CHAPTER 18

2043 Words
ITINAAS NI TEMARRIE sa kinauupuang bench ang kanyang mga binti at niyakap iyon.  Napakalamig ng klima nang umagang iyon.  Pero nagtitiis siya dahil gusto niyang makita ang pagsikat ng araw.  Napakaganda rin sa paningin niya ang tahimik na bulkang taal.   Hindi siya gaanong nakatulog kagabi dahil sa mga nangyari sa kanila ni Jubei.  He had introduced her to his secret world and had told her something that she still wasn’t sure until now.  Idagdag pa na talaga namang nangalay ang mga binti niya sa halos isang oras na pag-upo sa kabayo.  Iniikot kasi siya ni Jubei sa lahat ng sulok ng Stallion Riding Club.  At masasabi niyang mas magandang pagmasdan ang lugar na iyon sa gabi.   O kaya naman, naging mas maganda lang ang perspective niya dahil mahal niya ang kanyang kasama. Napangiti siya.  Malinaw pa sa kanyang alaala nang tangkain ni Jubei na halikan siya habang nakatanaw sila sa lawa ng Taal.  Pero hindi nga iyon natuloy dahil naging masyadong malikot ang kabayo nito.  Hindi tuloy sila nakapag-concentrate at sa huli ay tuluyan ng nasira ang momentum nila.   Pero kung sinubukan uli ng lalaking iyon na halikan ako, ay naku, todo na ‘to! “Good morning, Misis.”  Jubei sat at the other end of the bench.  Inilapag nito ang dalang tasa ng mainit na kape sa pagitan nila at tumanaw sa Taal Volcano.  “Pretty, isn’t it?” “Oo.” “Masyadong maaga ka yata na nagising ngayon.  Hindi ka ba nakatulog nang maayos kagabi?” “Medyo.  Namamahay siguro ako.” “Bakit sa bahay ko sa Maynila, hindi ka naman nakaranas ng ganyan?” Nagkibit lang siya ng balikat.  “Ewan ko.”   Siguro dahil lagi tayong nagkakalmutan sa Maynila.  Samantalang dito, tahimik tayo at magkasundo.  Ang gulo, ‘no?  “Ikaw, bakit maaga ka rin yatang nagising ngayon?  Namamahay ka rin?” “Naninibago lang dahil ito ang unang pagkakataon na may nakasama ako sa bahay ko dito.” Napatingin siya rito.  Ang ibig sabihin, wala pang babaeng nakatapak sa bahay na iyon ni Jubei?  Kahit si Rumina?  Lalong gumanda ang kanyang umaga. “Napansin ko lang, bakit parang ayaw mong may kasama?  Sa bahay mo rito at sa Maynila, wala kang guestrooms kasi.” “I just don’t like having someone messing up my life.  Ayoko ng magulo.” “Pareho pala tayo.  Ang pagkakaiba lang, wala akong sariling bahay.  I’m still living with my father.” “Speaking of your father, nagkausap na ba kayo uli?” Ibinaling ni Temarrie ang pansin niya sa tanawin ng bulkang Taal.  “Hindi pa niya ako tinatawagan uli mula nang umalis siya ng bansa. Ayos lang. Hindi ko na rin naman inaasahan na tatawagan niya ako para ipaalam ang kalagayan niya kung nasaan man siya.” “Bakit hindi na lang ikaw ang maunang tumawag? Mukhang gusto mo naman talaga siyang makausap.” Matagal bago sumagot si Temarrie. “Ayoko.  Baka makaistorbo lang ako sa kanya.” “Temarrie, he’s your father. Imposibleng isipin niyang iniistorbo mo lang siya. Walang magulang na hindi gugustuhing marinig ang boses ng mga anak nila, lalo na at nasa magkalayong bansa sila gaya ninyong mag-ama.” “Hindi ganyan ang Papa ko.”  Niyakap pa niyang lalo ang sarili upang labanan ang nanunuot na lamig.  “Alam mo bang ang totoong dahilan ko ng pagpayag sa kasal natin ay para may mapatunayan ako hindi sa sarili kundi sa pamilya ko?  Mula nang mamatay ang Mama ko, lagi na lang ako ang constant headache ng pamilya namin.” “Rebelde ka?  Hindi halata.” “Wala naman talaga akong balak magrebelde.  I’m old enough to know what’s going on.  Kaya lang, ayaw nila akong bigyan ng pagkakataong ipakita na kaya ko na ang sarili ko.  Hanggang ngayon, isang teenager pa rin ang tingin nila sa akin na walang alam gawin kundi puro kalokohan.” “Tama ba sila?” “Kung bakit ako gumagawa ng mga kalokohang iyon?  Hindi naman iyon para asarin sila.  Paraan ko lang iyon na maipakita na kaya kong lusutan ang problemang kinasasangkutan ko.  But they never took notice.  Lalo lang akong nagtampo sa kanila nang basta na lang nila ako ipakasal, para nga naman mawalan na sila ng problema.  Ni hindi man lang sila nag-aksaya ng panahong tanungin kung ano ang nararadaman ko sa desisyon nilang iyon sa buhay ko.” “If you’re so against the wedding, bakit hindi mo sinabi sa kanila?” “They never bothered asking.” “You should have at least tried telling them.” “Hindi naman sila makikinig kaya hindi na ako nag-aksaya pa ng panahon na magpaliwanag.  Galit na galit ako sa kanila noon.  Kung nabubuhay lang si Mama, hindi iyon papayag na basta na lang ako ipakasal sa lalaking ni hindi ko kilala.  Hahayaan niya akong magdesisyon para sa sarili ko, kahit pa nga puro palpak ang mga iyon.  Pero at least si Mama, in her own little ways, natuturuan niya ako kung paano bumangon kapag nagkamali.  She taught me how to be a fighter.” “If so, bakit hindi mo ipinaglaban ang karapatan mo sa Papa mo na makapili ng lalaking pakakasalan mo?” “I was after the money, really.  Alam nating pareho iyan.  Iyon sana ang gagamitin kong stepping stone para unti-unting ipa-realize sa kanila iyon.  Kapag napalakad ko ng maayos ang restaurant na iyon, meron na akong konkretong ebidensiyang maipapakita sa kanila. Kahit na hindi na ako magsalita pa.” She heard him took a deep sigh.   “Ang totoo, pareho lang siguro kami ng pamilya mo ng tingin sa iyo,” wika ni Jubei. “Noong una, akala ko isa ka lang happy go lucky na walang ginawa kundi ang kunsumihin ang mga tao sa paligid mo.  Ang magwaldas ng pera at magliwaliw kung saan-saan. Nang marinig ko ang mga sinabi mong iyan, naintindihan na kita.  Kaya kung ako sa iyo, sabihin mo na lang din iyan sa pamilya mo, sa mahinahon at matinong paraan, at siguradong maiintindihan ka rin nila.” Pinag-isipan na rin niya iyon.  Masayado na nga namang matagal ang girian nilang mag-ama. Nakakapagod na. Hindi na rin siya bata para lagi na lang siyang nakikipagtalo sa tatay niya. Pagbalik nito galing America, susubukan niyang makapag-usap nila sila nang maayos ng kanyang ama. “Ikaw, Jubei, hindi ka ba nagalit sa ginawa ng father mo?  Pinilit ka rin lang naman niyang magpakasal, hindi ba?” “Noong una, siyempre nagalit ako. It’s not fair for a parent to control their children’s lives. Pero isang beses lang naman iyon nabanggit sa akin ni Papa kaya eventually e nakalimutan ko na rin. At nang banggitin uli iyon ni Papa sa akin, that was the day after our meeting sa racing arena ng Sta. Ana.” Ang araw ng una nilang pagkikita. Ang simula ng pagdudugtong uli ng mga buhay nila. “At hindi ka na tumutol?” “Hindi na. That time, I thought it was the best thing that ever happened to me.” Oo. Dahil kailangan nito ng mapagbabalingan ng sama ng loob sa ginawang pag-iwan dito ng kasintahan nito nang ipagpalit siya nito sa career nito. “Bata pa man ako, alam ko na ang tungkol sa kasunduan ng mga tatay natin,” patuloy ni Jubei. “Kumbaga, ipinamulat sa akin ni Papa na darating ang araw na maaaring magpakasal ako sa babaeng hindi ko mahal o hinid ko pa nakikilala.  Kaya nang dumating ang araw na iyon, tanggap ko na.” “Pero hindi ba’t panghihimasok pa rin ang ginawa nila sa buhay mo?” “Matanda na ako.  Alam ko na kung ano ang mga ginagawa ko.  Kung sakaling hindi ako pumayag sa plano ng Papa, maiintindihan nila ako.” “At iniintindi mo rin ang kalagayan ng puso ng Papa mo.” “Hindi lang naman iyon.  Pumayag ako sa kasal dahil gusto ko.” “Dahil gusto mo…?” “Hmm. And anyway, anim na buwan lang naman iyon.  Let’s just enjoy ourselves while we’re at it.” Payag siya.  Anim na buwan.  Kuntento na siya roon.  Pagkatapos nun, bahala na si Batman.  Basta magpapakasaya siya sa piling nito hanggang may oras pa siya. ‘Pumayag ako sa kasal dahil gusto ko.’ Puwede naman siguro siya mangarap kahit sandali. Kahit ngayon lang. “Pahingi naman ng kape, Mister.  Kanina pa ako nilalamig dito, eh.” “Sira ka talaga, ano?  Nilalamig ka na pala, hindi ka pa nagsasalita.”  Dinampot nito ang tasa ng kape at naupo malapit sa kanya.  Then he wrapped his arms around her.   “Ah, this feels good.” “Kaya nga dapat kanina mo pa sinabi.  Naninigas na rin ang mga panga ko sa sobrang lamig.” “Ikaw diyan ang siraulo.” “Pumasok na lang tayo sa loob.  Para tayong mga tanga dito na nagpapakamatay sa lamig.” “Mas gusto ko rito.”  Isiniksik lang niya ang sarili dito.  “Mas masarap ang init dito.” “Hmm.”  Lalo pa nitong hinigpitan ang pagkakayakap sa kanya.  “May tama ka, Misis.” Life could really be this good sometimes.  And she was just so happy that she experienced it with him.  Mahal na niya ito.  At siguro kahit lumipas pa ang anim na buwan, hindi na ito mapapalitan sa puso niya.  Akala niya ay mas tatagal ng isang oras ang pagkakalapit nilang iyon ni Jubei.  Hindi pala.  Isang malakas na tikhim ang bumulubog sa kanilang masayang paglalambingan.  Nang lingunin niya kung sino ang istorbong iyon, nakita niyang nakatayo si Rumina sa nakabukas na sliding door na daanan patungo sa garden na iyon ng bahay ni Jubei. Paano itong nakapasok… “Kanina pa kasi ako tumatawag sa labas kaya pumasok na ako nang makita kong nakabukas iyon,” wika nito.  “Pasensiya na.  Naistorbo ko ba kayo?” “Hindi naman.”  Kumalas na si Jubei kay Temarrie at tumayo.  “Siyanga pala, hindi pa kayo nagkakakilalang dalawa, hindi ba?  Rumina, this is Temarrie.  My—“ “We already met,” sansala ng babae.  “Jubei, pasensiya na.  Pero kasi gusto ko ng ituloy ang session natin ngayon sa race track.  Lagi na lang kasi tayong napo-postpone.” “Nagkasakit si Temarrie.  Hindi ko naman siya puwedeng iwan na lang dito mag-isa.  But she’s okay now.  So, puwede na nga nating ituloy ang session natin.  Magbibihis lang—“ Hinawakan niya ito sa kamay.  Nagtataka siya nitong tiningnan.  “Huwag kang umalis, Jubei.” Anim na buwan na nga lang ang natitira sa kanya, makikihati pa ba si Rumina?  Hindi siya papayag. “Temarrie—“ “Huwag kang umalis.” “Bakit, may sakit ka pa ba?” Umiling lang siya.  “Basta huwag kang umalis.” “Jubei, you promised to teach me horse backriding.  Mukha namang okay lang siya kaya umalis na tayo para masa mahaba ang oras natin na makapag-ensayo ako. Besides, nakapangako ka na sa akin.  Huwag mong sabihing babaliin mo na naman iyon?” Nakamasid lang si Jubei kay Temarrie.  Hindi naman inilayo ni Temarrie ang kanyang mga tingin.  Gusto niyang malaman nito kung ano talaga ang nararamdaman niya nang hindi na niya kailangan pang magsalita.   Huwag kang sumama sa kanya.  Ako ang piliin mo. Unti-unting kumilos ang kamay ni Jubei.  Upang alisin ang pagkakahawak niya rito.  “I’ll be back, Temarrie.” No, you won’t, Jubei, wika niya sa isip habang pinagmamasdan itong palayo kasama ng babaeng tunay nitong minahal.  Si Rumina pa rin ang mahal mo.  Siya pa rin ang babae sa puso mo.  Kung ganon bakit kailangan pa nitong iparamdam sa kanya na may espesyal din itong pagtingin sa kanya?  She could feel it.  She could see it in his eyes and on the way he talked to her. Kung ganon bakit si Rumina pa rin? Ibinalik niya ang pansin sa papasikat na araw sa silangan.  Mas lalong nagliwanag ang kapaligiran at nakita ang tunay na ganda ng Tagaytay.  Ngunit wala na siyang makitang ganda.  Nanlalabo na kasi ang mga mata niya dahil sa mga luha ng kanyang kabiguan.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD