KABANATA 45: ILANG minuto kaming nasa ganoong posisyon. Patuloy lang ang pag-agos ng luha ko at ang paghikbi. Hindi ko maawat at gusto ko na lang na lumubog sa kinatatayuan ko ngayon. Hiyang-hiya ako hindi lang dahil sa eksena kanina kundi maging sa pag-iyak ko ngayon. Hindi nagsalita si Daniel ngunit hindi niya ako binitiwan. Bagkus ay niyakap pa niya ako ng mahigpit na para bang takot itong pakawalan ako. Nahihilo na ko sa kaka-iyak. Matapos ang ilang taon ay ngayon lang bumuhos ng ganito katindi ang aking mga luha. Sinusubukan kong magsalita at magpaliwanag pero hindi ko maitawid ng maayos ang aking mga salita. Sumisigok ako sa tuwing sinusubukan ko panay naman ang pagpapatahan ni Daniel sa akin. "Sshh..." Akala ko tuluyan na akong mahihimatay dahil sa pagdidilim ng aking paningin.