ABALA NA naman si Arianne sa pag-aasikaso ng event na iyon para sa anniversary ng Makati Business Club. Isa iyon sa pinakamalaki nilang kliyente kaya buhos na buhos doon ang buo niyang atensyon. Ngunit sa bawat pagkakataon na mapupunta siya sa isang tabi at magkakaroon ng katahimikan, hindi niya maiwasang isipin ang buwisit na lalaking nanggulo sa tahimik at nagluluksa niyang puso.
“Babaero talaga ang kumag!” pabulong niyang sambit, kipkip sa dibdib ang clipboard at nakasandal sa concrete wall ng malawak na conference hall na iyon ng The Peninsula Hotel, habang pinanonood ang kasiyahan ng mga top businessmen ng bansa. “Nakakita lang ng mga naka-miniskirt, nakalimutan na ang babaeng crush daw niya. Hmp! Buwisit!”
Dalawang araw na ang nakakalipas mula nang manggaling siya sa Stallion Riding Club. Ang araw kung kailan natuklasan niyang may espesyal din siyang damdamin para sa buwisit na Daboi na iyon. Oo na, sige na. may nararamdaman nga siya para rito.
Aminin mo na kasi. You’re inlove with him.
Was she? He did make her heart beat faster and make her pulse raced. Pero sapat na bang basehan iyon para masabing mahal na nga niya ang isang tao? Afterall, kalalabas lang niya sa isang tatlong taong relasyon. At mahal niya talaga si Ericson. Kung ganon, ano ang dapat niyang itawag sa nararamdaman niyang ito kay Daboi? At bakit nagselos siya nang husto nang makita niyang landiin ng dalawang babae sa SRC ang binata?
“Ang sakit naman sa ulo nito,” sambit uli niya. “Kay Ericson hindi naman ako nagkaroon ng ganitong problema. Kahit kailan ay hindi ko tinanong ang sarili ko kung para saan at ano ang nararamdaman ko sa kanya. Pero sa iyo, Daboi, naku! Magkaka-migraine ako nang wala sa oras.”
“You’re Arianne Rosales, right?
Isang lalaking naka-amerikana ang nalingunan niyang nagtanong ng pangalan niya. “Yes, Sir. Can I do something?”
“Oh, wala naman. Gusto ko lang itanong. Nakita kasi kita sa SRC noong nakaraang araw.” Inilahad nito ang kamay sa kanya. “I’m Richard Don. Ako ang may-ari ng Lakeside Café and Restaurant.”
“Ah, hi.” Tinanggap niya ang kamay nito. Goodness! Wala bang pangit na lalaki sa lugar na iyon? Sa tantiya niya, lahat ng lalaking nakita niya sa naturang riding club ay daig pa ang mga artista ang itsura. “Kumusta? Masarap nga pala ang mga pagkain ninyo sa restaurant. Nabusog ako nang husto.”
“I’m glad. By the way, nagkita na ba kayo ni Daboi?”
Umarangkada ang t***k ng puso niya nang marinig ang pangalang iyon. “Si…Daboi? H-hindi pa, eh.”
“That’s strange. Nakita ko lang siya rito kanina na nakikipag-usap sa ibang mga kapwa namin negosyante. Mukhang may balak kasi iyong mag-venture sa ibang negosyong itatayo niya rito sa Pilipinas.” Richard surveyed the entire room. “Imposible namang hindi ka niya lapitan ngayon samantalang ako nga ay kanina pa kita nakikitang pakalat-kalat dito.”
“I organized this event.” At hindi ako nagpapakalat-kalat, ‘no.
“Yeah, I heard. O, hayun pala si Daboi. Danniel!”
Daig pa niya ang naghihintay ng kanyang pagkakataon na sumabak sa silya elektrika sa lakas ng t***k ng kanyang puso. Yes, there he was. Danniel Bustamante. Daboi to the people close to him. Daboi…to her. Dumako ang tingin nito sa kanya. Dumoble ang kalabog sa dibdib niya. Ngayon lang niya na-realize na sa kabila ng inis na nararamdaman niya rito dahil sa mga nangyaring iyon sa Stallion Riding Club, hindi pa rin maitatago niyon ang katotohanang na-miss niya ito nang husto.
Ngunit tila nanibago siya sa paraan ng pagtingin nito sa kanya. Wala na ang ngiti nitong laging sumasalubong sa kanya. He was so serious now, as if he didn’t recognize her. Parang gusto niyagn magtampo. Ah, hindi. Nagtatampo na talaga siya. Ah, hindi rin. Nagagalit siya. Nagagalit siya talaga… Who was she kidding? She couldn’t possibly hate him. No matter how much irritation he gave her that day at the SRC.
Ikaw na nga ang may kasalanan, bakit parang ako pa ang lumalabas na may atraso sa iyo, ha? Haller! Sino kaya sa atin ang nakipaglandian sa dalawang babaeng iyon?
But she was bothered. Lalo na nang bumaling na uli ito sa mga kausap nitong negosyante nang hindi man lang kumakaway sa direksyon nila bilang pagbati man lang sana. He just ignored her!
“O, ano kaya ang problema ng isang iyon?” narinig niyang tanong ni Richard. “Weird. Maayos naman kayo nang umalis ng Lakeside Café, hindi ba? Nag-away ba kayo pagkatapos nun?”
“Oo.” Pero ako ang nadehado nun! “Kaya war kami ngayon.”
“Ganon ba? kaya pala imbes na lapitan ka niya kanina, lagi na lang siyang nakatingin sa iyo. Oh, well. I hope you, two, would make it up. Sayang ang pair up ninyo. Besides, he seemed to like you very much.”
Nagpaalam na ito sa kanya upang makihalubilo sa iba pang negosyante roon. Habang siya ay hindi malaman ang gagawin o iisipin.
“Ma’m, nagkaroon tayo ng kaunting problema,” wika ng isa sa mga assistants niya roon. “Hindi pa kasi dumarating ang spokeperson na magsasalita ngayon. Ang sabi ng coordinator nila, palitan na lang daw muna ‘yung tagapagsalita habang wala pa ‘yung…”
What the hell did I do wrong? sigaw niya sa isip habang matamang tinitingnan si Daboi na kaswal na nakikipag-usap sa mga kapwa nito negosyante. Bakit parang ikaw pa ang may ganang magalit sa akin ngayon?
“Ma’m?”
Malakas siyang tumikhim bago binalingan ang assistant. Marami pang mas importanteng bagay na dapat asikasuhin.
“Nasaan ang coordinator nila?”