Chapter 2

2363 Words
ILANG minuto pa bago huminto ang sinasakyan nila. Nanatiling nakaupo si Lara at naghintay na kausapin siya ni Khalid. Ito ang nagmamaneho ng kotse. Hindi siya sigurado kung ano ang status sa buhay ni Khalid. Maaring may maganda itong trabaho. “Okay ka lang ba, Lara?” tanong ni Khalid. Hindi pa ito lumalabas ng kotse. “A-Ayos lang ako. Pero nasaan na tayo?” aniya. “Narito na tayo sa bahay ko.” “Bahay mo?” “Oo. Hindi rito nakatira si Lola dahil naroon siya sa family house namin. May kasama naman siya roon at ayaw niyang lumipat. Pero bibisita rin siya rito para makausap ka.” Pinakiramdaman niya si Khalid. Hindi man niya nakikita ang mukha nito, alam niyang magandang lalaki ito. Boses pa lang nito ay tunog guwapo, baritono, pero nahahalata niya na may kalamigan ang personality nito. Malimit din itong magsalita. “Maraming salamat sa tulong mo, Sir Khalid. Hayaan n’yo, makahanap din ako ng ibang matitirhan para hindi na kayo maabala,” sabi niya. “Please, tawagin mo lang akong Khalid. I’m just twenty-eight years old,” anito. “Ah, matanda ka lang pala ng tatlong taon sa akin. Twenry-five na ako.” “Huwag mo na isipin ang matirhan mo. Puwede kang tumira rito kung kailan mo gusto.” “Wala po ba kayong kasama rito?” “May kasama ako, pisan ng nanay ko. Madalas akong wala kasi nasa trabaho.” “Ah, sige. Tutulong na lang ako sa gawaing bahay.” “Please don’t bother. Magpahinga ka muna.” Binuksan na ni Khalid ang pinto ng kotse. Mayamaya ay inalalayan na siya nito pababa ng sasakyan at ibinalik ang walking stick niya. Iginiya siya nito papasok ng bahay. “Wala ka bang ibang dalang gamit, Lara?” tanong ni Khalid. “Wala, eh. Nagmadali kasi akong umalis ng bahay kaya iyong bag kung saan nakalagay ang credentials ko at ibang importanteng gamit ang nadala ko. Konting damit lang din ang nakuha ko, hindi ko pa nakita kung matino ba.” “Sabi ni Lola lumayas ka sa bahay n’yo? Ano ba ang nangyari?” Hindi siya nakaimik nang biglang manikip ang kaniyang dibdib. Hindi naman siya pinilit ni Khalid na sumagot. Iginiya siya nito sa silid kung saan umano siya mananatili. “Dito ka lang sa ground floor na kuwarto para hindi ka mahirapan. Meron akong kasama rito sa bahay na tutulong sa ‘yo,” sabi nito. Kinapa niya ang paligid. Pinaupo siya ni Khalid sa malambot na bagay, marahil ay bahagi ito ng kama. “Maraming salamat, Khalid. Pasensiya na sa abala,” sabi niya. “No worries. Magpahinga ka muna. Kung gusto mong lumabas, tawagin mo si Tita Jenny.” “Sige, pero kaya ko namang lumabas.” “Naninibago ka pa kaya huwag mong piliting maglakad na walang kasama. Itatabi ko muna ang mga gamit na maari mong masagi.” Tumango siya. Biglang tumahimik matapos ang pagbukas at pagsara ng pinto. Lumabas na si Khalid. Saka lamang kumilos si Lara at nangangapa sa paligid. May nakapa siyang maliit na lamesa sa gawing kaliwa ng kamal. Wala siyang makapang kahit ano sa ibabaw nito. Naglakad pa siya at merong pinto. Hula niya’y patungo itong banyo dahil ang mabuksan ay langhap niya ang amoy banyo, mabango. Ihing-ihi na siya kaya pumasok siya ng banyo na nangangapa ang isang kamay. Hawak naman ng kanang kamay niya ang walking stick. Natagpuan din niya ang inidoro. Sa isang linggo mahigit na nanatili siya sa bahay nila, sinanay niya ang sarili na kumilos na walang alalay. Nakabasag nga lang siya ng mga baso at ibang gamit. Unti-unti ay nasasanay na rin siya na walang makita. Minsan ay may anino siyang naananinag, hindi naman sobrang dilim talaga. Nang makaihi ay nag-explore pa siya sa kuwarto. May closet na roon pero walang laman. Inayos na niya ang kakarampot niyang gamit. Pagkatapos ay humiga siya ng kama na medyo maluwag. Mabango ang kumot. Malamig doon sa kuwarto dahil may air-con. Naisip niya na nakaaangat sa buhay si Khalid. May kotse ito. Marahil ay maganda ang trabaho nito at may malaking sahod. Sa lalim ng iniisip niya’y ginupo na siya ng antok. SAMANTALANG hindi na nakabalik sa opisina si Khalid. Umuwi siya dahil hinatid ang lola niya sa mansiyon. Sumama kasi ito sa kumpanya dahil gustong makinig sa board meeting. Hindi niya maintindihan bakit mabilis napalapit ang lola niya kay Lara. Bihira ito magtiwala sa taong minsan lang nito nakilala. Marahil ay dahil na rin sa utang na loob. Hindi naman niya maiwasang magduda kay Lara. Sabi ng lola niya, nagsumbong si Lara at sinabing nagastos umano ng nanay nito ang perang pampagamot sana sa mga mata nito. Babalikan sana niya si Lara sa kuwarto kaso nang buksan niya ang pinto, nakatulog na ang dalaga sa kama. Hindi na lamang niya ito inabala. Pinuntahan niya sa kusina ang kaniyang tiya. “Tita Jenny, aalis muna ako. Pakitingnan po si Lara. Nakatulog siya. Baka bigla siyang lalabas, gabayan n’yo na lang,” habilin niya sa ginang. “Sige. Ako na ang bahala sa kan’ya,” anito. Pagkuwan ay umalis siya lulan ng kotse. Hindi pa sila nakapag-usap nang maayos ng lola niya tungkol kay Lara. Inapura lang siya nito na sunduin ang dalaga, ni hindi sinabi kung ano ba talaga ang problema. May trust issue siya sa mga taong biglang napapalapit sa kanila ng lola niya. Hindi rin siya basta nakikisalamuha sa ibang tao. He hates attention and never shares his private life with anyone, except those he trusts. Walong taon siya noong namatay sa sunog ang mga magulang niya, sa lumang bahay nila. Ang lola lamang niya ang nagpalaki sa kan’ya kaya handa siyang gawin lahat para sa ginang. Lahat ng gusto nito ay sinusunod niya alang-alang sa ikasasaya nito. Pagdating sa family house nila ay nadatnan niya ang ginang sa lobby kasama ang kawaksi. Maraming masaya at masasakit na alaala sa bahay na iyon kaya hindi siya naglalagi roon. Doon din namatay ang lolo niya na sobrang minahal siya. He hates the feeling of drowning in the painful memories. And leaving the place that reminded him of the past is his way of healing. “Apo, mabuti dumating ka. Kasama mo ba si Lara?” bungad ng ginang. Nakaupo lang ito sa couch at nagpapalinis ng kuko nito sa paa sa kawaksi. Nilapitan niya ito at tinabihan sa couch. Saktong natapos na ang paglilinis sa paa nito at umalis na ang kawaksi. “Nakatulog si Lara kaya hindi ko na inabala,” aniya. “Mabuti naman at nang makapagpahinga siya. Kawawa naman ang batang ‘yon.” “Ano na po ang plano n’yo kay Lara? Bakit ba siya naglayas sa kanila?” usisa niya. “Hindi ko nga alam. Kaninang tumawag siya, takot na takot siya. Nag-away ata sila ng nanay niya.” “Huwag po muna kayong magtitiwala nang sobra kay Lara. Wala tayong alam sa background niya.” Hinawakan ng ginang ang kaniyang kanang kamay. “Apo, hindi natin kailangang pag-isipan nang masama si Lara. Kung masama siyang tao, hindi siya magbubuwis ng buhay para lang sa matandang katulad ko.” He felt guilt after judging the person who saved his grandmother. “I’m sorry. Nag-iingat lang ako. Maraming mananamantalang tao ngayon.” “Naintindihan kita, Apo. Pero wala naman akong maramdamang kahina-hinala kay Lara. Gusto ko siyang matulungan at sana’y suportahan mo ako, Khalid.” “Ano po ba ang gusto n’yo? Aampunin n’yo si Lara?” Tumitig siya sa ginang. “Gusto kong maging parte ng pamilya natin si Lara. And I think it’s time for you to settle down, Khalid. Pakasalan mo si Lara.” Nawindang siya sa sinabi ng ginang. “Ho? Baka nabibigla lang kayo, Lola!” “Hindi, Apo. Ito lang ang paraang alam ko para makabawi kay Lara. Nabulag siya dahil sa akin. Gusto ko siyang mabigyan ng magandang buhay. Tulungan natin siya, Khalid,” sumasamong wika ng ginang. Matiim siyang tumitig sa ginang at pinag-iisipana ng pabor na hinihingi nito. Wala pa itong hiniling sa kan’ya na hindi niya tinupad. He doesn’t have time to date a woman, and he never dares to have a relationship with anyone. Nag-focus siya sa business since namatay ang lolo niya. High school pa lang ay inaaral na niya ang negosyo at wala siyang ibang ginawa kundi magpakadalubhasa sa pamamahala ng kumpanya. Pero kung wala ang suporta ng lola niya, baka wala siyang matutuhan at makukulong siya sa trauma ng kahapon. His parent's death traumatized him. He witnessed how his parents burned by fire, and he’s the only survivor. He’s thankful to a little girl who saved him. Relate siya sa kaniyang lola bakit handa itong gawin ang lahat maibalik lang ang kabutihang loob ni Lara. And he can’t refuse her favor. “Kakausapin ko po muna si Lara at aalamin ang sitwasyon niya sa pamilya,” sabi niya pagkuwan. “Sige, Apo. Balitaan mo ako kapag nakapag-desisyon ka na, ha?” ani Milagros. Tumango siya. Pagkuwan ay tumango na siya at nagpaalam sa ginang. Umalis din siya kaagad at may kukunin pa siyang papeles sa opisina. NAPASARAP ang tulog ni Lara at nang magising ay kaagad siyang lumabas ng kuwarto. Kamuntik pa siyang mabunggo sa matigas na bagay. May babaeng lumapit sa kan’ya. “Dahandahan lang, Lara,” sabi ng ginang. Sa boses nito ay halatang may edad na. “S-Sino po kayo?” tanong niya. “Ako si Jenny, tiyahin ni Khalid,” pakilala naman nito. “Ah, nasaan po pala si Khalid?” “Umalis siya. Baka hapon na siya makauwi. Ano, nagugutom ka na ba?” “Hm, medyo po.” “Halika ka sa kusina.” Hinawakan siya ng ginang sa kaliwang braso. May walking stick naman siya pero napabilis ang lakad niya dahil may alalay. Pinaupo siya ng ginang sa silya kaharap ng lamesa. “Hintayin mo ako rito. Ikukuha kita ng pagkain,” ani Jenny. Tumango lamang siya. Kinapa niya ang ibabaw ng lamesa. Walang nakapatong na kung ano roon. Mayamaya ay bumalik si Jenny. Naamoy na niya ang pagkain inihain nito sa harapan niya. Inalalayan pa siya nito sa pagsubo ng pagkain. Kahit kaya naman niyang kumain, hindi siya hinayaan ng ginang. “Mainit itong sabaw, baka maitapon mo. Hayaan mong alalayan kita,” ani Jenny. Wari may malamyos na hanging humaplos sa kan’yang puso. Na-miss niya ang kalinga ng isang ina, na dati namang ginagawa ng nanay niya. Bigla lang itong nagbago simula noong nagdalaga siya. “Salamat po, Tita Jenny,” aniya. “Walang anuman. Na-miss ko na ring mag-alaga ng anak.” “Nasaan po ba ang anak n’yo?” Sandaling nanahimik ang ginang. “Namatay ang nag-iisa kong anak noong kinse anyos siya. Nagkaroon siya ng tumor sa utak. Magkasunod lang silang namatay ng asawa kong na-stroke kaya mag-isa na lang ako,” pagkuwan ay kuwento ng ginang. “Aw. Ikinalulungkot ko po ang nangyari sa inyo.” “Ayos lang. Kaya hayaan mo akong alagaan ka para naman mapawi ang lungkot ko. Babae rin iyong anak ko kaya bigla akong na-excite nang sabihin ni Khalid na dito ka titira.” Napangiti siya. Muli naman siyang sinubuan ng ginang ng sabaw. Pagkatapos kumain ay bumalik din sa kuwarto si Lara at kinuha ang kaniyang cellphone. Saktong tumunog ito. Muli siyang lumabas at nagpatulong kay Jenny na masagot ang tawag. Nang mailapat ang cellphone sa kan’yang tainga ay umalingawngaw ang boses ng kaniyang ina. Galit na galit na ito. “Hoy, Lara! Huwag mo akong tinataguan! Nasaan kang bata ka, ha? Umuwi ka na!” singhal ng nanay niya. “Hindi na po ako uuwi!” giit niya. “Anong hindi uuwi? Naghihintay na sa ‘yo ang mapapangasawa mo!” “Ayaw ko pong magpakasal sa hindi ko naman kilala! Wala kayong karapatang ibenta ako! Hindi baleng mamatay ako kaysa mapunta sa kung sinong taong pinagbentahan n’yo sa akin!” Dumadaldal pa ang nanay niya nang may umagaw sa kaniyang cellphone. Nagulat siya at kinapa ang taong kaharap niya. Nahawakan naman nito ang kamay niya. “It’s me, Lara,” sabi ng lalaki. “K-Khalid?” namamaos na sambit niya. Pinutol na pala ni Khalid ang tawag ng nanay niya. Inalalayan siya nito paupo sa couch at ibinalik ang cellphone sa kan’yang kamay. “Narinig ko ang sinabi ng nanay mo. Bakit ka niya naibenta sa kung sinong lalaki?” may katigasan ang tinig na tanong nito. “Hindi ko nga rin maintindihan. Nagulat na lang ako, naibenta na ako ni Nanay sa matandang binata na mayaman daw. Pinangbili niya ng bahay ang perang binigay ni Lola Milagros tapos naibenta pa niya ako,” mangiyak-ngiyak na sumbong niya. “Hindi ako makapaniwala na may ganoong ina. Mabuti na lang pala tumawag ka kay Lola. We won’t allow your mother to abuse you.” “Pero hindi ako titigilan ni Nanay hanggat hindi nakukuha ang gusto niya.” Kumislot siya nang hawakan ni Khalid ang kaniyang mga kamay. “Lara, you need to trust me, okay? Mas magiging safe ka sa akin. Hindi ako papayag na guguluhin ka ng nanay mo. Ire-report natin siya sa pulis.” “Ha? Baka madamay ka pa, Khalid.” “Don’t worry. Nag-aalala rin si Lola sa ‘yo. At siya nga pala, may naisip akong paraan para tigilan ka ng nanay mo at ng lalaking bumili sa ‘yo.” “Ano ‘ng gagawin mo, Khalid?” “Pakakasalan kita, Lara.” Nagimbal siya at hindi malaman ang isasagot kay Khalid. Nataranta na siya. “N-Nagbibiro ka ba? Bakit mo ako pakakasalan?” aniya. “Gusto ko ring makabawi sa pagligtas mo sa lola ko. At ito lang ang alam kong way para matulungan kita.” “Eh, pag-iinitan ka ng nanay ko at ng lalaking nakasundo niya sa pagbili sa akin. Magugulo ang buhay mo, Khalid.” “Huwag mo akong isipin. Ang mahalaga ay ligtas ka.” “Pero hindi ko alam kung ano ang isasagot sa ‘yo. Naguguluhan ako,” balisang sabi niya. “Pag-isipan mong mabuti, Lara. Hihintayin ko ang desisyon mo.” Hindi na siya nakakibo at marahang binawi ang mga kamay na hawak ng binata.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD