Mas lalo itong umiyak. Para itong bata na humagulhol at nagwawala. "Bakit ba ako ipinanganak na ganito? Gusto ko lang umayos ang buhay ko! Gusto ko lang matamasa ang masarap na buhay! Pagod na pagod na ako!" Malalim ang paghinga, mahina siyang nagmura bago naupo sa gilid ng kama. Pinagmamasdan niyang umiyak si Maggie. Magkahalong inis at awa ang nararamdaman niya habang nakatingin dito. "Kung hindi maagang namatay ang mga magulang namin, hindi mangyayari sa akin ang kamalasang ito! Hindi ko kailangan mamalimos ng pagmamahal para lang mapunan ang pagkauhaw ko sa atensiyon! Hindi ko kailangan makisama kung kani-kanino, magkaroon lang at mabili ang mga bagay na gusto ko!" Natigilan siya nang makita ang galit sa mga mata ng babae. Noon lamang niya nakita ang ganoong emosiyon dito. Pareho ng

