“TEMARRIE. TAMANG-TAMA, nandito ka.” Si Neiji iyon. Naabutan siya nitong nagpapalipas ng oras sa Riders’ Verandah, isa sa mga restaurants sa loob ng riding club na iyon. “Dumating na ang mga crew para sa gagawin nating dry run bago ang official shoot ng Stallion Shampoo commercial. Ang direktor, mamaya na ang dating. Pero bago kita iharap sa kanya, kailangan muna kitang makitang mangabayo.”
“Hindi ako marunong mangabayo.”
“Hindi ka ba tinuruan ng asawa mo?”
Napadako ang tingin ni Temarrie sa may outdoor arena. Naroon at abala sa pagtuturo kay Rumina si Jubei. “May tinuturuan na siyang iba, eh.”
May pagkamasokista yata siya. Dahil imbes na iwasan niya ang mga eksenang magkasama ang dalawa ay hayun siya at nanonood pa.
“Hindi na bale. Ako na ang bahalang magturo sa iyo.” Hinila siya ni Neiji sa braso niya. “Let’s go.”
“Pero—“
“Wala ng pero-pero. Nagmamadali ako. Gusto kong isabay sa summer month ang pag-i-introduce ng Stallion Shampoo sa market.”
Nakasalubong nila ang Samaniego twins.
“Jigger, Trigger, sumama na kayo sa amin.”
“Bakit?”
“Anong meron?” Binalingan siya ni Trigger. Or ni Jigger. Basta, kahit sino sa dalawa. “Itatanan mo si Temarrie? Alam ba ito ni Jubei?”
“Hey, this is fun. Let’s tell him.”
“Guys, not now,” wika ni Neiji. “Samahan na lang ninyo ako para maturuan ng maayos si Temarrie na sumakay sa kabayo. I-assist nyo ako para mas mapadali at mas safe ang practice session.”
“Isa sa mga pinakamagaling na riders dito si Jubei. Bakit hindi na lang siya ang magturo sa asawa niya?”
“He’s busy teaching someone else,” mabilis na sagot ni Temarrie.
“Someone else?”
“Si Rumina.”
Nagkatinginan ang magkakambal. Hinila na siya uli ni Neiji. “Ako na nga lang mag-isa ang magtuturo Temarrie. Ang bagal nyo magsisagot. Anyway, magtungo na lang kayo sa dressage arena at mag-warm up sa pangangabayo. Doon ang set up ng background para sa dry-run ng commercial shoot.”
“Ah, ngayon na ba iyon? Cool.”
“Yes. Pakitawag na rin ang iba pang members na nag-volunteer para sa shooting..”
“Pati si Jubei?”
“Basta lahat.”
“Huwag nyo ng istorbohin si Jubei,” wika ni Temarrie. “He’s busy.”
“Oh, don’t worry. Kami na ang bahala sa kanya.” Pagkatapos ay malakas na sinigawan ni Trigger, o ni Jigger, sina Jubei. “Ju-babe! Itatanan na raw ni Neiji ang asawa mo!”
“Nahihiya pa raw kasing magpaalam sa iyo si Neiji,” dugtong ng kakambal nito. “Sana okay lang daw sa iyo.”
“What are you, two, doing?” tanong ni Temarrie sa dalawa.
“Hayaan mo na sila, Temarrie. Wala talagang magawa ang mga iyan. Mababaliw ka lang kapag sinubukan mo silang maintindihan. Let’s go?” Hinila na siyang muli ni Neiji. “Trigger, Jigger, sumunod na kayo sa dressage arena agad, ha?”
“Ano ang sasabihin namin kay Jubei kapag ayaw niyang sumama?”
“Bahala na kayo. Basta kailangan kasama nyo siya sa dressage arena.” Saglit na nilingon ni Neiji ang kinaroroonan ng dalawa. “Mukha namang kanina pa sila nagpa-practice. Puwede na siguro silang huminto para sa dry-run ng commercial shoot ko. Afterall, si Jubei ang paulit-ulit na nagtatanong kung kailan ang shooting na ‘to dahil gusto rin niyang mapasama sa extras.”
“Nag-volunteer si Jubei?” tanong ni Temarrie. “Wala siyang nababanggit sa akin…”
“Baka nahihiya,” sagot ni Trigger.
“Baka gusto ka niyang i-surpresa. Para sweet,” tukso pa ni Jigger.
“Sige na, kunin nyo na si Jubei. Mauuna na kami ni Temarrie sa dressage arena.”
Nag-volunteer talaga si Jubei? Akala pa naman niya ay wala itong pakialam doon dahil malakas ang naging pagtutol nito nung una. Bakit biglang nagbago ang isip…?
Pagdating nila sa dressage arena kung saan mas mababa ang mga bakod kumpara sa mga race tracks, naghihintay na roon ang isang kulay chestnut na kabayo na naka-braid pa ang mane pati na ang buntot.
“This is my Arabian stallion Beast,” pakilala ni Neiji sa kabayo nito. “He’s one of the best horses here. Kayang-kaya niyang dalhin ang kahit na sinong rider. So don’t worry about him.”
“Alam ko. Nakasakay na rin naman ako sa kabayo ni Jubei.”
“Si Shadowrun? Oh, that’s good. Magkapareho lang halos ng temperament ang mga kabayo namin. Kung ganon, itapak mo na ng maayos kaliwang paa mo rito sa stirrup. Saka mo dahan-dahang i-swing ang kanan mong paa sa likod ni Beast. Can you do it?”
“Oo. Ang kaso…”
“Madali lang iyon.” Lumipat ito sa likuran niya. “Here, I’ll give you a boost.”
“A what?”
“A boost. Suporta sa pagbuwelo mo para maka-akyat ka sa kabayo. Ready?”
“E…” Hinawakan na siya nito sa magkabilang beywang.
Nang marinig niya ang ang malakas na boses na iyon ni Jubei. “Neiji! Get your hands off my wife!”