Chapter 62
PAKIRAMDAM ko nasa loob ako ng isang fantasy books or fantasy movies, nagkalat ang tuyong dahon sa lupa, ang pagkakaalala ko winter ngayon tapos biglang naging autumn ang season sa paglabas namin, may lumang upuan sa isang tabi ng puno at mga patong-patong na lumang libro, may ilang teapot, lumang vase at mahabang lamesa. Nang sinubukan kong ihakbang ang isa kong paa mabilis na naglutangan ang mga gamit sa mismong harapan namin at pati rin ang ilang tuyong dahon sa paligid kaya bahagya akong napaatras ka.
“Okay ka lang ba?” Tanong ni Zyair sa tabi ko kaya napasulyap ako sa gawi niya.
Umiling ako, “okay lang ako, bakit mo natanong?”
“Yung kanina sa bulwagan, masyado ata silang nagulat nang dumating ka kaya nalilito rin sila sa desisyon,” sagot ni Zyair at halatang nag-aalala siya.
Nong una kong nakita si Zyair sa bayan noon sa mismong antique shop halatang may kakaiba sa kanya at hindi nga ako nagkamali na kabilang siya sa uri namin, siguro marami pa sa kanya ang nakikibilang sa mundo ng mga mortal dahil sa pagkakaalam ko ganu’n din ang ginagawa ng mga kalahi ni Kalen.
“Siguro nga, inaasahan siguro nilang wala nang susunod sa mga Benjamin, mukhang may ilang pamilya sa Templar ang gustong maupo sa trono, wala naman akong pakialam sa posisyon sa Templar, gusto ko lang makilala ang tunay na ako,” paliwanag ko sa kanya, “hindi pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon, para bang panaginip pa rin ang lahat.”
Ngumisi siya, “masasanay ka rin, ang dapat mo lang gawin ay matutunan mapalakas ang kakahayan at kapangyarihan mo bilang mangkukulam, huwag kang mag-alala nasa sa ‘yo ang boto ko bilang high priestess, huwag kang makikinig sa kanila.”
“Salamat,” ngiti kong pasasalamat sa kanya.
Agad na nakuha ng atensyon ko ang ibong lumilipad sa harapan namin, may kulay asul at yellow sa kang feathers, kasing laki lamang nito ang palad ko at may mahabang tuka, agad siyang lumipad palayo kaya sinundan ito ni Zyair kaya sumunod din ako sa kanya.Hindi pa rin bumababa ang mga nakalutang na gamit at dahon kaya kami ang umiilag sa kanila. Hanggang sa huminto ang ibon sa tapat ng isang puno na may animoy bukol na transparent sa katawan nito, kakaunti lamang ang dahon nito at may nag-iisang pulang bulaklak sa gitna ng puno, saka naman lumipad palayo ang ibon.
“Na saan ba tayo ngayon?” Tanong ko kay Zyair.
“Nasa loob pa rin naman tayo ng Templar ngunit kaya niyang mag-expand ayon sa pangangailangan ng mga nakatira at namamahala rito, hindi lang naman sa Cornellius meron nito, marami pang Templar sa iba’t ibang lugar na pinamumunuan at binabantayan ng kapwa natin.”
Ibig sabihin may ilang mangkukulam pa sa ibang lugar na nagtatago at kami-kami lang ang magkakaintindihan. Namamangha ako sa bulaklak na papabuka pa lamang na nakadikit sa puno kaya agad akong lumapit dito para masaksihan siya ng malapitan.
“Nong nakita mo ko sa bayan, kilala mo na ba ako?” Tanong ko sa kanya na hindi lumingon.
“Oo naman, kahit nasa Roseville city ka binabantayan ka naming lahat hanggang sa makabalik ka sa Caroline at dito mismo sa Templar,” paliwanag niya.
Lumingon ako at hindi ko namalayan na nasa likod ko lang siya. Hinawakan niya ang isa sa animoy bilog sa puno at nanlaki ang mata ko nang umilay lahat ito.
“Ang galing ah,” bulalas ko.
Natawa siya sa naging reaksyon ko, for that moment nakalimutan ko ang nangyari kanina dahil sa pagkamangha ko sa buong lugar.
“Sigurado ka bang wala kang paki sa posisyon sa Templar?” Tanong kong muli sa kanya.
Ngumiti siya at saka niya binitawan ang bilog ngunit nanatili itong nakailaw, “hindi, kailangan ibalik kung kanino talaga ito nagmamay-ari,” wika niya.
Magsasalita pa sana ako nang may kung anong hangin ang bumuga sa direksyon namin, akala ko ako lang ang nakapansin dahil pati rin siya’y napahinto, nabigla kami sa pagbagsak ng mga gamit mula sa eri nang sabay-sabay at pati na rin ang pagpatay ng ilaw sa puno. Nagkatitigan kami at kapwa nagtatanong ang mga mata kung ano ang nangyari.
Namilog ang mga mata niya nang may mapagtanto siya.
“Ang Templar,” singhap niya saka niya kinuha ang kamay ko at hinatak. Tumakbo kami pabalik sa Templar.
“Bakit anong meron sa Templar?” Pabilis nang pabilis ang puso ko sa kaba.
“May mga kalaban na gustong makapasok sa loob ng Templar!” Sigaw niya.
Binitawan niya ako at agad niyang binuksan ang double door para sa amin, bumulaga sa amin ang nagkakagulong nakatira sa Templar, may iisang direksyon silang tinatakbuhan at lahat sila’y patungo sa direksyon ng main door. Agad na tumakbo si Zyair patungo rin doon kaya sumabay din ako sa agos para malaman kung anong nangyayari. May isang malakas na pagyanig at dahil nawalan ako ng balanse, nadulas ako at bumagsak sa sahig padaosdos sa pinto kung hindi lang ako nahawakan agad ni Zyair sa damit.
Agad niya akong hinila patayo kaya napahawak ako sa balikat niya ngunit isang malakas na pagsabog ang muli naming narinig kaya parehas kaming natumba habang nasa ibabaw niya ako at yakap-yakap habang nagsisiliparan ang mga piraso ng kahoy.
Hindi ko alam sa sarili ko kung bakit parang dahan-dahan kumakalas ang pagkakayakap niya sa ‘kin hanggang sa manlaki ang mga mata ko nang maramdaman kong nakalutang na ako sa eri, nagulat din siya sa nangyari, nakita ko na lang sa baba na may mga lobong sumugod sa ilang mangkukulam na miyembro ng Templar.
“Euphrasia!”
Narinig ko na lang na may tumawag sa ‘kin, lilingunin ko sana kung sino ito ngunit huli na ang lahat nang may animoy malakas na pwersang humila sa ‘kin paatras, sa sobrang lakas tumama ang likod sa matigas na bagay, naglaglagan ang mga gamit sa tabi ko at natamaan pa ako ng ilan. Kahit na nasaktan ako agad akong tumayo para makatakas, naamoy ko ang pamilyar na pabango sa mansyon, bukas pa ang bilog na portal ngunit bago pa man ako makatakbo agad na humarang sila Mia pabilog sa kinalulugaran ko at mabilis na nagsara ang portal sa likod niya.
Hingal na hingal akong isa-isa silang pinagmasdan, bumuka ang bilog at pumasok si Kalen na may seryosong mukha. Ang lakas ng kalabog ng dibdib ko at hindi ko maintindihan kung para saan, nakuha ni Mia ang atensyon ko at naningkit habang nakatingin sa kanya nang may makita akong manika na gawa sa sinulid at may mahabang karayom.
Mabilis niyang tinusok ang ang karayom sa sinulid na manika saka ako nakaramdam ng antok…matinding antok, bago pa man ako bumagsak huli kong nakita si Kalen nang masalo niya ako.