PINAGMAMASDAN NI Arianne ang nag-iisang car key sa kanyang mesa. Napapansin niyang napapadalas na ang pagbaling ng atensyon niya sa susi na iyon kaya nagpapaulit-ulit tuloy siya sa pagbabasa ng itinerary para sa susunod na event na i-o-organize ng kumpanya niya. Hanggang sa tigilan na niya ang trabaho at sumandal na lang sa kanyang swivel chair habang patuloy na pinagmamasdan ang susi.
“Bakit ba hindi pa rin ako tinatawagan ng amo mo, ha?” tanong niya sa nananahimik na susi. “Kung ipapaayos niya ang kotseng iyon, dapat ay kinuha ka na niya sa akin. Anong gusto niya? Ako pa ang magbabalik sa iyo? Hello! Sinusuwerte siya.”
Pero hindi naman siya mapakali. Dahil ba naisahan siya nito nang dalawang beses siya nitong nahalikan nang hindi niya alam? She remembered his kiss. And the way she responded to him. hindi siya nakapalag nang mga sandaling iyon. nagulat siya, oo. And at the same time, she also felt…nice.
Nanggigigil niyang dinampot ang susi. “Manyak! Manyak! Manyaaakk!”
“Ma’m Arianne?”
Nagtatakang mukha ng kanyang sekretarya ang nakita niyang nakasungaw sa may pintuan ng kanyang opisina. Umayos naman siya ng upo.
“May kailangan ka, Rhea?” Pesteng Daboi iyon! Pati tuloy sa kanyang mga empleyado ay napapahiya nang dahil dito! Makita lang talaga niya ang lalaking iyon, malilintikan talaga iyon sa kanya!
“May naghahanap ho sa inyo, Ma’m. Genil Ann Garcia daw ho.”
“Genil Garcia?”
“Wala ho siyang appointment sa inyo pero importante raw na makausap niya kayo. Kung ayaw ho ninyo siyang makausap sa ngayon…”
“No, let her in.”
Sino naman kaya ang Genil na iyon? Hindi kaya isa na naman ito sa mga chuwariwariwap girls ni Daboi?
“Pagbuhulin ko kayong dalawa, eh!” sambit niya sa pobreng susi.
Bumukas uli ang pinto at pumasok ang isang napakagandang babae. Sopistikada ito at halatang mayaman. Mukhang manika ang mukha na kung hindi lang dahil sa pagkakakunot ng noo ay mapagkakamalan niyang maniquin. Hinintay muna niyang makaalis ang sekretarya bago magsalita.
“Good morning, Miss Garcia. What can I do for you?”
“Good morning,” napakalambing ng boses nito. Ngunit madali ring mahalata ang punto nitong Bisaya. Alam niya iyon dahil isa rin siyang dakilang Ilongga. “Gusto ko lang malaman mo gid na ipapadakop kita sa mga pulis.”
“T-teka, bakit mo ako ipapahuli sa pulis?” Napatayo siya nang wala oras. “Anong kasalanan ko?”
“Kay gin smash mo yang akon nga awto!”
“I smashed your car? When? Where?”
“Yesterday. At Megamall.” The woman brushed the side of her delicate face with her gloved hand. Pagkatapos ay tumikhim ito. “Hay naku, lumalabas tuloy ang pagiging Ilongga ko nang dahil sa iyo.”
Biglang nawala ang Visayan accent nito. “Miss Garcia, I really don’t know what you’re talking about. Wala naman akong kotseng nadidisgrasya…” Naalala niya ang naging aksidente kahapon nang mabangga niya ang kotse ni Daboi. “Wait…don’t tell me that BMW was yours.”
“That BMW was mine.” Ipinatong nito sa ibabaw ng kanyang mesa ang mamahaling bag. “Nakalimutan ko lang magsampa ng asunto laban sa iyo kahapon dahil tinamad ako. Ngayon ko na lang uli naalala na nabangga ang kotse ko. And just so you know, kinausap lang kita dahil gusto kong ipaalam sa iyo ang susunod kong magiging hakbang. I’m going to sue you.”
“What?!”
“Dahil tinakbuhan mo ako kahapon.”
“Because I thought that car was Daboi’s!”
“Dili man gid uy—I mean, it wasn’t his. Pinuntahan lang kita rito dahil gusto kong maging fair sa iyo.” May ibinigay itong calling car sa kanya.
“Attorney Nova Suarez?”
“That’s my lawyer. Sa kanya ka na lang makipag-usap.”
“Teka, Miss. Baka naman puwede natin itong maareglo? Ayoko ng g**o. Kung kailangang bayaran ko ang damage, babayaran ko. We can settle this now. Hindi ko naman kasi akalain na iba pala ang may-ari ng kotseng iyon dahil ang sabi ng kasama ko kahapon, kanya nga raw iyon. Kung alam ko lang, hindi ko tatakbuhan ang responsibilidad ko.”
Saglit itong nag-isip. Mayamaya ay napailing na lang ito. “Ang kasama bang tinutukoy mo ay ‘yung lalaking kasama mo kahapon?”
“Oo.”
“Hay, kasabad gid sing iya haw! Pasaway na lalaki!” sambit nito bago muling tumikhim at balingan siya. “Sige, I’m giving you two days to settle things. Kayo na lang ng abodago ko ang mag-usap dahil masyado akong maraming pinagkakaabalahan. Actually hindi naman talaga ako magsasampa ng kaso kung kinausap nyo lang ako kahapon imbes na takbuhan. Nakakainis iyon.”
“I’m sorry. I really thought…” Nanggigigil na uli niyang dinampot ang susi ng kotse ni Daboi. “Buwisit kang Daboi ka! Kakatayin na talaga kita!”
“Just a thought,” wika nito mayamaya. “’Yang Daboi bang sinasabi mo, is the Danniel Bustamante of the Stallion Riding Club?”
Napatingin siya rito. “You know him?”
“Sabi na nga ba at siya iyon,” palatak nito. “Kaya pala pamilyar ang itsura niya.” Hinarap na uli siya nito. “Daboi’s my cousin.”