Isang araw lamang nag-prepare si Yana ng mga jokes niya sa birthday party na pupuntahan niya bilang isang clown. Isang circus theme party ang birthday ng isang anim na taong gulang na bata.
Ang narinig lamang ni Yana ay babae ang may birthday at nakatira ito sa isang high class subdivision sa San Manuel. Byudo ang tatay at bukod doon wala na siyang ibang alam maliban sa may special na condition daw ang bata. Hindi raw ito marunong magsalita.
"Yang, iyong costume mo nasa may truck. Maghanap ka ng p'wede mong pagbihisan," sabi sa kanya ni Manong Berting, ang magician na magiging kasama niya mamaya.
Nagtataka si Yang kung bakit hindi high class performers ang kinuha ng event organizer. Kung mayaman naman ang Tatay no'ng birthday girl.
Kunsabagay, kung nagtitipid ang Tatay no'ng bata kahit mayaman ito. May ibang mayaman talaga na sobrang kuripot at hindi maluho.
"Opo, manong," sabi niya na kaagad kinuha ang costume niya sa may malaking bag. Multicolor na overall, colorful wig, big shoes na polka dots ang design at ang red nose na kasing laki ng bola ng golf. Naroon din sa bag ang make-up kit at ang pulang lipstick.
May nakita si Yana na comfort room sa may gasolinahan at doon niya ipinasyang magbihis. Eksakto sa kanya ang overall costume. Nagpatulong na lamang siya na isara ang zipper niyon sa isang babae na nakita niya sa loob ng comfort room. Nilagyan niya ng hairnet ang buhok niya bago inilagay ang makapal niyang kulot na wig.
Nilagyan niya ng makapal na foundation ang kanyang mukha. At nang puting-puti na ito ay saka siya naglagay ng dekorasyon sa mukha niya. Naglagay siya ng joker na design sa kaliwang pisngi niya, at diamond naman sa kanan. Tinaasan niya ang guhit sa kanyang kilay at saka idinikit sa ilong niya ang red na bola.
Kinapalan din niya ang lipstick sa kanyang mga labi. Isang malaking labi ang ginawa niya doon upang makaagaw pansin sa mga bata bilang isa siyang clown.
Nang matapos ay isinuot na niya ang malaki niyang mga sapatos. Akala ni Yana mabigat ang mga iyon ngunit foam lamang pala kaya magaan lamang sa mga paa niya.
May nakita siyang bata pagkalabas niya ng comfort room. Natakot ito sa kanya at tumakbo sa nanay na umiiyak.
Nagkamot na lamang si Yang ng ulo. Hindi yata siya nakakatuwang clown kun'di isang clown na pang-horror.
"Manong Berting, okay na ba ako?" tawag pansin ni Yana sa matanda na nakaayos na rin.
"Halika dito at ayusin ko ang guhit sa labi mo. Kailangan naka-smile iyan kahit na malungkot ka," sabi nito sa kanya na sinimulang ayusin ang guhit ng mga labi niya.
"Halika na, kailangan bago magsimula ang party naroon na tayo," sabi nito 'tsaka pinaandar ang truck.
Sumakay na si Yana sa likod ng truck. Hindi pa rin nawawala ang kaba niya. Isang araw lang siyang nag-memorize ng mga jokes at hindi niya alam kung magagawa niya iyon ng tama.
Nakarating na sila sa venue ng birthday party. Nalula si Yana sa malaking garden kung saan idaraos ang carnival party ng bata na si Siena.
May iilan lang siyang nakita na mga bata. Iilan din ang mga bisita na naroon. Mukhang pinili lang din ang dumalo.
Napailing na lamang siya. Hindi lang pala kuripot ang Tatay no'ng bata kun'di masama din siguro ang ugali.
Ang batang may birthday ay nakasuot naman ng unicorn dress. Maganda ang dress nito ay kumikinang. Malaki din ang cake nito sa center stage at may malaki din itong mga regalo.
Spoiled na bata.
Naalala ni Yana ang kanyang kabataan. Masaya na siya sa candy tuwing kaarawan niya dahil never niyang naranasan na magkaroon ng handa.
Nagsimulang magsalita ang host ng birthday party. Ipinakilala nito si Siena na magdiriwang ng ika-anim na taong gulang nito. Tinawag din ang daddy nito at nagulat si Yana dahil si Acer ang nakita niya.
"Anak ni Acer ang batang iyon?"
"Yang, okay ka lang ba riyan? Kilala mo ba iyong may birthday?" nagtatakang tanong ni Manong Berting sa kanya.
"Ah, hindi naman ho. Nakilala ko lang iyong tatay, masama ang ugali niyan, Manong," nakangiwing sabi niya habang nakatingin kay Acer.
Kung ganoon alam na niya kung saan ito nakatira. Lumapad ang ngiti sa kanyang mga labi.
Ipinaglalapit talaga sila ng tadhana.
Tinawag na sila ng host para mag-perform. Katabi ni Acer ang anak nito sa upuan. Masigla naman siyang naglakad patungo sa harapan at kinuha ang microphone sa host.
"Isang magandang gabi para sa lahat. Babatiin ko muna ang birthday girl na si Siena. Hello, baby!" masiglang sambit ni Yana na iniabot ang kamay dito.
Kitang-kita niya na tuwang-tuwa ang bata sa kanya.
"Hello, Siena. My name is..." Nagkamot ng ulo si Yana. "Alam mo ba ang pangalan ko?" tanong ni Yana sa bata ngunit umiling naman ito. "Ako si Mimiyarn! Ang Mimiyarn ng Mimiyorn!" Nagsitawanan ang mga bata pati ang mga matatanda.
Lumayo si Yana kay Siena at saka tumingin kay Acer.
"Ano ang pangalan mo, daddy?" malakas na tanong niya rito.
Hindi sumagot si Acer at dinedma siya.
"Si Daddy hindi din alam ang pangalan niya? Oh, no!" nagkibit-balikat si Yana at saka muling ibinaling ang tingin kay Acer habang nagsisitawanan ang mga bata.
"Dahil hindi alam ni Daddy ang pangalan niya, daddy ko na rin siya. Okay ba iyon, baby?" Ibinaling niya ang tingin kay Siena na lumulundag sa tuwa.
"Okay! Nak nak!" malakas na tanong niya sa audience.
"Who's there?"
"Mimiyarn!" Natutuwa naman na sambit niya.
"Mimiyarn, who?"
"Ako si Mimiyarn, ang cute na clown. Maganda ang buhok at may magandang mukha. Namumula ang ilong, ako'y sinisipon! Marunong sumayaw, kembot-kembot-kembot. Ako si Mimiyarn, may malaking paa. Ako'y nalulungkot palit tayo paa?" biglang tanong niya kay Siena.
"Gan--- Ganda!" malakas na sabi nito na ikinagulat ng mga bisita. Maging si Acer ay napalingon sa anak nitong bigla na lamang nagsalita sa harapan niya.
"Kailangan ko ng dalawang bata! Sino ang may gusto?" Nagtaas siya ng kamay upang humanap ng dalawang bata na sasagot sa mga tanong niya.
May lumapit na dalawang batang lalaki na malulusog ang pangangatawan.
"Ano"ng pangalan mo?" lumuhod siya upang matanong ang mga ito ng maayos.
"Kevin, po!" magalang na sagot ng bata.
"At ikaw naman?" baling niya sa isa pang bata.
"Nestor po."
"Ganito lang ang gagawin ninyo dahil birthday ni Siena babatiin ninyo siya sa tunog hayop na kanta. Kunwari tunog ng ibon, pusa, aso, kambing, baboy at iba pa. Ikaw ang mauuna Nestor."
Hindi pa man nagsisimulang kumanta ang bata ay napuno na ng tawanan ang buong paligid. Maging si Siena ay nakikisabay din sa pagkanta sa mga batang nasa harapan nito.
Nakita ni Yana si Acer na naiiyak sa tuwa habang pinapanuod nito ang anak.
So, ang kahinaan pala ni Acer ay ang anak nito.
Kung byudo na nga ito ay patay na si Ma'am Marie. At natitiyak niya na siya ang sinisisi nito sa pagkamatay ng asawa nito.
Naasar na inalis ni Yana ang tingin kay Acer. Hindi niya dapat ito kaawaan dahil ang katulad ni Acer na walang puso hindi dapat pinapatawad.
Pagkatapos ni Yana ay sumunod na ang magic acts ni Manong Berting. Humanap si Yana ng katulong na p'wede niyang pagtanungan ng comfort room ay eksakto naman na may nakita siyang isang matanda na umiiyak habang nakatingin kay Siena.
"Manang, saan po ba p'wedeng magbanyo?" mahinang tanong niya rito.
"Pasok ka na lang dito sa may laundry area tapos sa kanan naroon ang comfort room," sabi ng matanda na nagpapahid ng luha sa mga mata. "Mimiyarn, salamat ha. Ngayon ko lang narinig na nagsalita ang alaga ko dahil sa iyo. Alam mo natutuwa ako dahil nakikita ko na malaki ang maitutulong mo sa alaga ko."
"Wa-Wala po bang Mommy ang bata? Nakita ko lang ho kasi na daddy iyong binanggit ng host kanina?" pag-uusisa niya rito.
"Noong baby daw si Siena namatay na si Ma'am Marie, nagkaroon daw ng komplikasyon. Tatlong taon na ni Siena noong sinimulan ko siyang alagaan," pabulong na sabi naman nito.
Tama nga ang kutob niya at ang mga tsismis na narinig niya.
Si Siena ang magiging susi para makalapit siya kay Acer. Kailangan na lamang niyang makumbinsi ito na maging tagapag-alaga ni Siena.
NAGTUNGO si Yana sa may catering para kumuha ng pagkain niya. Nagkasalubong sila ni Acer ngunit hindi naman siya nito pinansin.
Bumagsak ang balikat niya dahil hindi niya alam ang kanyang gagawin upang makalapit siya nang tuluyan kay Acer. Itinuon na lamang muna niya ang sarili sa pagkuha ng mga masasarap n pagkain na handa ni Siena.
Susulitin na niya ang pagkain ng masasarap dahil bukas magiging panaginip na lamang ang mga handa na nakikita niya.
"HETO, ang kinita natin, Yana. Ito ang sa iyo at ito naman sa akin," sabi ni Manong Berting na iniabot sa kanya ang pera na nasa sobre.
Pinunasan ni Yana ang kanyang mukha ng basang panyo bago kinuha ang nakasobreng pera kay Manong Berting. Inilagay niya iyon sa bulsa ng pantalon niya.
"Salamat sa raket na ito, manong. Hindi ko alam kung nakakatuwa ba ako kanina o nakakahiya. Wala po talaga akong ideya sa magiging clown."
"Natuwa ang mga bata kanina lalo na si Siena. Iyon ang pinakaimportante sa trabaho nating ito, Yang."
Tinatanaw niya ang subdivision kung saan nakatira si Acer. Kailangan niyang makapasok sa buhay nito ngunit paano? Hindi naman siya p'wedeng biglaan na lang na mag-apply bilang katulong Baka mamaya makilala na siya ni Acer at pumalpak ang plano niya.
"Yang, kanina ko pa napapansin na panay tingin mo sa bahay na pinuntahan natin, a. Kung may balak kang masama, huwag mo na iyang ituloy. Alam mo maraming CCTV ang bahay na iyon, at maraming security guard din ang subdivision na iyan. Mahirap makalusot kapag nahuli ka," babala ni Manong Berting sa kanya.
"Manong, iba ka rin mag-isip no? Hindi ba p'wedeng iniisip ko lang kung paano magkaroon ng trabaho sa lugar na ito? Tumatanggap kaya sila ng katulong?"
"Sa tingin ko galing sa mga agency ang katulong sa mga ganyan na mayayaman na pamilya. Huwag ka nang umasa, Yang. Halika na, umuwi na tayo." Kinalampag nito ang truck at sumenyas na aalis na sila.
Pasakay na sana siya ng truck ngunit nakita ni Yana ang matandang tinulungan niya na pumasok sa loob ng subdivision.
"Manong Berting, mauna na po kayo. May utang lang akong dapat na singilin," nakangising sambit niya rito.
Sigurado si Yana na ang matandang iyon ang makakapagbigay ng trabaho sa kanya sa lugar na ito. Kung nakatira ang matandang iyon dito sa subdivision magiging madali na lamang sa kanya ang lahat.
Tumambay siya sa nakasarang tindahan at doon niya aabangan ang kotse ng matanda.