NASA STATE-of-art clinic na ng Stallion Riding Club sina Arianne at inaasikaso na ng doktor ang pumutok na labi ng binata. Pulido namang kumilos at magtrabaho ang doktor kaya nakahinga siya ng maluwag. Sigurado na siyang magiging maayos na ang lagay ni Daboi.
Nagdilim ang kanyang paningin nang takpan ni Daboi ng kamay nito ang kanyang mga mata.
She pushed away his hand. “Ano ba?”
“Huwag mong pagnasaan si Kester. May asawa na iyan.”
“Pagnasaan?” Palihim niya itong hinampas sa braso nang mapatingin sa kanila ang butihing doktor. “Nakakahiya ka talaga, Daboi. Huwag mo nga akong igaya sa iyo. Nananahimik ako dito.”
“E, di ako na lang ang pagnasaan mo kung ganon. Ako na lang ang tingnan mo.”
“Ewan ko sa iyo.” Hindi na rin naman niya magawang maasar dito nang tuluyan.
Mula nang dumating sila roon, siya sakay ng kotse ni Genil at ito naman sakay ng kabayo nito, tila tinangay na rin ng sariwang hangin ng Tagaytay ang anomang ngitngit o pagkaasar niya rito na naipon mula nang malaman niya ang ginawa nito.
“Okay na ba ang sugat niya, Dok?”
“Yes.” Nilingon ng doktor si Daboi. “Basta bawasan mo lang ang kadaldalan mo, Daboi. Or we might need to stitch your wound.”
“Stitch ka diyan—“
Siya naman ang nagtakip ng kamay niya sa bibig nito. “Naman, Daboi. Makinig ka nga sa mga nagpapayo sa iyo kahit minsan. Ipahinga mo na nga iyang kadaldalan mo.”
“Areglado. Basta huwag mo na lang titingnan si Kester. Sumasama ang loob ko.” Hinaplos nito ang sariling dibdib. “Baka maubusan ako ng dugo.”
“That,” the good doctor pointed out. “Is called a bad case of jealousy.”
“I agree,” segunda ni Daboi.
“Pare, hinay-hinay lang sa diskarte.” Hinubad na ni Kester ang suot na guwantes. “Or you might end up chasing her away instead of making her stay.”
Iniwan na sila ng doktor nang dumating ang esposa nito. Napabuntunghininga na lang siya saka sumandal sa kinauupuang sofa.
“Tired?” narinig niyang tanong nito.
“Ikaw ba naman ang makatanggap ng balitang ipapakulong ka, bibiyahe from Manila to Tagaytay, ewan ko na lang kung hindi ka rin mapagod.”
“I’m sorry.”
“Ano pa nga ba ang magagawa ko? Nangyari na ang nangyari.” Nilingon niya ito. Sa unang pagkakataon mula nang magkakilala sila nito, hindi ito nakatingin sa kanya. He looked like he was contemplating on something.
Ito rin ang unang pagkakataon na napagmasdan niya ito nang walang anomang dahilan. She just watched him closely. And it was just now that she admit he was quite handsome. Kunsabagay, hindi ito magiging babe magnate kung hindi naman ito guwapo. But compare to the other Stallion Riding Club members na nakita na niya nang papunta sila roon, Daboi had this quiet handsomeness that sets him apart from the other members. At iyon marahil ang nagiging pang-akit nito sa kanya. Hindi niya ito gusto dahil sa dala nitong kaguluhan sa buhay niya. Pero ito rin ang nasa tabi niya sa tuwing makakaramdam siya ng kabiguan, ng kalungkutan.
Ang kadaldalan nitong madalas niyang ireklamo, iyon pa nga mismo ang nagiging daan upang makalimutan niya ang kalungkutang hatid ng naging kabiguan niya. Dapat nga, magpasalamat pa siya rito. Dahil kahit paano, sa kabila ng kamiserablehang nararamdaman niya sa kinahinatnan ng tatlong taon niyang relasyon kay Ericson, nagawa pa rin nitong iparamdam sa kanya na espesyal siya. Na mahalaga siya. Para rito.
“Hindi na raw itutuloy ni Genil ang demanda,” wika niya nang hindi pa rin nagsasalita ang lalaki. “Ikaw na lang daw ang sisingilin niya kaya humanda-handa ka na.”
Nilingon siya nito at ngumiti. Ah, that smile. It never did fail to make her feel a lot better. Sumandal din ito sa sandalan ng kinauupuan nilang sofa.
“I was just really worried about you that night,” wika nito. “Kahit mahina lang ang impact ng pagkakabangga mo sa kotse ni Genil, nagkasugat ka naman. And who knows kung ano pang pinsala ang natamo mo sa aksidenteng iyon. Kaya sinabi kong akin ang kotse. Para mapilitan kang sundin ako. Walang akong masamang intensyon sa ginawa kong pagsisinungaling. All I wanted was to make sure you’re okay. After all, ako ang dahilan kung bakit nabangga mo ang kotseng iyon. Sa kagustuhan mong makalayo kaya hindi mo na napansin na may sasakyan pa pala sa harapan mo.” Malakas itong napabuntunghininga. “I’m sorry I lied to you. Sorry din kung hindi ko naasikaso agad ang tungkol sa nabangga mong kotse. Nawala na sa isip ko iyon sa sobrang relieved na malaman kong maayos na ang kalagayan mo at wala ka ng ibang naging pinsala.”
Hindi na niya malaman kung ano ang mararamdaman nang mga sandaling iyon. Because Daboi just told her he had cared for her too much. Way too much for a person he just met! Kaya naman ang puso niya, nararamdaman niyang may kung anong nagpakawala niyon at nakahinga siya nang maluwag. Ngunit ang kaba naman sa kanyang dibdib ay hindi na niya mawari.
“Why…?”
Nilingon siya nito. “Hmm?”
“Why are you doing this? Why do you care too much? Ni hindi nga tayo magkaibigan.”
“I don’t know.” Nagkibit lang ito ng balikat. “Siguro…ayoko lang na makakita ng mga babaeng umiiyak. Nasasaktan.”
Okay, so what he said was true. Hindi nga ba’t nung una pa lang ay nasabi na nito sa kanya na ayaw siya nitong nakikitang umiiyak? Kaya lang…bakit parang hindi niya iyon matanggap ngayon? Parang biglang may iba siyang inaasahang sagot nito na hindi nito nasabi.
Bakit, dahil ba minsan na nitong nabanggit na may gusto ito sa kanya kaya inisip naman niyang maaaring nagawa nito ang lahat ng iyon dahil…talagang may gusto ito sa kanya? Obviously, hindi. Kaya dapat lang na kalimutan na niya ang anomang panggulong nararamdaman niya para rito. He cared for her, just like he would care for the other women who needed his help.
“I’m just sorry that I had to lie to you,” patuloy nito. “But I’m not really sorry that I did what I did. Gusto kong matiyak na maayos na nga talaga ang lagay mo. Siguro naman, puwede mo na akong mapatawad dun.”
He turned to her, now with a smile on his face. Sa dami ng nagawa nito para sa kanya, sino siya para hindi ito mapatawad? Dinurog niya ang kakaibang damdaming nararamdaman niya para rito at ibinigay dito ang susi ng kotse nito.
“Naiwan mo iyan sa kotse ko. huwag mo na ring alalahanin masyado ‘yung tungkol kay Genil. Kung kailangan mo ng tulong ko, sabihin mo lang sa akin. Tutal naman kasalanan ko talaga ang nangyari. Wala kasi ang isip ko sa pagmamaneho kaya nakadisgrasya ako ng iba.”
Kinuha nito ang susi sa kanya. “Tatawagan talaga kita—“
“Only in regards with the accident. Other than that, wala ka ng dahilan para tawagan ako.”
“How about if I invite you out for dinner?”
“Nasagot ko na iyan nang unang beses mo akong tinanong. Pareho lang ang sagot ko ngayon. No.”
“Why not?”
“Ayokong mapasama sa mga babae mo.”
“Mapapasama ka lang naman sa kanila kung isasama kita. But you’re different. So I’m treating you differently.”
“Differently?”
“Oo. Ikaw lang ang babaeng hinabol ko.”
Naramdaman na naman niya ang pagsipa ng kakaibang kaba na iyon sa kanyang dibdib. Darn! Danniel Bustamante was creeping through her heart! Pero hindi niya hahayaang mangyari iyon. Not when she knew he was doing this with all the other women around him. But then, kaya pa kaya niyang umiwas ngayon?
“Arianne?”
Nilingon niya ito. He was smiling at her again, like she was the most beautifiul woman in the world. Ang sarap talagang sabunutan ng lalaking ito!
“O, bakit?”
“Kumain ka na?”
Napapikit lang ito nang tampalin niya ang noo nito bago siya nauna ng lumabas ng clinic.