Bigla akong napadilat nang maalala ko uli si Kiefer. Inalis ko ang kamay kong nakahawak sa sintido ko at saka pinagsalikop ito sa ibabaw ng tiyan ko.
Iisang eskwelahan lang nung High School ang pinapasukan namin ni Kiefer. Bagaman nasa iisang eskwelahan, mula first hanggang third year ay hindi kami magkaklase. Pagtuntong lang ng huling taon sa fourth year kami naging magkaklase at naging mag-barkada.
Anim kaming naging malapit sa isa't isa. Si Beron na naging kaklase ko din ng first year, pero ngayon lang kami napalapit sa isa't isa. Si Chelley, ang pinaka-masayahin sa grupo. Si Cassy na boyish kumilos pero siyang pinakamaganda sa aming apat. Si Ramel, ang clown sa grupo at si Kiefer.
Halos patapos na ang school year nang ma-develop ako kay Kiefer. Pinilit kong itinago ang nararamdanan kong umuusbong na pagmamahal kay Kiefer dahil alam ko namang kaibigan lang ang tingin sa akin nito. Mula noon ay sinubukan ko nang iwasan ito.
Pero hindi ko akalaing pareho lang pala kami ng nararamdaman sa isa't isa at obvious na ito sa iba pa naming mga barkada. Si Cassy ang nagsabi sa akin at saka gumawa ng paraan na makapag-usap kami ni Kiefer.
Nagtagal ang relasyon namin ni Kiefer mula noon hanggang sa magtapos kami ng College. Sabay kaming napasok sa isang IT company. Pero pagkalipas ng dalawang taon ay biglaang namatay si Daddy dahil sa atake sa puso.
Ganun yata talaga kapag sobrang mahal mo ang isang tao, dinamdam ni Mommy ang pagkamatay ni Daddy. Kaya wala pang isang taon ay sumunod ito kay Daddy.
Mahirap din kapag solong anak ka. Nang mga oras na iyon, tanging si Kiefer, Beron at Tito Hernan lang ang nasandalan ko. Nagpunta na kasi ng Maynila sila Chelley, Cassy at Ramel. Isinasama na nga ako ni Tito Hernan noon sa pagbabalik niya sa Maynila pero nagpakatanggi-tanggi ako. Nasa Cebu ang kabuhayang iniwan sa akin ng mga magulang ko. Isang maliit na resort na napunta sa akin ang ppagma-manage. Pero mas lamang ang dahilang dahil naroroon si Kiefer.
Mula noon, kay Kiefer na umikot ang mundo ko. Sabay kaming pumapasok sa opisina. Sabay umuuwi. Kapag Sabado ay araw naming dalawa. Minsan, namamasyal kaming dalawa, minsan kasama si Beron. Minsan naman ay nagmo-movie marathon lang kami sa bahay namin lalo na kapag umuulan at nakakatamad umalis. Kapag Linggo naman ay wala kaming palya sa pagsisimba sa umaga at doon na kami kakain ng tanghalian sa bahay nila. Ganun ang naging routine namin sa nakalipas na huling tatlong taon.
Naalala ko tuloy nang mag-propose si Kiefer nung birthday ko. Bakit hindi ko agad nabasa ang tila pag-aalinlangan nito nung sandaling yun? Sa sobrang kagustuhan kong maging asawa na niya, hindi ko napansin ang kawalang gana nito sa preparasyon ng kasal namin.
Ang tanga tanga ko! Eh di sana hindi ko sinapit ang kahihiyang iyon nung araw ng kasal ko.
Bigla kong narinig ang message alert ng phone ko. Hindi ko namalayang napaiyak na pala ako. Naramdaman ko na lang na basa ang pisngi ko. Agad ko itong pinunasan at saka kinuha ang phone ko.
Baka nag-reply na si Tito Hernan!
From: Beron
Friend...sorry....medyo busy lang. Nasa Davao kami ngayon ni Aqui. Alam mo naman....minsan lang nakakababa ng barko itong jowa ko kaya kapag nagkakaroon ng panahon sa akin ipinapasyal niya ako. May problema ba?
Napabuntong hininga ako. Long distance relationship ang dalawa. Ngayon ko pa ba sila iistorbohing dalawa eh minsan na nga lang sila magkasama?
Seaman si Aqui at every two years lang kung bumaba ito ng barko. Ang hindi ko lang alam ay kung bakit hindi pa sila magpakasal ganung kapag nagkita naman sila ay sa kama naman ang bagsak nila. Nag-umpisa na akong tumipa ng sagot ko kay Beron.
To: Beron
Wala naman...kukumustahin lang sana kita. Tawagan mo na lang ako kapag nakaalis na si Aqui. Enjoy!
Binuksan ko ang laptop ko. Since mukhang wala naman akong choice, mabuti pang mag-concentrate na lang ako sa isinusulat kong kwento. Tiyak na isang araw, magpa-follow up na sa akin si Bessie, ang editor ko.
Nakatitig ako sa screen ng laptop ko habang hinihintay kong mag-open yung application na gamit ko. Kakaumpisa ko pa lang ng kwentong ito. Natigil ako sa pag-update nito dahil naging busy ako sa preparasyon sa kasal namin ni Kiefer.
Pinipilit ko ang isip ko na makapagbuo ng concept para sa bagong chapter nang biglang may sumulpot sa likuran ng laptop.
"Miss...kailangan ko ng tulong mo. Ikaw lang ang makakatulong sa kin. Please help me..."
Nahawakan ko ang dibdib ko sa gulat.
"Ikaw na naman?!" ?!" inis na tanong ko sa guwapong multo. Pero bakit ba parang bigla akong naawa sa itsura ng mukha nito? Lungkot ba o kawalang-pag-asa ang nakita ko sa kanya?
Napatayo ako bigla. “Tigilan mo na ako!"
Napatingin ako sa nagmamakaawa nitong mga mata. Naaasiwang inilihis ko ang tingin ko dito.
"Ano bang kailangan mo sa kin?!" inis na sabi ko dito.
Hindi ako makapaniwalang kinakausap ko ang multong ito. Natatakot man ay nagtatapang-tapangan ako sa kanya. Hindi niya ako kailangang makitaan ng takot.
"Ikaw lang ang makakatulong sa kin..." sabi nito. Napakunot ang noo ko.
"Ano bang pinagsasasabi mo?" tanong ko dito.
"Tulungan mo ko please..." sabi nito.
"Ano namang itutulong ko sa yo?" sobra na kong naguguluhan sa sinasabi niya.
"Ikaw lang ang nakakakita sa akin," sabi nito.
Natigilan ako sa narinig ko sa kanya pero ayaw kong makita niyang lumabot na ako sa kanya.
"And so??? Eto lang ang masasabi ko sa yo. Kung may nakikita kang liwanag sa bahay na ito, puntahan mo na. Para matahimik na ang kaluluwa mo. Kaya ka siguro balik nang balik dito eh...tingnan mo dun sa kuwarto at baka naroon," naiiritang sabi ko dito.
Hindi ito sumagot at nakatingin lang sa akin.
Anak ng--! Grabe makapagpa-konsiyensiya itong multong ito....
Pinilit kong hindi magpa-apekto dito.
"Di ba ganun naman yun? Ganun ang napapanood ko sa TV at sa mga pelikula. Merong liwanag. Tapos....tapos kapag tumapat ka doon, pwede ka nang umakyat sa langit. Oh, wait! Naging mabait ka ba? Kasi...baka kaya ano...kaya hindi ka makakita ng liwanag... naging masama ka nung nabubuhay ka."
Omg...kapag hindi nakaalis ito dito sa mundo, hindi ako titigilan ng multong ito forever!
"Ginawa ko na yan.”
"Ano? Eh bat andito ka pa rin?" hindi makapaniwalang tanong ko.
"Hindi ko alam. Kaya kailangan mo akong tulungan," sabi nito.
"Te-teka muna. Bakit ako?" nalilitong tanong ko dito. Hindi ko na ito nagugustuhan sa totoo lang.
"Dahil ikaw nga lang ang nakakakita sa akin! Ilang beses ko bang uulitin!?”"
~CJ1016