"AYOS lang po ba kayo, Tita Joy? May sakit po ba kayo?" nag-aalalang tanong ni Phoenix sa kanyang Tita Joy nang mabilis itong tumakbo sa sink nang makaramdam ito ng pagsusuka. Galing ito sa labas at kapapasok lang nito sa kusina nang malanghap nito ang amoy ng bawang sa fried rice na niluluto niya. "Ayos lang ako, Nix. Medyo sumama lang ang pakiramdam ko at bigla akong nahilo. Puwede bang ikaw na lang muna rito sa kusina? Hindi ko kasi gusto ang amoy ng bawang ngayon kaya hindi kita matutulungan sa pagluluto. Si Nanay na lang ang papupuntahin ko rito para tulungan ka at ako na lang ang gagawa ng ginagawa niya," wika nito na ikinakunot ng noo niya. "Kung hindi ko lang alam na single ka, Tita Joy, iisipin kong nagdadalang-tao ka," natatawang biro niya at pansin niyang bahagya itong natigil