Hindi pinansin ni Acer si Yang pagkalabas niya ng mini grocery. Hindi niya alam kung anong mahika ang gamit ng babaeng iyon sa kanya at bigla na lamang siyang natataranta.
Bumibilis din pati ang pagtibok ng puso niya dahil sa pagiging prangka nito kapag nagsasalita.
"Sir Pogi, hi!" malakas na pagbati sa kanya ng kaibigan ni Yang. Mabilis siyang naglakad para maiwasan ito dahil nagmamadali din siya.
Mukhang nagtratrabaho ang mga ito sa night club. Base sa mga itsura nito na hindi presentable katulad ni Yang na makapal ang lipstick sa mga labi.
"Excuse me? Ako ba ang tinatawag mo?" nagtatakang tanong ni Acer sa babae. Huminto siya sa tapat ng kanyang sasakyan habang bitbit ang plastic ng mga pinamili niya.
Naglakad ang babae palapit sa kanya. Nakasuot ito ng fitted strapless dress na kulay itim na hanggang pwetan lamang nito ang haba. Naka-sandals pa ito ng mataas at kumekembot ang balakang habang naglalakad.
"Yes, Sir Pogi. Mukha kasing type mo ang kaibigan ko, e." Inakbayan pa siya ng babae na malapad ang ngiti sa mga labi.
"What?" Inalis niya nang marahas ang kamay ng babae na nakaakbay sa kanya. "Are you out of your mind, miss? Hindi ko kayo kilala."
"Kanina mo pa kasi tinitigan ang kaibigan ko, e. Kung type mo siya p'wede mo namang sabihin sa akin at ako na ang magsasabi sa kanya," mahinang sabi pa nito na inilapit ang mukha sa kanya.
Umatras si Acer sa babae. Minabuti niyang maging mahinahon kahit na naiinis na siya rito.
"Nagkakamali ka lang siguro ng akala. Miss, I'm sorry but I need to go."
"Sir Pogi, ang sungit mo naman. Ako nga pala si Rebecca, p'wede mo akong tawaging love kung gusto mo at honey naman kung ayaw mo." Binasa pa ng babae ang mga labi nito habang nakatitig sa kanya.
"Hindi ako interesado, pasensiya na."
"Sa akin hindi pero sa kaibigan ko, oo." Muli nitong inilapit ang mukha sa kanyang tenga. "Gusto mo si Esmeralda?"
So, Esmeralda pala ang totoong pangalan ng babaeng iyon.
"Sayang ka naman pala, Sir Pogi. Okay sige. Bye!" Nag-flying kiss pa ito sa kanya.
Tumatawang umalis ang babae sa harapan niya at pinuntahan nito si Yang na nakatingin lamang sa kanila. Hindi niya alam ang binabalak ng mga babaeng iyon. Mukhang mga golddigger ang dalawang iyon.
"Damn it!" naiinis na sambit ni Acer nang makasakay siya sa loob ng kanyang kotse.
Kung hindi lang humiling sa kanya ang kanyang anak ng chips at chocolates ng ganitong oras ay hindi niya sana nakita si Yang at ang kaibigan nito.
Nagmadali siyang umalis sa parking area. Sa side mirror ay nakita niya na nag-apir pa ang dalawa. Gusto yata siyang pagtrip-an ng mga ito.
"Mga lasing ba sila?" tanong ni Acer sa sarili. Bumuga siya nang malalim at inisip ang anak na iniwan niyang umiiyak sa bahay niya.
MAHIMBING ng natutulog ang anak ni Acer nang datnan niya ito sa kuwarto niya. Naroon si Yaya Juris na nagbabantay sa kanyang anak habang wala siya.
"Hindi na ba siya sinusumpong?"
Kapag hindi gusto ni Siena ang isang bagay ay umiiyak na lamang ito at nagwawala. Nagiging kalmado lang ito kapag bumibili siya ng paborito nitong snacks.
"Nakatulog na po siya, sir. Kanina ho noong umalis kayo, umiiyak siya pero noong sinabi ko na bumili kayo ng chocolates at chips na kakainin niya bigla na lang kumalma. At nagtungo rito sa kuwarto ninyo sir para matulog," pagkukuwento ni Yaya Juris.
"Mabuti naman kung ganoon. Sige na Yaya Juris, magpahinga na ho kayo. At bukas bumili na lang kayong isang kahon na chocolate bars sa grocery pati na mga chips na iba't ibang klase. Ilagay na lang ninyo sa storage room para hindi makita ni Siena."
" Sige po, sir."
Nang umalis si Yaya Juris ay humiga na siya sa tabi ng kanyang anak. Ipinikit niya ang kanyang mga mata ngunit si Yang ang kanyang nakita.
Hindi siya nito natatandaan na nagkita na sila noon sa mini grocery din na iyon. Hindi lamang siya makapaniwala na bukod sa pagiging raider nito ay nagtratrabaho din pala ito sa club.
Inosente lang pala ito kung tignan ngunit mapanganib.
Hindi na siya dinalaw ka ng antok kahit na nakahiga siya sa kama katabi ang kanyang anak.
Birthday party na nito next month at ilang araw na lang ang preparations. Gusto ni Siena na may clown at magician ang theme ng birthday party nito. Pagbibigyan niya ang hiling ng kanyang anak kung makakatulong iyon para magkaroon ng magandang pagbabago sa behavior nito.
KINABUKASAN maagang nagising si Acer para mag-jogging. Nang marinig niya ang pagkukuwentuhan nina Lolo Antonio, Manong Harold at si Manong Edu sa may garden.
Nagkakape ang mga ito habang nagkukuwentuhan.
"Ang galing no'ng babae no, sir?" natutuwa pang sabi ni Manong Edu, ang personal driver ni Lolo. Itinaas nito ang mga kamay na katulad sa kung fu. "Haya!" Malakas na sambit nito ngunit natigil nang makita siya na palapit.
Tsk, babae na naman yata ang pinag-uusapan ng mga ito. Nitong nakaraang araw mas nagiging abala pa sa kanya ang kanyang Lolo Antonio pagdating sa mga babae kaysa sa kanya.
"Good morning, Lolo," aniya na hinawakan ito sa kamay bago humila ng silya sa harapan nito.
Lumayo sina Manong Harold at Manong Edu nang lumapit siya.
"Good morning, Sir Acer," magkasabay na pagbati ng dalawa.
"Bakit nga ho pala kayo nandito? Masiyado pa pong maaga ang pagdalaw ninyo kay Siena."
"Acer, dito na kami dumiretso ni Edu dahil may masamang nangyari kaninang madaling araw. Mabuti na lang may babaeng tumulong sa amin ni Edu dahil kung hindi baka bugbog sarado na si Edu," tumatawang sabi pa nito. "Alam mo sa tingin ko, apo. Siya na ang babaeng makakatulong sa iyo para lumambot ang puso mo," natutuwa pang sabi nito sa kanya.
"Lolo, hindi ko po kailangan ng babae sa buhay ko. Focus ako kay Siena at busy ako sa pag-aasikaso sa company at sa papalapit na birthday niya."
"Acer, apo, iba pa rin na may katuwang ka sa pag-aalaga sa anak mo. Hindi ko naman sinabi na magiging asawa mo ang babaeng nakilala ko. Gusto ko na siya ang mag-alaga kay Siena. Malakas ang pakiramdam ko na makakatulong ang babaeng iyon para gumaling na ang apo ko."
Huminga siya nang malalim. "Baka lalong ikasama ng pakiramdam ni Siena ang babaeng nakilala ninyo. Hindi siya p'wedeng makihalubilo sa katulad ng babaeng tumulong sa inyo. Sa naririnig kong usapan kanina, ipinagtanggol kayo ng babaeng iyon. In short, basagulera ang babaeng iyon," panggigiit ni Acer.
"Okay fine. Kung ayaw mo wala akong magagawa pero natutuwa lang talaga ako sa babaeng iyon. Anyway, sandali lamang kami rito ni Edu. Gusto ko lang na makapagpahinga at makita ang aking apo bago ako umuwi sa bahay. Alam mo naman, malungkot sa bahay dahil mag-isa lamang ako roon."
Nang mamatay ang asawa niya ay namatay na rin ang Lola Ana niya kaya naiwan na nag-iisa si Lolo Antonio sa malaking bahay nito. Naroon naman sa London si Shayne, ang step sister niya kaya wala itong kasama sa ngayon hangga't hindi umuuwi si Shayne.
***
"TRABAHO BA KAMO?" interesadong tanong ni Yana kay Julie habang kumakain sila ng hapunan sa may kubo na malapit lamang sa bahay nito.
Nakataas isa niyang paa sa upuan habang nagkakamay na kumakain ng hapunan. Nilagang talong at inihaw na bangus ang ulam nila ni Julie.
"Oo, naghahanap ng clown iyong boss ko sa salon. May kaibigan daw kasi siyang event organizer at naghahanap ng clown. Baka gusto mong mag-extra?" tanong sa kanya ni Julie habang isinasawsaw ang talong sa toyo na may sili at kalamansi.
"Clown?" Isinubo ni Yang ang kanin bago muling nagsalita. "Taydana! Hindi ko pa yata nasubukan ang maging clown. Ano ba ginagawa no'n?" Inosenteng tanong niya.
"Simple lang dahil kids party naman. Magbabato ka lang ng jokes sa mga bata."
Napangiwi si Yana sa trabahong alok ni Julie. Isang linggo na rin siyang naghahanap ng Isa pang trabaho pero wala siyang mapasukan. Mahina pa naman ang benta sa ukay-ukay ni Nani Benie. Hindi naman siya nakalusot sa mga ina-apply-an niya dahil mahigpit ang mga negosyante at hinahanapan pa siya ng barangay clearance.
"Magkano naman ang sahod?" malungkot na tanong niya rito.
"Isang libong at limang daang piso. All in na, Yana. May merienda at hapunan ka pa. Sagad na iyon kaysa naman wala kang extrang trabaho. Ano game ka?"
Napasimangot si Yana. Isinawsaw niya ng buong talong sa toyo na may calamansi at sili. Isinubo niya iyon ng buo at saka tumango kay Julie.
Hindi pa niya nalalaman kung saan nakatira si Acer Sandoval. Kulang siya ng pera para pamasahe sa kanyang paghahanap dito. Hindi naman siya p'wedeng pumunta sa company nito dahil baka mabulilyaso pa ang mga plano niya.
"Huwag kang mag-alala, Yana. Kayang-kaya mo ang trabaho na iyon. Basic lang sa iyo ang magpatawa ng mga bata," anito para lumakas ang loob niya.
Bebenta naman kaya sa mga bata ang mga kalokohan niya noong bata pa siya.
Itinuon na lamang ni Yana ang pag-iisip sa pagkain niya ng talong. Baka may maisip siyang joke sa talong na mahaba at mataba.
Mariin siyang pumikit ngunit si Acer ang nakita niya.
Tsk. Ano naman ang koneksyon ng talong ni Acer sa pag-iisip niya ng joke?
Napailing na lamang si Yana at isinubo ang huling pirasong nilagang talong na nasa harapan niya.