Chapter 40
“Anong kailangan mo sa ‘kin?” Tanong ni Third sa kaharap niya na lumabas mula sa madilim na parte ng kweba kung na saan siya ngayon.
Bigla na lang siyang nakaramdam ng kakaibang enerhiya at lumabas na lamang ito Pamilyar siya dahil siya rin yung nilalang na nakasuot ng cloak na tago ang buong katawan maliban sa kamay niya na ngayon ko lang nakita na may tattoo at hindi malamang mga elementong nakaguhit dito sa balat niyang maputla.
Mukhang wala namang nararamdamang takot si Third sa nilalang na biglang nagpakita sa kanya at hinarap pa niya ito ng buong tapang.
“Hindi ako naparito para maghanap ng gulo at alam kung ganu’n ka rin,” lumapit pa siya ng husto kay Third hanggang sa manlaki ang mga mata ng binata.
“Kayo po pala, ano pong maipaglilingkod ko sa inyo?” Saka siya yumuko sa kaharap para sa paggalang.
Iniisip-isip ko kung saan ko narinig ang boses niya ngunit hindi ko pa rin matandaan, bakit palagi ko siyang nakikita sa mga nakaraan ng mga nakakalaban nila Kalen? Naalala kong siya rin ang nagbigay ng kapangyarihan kay David noon para magawa ni David ang layunin niyang mapabuhay ang asawa, ano naman ang pakay niya ngayon? Bakit siya kilala ni Third? Kanina lang tinulungan lang kami ni Third, hindi ba talaga siya dapat pagkatiwalaan?
“May ipapagawa ako sa ‘yong importandeng bagay, alam kong magagawa mo ito,” sagot ng babaeng naka-cloak.
Naghihintay lang si Third sa sasabihin ng kaharap.
“Nasa lungsod ngayon ang dalagang nasa propisiya, ang kailangan mo lang gawin ay maghasik ng lagim ngayon sa bayan at kunin ang atensyon nila lalo na ang lider ng mga Langston,” paliwanag nito.
Sinasabi ko na nga ba!
Napakunot-noo si Third, “ngunit hindi ako ganu’n kalakas katulad ng inaakala ninyo, bampira lamang ako na naghahanap ng bibiktimahin, malalakas ang Langston, kahit sabihin nating nahahati ang mga lobo sa mga kanya nilang tribo hindi natin maikakailang isa sila sa malalakas, lalo na kung malaman ng propisiya ang kanyang kakayahan at baka bago pa man ako makaatake sa kanila baka naunahan na nila akong patayin,” walang kumpyansa nitong paliwanag ngunit nararamdaman kong gusto niya ang gustong mangyari ng kausap.
Lumapit ito sa kanya at nilahad ang kamay nito sa harap ng binata, “hindi kita papabayaan kaya ano man ang hilingin mo’y mangyayari sa makakalaban mo.”
Wala sa sariling inabot ni Third ang kamay sa kausap at sa oras na magdikit ang mga kamay nila bigla na lamang itong nagliwanag.
“Malaki ang gagampanan mo sa isang malaking palabas, Third,” wika pa nito sa kanya.
“Maraming salamat---”
~*~
Hindi ko na nalaman ang sunod na nangyari nang mapasinghap ako sa ‘king paggising na para bang ngayon pa lamang ako nakakalanghap ng hangin, umihip ang malakas na simoy ng hangin, bumungad sa ‘kin ang madilim na kalangitan, wala akong makitang bituin doon at hindi rin naman makulimlim na para bang nagtatago. Nagtataasan ang mga puno nang maalala ko ang nakita ko agad akong bumangon ngunit huli na ang lahat.
Nakita ko na lamang si Kalen na hawak ni Third at hindi makagalaw siguro’y nagamitan na siya ng kapangyarihan ni Third, may mga galos siya sa katawan at pinipilit na makakilos na para bang nilalabanan ang mahika ng kalaban. Nakangisi si Third habang nakatitig ang mga pares ng mapupulang niyang mata.
Hindi ko alam kung anong gagawin ko, hindi ako makakilos sa kinauupuan ko hindi dahil sa mahika ni Third dahil wala akong ideya at kalaban-laban sa kanya. Kung kikilos man ako baka maunahan pa niya ako sa balak ko at parehas pa kaming masaktan ni Kalen. Dahan-dahan niyang ginalaw ulo ni Kalen pakanan saka ipinakita balat sa leeg ni Kalen.
“Anong gagawin mo?” Takot sa boses ko nang tanungin ko siya at dahan-dahan kumilos patayo.
Nakarinig ako ng atungal sa di kalayuan, nakaramdam ako ng kaba, may parte sa ‘kin na pinagdadasal na tribo ito ng Langston, kung paano na lang kung hindi sila at ibang lobo ang magpakita mas lalong madadagdagan ang problema ko
“Gagawin ko na ang plano bago pa man ninyo ako maunahan,” wika ni Third.
Napakunot-noo ako at hindi maintindihan ang sasabihin niya. Nagulat na lamang ako nang ilabas niya ang pangil at mabilis na kinagat si Kalen sa leeg.
“HINDI!!!”
“AHHH!”
Napasigaw ako sa ginawa niya kasabay ng pagsigaw ni Kalen nang masaktan siya sa ginawa ni Third, hindi ko alam kung sino sa amin ang may pinakamalakas na sigaw, para niyang sinisipsip ang dugo ni Kalen, nakikita ko sa mukha niyang nahihirapan siya, nang magsawa si Third agad niyang binatawan si Kalen kaya bumagsak ito sa lupa na nakadapa.
Nanginginig ang buo kong katawan, kumikilos pa si Kalen at para bang sinasabi niyang lumayo na ako habang may oras pa ako kung makatitig siya sa ‘kin saka bumagsak ang mukha niya sa lupa. Hindi ko maramdaman ang katawan ko at para bang ang bigat ng ulo ko. Ang lakas ng tibo ng puso ko, napasulyap ako kay Third na para bang natutuwa pa siya sa nasasaksihan niyang paghihirap namin ni Kalen habang pinupunasan ang dugo niyang nainom kay Kalen sa labi gamit ang daliri niya.
Sa mga oras na ito hindi ko na naisip ang sarili ko, gusto ko lang mailigtas si Kalen, ngayon lang gusto kong makaganti lalo na ang ginawa ni Third kay Kalen, hindi ako uuwi at aalis dito hangga’t hindi nakakaganti!
Bigla na lamang lumalakas ang hangin, hindi ko na alam ang nagyayari sa paligid ko nang maramdaman ko na lamang na may kung anong enerhiya sa katawan ko na ngayon ko lang naramdaman, sobrang lakas, gusto ko nito! Bakit ngayon ko lang naramdaman ito? Hindi ko na maramdaman ang mga paa ko sa lupa, nakita ko na lamang na para siyang natatakot at nanlalaki ang mga mata niyang nakatitig sa ‘kin.
Kosang kumilos ang mga kamay ko at saka ito tinikom. Nanlalaki mga mata niya at saka siya sumuko ng dugo, tama nga! Tama lang sa kanya ito! Bigla na lang nagliwanag ng purple sa buong kakahuyan kung na saan kami, mas lalong lumalakas ang enerhiya, nanghihinya na siya at patuloy pagsusuka niya ngunit wala akong pakialam dahil tama lang iyon sa kanya!
Nagpipigil siya at nararamdaman ko ang paghinga niya na paputol-putol. Naningkit ang mga mata ko na inaabot niya ang kamay na para bang gusto niya akong patigilin sa ginagawa ko.
“Ta---ma…na,” bulalas niya.
“Pagbibigyan kita,” bulong ko, “mamamatay ka na.”
Bigla na lang siya bumagsak sa lupa habang naliligo sa sariling dugo. Dilat ang mga mata at nakabuka pa ang bibig. Naramdaman ko na lamang ang mga paa ko sa lupa, nanginginig ang tuhod ko at nanghihina. Nakita ko na lamang si Kalen na gising pa na para bang takang-taka, gulat at namamangha. Lumapit ako sa kanya at hinawakan ang mga kamay niya ngunit mas lalo akong nakaramdam ng pagod na para bang gusto ko ng magpahinga nong kumilos ako. May mga ingay na papalapit sa amin pero bumagsak na ako sa tabi ni Kalen habang hawak ko ang kamay niya.
“Sia?”
Narinig ko na lamang na may tumawag sa ‘kin bago pa man dumilim ang buong paligid.