Chapter 22
BAGO pa man nila ako mahuli agad akong tumakbo pabalik sa silid ko, agad kong sinara ang pinto at napaupo nang makapasok ako. Hingal na hingal at kabado sa ‘king nalaman kahit pa wala naman akong kasalanan. Kung may relasyon sila, bakit pinagpipilitan ni Kalen na kailangan matuloy ang nakatakda kung meron na siyang Mare? Kaya ba sa tuwing nasa malapit ako para bang hindi ako komportable kay Mare dahil sila ni Kalen?
Napailing ako at hindi makapaniwala sa rebelasyong nalaman ko, alam ba ng lahat? Huminga ako ng malalim at kailangan kong pakalmahin ang sarili ko, parang sala-salabat na web spider ang koneksyon ng bawat isa, nakakalito!
Lumapit ako sa kama at naupo roon. Ibinagsak ko ang kalahati ng katawan ko para maihiga, maari ko bang magamit iyon para tigilan na nila ako? Maari kayang ipasa kay Mare ang propisiya? Paano kung matagal na silang magkakilala at ako lang ang sagabal sa pagmamahalan nila? Hindi ko naman gustong makasira ng relasyon ng dalawang nagmamahalan…
~*~
Nagising na lamang akong nakahiga sa isang bathtub na gawa sa mga bato, nakalublob ang buo kong katawan habang nakatingala ako sa madilim na kalangitan at mga bituin. Malamig ang tubig na napapalibutan ng mga bulaklak at ilang petals doon kaya hindi nakikita ang hubad kong katawan sa ilalim ng tubig.
Ipipikit ko na sana uli ang mga mata ko para magpahinga dahil maganda sa pakiramdam ang tubig na para bang ayaw ko nang umalis dahil nakarinig ako ng mga boses, mga bumubulong na boses. Namilog ang mga mata ko nang makita ang mga nilalang na walang mukha na para bang nakatago sa itim na cloak na suot nila at doon nanggagaling ang mga ingay o bulong nila.
Tatayo na sana ako nang hindi ko maikilos ang mga kamay ko para iangat mula sa tubig, hindi ko rin magawang makapagsalita, bigla na lang akong lumubog sa tubig, nagpupumiglas ako at pilit na gustong umahon ngunit nagulat ako na nasa malawak na pala akong parte ng tubig o ilog. May sumalubong sa ‘king mukha ng isang babae, duguan at dilat na dilat ang mga mata para mapasigaw ako sa ilalim…
~*~
“Ahhh!” Papalikwas kong sigaw nang magising ako mula sa masamang panaginip, pawisan at sobrang lakas ng kalabog nang dibdib ko. Kailan ba matatapos ang mga kakaiba at nakakatakot na panaginip na iyon?
Umalis na ako sa kama at nag-asikaso na dahil hindi ko na rin kayang bumalik sa pagtulog kahit pa madaling araw pa lamang. Nang makaligo ako at makapagpalit ng damit lumabas na ako ng silid ko. Hindi ko alam kung saan ako pupunta kaya dumiretso na lamang ako sa baba at lumabas ng hardin, yinakap ko ang sarili ko kahit nakasuot na ako ng cape coat, hindi ko namalayang may katabi na pala ako.
“Masyado pang maaga, bakit gising ka na?”
Napasulyap ako kay Mare nang marinig ko siyang magsalita, tinititigan ko siya, possible nga magugustuhan siya ni Kalen dahil sa maganda siya at kahit sino naman ay maaring magkagusto sa kanya, para siyang super model sa ganda niya at mas nangingibabaw sa lahat kahit pagtabi-tabihin pa ang mga babae rito sa mansyon.
“May problema ka ba?” Muli niyang tanong.
“Bakit hindi mo ipaglaban ang nararamdaman mo sa kanya?” Ako naman ang nagtanong sa kanya, parang nakuha niya ang ibig kong sabihin kaya bahagya siyang nagulat ngunit mabilis din itong nagbago.
“A-anong ibig mong sabihin?” I caught her guard.
“Si Kalen at ikaw, may relasyon---”
“Tumahimik ka, hindi dapat nila malaman,” bigla niyang saway sa ‘kin at halos lumapit na siya, “paano mo nalaman?”
Pinaningkitan ko siya, “sa tingin ko maliit lang ang mansyon para hindi malaman ng ilan o baka alam na nang ilan ngunit hindi sila nagsasabi.”
“Hindi iyan totoo,” huminga siya ng malalim, “humihingi ako ng tawad, pero hindi ko kayang ipaubaya si Kalen sa ‘yo, kilala ko na siya simula nong bago ka pa dumating, bago pa lumabas ang propisiya at hindi ko matatangap na ang isang katulad mo ang sisira sa amin.”
May paraan pa para umalis sa kanila, “wala naman akong pakialam sa inyo at wala akong balak asawahin si Kalen, bakit hindi na lang tayo gumawa ng paraan na hindi matuloy ang sinasabi nila?”
“Dahil wala pang nakakasira sa propisiya, kahit na anong gawin mangyayari at mangyayari pa rin iyon,” wika ni Mare.
“Pero sabi mo walang makakasira sa pagmamahalan ninyo,” kunting pilit pa alam kong bibigay siya, “bakit hindi mo gawin ngayon? Kahit naman ang propisiya’y malalabanan ninyo, maraming paraan kung gugustuhin mo. Tutulungan kita…”
Tinitigan niya ako at kinakalkula kung nagsasabi ba ako ng totoo.
“Tutulungan ko kayo ni Kalen,” dagdag ko pa.
Magsasalita pa sana siya nang may tumawag sa kanyang pangalan.
“Mare! Mabuti’t nahanap ka na namin,” wika nitong babaeng may choker sa leeg.
Kasama nito ang babaeng parang 15 years old na may pulang buhok, napatahimik sila nang makita ako, napansin ko ang babae na may hawak na papel at nang silipin ko ito isang pamilyar na litrato. Hindi ako nagsalita at basta lang hinablot ko sa batang babae ang litrato, ito yung babaeng napaginipan ko, sunod-sunod sila hanggang sa pang limang papel na halos nakita ko ang mukha sa panaginip. Gulat na gulat akong sumulyap sa kanila at ganu’n din ang batang babae.
“May problema po ba?” Tanong niya.
Hindi ako makapaniwala, “sino sila?” Tanong ko.
“Sila yung mga babaeng nawawala nitong nag-umpisa ang pyesta, lima na silang nawawala at may koneksyon ito sa mga itim na lobo,” wika nitong babaeng naka-choker.
“Nakita ko na sila pero parang hindi…” nagugulahan ako, napasulyap ako sa batang babae nang lumapit siya at hawakan ang pulso ko, mabilis na nagbago ang kulay ng mata niya mula sa itim ay naging puti at sa puti naging itim saka niya ako binitawan.
Napasinghap siya na para bang may nakakagulat siyang nalaman, “nakikita mo sila, hindi ko alam kung paano mo nakuha pero mukhang kailangan mong sumama para matapos na ang problemang ito.”
“At bakit naman?” Saka ko binalik ang mga litrato sa kanya.
“Ikaw lang ang makakakita kung sino ang susunod na mabibiktima, malakas ang koneksyon mo na kahit si Tanda’y hindi makita ang mga biktima na ‘to o kung saan sila tinagao, basta nararamdaman naming buhay pa sila ngunit sa oras na kompleto silang pito gagamitin sila bilang alay sa isang tribo para mapalakas sila, kaya kailangan mo kaming tulungan sa ayaw at sa gusto mo.”
Bahagya akong natakot sa batang babae dahil para na siyang matanda kung umasta. Hindi ko rin naman alam kung anong isasagot ko sa kanya dahil sa kaba.