakas na tili ang bumungad sa kanya. Panabay na tili nina Karla at Garcilia. Kuno't-noong tinitigan niya ang dalawa na sumalubong sa kanya. “Ano'ng meron?” tanong niya sa mga ito.
“Look at those!” kinikilig na sabi ni Karla saka itinuro ang nasa ibabaw ng table niya.
Nanlaki ang mga mata niya nang makita ang bouquet ng bulaklak na may kasamang maliit na pulang kahon. Kaagad siyang lumapit sa lamesa niya at kinuha ang kahon. May nakadikit na card sa ibabaw at may nakasulat.
Good morning, my princess! I found the most beautiful creature when I laid my eyes on you. You're the kind of view that I can't ignore. Can we have a dinner date tonight? If yes, wait for me around six pm at Orchedia's lobby.
Ayaw paawat sa pagkabog ng dibdib ni Iza. Magpapakita na ang secret admirer niya! What to do? Tumingin siya sa kanyang mga kasama. Nakikita niyang positibo ang mga ngiti ng mga ito.
“Go, girl!” udyok pa sa kanya ni Garcilia.
Napakanta tuloy si Karla. “Ang suwerte mo... ang suwerte-suwerte mo... Mahal ka ng mahal ko... Ayeiii!” kinikilig na awit nito.
Naiinis pero hindi niya maitago ang kilig. First time kasi na may pasikretong nanliligaw sa kanya. Malamang isa rin sa empleyado ng Orchedia ang lalaking iyon. Pero obvious na may kaya. Baka naman isa sa manager or whatever.
“Buksan mo na 'yang kahon, Iza. Ano kaya 'yan?” excited na udyok sa kanya ni Karla.
Kaloka, mas excited pa ang mga ito sa kanya. Umupo siya sa swivel chair at binuksan ang maliit na kahon. Nawindang siya nang malamang kuwintas iyon na may diamond pendant. Ang mga tsismosa niyang katrabaho ay nag-uunahan sa paglapit at nauna pang hinawakan ang kuwintas.
“OMG! Ang mahal nito!” si Karla.
“May I see?” Inagaw pa ni Garcilia ang kuwintas sa kamay ni Karla. “Wow! Italian gold! Puwede nang pambili ng kotse ito, teh!”
Umiling-iling siya. “Mga baliw!” singhal niya. “Akin na nga 'yan!" Kinuha niya ang kuwintas at ibinalik sa kahon.
“Why are you not happy, bhe?” nakabusangot na tanong ni Karla.
“Hindi ko ito isusuot hanggat hindi nagpapakilala sa akin ang lalaking 'yon,” aniya.
“Tsk! Pakipot ka pa, eh,” angil ni Garcilia saka ito bumalik sa table nito. Iniwan din siya ni Karla.
Bigla namang bumukas ang pinto at pumasok si Marita. May hawak itong brown envelop. Nagulat siya nang ilapag nito ang brown envelop sa ibabaw ng lamesa niya. Nagtatakang tiningala niya ito. Malapad ang ngiti nito.
“Ano 'to, Ate?” 'takang tanong niya.
“Open it,” sagot nito.
Binuksan naman niya ang envelop. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang tseke na iyon na nakapangalan sa kanya at nakasulat ang amount na one million pesos. Ang dalawang tsismosa ay lumapit kaagad sa kanya at nakitingin sa tseke.
“Approved na ang loan mo. Ibinigay na rin 'yong sa akin,” sabi ni Marita.
Nawiwindang talaga siya, hindi makapaniwala.
“Sandali, bakit sa akin wala pa? Twenty thousand lang naman iyon!” reklamo ni Karla.
“Ewan. Baka ayaw tanggapin kasi mababa lang,” biro pa ni Marita.
Natigagala si Iza. Ganoon kabilis? Nasa matinong pag-iisip ba ang bago nilang boss? O baka galit lang ito sa pera. Gayunpaman ay ang saya-saya niya. Hinalik-halikan pa niya ang tseke. Ang totoo, hindi siya nag-expect na maa-approve ang loan niya since wala pa naman siyang isang taon sa kumpanyang iyon.
After launch ay pumunta ng banko si Iza at idiniposito ang tseke sa isang bank account niya na hawak ng papa niya. Ayaw niya itong idiposito sa ATM account niya na siyang hinuhulugan ng suweldo niya sa Orchedia. Direct na kasi sa account ang suweldo nila. Gusto niya makuha kaagad ng papa niya ang pera para matubos na ang lupang naisanla. Wala naman daw iyong interes dahil kaibigan naman ng papa niya ang napagsanlaan.
Paglabas niya ng banko ay kaagad niyang tinawagan ang kanyang ama. Mabuti nasa linya kaagad ito.
“Oh, anak, napatawag ka, ineng,” sagot ng papa niya.
“Pa, may surprise ako sa 'yo!” excited na sabi niya.
“Aba, ano naman ireng surprise mo?”
“Nakapag-loan ako ng one million sa company namin. Nai-deposit ko na sa isang ATM account ko. Puwede mo nang ma-withdraw once cleared na.” May ilang segundong tumahimik ang papa niya. “Pa, nariyan ka pa ba?” tanong niya.
“Kuwan, aba'y mabuti, anak!” sabi nito. Nahimigan niya ang garalgal nitong boses na tila umiiyak. Sumisinghot din ito.
“Pa, what's wrong? Umiiyak ka ba?” nag-aalalang tanong niya.
“Uh... h-hindi. Masaya laang ako, hija. Sorry…”
Parang pinipiga ang puso niya. “Tears of joy ba talaga iyan?”
“Oo. Kasi, hindi ka dapat nagsasakripisyo nang ganyan. Responsibilidad ko kayong mga anak mo. Dapat ay sarili mo na lang ang iniintindi mo.”
Mamasa-masa na ang kanyang mga mata. Umupo siya sa unang baitang ng hagdanan sa gilid ng entrance ng banko. Para siyang pulubi roon. Kulang na lang ay maglagay siya ng lata na huhulugan ng barya. Pinagtitinginan siya ng mga taong dumadaan.
“Papa naman, eh, pinaiiyak mo ako,” humihikbing sabi niya. “Huwag ka nang mag-alala. Dahil tapos na ang responsibilidad n'yo sa akin, kayo naman ngayon ang susuportahan ko. Kapag natubos na ang lupa, kakausapin ko si Mang Tonio para siya ang magsaka sa lupain. Ako na ang magpi-finance sa lahat ng kailangan,” aniya.
“Sige anak, magandang plano iyan. Basta, huwag mo abusuhin ang sarili mo. Mahal na mahal kita, anak,” sabi ng kanyang ama.
Tumango siya kahit hindi siya nito nakikita. “Mahal na mahal din kita, Pa. Ingat ka po palagi sa work mo.”
“Ikaw rin, hija.”
Tumango ulit siya. “Oo naman.”
“Sige, anak, babalik na ako sa trabaho, ha?”
“Opo, Pa. Bye.”
“Bye.”
Bumalik na siya sa Orchedia. Hindi pa siya kumakain. Pagpasok niya sa opisina ay may dalawang patong na Tupperware sa ibabaw ng lamesa niya. Wala roon ang mga tsismosa niyang kasama.
Natakam siya nang mabuksan ang Tupperware. Puro pagkain ang laman. Kaagad niya itong nilantakan. Nang mabusog siya ay saka lang ulit niya naisip ang secret admirer niya na malamang ito pa rin ang nagpadala ng pagkain.
Umiinom na siya ng tubig nang biglang tumunog ang kanyang cellphone na sana loob ng kanyang bag. Dagli niya itong dinukot at walang tingin-tingin sa screen saka sinagot.
“Hello?” untag niya.
“Iza…”
Napamata siya. Kilala niya ang boses. Tiningnan muna niya ang pangalang nakarehistro sa screen. It was George. Hindi pa pala niya nabubura ang number nito. ”Can we talk, Iza?” Malamig ang boses nito.
“Sa tingin ko ay wala na tayong dapat pag-usapan, George,” matigas ang tinig na sabi niya.
“I'm sorry. I need someone to talk to and only I comfortably talking with. Please, magkita tayo mamayang gabi,” sabi nito.
Alam niya ang pinagdadaanan ni George. Tungkol pa rin ito sa babaeng nabuntis nito at sa pamilya nito. Pero wala na siyang pakialam doon. “We can talk now, George. I'll give you thirty minutes,” aniya.
“That's not enough, Iza. Please, I'll pick you up there tonight,” pilit nito.
Bumuntong-hininga siya. Naalala niya na mamaya na magpapakita ang secret admirer niya sa araw na iyon. Hindi niya puwedeng ma-miss iyon. “Hindi ako puwede mamaya, may lakad ako,” sabi niya.
“Maybe some other day? Basta makausap lang kita, Iza, please…” samo nito.
Sa kabila ng pananakit sa kanya ni George ay hindi niya ito basta maitapon. Alam naman niya ang totoong dahilan bakit siya nito nasaktan. Kahit iginiit nito na hindi nito gustong saktan siya, sirang-sira na ito sa kanya.
Nagparaya siya dahil alam niya’ng wala siyang magiging laban. Mas inintindi niya ang side ng babae at ng bata. Isa pa, magiging problema rin niya ang parents nito. Ayaw niya ng stress kaya minabuti niyang tanggapin na lang ang lahat. Nailuha naman niya ang sakit. Kahit masakit pa rin, hindi niya ipipilit ang kanyang sarili para lalong mabuhay ang sakit.
“Some other day,” sabi na lamang niya.
“I'll call you tomorrow or you call me?” anito.
“Okay. Just call me.” Kaagad niyang pinutol ang linya.
NAG-OVER-TIME sa opisina si Iza kaya paglabas niya ay alas-sais na ng gabi. Mabuti may dala siya palaging ekstrang damit. Pinalitan niya ang uniform niya ng white fitted jeans at pink blouse. Nagpahid siya ng rosy red lipstick at face powder. Inisang bungkos lang niya ang kanyang buhok.
Lobby, sa lobby raw siya maghihintay sabi ng secret admirer niya. May dalawang minuto na siyang nakaupo sa bench sa may lobby nang may matangkad na lalaking lumapit sa kanya. Purong itim ang kasuotan nito.
“Ma'am Iza?” untag nito.
“Yes?” Matikas siyang tumayo. Hindi niya kilala ang lalaki.
“Sumunod po kayo sa akin,” sabi nito.
Kinabahan siya. Ang ganoong pangyayari, hindi mapagkatiwalaan. “Bakit naman ako sasama sa ‘yo?” mataray na tanong niya.
“Hinihintay na po kayo ni Sir sa kotse.”
Umatras siya. No, never again! “Bakit hindi ang boss mo ang palapitin mo sa akin?” aniya.
“Sumunod na lang po kayo sa akin. It's an order, ma'am.”
“Buwisit!” Napamura siya. Alam na niya ang senaryong ito. May lumapit na ring guwardiya. Kilala nito ang lalaki. Of course, hindi naman ito makapapasok kung hindi ito kilala ng guwardiya.
“Huwag kayong mag-alala, ma'am, narito ang security personnel para bantayan kayo. Sumama na ho kayo kay Sir,” sabi ng guwardiya.
Nakaloloka. Bakit siya pinagkakanulo ng mga ito? Para sigurado ay sa guwardiya siya sumabay at hindi sa lalaking nakaitim. Mukha kasi itong tauhan ng sindikato at naka-sunglasses pa kahit maggagabi na.
Iginiya siya ng guwardiya palapit sa puting van. Teka, puting van? Sasakyan iyon ng mga kidnapper sa balita na nangunguha ng bata! Tatakbo sana siya pero napigil siya ng kamay ng guwardiya. Nagpumiglas siya at nagsisigaw.
“Bitiwan mo 'ko!” asik niya. Ayaw siya nitong pakawalan. Gagong 'to.
“Release her!” utos ng baritonong boses ng lalaki.
Mabilis naman siyang pinakawalan ng guwardiya. Kinikilabutan si Iza. Ang boses na iyon. Pamilyar ang boses na iyon. Marahan siyang pumihit sa kanyang likuran. Napatda siya, nawiwidang nang mamataan sa kanyang harapan si Argius, wearing his gray tuxedo, and wearing the same poker face.
Hindi maari. Kumurap-kurap siya at umiling-iling baka sakaling mahimasmasan siya at mapatunayang nagmamalikmata lang siya. Pero hindi, he is real, standing in front of her and staring at her intently.
“I-ikaw? Ikaw na naman?” nanginginig ang boses na tanong niya.
“Are you waiting for your date?” he asked her.
Kumunot ang noo niya. Bakit alam nitong hinihintay niya ang ka-date niya?
“And how did you know about my date?” mataray niyang tanong.
“I'm your date, anyway.”
Nagimbal siya. Ibig ba nitong sabihin, ito ang nagpapadala ng bulaklak, pagkain at kung ano pa sa kanya?