“Sienna, bagay sa’yo ang bagong gupit mo ngayon,” wika ni Aira sa akin habang nasa loob kami ng classroom. Nasa likuran ko ang mga kaibigan ni Dylan.
“Ang totoo, wala naman talaga akong balak magpagupit ng buhok. May grupo kasi na nag-ahit nito kahapon. Akala nila, magmumukha akong katawa-tawa kung gupit-lalaki ako.” Sinadya kong lakasan ang boses ko upang marinig ng mga kaibigan ni Dylan.
“Sinong grupo naman ‘yon?”
“Sino pa ba? Ang grupo ni Monster.”
“Sinong Monster?” tanong ni Aira.
Tumingin ako sa mga kaibigan ni Dylan. “Sila!”
“Sienna, ‘wag mo kaming pagbintangan. Wala kang ebidensya,” galit na sabi ni Andrei.
"Hoy, Andrei Brent Fuckyou! May CCTV ang buong school."
"What did you say?"
Tinaasan ko siya ng kilay. "Hindi ko kasalanan kung bingi ka."
Padabog siyang tumayo at lumapit sa akin. Sa talim ng kanyang tingin, parang kakainin niya ako nang buhay.
"Hindi Fuckyou ang apelyido ko. Perkins!" mariin niyang ulit.
"Eh 'di okay," sagot ko nang tipid.
"Damn it!" Bumalik siya sa kanyang upuan, halatang galit na galit.
Akala ng mga ungas na ito, magpapatalo ako sa kanila?
Nagsimula na ang klase nang dumating ang professor namin. Maraming matatalino sa klase, pero siyempre, hindi ako magpapatalo sa kanila. Bilang isang iskolar ng paaralan, kailangan kong panatilihin ang mataas kong grado upang hindi mawala ang aking scholarship.
"Miss Maria Sienna Meredith!" tawag ng professor namin.
“Yes, Ma’am?”
"Pumunta ka sa opisina ng principal ngayon."
"Opo, Ma’am!"
"Sienna, bakit ka pinatawag sa opisina ng principal? Ano’ng ginawa mo?" tanong ni Aira.
"Sinumbong ko lang naman ang mga kupal na kumuha ng baon ko kahapon," sagot ko. Tumayo ako at naglakad palabas.
Dahan-dahan akong kumatok sa pinto bago pumasok.
"Good morning," tipid kong bati.
Nakaramdam ako ng hiya nang makita ko ang punong-guro kasama ang mga magulang nina Dylan. Umupo ako sa tabi ng principal.
"Nasaan na ang mga anak n’yo?" tanong ng principal.
Isa-isa silang tinawagan ng kanilang mga magulang. Ilang sandali pa, dumating na silang apat. Ang talim ng tingin nila sa akin nang umupo sila.
"Pinatawag ko kayo dahil sa reklamo ni Miss Meredith laban sa inyong mga anak. Binully siya ng mga anak ninyo, at lahat ng paratang niya ay nakuhanan ng CCTV camera," wika ng principal.
Napangiti ako nang pang-asar habang nakatingin sa kanila. Hindi sila makatingin sa mga magulang nila habang pinapanood ang CCTV footage ng ginawa nila.
"Siguro naman wala na kayong magiging reklamo?" tanong ng punong-guro.
"Dylan, hindi ba’t sinabi ko sa’yo na itigil mo na ang pambubully sa mga estudyante?" pigil sa galit na sabi ng daddy ni Dylan.
Yumuko si Dylan. “I’m sorry, Dad.”
"Hindi ka sa akin humingi ng tawad, kundi sa babaeng binu-bully n’yo! Kalalaki n’yo, pumapatol kayo sa babae!" Hindi napigilan ng daddy ni Dylan ang mapasigaw.
Lahat sila ay nakayuko, parang basang sisiw.
Mga takot naman pala kayo sa mga magulang n’yo.
"Humingi kayo ng tawad kay Miss Meredith!" utos ng daddy ni Dylan.
Tumingin sa akin si Dylan. "I'm sorry."
"Ilang beses mo na ‘yan sinabi sa akin, pero inulit mo pa rin," sagot ko.
Tinitigan niya ako nang masama.
"Sir, ang sama ng tingin sa akin ng anak n’yo!" sumbong ko sa daddy niya.
"Dylan!" galit na sigaw ng daddy niya.
"I'm sorry, Sienna. I promise, we won't hurt you anymore,” wika ni Dylan.
Humingin rin ng tawad ang tatlo niyang mga kaibigan.
"Because of their bullying, I am giving them a two-week suspension, along with the other students they ordered around,” wika ng principal.
Hindi ko napigilan na ngumiti. Ibig sabihin dalawang linggong tahimik ang buhay ko dahil wala sila.
"As your parents, we have discussed a punishment to make sure you learn your lesson,” wika ng daddy ni Dylan.
“Tito, what kind of punishment?" tanong ni Blake.
“We have agreed that for two weeks, you won't have access to money, credit cards, cars, or cell phones. Additionally, you will volunteer to help farmers plant rice,” wika ng daddy ni Dylan.
“Dad, sobra naman yata 'yan? hindi na tama ang ginawa n’yo?” reklamo ni Dylan.
Nakasimangot ang daddy niya. “You have two choices—accept this punishment or be grounded for life?”
Bumuntong-hininga si Dylan. “I understand.”
Tumingin sa akin ang pricinpal. “Okay na ba sa’yo, Miss Meredith?”
Tumango ako. “Sana, ganyan din ang parusa sa mga katulad nila—mga taong walang ibang gawin kundi paglaruan ang katulad kong iskolar. Oo, hindi kami mayaman tulad ng mga estudyanteng kagaya n’yo, pero pareho lang tayo—may pangarap ding makapagtapos ng pag-aaral,” sabi ko.
“Huwag kang mag-alala, Miss Meredith. Gagawin namin ito para sa lahat ng estudyanteng binu-bully,” wika ng principal.
“Salamat po sa inyo.”
Ngumiti ang principal. “Puwede na kayong bumalik sa klase.”
Tumayo ako at lumabas ng silid. Habang naglalakad ako pabalik, bigla akong tinawag ni Dylan.
“Sienna!” pagalit niyang sigaw.
Hindi ako huminto. Sa halip, dumiretso ako sa paglalakad.
“Sienna!” sabay hawak niya sa balikat ko.
“Ano ba!” sigaw ko.
Halos mabuwal ako sa talim ng tingin niya.
“Kasalanan mo kung bakit kami grounded!” sigaw niya.
Tinaasan ko siya ng kilay. “Bakit n’yo sa akin sinisisi? Kayo naman ang nambully sa akin. Pasalamat ka nga at hindi kita sinumbong sa mga magulang mo. Sabog ka kaya—doon ka pa nga natulog sa classroom.”
“Dylan!"
Nagulat kami nang marinig ang boses ng daddy ni Dylan.
“Ano ang ibig mong sabihin sa ‘sabog’?” tanong niya sa akin.
Namutla si Dylan nang makita ang kanyang daddy.
“Umalis ka na,” pabulong niyang sabi sa akin.
Ihahakbang ko na sana ang mga paa ko para umalis, ngunit tinawag ako ng daddy ni Dylan.
“Miss Meredith!”
“Yes, Sir!”
“Anong narinig kong sabog si Dylan? Nagda-drugs ba siya?” galit niyang tanong.
“Dad, hindi ako nagda-drugs!” sagot ni Dylan.
“I’m not talking to you!” singhal ng daddy niya.
“Sorry, Dad,” mahina niyang sagot.
Muling bumaling sa akin si Mr. Santiago. “Miss Meredith, nagda-drugs ba si Dylan?”
“Mukha siyang sabog nang makita ko siya kaninang umaga sa classroom namin. Nakahiga siya sa sahig. Noong una, akala ko patay na, pero nang lapitan ko, nakita kong pulang-pula ang mga mata niya at mukhang sabog.”
“That’s not true! Nalasing lang ako kaya hindi ko na nagawang umuwi kagabi,” mariing depensa ni Dylan.
“Eh ‘di hindi,” kaswal kong sagot ko.
Binalingan ni Mr. Santiago ang anak. “Bukas na bukas din, kailangan mong magpa-drug test kasama ang mga kaibigan mo.”
“Yes, Dad!”
“Kapag napatunayang nagda-drugs ka, ipaparehab kita!” matigas niyang sabi.
“Excuse me, kailangan ko nang umalis. May klase pa ako,” putol ko sa usapan nila.
“Thank you, Miss Meredith,” wika ng daddy ni Dylan.
“Mabuti pa ang daddy niya, mabait,” bulong ko sa sarili ko.
Pagbalik ko sa klase namin, agad akong sinalubong nina Ashley at Aira.
“Anong nangyari?” tanong ni Ashley.
Ngumiti ako. “Suspended sila ng dalawang linggo. Grounded din sila ng mga magulang nila. Hindi sila puwedeng gumamit ng cellphone, cash, credit cards, at pati mga sasakyan nila.”
“Mabuti naman at natuto na sila,” wika ni Aira.
“Hindi lang sila. Pati ‘yung mga kasabwat nila ay suspendido rin.”
“Mabuti na lang talaga at mababait ang mga magulang nila. Hindi nila kinampihan ang kanilang mga anak,” dagdag pa ni Aira.
“Matagal nang ipinatupad dito sa SPIA ang pagpaparusa sa mga estudyanteng nambubully ng mga iskolar. Noong mga nakaraang taon kasi, takot silang magsumbong kaya inakala ng may-ari ng paaralan na wala nang binu-bully,” wika ni Ashley.
“Tama si Ashley. Bilib nga kami sa’yo dahil ang tapang mo. Hindi ka natatakot magsumbong sa principal,” sabi ni Aira.
“Kung hindi ko sila isinumbong, hindi matatapos ang gulo.”
“Sienna, sumabay ka sa amin mamaya sa pananghalian.”
“May dala akong baon.”
“Okay lang, sa cafeteria ka na lang kumain para sabay tayong tatlo.”
“Salamat sa inyo.”
“Walang anuman.”
Hindi nila alam kung gaano ako kasaya dahil mayroon na akong mga kaibigang magaganda at mababait. Hindi na bumalik sa klase ang apat. Marahil ay umuwi na sila dahil na-badtrip sa akin.
Pagsapit ng tanghalian, pumunta kami sa cafeteria upang kumain. Ito ang unang beses kong papasok sa cafeteria. Pagpasok namin, namangha ako sa lawak at ganda nito. Hindi ito tulad ng ibang canteen o cafeteria na masikip at siksikan. Maluwag at malinis ang lugar.
“Dito na tayo kumain,” wika ni Aira.
Umupo kaming tatlo.
“Ako na ang oorder ng pagkain natin,” sabi ni Ashley.
“Thanks, Sis!” tugon ni Aira.
Pumila si Ashley upang bumili ng pagkain namin.
“Sienna, ano ang baon mo?”
Dahan-dahan kong kinuha ang baon ko mula sa loob ng bag. “Kung ikukumpara sa pagkain ninyo, hindi ito kasing-sarap. Pero para sa akin, masarap na ito.”
“Ano ba ang laman ng baunan mo? Buksan mo para kung magustuhan namin, hihingi kami sa’yo,” wika ni Aira.
Umiling ako. “Mamaya mo na lang tingnan kapag dumating na si Ashley.”
Nagkibit-balikat siya. “Ikaw ang bahala.”
Ilang sandali lang, dumating na si Ashley dala ang pagkain namin.
“Let’s eat.”
Vegetable salad, vegetable burger, avocado, at mineral water ang dala niya.
“Sienna, ito ang sa’yo.” Inabot niya sa akin ang isang burger at mineral water.
“Salamat.”
“Sienna, buksan mo na ang pagkain mo,” sabi ni Aira.
Binuksan ko ang baunan ko, at lumantad ang pritong hotdog at itlog.
“’Yan ang baon mo?” tanong ni Aira.
Tumango ako. “Malayo pa kasi ang sahod ng Tatay ko kaya nagtitipid kami.”
“Kumain na tayo,” wika ni Ashley.
Hindi naman nila ako pinagtawanan nang makita nila ang baon ko. Sa aming tatlo, ako ang pinaka-busog dahil kinain ko pa ang burger na ibinigay ni Ashley.
“Sienna, mahilig ka bang pumunta sa mga disco bar?” tanong sa akin ni Ashley.
Nakabalik na kami sa klase at naghihintay na lamang sa pagdating ng professor namin.
Umiling ako. “Hindi ako pinapayagan ng Mama ko.”
“You mean, wala kang nightlife?” tanong ni Aira.
“Kapag walang pasok, tumatambay ako sa bilyaran.”
“Okay, sa Friday, sumama ka sa amin,” anyaya ni Ashley.
Umiling ako. “Kahit gusto ko, hindi ako papayagan ng Mama ko.”
“Huwag kang mag-alala, pupunta kami sa bahay ninyo para ipaalam ka na namin,” wika ni Ashley.
“Hindi ako sigurado kung papayagan ako kapag kayo ang nagsabi. Masungit ang Mama ko.”
“Susubukan ko,” wika ni Ashley.
Kung alam lang ni Ashley na crush ko siya, baka hindi na siya magiging mabait sa akin o baka hindi na rin niya ako kausapin. Kaya itatago ko na lang ang nararamdaman ko sa kanya para mas matagal ko pa siyang makasama.
“Bakit nakatulala ka?” tanong ni Ashley.
Umiwas ako ng tingin upang hindi niya makita ang pamumula ng aking mukha.
“N-Nag-aalala lang ako, baka sa galit ni Mama sa akin, sigawan ka.”
Natural sa magulang ang sumigaw.
I sighed. “Bait mo talaga, Ashley,”
“Kaya hanggang ngayon, bitter pa rin si Dylan. Hindi niya kasi matanggap na inayawan siya ng isang Diyosa,” wika ni Aira.
“Aira, ‘wag na natin pag-usapan si Dylan, baka masira lang ang araw ko,” wika ni Ashley.
“Okay,” tipid na sagot ni Aira.
Natapos ang buong araw ko na walang nambubully sa akin. Uuwi ako na hindi stress ngayong araw.
Limang minuto na akong naghihintay ng jeep, pero hindi ako makasakay dahil laging puno, kaya hindi ako hihinto. Naisipan kong maglakad sa unahan, nagbabakasakaling may masasakyan ako.
“Matigas ka!”
Narinig ko ang sigaw at hampas. Hinanap ko kung saan galing ‘yon.
“Si Dylan!”
Nakita ko si Dylan na pinagtutulungan ng mga lalaki. Apat na lalaki ang sumusuntok at humahampas sa kanya. Nakaramdam ako ng takot. Hindi ko alam kung tatakbo ba ako palayo o tatawag ako ng tulong.
“Ugh!” sambit ni Dylan na halos gumapang na sa lupa.
Tawa nang tawa ang mga lalaking nambubugbog sa kanya. Kung hindi ko siya tutulungan ay baka mamatay na ito.
Anong gagawin ko?
Kung tatakbo ako pabalik para humingi ng tulong, baka patay na si Dylan bago ko pa siya maabutan.
"Kainis!" Kinuha ko ang sombrero ko at tinakpan ang bibig ko para hindi ako makilala. Naghanap ako ng pwedeng ipanghampas sa kanila.
"Ayun!" Nakakita ako ng dospordos na kahoy at lumapit ako sa kanila.
"Itigil n'yo 'yan!" Sinadya kong ibahin ang boses ko.
Tumingin silang lahat sa akin, at maging si Dylan ay nakatingin din.
"Sino ka?"
"Tumawag na ako ng pulis, at siguradong parating na sila,” pagsisinungaling ko.
Tumawa sila. “Sa tingin mo, aabutan pa nila kami?" wika ng isang lalaki.
“Kapag hindi kayo tumigil, mananagot kayo sa akin!"
Humalakhak silang lahat.
"Hindi naman nakakatawa ang sinabi ko?" bulong ko.
"Pinatatawa mo ba kami? Gusto mo 'yata sumunod sa kanya?"
Sa mga imahinasyon ko, ako ang pinakamalakas na nagtatanggol sa mga crush kong babae. Hindi ko akalain na mangyayari pala iyon. Ang nakakainis! Isang kupal pa ang tinutulungan ko ngayon.
Lumapit sila sa akin.
"Huwag kayong lalapit!" sabi ko.
Nang hahawakan nila ang pamalo ko, ubod ng lakas kong hinataw ito sa isa sa mga lalaki.
"Aray!"
Pinaikutan nila ako. "Anong gagawin ko?"
Hindi naman ako si Superman na kaya silang talunin. Pusong lalaki ako, pero ang katawan ko ay babae pa rin. Mas malakas sila kaysa sa akin.
Nagawa ko pang hampasin ang isang lalaki, pero nahawakan ng isa pang lalaki ang pamalo ko.
Hinawakan ako ng isang lalaking mukhang gorilya.
"Bitawan mo ako!" nagpupumiglas ako.
"Nakialam ka pa kasi."
Nang hahampasin na ako ng baseball bat, biglang sumulpot si Dylan at hinawakan ang bat. Nagawa niyang kunin ito mula sa lalaki at hinampas niya ito.
“Ang galing!” bulong ko.
Binitawan ako ng lalaki upang kuyugin nila si Dylan. Lumapit ako kay Dylan.
"Anong maitutulong ko?" tanong ko.
"Kunin mo ang susi ng kotse ko sa loob ng bag ko at buksan mo ang kotse ko."
"Okay!" sagot ko.
Kinuha ko ang bag niya. Ang una kong nahawakan ay isang pack ng condom. "Eww! Kadiri!"
Kung hindi lang ako nagmamadali, baka hindi ko na tinuloy ang paghahanap ng susi.
"Ayun!"
Pinindot ko ito at biglang umilaw ang sasakyan. Pumasok ako sa loob at binuksan ang bintana.
"Nasa loob ba ako?" tanong ko kay Dylan.
"Ugh!" sigaw ni Dylan.
Muli siyang bumagsak sa lupa.
Hindi na ako nakapag-isip ng maayos. Pinaandar ko ang sasakyan at binangga ko ang apat.
"Ay!" sigaw ko sa takot.
Tumalsik sila at nawalan ng malay.
"Oh my gosh! Nakapatay na yata ako."
Lumabas ako ng kotse para buhatin si Dylan at ipasok siya sa sasakyan.
"Anong gagawin ko? Napatay ko yata sila!"
"Call my dad," bulong ni Dylan.
Kinuha ko ang cellphone niya at tinawagan ang daddy niya.
"Hello!" sabi ko.
"Hello, who are you? Bakit nasa iyo ang cellphone ng anak ko?" tanong ng ama ni Dylan.
"Sir, napa-trouble ang anak niyo. Bugbog sarado siya at mukhang mamatay na rin siya. Puntahan niyo siya bago mahuli ang lahat."
"Okay! Nasaan kayo?" tanong ng ama.
"Nandito kami sa malapit sa lumang gasoline station na hindi kalayuan sa school namin. Tumawag na rin po kayo ng pulis."
"Okay! Okay!" sagot niya at agad pinutol ang tawag.
"Ano bang pinasok ko?" inis kong tanong.
"Ba't mo sinabi sa dad ko na malapit na akong mamatay?" tanong ni Dylan.
"Malapit ka nang mamatay talaga! Ano bang ginagawa mo rito? Kung hindi ka ba naman tanga! Nakikipag-away ka sa apat. Anong akala mo, Siyam ang buhay mo?"
"Ang ingay mo!"
"Kainis! Makukulong pa yata ako nito. Binangga ko 'yung mga bumugbog sa'yo."
"Don't worry, hindi sila patay."
"Akala ko maganda na ang araw ko ngayon dahil hindi n'yo ako ginulo. Mas malala pa pala ang nangyari."
"I'm sorry, and thank you for saving my life."
"Hays! Ewan ko sa'yo!"
Naunang dumating ang mga pulis ay isa-isa nilang dinampot ang mga nambugbog kay Dylan. Nakahinga ako ng maluwag dahil hindi ko sila napatay. Gayunpaman, hindi pa rin ako ligtas kung sakaling idemanda ako ng mga iyon.
Dumating na rin ang magulang ni Dylan at ang ambulansya. Dinala siya sa ospital habang ako ay nagbigay ng salaysay sa pulisya.
"Maraming salamat sa tulong mo sa anak ko," wika ng mommy ni Dylan.
"Napilitan lang talaga akong tulungan siya."
Ngumiti ito. "Salamat pa rin. Nalaman kong iskolar ka sa SPIA at ikaw ang binu-bully ng anak ko. Kahit masama ang pinakita sa'yo ng anak ko, tinulungan mo pa rin siya."
"Sana lang po, hindi na ako madamay sa gulo niya. Ayokong malaman ng magulang ko ang nangyari."
"Huwag kang mag-alala. Sisiguraduhin namin na hindi ka madadawit dito. Nagsampa na kami ng kaso laban sa kanila."
Ngumiti ako. "Puwede na ba akong umuwi?"
Tumango siya. "Ihahatid ka na namin."
"Salamat po."
"Let’s go!"
Hinatid nila ako hanggang sa harap ng bahay namin. Nang bumaba ako, nakaabang na ang tsismosa kong kapitbahay.
"Maraming salamat po!" sabi ko sa mommy ni Dylan.
"Salamat ulit."
Pagpasok ko pa lang sa gate, nakaabang na si Mama sa akin. Nakapameywang siya.
“Bakit ngayon ka lang? Sino ang naghatid sa’yo?”
Pumasok ako sa loob ng bahay at dumiretso sa kuwarto. Doon ko naramdaman ang pagod.
“Maria Sienna, sumagot ka!”
“Siya ang asawa ng may-ari ng SPIA.”
“Ha? Bakit hindi mo niyayang pumasok muna para mag-meryenda?” tanong ni Mama bilang pagpapakita ng kabaitan.
“May importante silang pupuntahan,” sagot ko bilang alibi.
“Bakit ka naman hinatid ng may-ari ng SPIA?”
“May ginawa kami sa school. Ginabi na kami bago matapos, kaya hinatid nila ako.”
“Ang bait naman nila.”
“Ma, magpapahinga na ako,” sabi ko.
“Kumain ka muna bago matulog.” Tumalikod si Mama at umalis ng kuwarto ko.
Humiga ako sa kama. “Ang sakit ng katawan ko.”
Ilang sandali lang, nakatulog na ako.
***
"Good morning, Sienna!" nakangiting bati sa akin ng mga estudyanteng nadadaanan ko habang papunta ako sa classroom ko.
Kumunot ang noo ko. "Anong nakain nila?" takang tanong ko.
Ang inaasahan ko lang ngayon ay hindi nila ako papansin dahil takot silang isumbong sa principal. Hindi ko inaasahan na magiging mabait sila sa akin.
Sinikap kong baliwalain ang mga estudyanteng bumabati sa akin. Para akong tatakbong mayor dahil lahat ay kilala ako.
“Sienna!”
Lumingon ako at nakita ko si Dice. Kasama rin niya sina Blake at Andrei.
Sumimangot ako. “Masakit ang katawan ko ngayon, puwede ba tigilan n’yo muna ako?” inis kong sabi.
Ngumiti si Dice. “Huwag kang mag-alala, wala kaming gagawin masama sa’yo.”
“Luh! Nasaniban ba kayo?”
“Nabalitaan namin kagabi na ikaw ang tumulong kay Dylan.”
“Wala lang akong choice.”
“Kahit wala kang choice, tinulungan mo pa rin siya. Kung wala ka, baka pinaglalamayan na siya ngayon.”
“Kumusta naman ang mga nambugbog sa kanya?”
“Buhay naman sila, pero nasa kulungan na.”
“Mabuti naman.” Tatalikod na sana ako para umalis, ngunit pinigilan ako ni Blake.
“Sienna!”
“Bakit ba?”
“Sasabay na kami sa’yo sa pagpasok.”
Nagsalubong ang kilay ko. “Totoo ba ‘yan kabaitan n’yo sa akin?”
“Totoo na ito,” sagot ni Andrei.
Bigla kong naalala na suspended sila.
“Teka, bakit kayo nandito? Hindi ba’t suspended kayo?”
“Hindi kami papasok sa classroom. Pumunta lang kami para siguraduhin na safe kang makakarating sa classroom natin.”
“Ang weird.”
Hinayaan ko na lang na sabayan nila ako sa paglalakad. Mabuti na ito kaysa ang awayin nila ako. Pagdating ko sa classroom, binati rin ako ng mga kaklase ko. Ang babait nila sa akin.
“Sienna, sumabay ka sa amin, lilibre ka namin ng lunch,” sabi ni Althea sa akin.
Kahapon lang todo parinig at irap sa akin si Althea at ang mga kaibigan niya, pero ngayon, feeling close na kami kung makipag-usap sa akin.
Ngumiti ako. “Thank you, pero may baon ako.”
“Sige, next time,” wika ni Althea.
“Ashley, bakit ang babait nila sa’kin ngayon?” tanong ko kay Ashley.
“Inutos ni Dylan na maging mabait sila sa’yo.”
“Ha? Totoo ba ‘yon?”
Tumango si Ashley. “Ikaw ba naman, grounded, talagang magpapakabait ka.”
Mabuti na lang at hindi alam ng mga estudyante na ako ang tumulong kay Dylan kahapon. Natatakot akong baka ako ang balikan ng mga kaaway ni Dylan.
“Sienna, mamaya, ihahatid kita sa bahay n’yo,” wika ni Ashley.
“Ha? Bakit?”
“Ipagpapaalam kita sa Mama mo na sumama ka sa amin sa disco bar.”
“Mahal ba ang bayad doon?”
“Huwag kang mag-alala, libre na kita.”
“Salamat.”
“You’re welcome,” sagot ni Ashley.
Pagdating ng tanghali, nakita ko na naman ang mga kaibigan ni Dylan sa cafeteria. Habang kumakain kami, lumapit sila sa amin.
“Ashley, puwede ko bang makausap si Sienna?” tanong ni Andrei.
Sumimangot si Ashley. “Anong gagawin n’yo sa kanya?”
“Wala kaming gagawin masama sa kanya. Gusto lang namin siyang makausap.”
“Tanong n’yo kay Sienna kung papayag siya.”
Tumingin ako kay Aira at Ashley. Alam kong ayaw nila akong pasamahin sa mga kaibigan ni Dylan.
“Kapag nawala na akong parang bula, alam n’yo na kung sino ang may gawa,” sabi ko bago ako tumayo.
“Tsk! Anong akala mo sa amin, mamatay-tao?” wika ni Blake.
“Saan n’yo ba ako dadalhin?” tanong ko.
Palabas kasi kami ng school.
“Gusto kang makausap ni Dylan kaya pupunta tayo sa ospital.”
“Puwede naman video call. Bakit kailangan pa akong pumunta?”
“Huwag ka ng maraming tanong. Wala naman kaming masamang gagawin sa’yo,” wika ni Blake.
Dahil hindi sila puwedeng gumamit ng mga sasakyan nila, isa sa mga estudyante ng SPIA ang kinausap nila para ipahiram ang sasakyan.
Nang makarating na kami sa ospital, dumiretso agad kami sa silid ni Dylan. Naroon ang Mommy ni Dylan nang pumasok kami sa loob.
“Hello, Sienna!” wika ng mommy niya.
Ngumiti ako. “Hello.”
“Lalabas muna ako para bumili ng pagkain,” wika ng mommy ni Dylan.
Lumapit ako kay Dylan. “Bakit mo ako pinapunta rito?”
Tumingin siya sa akin. “Gusto kong magpasalamat sa’yo dahil iniligtas mo ang buhay ko.”
“Okay,” tipid kong sagot.
“Bilang pasasalamat sa’yo, hindi ka namin bubulihin.”
“Wow! Salamat!” sarcastic kong sabi.
“Dahil nakilala ka ng grupo ni Waldo, kailangan lagi ka namin kasama para hindi ka mapahamak,” wika ni Dylan.
“Teka, tumulong lang ako sa’yo. Bakit nadamay pa ako? Sabihin mo sa kanila, hindi ako kasali.”
“Tumulong ka nga, pero puwede ka nilang balikan dahil naudlot ang plano nila dahil sa’yo.”
“Tang ina naman! Gusto ko lang makapagtapos ng pag-aaral. Bakit ako nadamay diyan? Kaasar!”
“Wala ka ng magagawa kundi dumikit sa amin para maprotektahan ka namin.”
“Wow! Thank you!” pang-asar kong sabi.
“Sienna, humihingi ako ng tawad sa ginawa ko sa’yo. Sana maging magkaibigan tayo. Huwag kang mag-alala, kaya ka namin protektahan hanggang sa maka-graduate ka,” wika ni Dylan.
Nilamukos ko ang mukha ko sa inis. Kahit anong sabihin nila, hindi pa rin maganda ang nangyari. Damay pa rin ako sa gulong pinasukan ni Dylan.
“Hays! Ano bang buhay ito!” inis kong sabi.
“Hindi ka namin hahayaan na masaktan," wika ni Blake.
“Mayaman naman kayo, ‘di ba? Bakit hindi n’yo na lang ako bigyan ng bodyguard?”
“Hindi ka naman Disney princess para magkaroon ng bodyguard,” wika ni Andrei.
“Abah! Gago ka!” inis kong sagot.
“Tomboy ka ba?” tanong ni Dylan.
“Eh, ano naman sa inyo kung tomboy ako?” inis kong sagot.
Maganda na rin sigurong malaman nila na pusong lalaki ako.
“Kaya pala palaban ka,” wika ni Blake.
Sumimangot ako. “Hindi ang kasarian ko ang dapat nating pag-usapan. Siguraduhin n’yo na lang na hindi makakalabas ang mga kaaway mo para hindi nila ako balikan. Isa pa, hindi naman nila ako makikilala dahil nakatakip ang mukha ko.”
“Hindi sila utak-munggo na katulad mo,” sagot ni Dylan.
Sa inis ko, hinampas ko ang balikat niya. “Bwiset ka!"
“Ouch! f**k!” sambit niya.
“Sienna, baka tuluyang hindi magalaw ni Dylan ang kamay niya,” wika ni Blake.
“Nakakainis!”
“Nagsisisi ka ba na tinulungan mo ako?”
“Oo! Sana tahimik akong nag-aaral ngayon. Imbes na grades ko lang ang iniisip ko, pati buhay ko kailangan ko nang alalahanin.”
“Trust me, walang mangyayaring masama sa’yo.”
Tinaas ko ang kamay ko. “Okay! Wala naman akong magagawa kundi sundin kang gunggong ka!”
Tinitigan ako ng masama ni Dylan. “Kung hindi mo lang niligtas ang buhay ko, hanggang ngayon binu-bully ka pa rin namin.”
“So, utang na loob ko pa?” pataray kong tanong.
“Magpasalamat ka na lang dahil napansin ka namin,” wika ni Dice.
“Mga guwapo lang kayo, pero kulang naman kayo sa utak.”
“Bwisit ka!” gigil na sabi ni Andrei.
“Ihatid n’yo na ako sa school bago pa magdilim ang paningin ko at bugbugin ko pa kayong apat.”
“Ibang klaseng tomboy ‘to. Akala mo kaya niya tayo,” asar na sabi ni Blake.
“Babae pa rin ‘yan. Tingnan n’yo, putak nang putak,” wika ni Dylan.
“Tse!” sabay irap ko.
“Alis na kami,” wika ni Andrei.
Hinatid ako ng tatlo hanggang sa classroom namin.
“Ingat ka sa pag-uwi mamaya,” wika ni Dice.
“Salamat.”
Bumalik ako sa upuan ko.
“Saan ka nila dinala?” tanong ni Ashley.
Sumimangot ako. “Kay Dylan.”
“Anong sinabi sa’yo ni Dylan?” tanong niya.
“Simula daw ngayon, hindi na nila ako bubulihin. Magiging kaibigan ko na daw sila.”
“Ang bilis niyang magdesisyon. Mukhang matindi ang naging tama ng mga bumugbog sa kanya kahapon kaya naging mabait,” wika ni Ashley.
“Hindi mo ba siya dadalawin?” tanong ko.
“Ihahatid kita sa inyo ngayon, ‘di ba?” sagot ni Ashley.
Kilig na kilig ako sa sinabi ni Ashley. Kung puwede lang sabihin sa kanya ang nararamdaman ko, ginawa ko na.
“Puwede naman bukas ka na lang pumunta?”
Umiling siya. “Mas importante ka sa akin.”
“Salamat.”
“Siyempre kasama ko si Aira sa paghatid sa'yo," wika ni Ashley.
“Basta libre mo ako ng dinner mamaya,” sagot ni Aira.
“Ibig bang sabihin niyan friends na tayo?" tanong ko.
Sabay silang tumango. ”We are friends!"
Sabagay, sa friends naman nagsisimula ang love.