BIANCA Hindi ko inaasahan na makikita kong napakaganda ng dekorasyon dito sa plaza para sa sayawan. Sinong mag-aakala na puwede palang maging ganito kaganda ang lugar na ito sa loob lamang ng ilang araw na paghahanda? Ang sabi ni Mateo ay hindi siya bumili ng mga ginamit sa pagdidisenyo. May nag-sponsor raw ng mga bulaklak galing mismo sa Baguio at ipinadala dito sa amin sa Bicol. Isang truck ang naghatid kaninang umaga ng pula at puting mga rosas, pati na rin ang iba pang mga bulaklak na ngayon ko lang nakita. May isang grupo rin ang dumating para mag-ayos at magdisenyo dito sa plaza, pati na rin sa bahay ng mga magulang ko. Hindi ko alam kung magkano ang ginastos ni Mateo, pero sigurado akong malaki, dahil hindi biro ang preparasyon niya para sa kasal namin. Tinawag kami ng emcee pa