Napalunok siya sa tanong nito bago nilingon ang kaibigang si Kaname. Sinalubong siya ng banayad na ngiti sa labi ng babae. Ilang buwan na ang lumilipas, matapos nilang dumating ni Sergio sa harap ng malaking gate ng bahay ng Tita Grace niya, agad nang nilatag ng lalaki ang pakay nila at ang mga plano nito sa kaniyang tita. Buong akala niya ay pagagalitan siya ng kapatid ng ina niya dahil sa mga binabalak nilang gawin. Subalit matapos nitong malaman ang lahat ng pinagdaanan niya, nakipagtulungan ito kay Sergio para gawin ang binabalak ng lalaki. Ang bagay na ito ang dahilan kung bakit kanina pa siya hindi mapakali. Noong huling linggo ay dumating na sa Greece ang kaibigang doctor ni Grace na may dugong pinoy. Agad na nakipag-ugnayan dito si Sergio at ang tita niya para sa gagawin nila.

