BAGO sila matulog ni Lhorde nang gabing iyon ay nagpa-deliver pa ito ng makakain nila. Nagugutom daw kasi ito. Kaya ang ending? Nagpababa pa sila ng kanilang kinain bago sila nahiga sa kama sa suites na ukupado nila. Malawak naman ang kama. At si Lhorde pa talaga ang naglagay ng unan sa gitna niyon. Nakapagpalit na rin siya ng pantulog, ganoon din si Lhorde. Pero habang nakahiga sa kama ay hindi naman agad dalawin ng antok si Raven. Tumagilid pa siya ng higa paharap kay Lhorde na nakapikit na ng mga sandaling iyon. Tahimik na pinagmasdan niya ang guwapong mukha ni Lhorde. Na-emphasize lalo ang matangos nitong ilong dahil sa pagkakahiga nito. Umangat pa ang kanan niyang kamay at hindi natiis na hindi paglandasin ang kaniyang hintuturo sa nose bridge nito. Bagay na nagpamulat kay Lhorde.