HINDI pa rin makapagpasya si Lara kung tatanggapin ang alok ni Khalid na kasal. Hindi pa niya ito lubos na kilala at ayaw niyang madamay ito sa problema niya sa pamilya. Pero may pagkakataon na gusto niya ang ideya ni Khalid. Nauunahan lang siya ng takot.
Isang linggo na siyang nasa bahay ni Khalid pero madalas wala ang binata. Maaga itong umaalis ng bahay at madalas ay gabi na kung umuwi. Silang dalawa lang ni Jenny ang naiiwan sa bahay at ito ang kakuwentuhan niya. Mabilis gumaan ang loob niya sa ginang lalo’t madaldal ito.
“Ano’ng oras na po, Tita Jenny?” tanong niya sa ginang. Nakaupo lang siya sa couch sa salas.
Nakabukas ang telebisyon doon pero parang radyo na boses lang ang pinapakinggan niya. Drama ang palabas.
“Alas tres na ng hapon, Lara. Hindi ka na nakaidlip,” ani Jenny.
“Hindi po ako inaantok,” aniya.
“Dito ka lang, ha? Ako na lang ang iidlip.”
“Sige po.”
Habang nakikinig ng nagsasalita sa telebisyon ay sumagi na naman sa isip ni Lara ang tungkol sa inaalok na kasal ni Khalid. Hindi pa rin siya makapaniwala na bigla iyong nasabi ng binata, na tila ba hindi napag-isipan. Hindi pa naman sila lubos na magkakilala.
Pagsapit ng gabi ay nagpumilit si Lara na tulungan sa paghahanda ng hapunan si Jenny. Hindi kasi siya sanay na walang ginagawa.
“Himayin mo na lang itong dahon ng malunggay, Lara. Ihahalo ko ito sa tinolang manok,” ani Jenny.
Kinapa naman niya ang inilapag nitong bilao sa kaniyang tapat. “Sige po. Sa susunod magsasanay akong gumamit ng kutsilyo kahit hindi nakikita,” aniya.
“Nako, huwag mo nang tangkain ‘yan, Lara! Ikapapahamak mo pa ‘yan.”
“May naaaninag naman po ako, parang anino.”
“Kahit na. Mahirap na magkamali ka at mahiwa ang daliri mo. Okay na iyang maghimay ka ng mga dahon ng gulay o iyong hindi kailangang gamitan ng kutsilyo.”
“Nakakaya ko na rin pong magwalis at maglampaso.”
Natawa ang ginang. “Paano ka magwawalis, hindi mo nakikita ang dumi?”
“Kakapain ko na lang po. Puwede ring mag-mop ako.”
“Hay! Ikaw talagang bata ka. Alam ko sobrang hirap ng sitwasyon mo pero sana ay makakita ka pa balang araw.”
Naisip naman niya bigla si Khalid, at ang hitsura nito. “Ahm, Tita Jenny, ano po ang hitsura ni Khalid?” tanong niya.
“Ah, hindi mo pa ba nakita ang mukha niya?”
“Hindi po. Si Lola Milagros lang ang nakita ko kasi nabulag na ako nang makilala ko si Khalid.”
“Gano’n ba? Ano, sobrang pogi ni Khalid. Matangkad siya, malaki ang katawan kasi nagwo-workout din siya at araw-araw nagja-jogging. Magaganda ang mga mata niya kasi ang tatay ni Khalid ay may lahing arabo at german. May dugo rin namang pinoy ang tatay niya. Sobrang tangos ng ilong ni Khalid, mapupula ang labi, katamtaman lang din ang puti ng kutis niya at makinis.”
Habang inilalarawan ng ginang ang mukha ni Khalid ay ini-imagine niya ito. Hindi niya napigil ang sarili na mapangiti. Ilang araw pa lang siyang nakatira sa bahay ni Khalid ay tila nagsisimula na siyang humanga sa binata. Sa tuwing kakausapin siya nito, nauunahan siya palagi ng excitement.
“Oh, ayan na si Khalid!” mayamaya ay bulalas ni Jenny.
Uumayos naman siya ng upo at inipon sa likod lahat ng hibla ng ga-baywang niyang buhok.
“Kumusta kayo, Tita?” tanong ni Khalid.
“Heto, busy sa paghahanda ng hapunan. Gustong tumulong ni Lara kaya pinagbigyan ko.”
“Huwag n’yo po siyang pahawakin ng kutsilyo.”
“Hindi naman. Mukhang sanay itong si Lara na nagtatrabaho at nababagot na walang ginagawa.”
Sandaling naghari ang katahimikan. Hindi mahulaan ni Lara kung ano ang ekspresyon ng mukha ni Khalid. Pakiramdam niya ay nakatingin ito sa kan’ya. Uminit bigla ang kan’yang mukha.
“Magsa-shower lang po ako,” pagkuwan ay paalam ni Khalid.
“Sige. Tamang-tama mamaya pagkatapos mong maligo ay puwede na tayong kakain.”
Muling tumahimik.
Natapos na ni Lara ang paghimay sa dahon ng malunggay. Kinuha na ito ni Jenny. Naigisa na nito ang karne ng manok kaya humilab ang kaniyang sikmura. Natatakam siya sa amoy ng niluluto.
Makalipas ang isang oras ay bumalik si Khalid. Langhap na langhap ng dalaga ang amoy bagong ligo na katawan ni Khalid. Ang bango ng sabong ginamit nito, tila may halong mint. Awtomatikong tumulin ang t***k ng kaniyang puso nang maramdaman si Khalid sa kaniyang tabi.
“Halika na sa dining room, Lara. Doon mo na hintayin ang food,” ani Khalid.
Inalalayan siya nito patayo kaya lalong nanuot sa ilong niya ang amoy nito. Sumunod siya rito hanggang sa pinaupo siya sa silyang katapat ng lamesa.
Naamoy na rin niya ang ulam na inilapag ni Jenny sa lamesa. Hindi siya makakilos sa takot na masagi niya ang mainit na sabaw. Pinakiraramdaman lamang niya ang paligid.
“Ako na ang maglalagy ng pagkain sa plato mo, Lara. Mainit ang sabaw,” ani Jenny.
Tumango lamang siya.
May kumakalansing na mga plato at kutsara. Ramdam niya na nakapuwesto na rin sa harap ng lamesa si Khalid. Naaninag niya ang bulto nito. Nasa gawing kaliwa naman niya si Jenny.
“Gusto mo ba ng pritong daing, Lara? Daing na bangus ito at naalis na ang tinik,” ani Jenny.
“Sige po. Ako na ang maghihimay,” aniya.
Nakapa niya ang maliit na hiwa ng daing na bangus sa kaniyang plato. May karne rin ng manok doon, dalawang piraso na nakapatong sa kanin. Nakabukod ang sabaw at gulay na isinusubo lang sa kan’ya ng ginang.
“Na-check ko pala ang medical record mo, Lara. May follow-up check-up ka sa doktor bukas,” mayamaya ay sabi ni Khalid.
“Bukas na ba? Babalik ba ako sa ospital kung saan ako na-admit dati?”
“Oo. Sasamahan naman kita bukas ng umaga. Agahan mong magising, ah?”
“Sige. Salamat.”
Na-excite siya bigla nang maisip na maari na magamot ang kaniyang mga mata.
KINABUKASAN ay alanganing oras nagising si Lara. Hindi niya makita ang oras, at paglabas niya ng kuwarto ay tahimik. Nasagi pa niya ang mop sa paanan ng hagdan kaya naglikha ng ingay. Stainless kasi ang handle nito.
Mayamaya ay may lumapit sa kan’ya. “Lara? Ang aga mo namang nagising,” tinig ni Jenny.
“Anong oras na po ba?” tanong niya.
“Alas kuwatro pa lang ng umaga.”
“Ay! Akala ko six na.”
Natawa ang ginang. “Pero maaga ka namang natulog, ‘di ba?”
“Upo, pagkatapos ng drama na pinapakinggan ko sa telebisyon.”
“Ah, alas nuwebe ‘yon natatapos. Nine pa ang alis n’yo papuntang ospital. Puwede ka pang matulog ulit.”
“Hindi na po ako inaantok. Maliligo na lang ako.”
“Ikaw ang bahala. Iidlip ulit ako kasi bitin ang tulog ko. Naalimpungatan lang ako sa kung anong bumagsak.”
“Pasensiya na po kayo.”
“Oh, siya. Balik ka na sa kuwarto.” Iginiya pa siya ng ginang papasok ng kuwarto.
Naghagilap na siya ng damit na isusuot. Maraming nabiling bagong damit niya si Khalid. Hindi pa niya ito naisalansan sa closet dahil mas madali niyang mahanap na naka-hanger. Kinapa niya isa-isa ang mga damit at pinili ang madaling isuot, iyong dress na medyo mahaba ang laylayan.
Pagkuwan ay pumasok na siya ng banyo dala ang bihisang damit at tuwalya. Mabuti na lang may shower doon, mas madali siyang makaligo. Naglagay rin ng silya roon si Khalid para hindi siya mahirapan na nakatayo. Abot kamay lang din niya lahat ng kailangan at lahat ng gamit ay hindi babasagin.
Na-appreciate niya ang effort ni Khalid na bigyan siya ng ligtas na lugar. Hindi maalis ang ngiti sa kaniyang mga labi habang nagsasabon ng katawan. Nakaupo lang siya sa plastic na silya sa ilalim ng shower.
Pagkatapos maligo ay kaagad niyang inasikaso ang gamit na dadalhin. Nakasilid lang sa kaniyang shoulder bag na malaki ang medical records at ibang kailangan sa ospital. Mayamaya ay may kumatok sa pinto kasunod ang boses ni Khalid.
“Lara? Gising ka na ba?” tanong ni Khalid.
“Oo, gising na ako!” mabilis niyang sagot.
“Mga eight na tayo aalis kasi traffic at baka maraming pasyente ang doktor mo. Maligo ka na.”
“Nakaligo na ako.”
“Okay. Naghahanda na ng almusal si Tita Jenny. Lumabas ka na kapag ready ka na, ah?”
“Sige!”
Tumahimik din.
Tinuyo pa niya ng tuwalya ang kaniyang buhok kaya natagalan siya sa kuwarto. Tiniyak naman niya na maayos ang kaniyang damit at hindi baliktad. Pagkuwan ay lumabas siya ng kuwarto at mahinhing binagtas ang daan patungong kusina. Nakakabisado na rin niya ang pasilidad sa bahay ni Khalid.
Nagulat siya nang may humawak sa kanang braso niya, malaking kamay. Hindi ito si Jenny.
“K-Khalid?” sambit niya.
“Yes, it’s me. Hayaan mo akong gabayan ka.”
“Salamat. Ano’ng oras na ba?”
“Mag-seven na.”
Nagulat pa siya. Ang tagal pala niyang tumambay sa banyo. Sa paghahagilap pa lang ng damit na isusuot niya ay kumakain na ng oras. Noong nakakakita pa siya, sa isang oras ay marami na siyang nagagawa. Malaking kawalan talaga ang mga mata sa isang tao.
Nakahain na ang almusal sa lamesa at silang dalawa lang ni Khalid ang kumain. Naglaba na umano si Jenny pero tapos na kumain.
Pagkatapos ng almusal ay kaagad silang umalis ni Khalid lulan ng kotse. Halos isang oras din ang biyahe dahil sa traffic. Pagdating ng ospital ay inalalayan siya ni Khalid. Naghintay pa sila ng halos isang oras bago dumating ang doktor. May test na ginawa sa kaniyang ulo at mga mata.
“Ano’ng sabi ng doktor, Khalid?” tanong niya sa binata.
“Wala pa silang mahanap na option kung paano maibalik ang paningin mo. Wala kasi iyong espesyalista na kilala ng doktor mo at nasa US na. Naghahanap pa sila ng iba,” anito.
Bigla siyang nalumo. “Hindi pa pala ako makakita,” mangiyak-ngiyak niyang sabi.
“Huwag kang mag-alala, makakahanap din tayo ng magaling na doktor. Halika na sa labas.”
Kumapit siya sa kanang braso ni Khalid. “Uuwi na ba tayo?” tanong niya.
“Oo, pero may babayaran pa ako sa cashier. Hintayin mo ako rito sa kotse.”
Tumango siya.
Binuksan na ni Khalid ang kotse pero hindi pa siya pumasok.
Mayamaya ay may kamay na humawak sa kaliwang braso niya kasunod ng tinig ng kaniyang ina.
“Sabi ko na babalik ka rito sa ospital, eh! Naiwan ang xerox copy ng medical record mo sa bahay kaya alam ko babalik ka ngayon sa doktor!” sabi ni Josie.
Iniwaksi niya ang kamay ng ginang. “Hindi n’yo ako mapipilit sumama sa inyo!” giit niya.
“Sa ayaw mo’t sa gusto, sasama ka sa akin! Kasama ko ang lalaking pakakasalan mo at sinusundo ka na niya!”
Pilit siyang hinahawakan ng ginang sa braso ngunit nagpumiglas siya. Mayamaya ay may boses ng lalaki siyang narinig, may edad na.
“Sumama ka na sa akin, Lara. Ako si Miguel, ang mapapangasawa mo. Nakapagbigay na ako ng pera sa nanay mo bilang paunang bayad at kailangan mo na sumama sa akin. Ako na ang magpapagamot sa mga mata mo,” sabi ng lalaki.
Kinilabutan siya bigla at nataranta. “Hindi ako sasama sa inyo! Utang na loob, layuan n’yo ako!” mangiyak-ngiyak niyang protesta.
Hinawakan pa rin siya ng kaniyang ina sa kaliwang braso at pilit siyang kinakaladkad.
“Bitawan n’yo siya!” pigil ng boses ni Khalid.
Puwersahan nitong inalis ang kamay ng kaniyang ina sa braso niya. Napakapit siya sa braso ni Khalid na nanginginig.
“At sino ka, ha? Wala kang karapatang itago ang anak ko! Idedemanda kita ng k********g!” singhal ni Josie kay Khalid.
“k********g? Kusang sumama sa akin si Lara dahil puwersahan n’yo siyang ibebenta sa lalaking hindi niya kilala!” buwelta ni Khalid.
Umapila na si Miguel. “Hoy! Wala kang alam sa nangyayari! Matagal na kaming nagkasundo ni Josie na ipakasal sa akin si Lara!”
“Kayo lang ang nagkasundo pero si Lara, walang alam. That’s illegal! Hindi tama ang ginagawa n’yo! Wala akong pakialam kung nagkabayaran na kayo ng nanay ni Josie. At para sa kaalaman n’yo, engaged na kami ni Lara at malapit na kaming magpakasal,” ani Khalid.
“Ano? Sino ka ba?” bulalas ni Josie.
“I’m Lara’s boyfriend,” walang gatol na tugon ni Khalid.
Maging si Lara ay nagulat sa sinabi ni Khalid. Ilang sandaling tumahimik pero dinig niya ang bulong ni Miguel sa kaniyang ina.
“Kapag pinilit n’yong guluhin si Lara, isusuplong ko na kayo sa pulis. May ebidensiya ako sa maling gawain n’yo!” dagdag pa ni Khalid.
“Ayusin mo ito, Josie! Ibalik mo ang pera ko!” mayamaya ay galit nang sabi ni Miguel.
“Sandali, hindi puwede ‘to! Ako ang ina ni Lara!” pilit ni Josie.
“Kahit kayo ang ina kung labag sa batas ang ginagawa n’yo, wala kayong laban. Lulubayan n’yo si Lara o sa korte tayo magkita?” banta ni Khalid.
Nagwala na si Josie. “Kung sino ka mang lalaki ka, pagsisihan mo ang pangingialam sa amin ng anak ko!”
“Do what you want. Kayo rin ang talo.”
“Hindi pa tayo tapos, Lara!” ani Josie.
Ilang sandaling naghari ang katahimikan. Umalis na si Josie.
“Let’s get inside the car, Lara,” paanyaya ni Khalid.
Inalalayan na siya nito papasok ng kotse. Nang makaupo ay saka pa lamang siya humagulgol.
“Stop crying, Lara. Promise, hindi na ako papayag na makalapit ang nanay mo at ang lalaking ‘yon sa ‘yo,” ani Khalid.
“Salamat, Khalid. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Baka kung ano ang gawin ni Nanay at ni Don Miguel.”
“Magtiwala ka sa akin. Pero para siguradong titigil na ang Miguel na ‘yon at ang nanay mo, pumayag ka na magpakasal sa akin.”
Natigilan siya at tumigil sa pag-iyak. Napagtanto rin niya na tama si Khalid. Once nagpakasal siya rito, walang magagawa ang nanay niya. Nabuo rin ang kaniyang pasya.
“Pumapayag na ako, Khalid. Magpapakasal ako sa ‘yo,” aniya.
“Good. Aasikasuhin ko na ang papeles na kailangan natin sa kasal,” anito.
“Salamat talaga.”
“No worries.”
Binuhay na ni Khalid ang makina ng sasakyan at nagmaniobra.