Habang nagtitipa naman ako sa aking telepono ay hindi ko maiwasang mapangiti. Ka-chat ko lang naman si Jeremy at sinabi niyang magkita na lang daw kami mamaya dahil tanghali pa raw siya makakapasok. Kagat ko naman ang ibabang labi ko habang binabasa ang messages niya dahil kaharap ko ang dalawang kaibigan ko at malamang ay aasarin ako ng mga ito.
Breaktime namin ngayon at kasalukuyang nasa cafeteria kami. Nag-iwan lang ako sa kaniya ng message at inilagay na sa bag ang aking telepono. Nang sulyapan ako ang dalawang kaibigan ko ay naka-tanga na ito sa’kin at nakangiwi pa ang labi ni Nina na animo’y nasusuya.
“O bakit ganiyan ang itsura niyo?” Puna ko sa kanila.
Umiling-iling lang si Nina at si Ellaine naman ay nginisian ako ng nakakaloko. Inirapan ko na lang sila at sumubo na lang ako ng tinapay.
“Ganiyan ba talaga kapag naiin-love? Ang pangit mo palang main-love Madz!” Kunwa’y nanginig pa si Nina at binato ko naman siya ng tissue.
“Heh! Palibhasa wala ka kasing lovelife.” Pang-aasar ko sa kaniya.
Kunwa’y aambahan naman niya ako at natawa naman ako sa kaniyang itsura. Masaya ako ngayon kasi ayos na kami ni Jeremy. Mamaya ay tatanungin ko naman ang mga ka-team mates niya ng tungkol sa kaniya. Unfair siya masyado, siya marami ng alam tungkol sa’kin pero ako wala pa sa kalahati ang gusto kong malaman tungkol sa kaniya. Kapag tinatanong ko naman siya parati naman niya akong dinadaan sa biro. May pagka-hiwaga rin ang ipis na ‘yon. Ano ba kasing meron sa buhay niya at hindi nito sinasabi sa’kin? Kung hindi naman maganda ang naging buhay niya or ano pa man ay handa ko naman siya tanggapin. Una pa nga lang ay ayoko na sa kaniya at inis na inis ako kapag nakikita ko siya pero tinanggap ko siya dahil alam kong hindi naman siya gano'n kasama tulad ng iniisip ng iba.
“Magkakaro’n din ako ng lovelife kapag nanligaw sa’kin ‘yang kakambal mo at magiging sisters na talaga tayo.” Kinikilig pa ang gaga nang sabihin niya ‘yon.
“As if naman na magugustuhan ka ng kapatid ni Madz ‘no! Ayaw no’n sa maharot.” Si Ellaine naman ang nang-asar sa kaniya.
Tumaas bigla ang kilay ko ng ilapag ng waiter ang in-order niyang crispy pata at isang malaking pizza na kasya yata sa sampung tao ‘yon. Umawang ang labi ko sa gulat dahil sa dami ng pagkaing nakahayin sa mesa namin. Napapalakpak pa si Ellaine sa tuwa at humiwa pa siya ng crispy pata at rinig ko ang pagkalutong noon nang kagatin niya ito.
“Hoy Ellaine! Ano bang nangyayari sa’yo? Ang lakas mo naman yata kumain, mauubos mo ba ang lahat ng iyan?” Saway ni Nina sa kaniya.
Hindi siya nito pinansin at patuloy lang siya sa kaniyang pagkain. Sumandal ako sa aking upuan at pinagmamasdan lang siyang kumain na animo’y bata. Si Ellaine ang pinaka-mahilig sa’ming tatlo sa pagkain pero ni minsan ay hindi ko pa siya nakita na ganito kalakas kumain. Mahilig siyang kumain pero limitado lang ang kinakain niya dahil ayaw din naman niyang tumaba.
Pansin ko pa na medyo pumipintog ang pisngi niya at medyo tumaba rin siya. Naalala ko naman na baka stress lang siya dahil madalas mag-away ang mga magulang niya. Nalungkot akong bigla dahil mukhang iniinda lang niya ang nararamdaman niya dahil ayaw niya na kinakaawaan namin siya.
“Naku Ellaine, kain ka nang kain mamaya maging balyena ka na sige ka!” Pananakot ko na lang sa kaniya.
Natigilan naman siya at uminom ng kaniyang tubig. Nakayuko lang siya at hindi nagsalita. Nagkatinginan pa kami ni Nina dahil baka napikon siya sa sinabi ko. Nagsenyasan pa kami kung sino sa amin ang unang magsasalita. Huminga muna ako ng malalim at tinitigan si Ellaine na nakayuko pa rin.
“Ellaine, s-sorry binibiro ka lang naman namin eh. Galit ka ba?” Doon lang siya nag-angat ng mukha at tipid niya akong nginitian.
“M-may sasabihin ako sa inyo Madz.” Malungkot ang mga mata niya at para bang maiiyak na ito.
Nakaramdam ako bigla ng awa sa kaniya at nainis ako sa sarili ko dahil hindi ko alam na may kinakaharap na palang problema ang kaibigan ko. Simula pa lang pagkabata ay sila na ang kasama ko maging sa problema ay parati kaming magkatuwang. Ngayon niya ako kailangan at handa akong makinig sa kaniya.
“Ellaine, tungkol ba ito sa parents mo?” Umiling lang siya at pansin ko pa ang kaniyang ilang paglunok.
“Madz, I-I’m__”
“Ate Madeline!” Sabay-sabay pa kaming napalingon sa kung sino ang tumawag sa’kin.
Nagulat ako nang mamataan ko ang pinsan ni Jeremy na si Janelle. Kumaway pa ito sa’kin at mabilis na lumapit sa aming kinaroroonan. Tumabi siya at umangkla pa sa aking braso at inihilig nito ang kaniyang ulo sa balikat ko. Napatingin ako sa dalawang kaibigan ko at taka silang nakatitig kay Janelle.
“Ja-janelle, anong ginagawa mo rito?” Umalis siya sa pagkakaangkla sa’kin at hinarap naman ako.
“Actually si bibi Jeremy ang nagpapunta sa’kin dito.” Namilog ang mga mata ko at umawang ang mga labi ko.
“Bakit daw?”
“Hay naku ate, I told you possessive ‘yang boyfriend mo. He asked me kung puwede raw akong pumunta sa school niyo at tingnan ka. Silipin daw kita kung may lalaking umaaligid sa’yo at isumbong ko raw sa kaniya.” Napapikit pa ako at nagtagis pa ang ngipin ko sa inis.
Ayan na naman siya, ginawa pa akong bata at inabala pa niya ang pinsan niya para lang silipin ako. Kahit kailan talaga ang ipis na ‘yon. Kinuha ko ang cellphone ko sa bag at tatawagan ang ipis na si Jeremy at sesermonan ko ng bongga talaga. Ididial ko na sana ang number niya nang kunin naman ni Janelle ang telepono ko at taka pa akong napatitig sa kaniya.
“Ate Madeline kapag tinawagan mo ‘yon I’m sure ilang minuto lang nandito na kaagad ‘yon.” Tinaasan ko siya ng kilay at humalukipkip pa.
“What do you mean?”
“You want to try ate?” Inilahad pa niya ang telepono ko at taka ko siyang tinitigan.
Sinulyapan ko pa ang dalawang kaibigan ko na nagtataka rin at nagkibit-balikat lang sila. Kinuha ko ang telepono ko at susubukan ko ngang tawagan si Jeremy kung totoo nga ang sinasabi ni Janelle. Nakapikit pa ako habang hinihintay ko namang sagutin niya ang tawag ko. Ibababa ko na sana ito nang marinig ko na ang boses niya sa kabilang linya. Hindi muna ako sumagot at pinakinggan ang paligid niya. May mga taong nag-uusap at mukhang nagtatalo pa ito base sa kanilang pananalita.
“Hello baby? Still there?” Tawag nito sa’kin ng hindi pa ako nagsasalita.
Tumikhim muna ako at umayos pa sa aking pagkakaupo. “Bakit pinapunta mo pa rito si Janelle?” May halong inis kong turan sa kaniya.
“Just to make sure you’re okay.” Hindi ko alam kung bakit ingat na ingat siyang magsalita.
Hindi ko na lamang ito pinansin at napahilot pa ako sa aking sentido. Okay lang naman sa’kin na maging gano’n siya kahigpit but this one is too much. Kung tutuusin nga daig pa niya si daddy kung maghigpit sa’kin.
“I’m not a kid Jeremy”
“I know. Let’s talk later baby when I get there”
“Ewan ko sa’yo! Kausapin mo lelong mo!” Pagkasabi kong iyon ay binaba ko na ang tawag.
Napabuga pa ako sa hangin at konti na lang ay magiging sing laki na ng bola ng basketball ang ilong ko dahil sa inis. Binalingan ko pa ang dalawang kaibigan ko na nasa harapan ko at lihim pa silang tinatawanan ako.
“At anong nakakatawa?” Inis kong tanong sa kanila.
“Paano ba naman kasi, kanina halos lumuwa na ang utak mo sa pagkakangiti mo tapos ngayon mukha kang dragon diyan dahil sa inis. Ano ‘yan climate change?” Natatawang sambit ni Nina.
“Ewan ko ba riyan kay Kuya Jeremy kung bakit nagtyatyaga pang pumasok sa school, grad__” Natahimik bigla si Janelle at hindi na niya naituloy ang kaniyang sasabihin. Pareho kaming tatlong napatingin sa kaniya at papalit-palit pa ang tingin ni Janelle sa’min. “Sige na ate aalis na ‘ko at I’m sure maya-maya nandito na ‘yon.” Kumindat pa siya sa’kin at saka ito umalis.
Alam kong may inililihim sa’kin si Jeremy. Pero bakit ayaw niyang sabihin sa’kin ang totoo at kung anong dahilan? Kung hindi niya sasabihin sa’kin ako ang gagawa ng paraan para malaman ‘yon.
Nakatulala lang ako sa board habang naglelesson ang prof namin at ang isip ko ay tanging na kay Jeremy. Oo at hindi ko pa siya lubos na kilala pero maraming bagay akong gustong malaman sa kaniya. Mahal ko siya kaya gusto kong malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa kaniya.
Matatapos na sana ang klase namin ng may ingay kaming narinig at nagmumula iyon sa speaker. Tunog ‘yon ng mic na umalingawngaw sa buong classroom kaya lahat kami ay napatakip ng tainga.
“Sino na naman bang estudyante ang gumamit ng broadcasting room?!” galit sa sigaw ng prof namin.
“Madeline Mendez, please see me at the gym immediately.” Napatulala ako at kilala ko ang boses na ‘yon.
Napatingin naman silang lahat sa’kin at maging ang prof namin ay nagtatakang nakatitig sa’kin. Napakamot na lang ako sa aking noo at nagsisimula na naman akong mainis sa ipis na ‘yon. Ginamit na naman niya ang broadcasting room at puwede naman niya akong i-chat na lang o ‘di kaya i-text. Naalala ko naman ang sinabi ni Janelle. Totoo ngang magmamadaling pumunta rito si Jeremy at ito na nga, pero hindi ko inaasahang gagawin na naman niya ito at sa pagkakataong ito binanggit na niya ang pangalan ko.
“Do you know him Miss Mendez?” Mabilis akong napatingin sa prof ko at hindi alam ang aking isasagot. “Miss Mendez, I’m asking you.” Muling sabi niya ng hindi ko siya sinagot.
“Ahhm, Sir, h-hindi ko po alam__”
“See you later baby Madie.” Napatitig akong bigla sa speaker at kinabahan ako dahil sa huling sinabi ni Jeremy.
Parang gusto kong lumubog ngayon sa kinauupuan ko dahil sa pagkapahiya. Marahan kong binalingan ang prof namin na ngayo’y masamang nakatitig sa’kin. Ang totoo niyan ay minumura ko na sa utak ko si Jeremy at kapag nakita ko talaga siya ay hindi lang ‘yon ang gagawin ko sa kaniya.
“Miss Mendez, sabihin mo sa kung sino man ‘yan na ilagay sa lugar ang panliligaw niya.” Tumango lang ako at yumuko dahil sa hiya. “Alam ba ‘yan ni Doctor Marco?” Nag-angat ako nang tingin dahil sa muling sinabi niya.
Kilala ang daddy ko rito sa school dahil minsang nagturo na rin siya rito. Alam ng lahat na strict si daddy pagdating sa’kin kaya nga walang nagtatangkang manligaw sa’kin dito dahil takot sila sa daddy ko. Pero si Jeremy lang ang nangahas na lumapit sa’kin at mangulit. Sadyang walang takot talaga ang ipis na ‘yon.
“Actually sir, aahm, I-I__”
“Alright I get it!” Putol niya sa sasabihin ko.
Natapos na ang klase namin pero hindi pa rin ako tumatayo sa kinauupuan ko. Naririnig ko pa ang bulong-bulungan ng ilang mga kaklase ko pero hindi ko na lang ito pinapansin. Padabog ko naman isinukbit ang shoulder bag ko at lumabas na ng classroom. Papunta na ‘ko sa gym nang makasalubong ko naman ang isang grupo ng estudyante. Humarang sila sa harapan ko at ang isa naman na nasa gitna at naka-krus pa ang mga braso. Tiningnan pa ako nito mula ulo hanggang paa at nginisian ako nito ng nakakaloko. Nasa anim sila at mukhang mga sanay sila sa pakikipag-away. Nakikita ko na sila rito pero hindi ko lang sila pinapansin. Ewan ko ba kung anong kasalanan ko kung bakit nila ako nilapitan at mukhang may hindi magandang gagawin.
“So, ikaw na talaga ang kinababaliwan ngayon ni Jeremy.” Ngumunguya pa siya ng bubble gum at pinalobo ‘yon.
Isa ito siguro sa mga naging babae ni Jeremy. Pero hindi ako magpapasindak sa kaniya. Ganitong babae ba ang tipo noon ni Jeremy? Tiningnan ko rin siya mula ulo hanggang paa at masasabi kong isang ihip lang ng hangin ito ay tiyak kalas-kalas ang mga buto ng babaeng ito. Anong nagustuhan niya rito at mukha namang tikling sa payat?
“E ano naman sa’yo ngayon?” Kita ko ang pagka-irita niya at bahagya pa siyang lumapit sa’kin.
“Nang dahil sa’yo na-expell si Sophia! At ng dahil din sa’yo bugbog- sarado ang mga kaibigan namin. Ano bang meron sa’yo? E hindi ka naman kagandahan!” Nagulat ako sa isiniwalat niya at nangunot ang noo ko.
“A-ano? Anong sinasabi mo? Sinong nambugbog? At bakit ako ang sinisisi mo?” Sunod-sunod kong tanong sa kaniya.
Bigla namang sumagi sa isip ko si Tito Gascon. Alam kong siya ang may kagagawan kung bakit na-expell ang grupo ni Sophia. Hindi ko pa nga pala natatanong si Tito Gascon kung may kinalaman siya sa pagkawala nila sa school. Pero ang ipinagtataka ko kung sino ang nambugbog sa kanila? Hindi mananakit ng bata si Tito Gascon at gagawin lang niya ang alam niyang paraan para mawala ang mga ‘yon.
Tumawa pa siya ng malakas na mas lalo kong ikinataka. “Wala ka talagang alam ‘no?”
“Ano ba kasing sinasabi mo?”
“Asked your boyfriend Madeline.” Pagkasabi niyang iyon ay nilagpasan na niya ako at binangga niya pa ang kanang balikat ko.
Napatulala na lang ako sa kawalan at hindi ko maintindihan kung ano ang ibig niyang sabihin. Parang may kung anong sumagi sa isip ko at sunod-sunod akong napailing. Hindi magagawa ni Jeremy ‘yon kahit na gano’n ang ugali niya at naniniwala pa rin ako sa kaniya.
Hahakbang na sana ako ng may humawak naman sa braso ko kaya nag-angat ako nang tingin. Namilog ang mga mata ko nang makita si Ulysses dito. Malapad siyang ngumiti sa’kin at pilit din naman akong ngumiti sa kaniya.
“Anong ginagawa mo rito? At paano ka nakapasok?”
“Magkakasama na ulit tayo Madel.” Nakangiting sagot niya sa’kin.
Nangunot ang noo ko at pinisil niya pa ang isang pisngi ko. Nagulat pa ako nang gawin niya ‘yon at nagpalinga-linga pa ako dahil baka biglang makita kami ni Jeremy at kung ano na namang isipin niya. Hindi dapat ako ganito gayong parati naman niyang ginagawa sa'kin 'yon, pero syempre may kani-kaniya na kaming buhay at isa pa hindi na siya ‘yong nagpapakilig sa’kin sa tuwing magkakausap kami.
“Bakit? May hinahanap ka ba?” Takang tanong niya nang mapansin niya ang ginawa kong ‘yon.
“H-ha?! W-wala naman. Ano ngang ginagawa mo rito?”
“Dito na kasi ako mag-aaral.” Natigilan ako at hindi kaagad makapagproseso ang isip ko.
Dito na mag-aaral si Ulysses? Pero bakit? Saan siya kumuha ng pang-enroll niya? Hindi sa minamaliit ko siya, ito rin ang dahilan kung bakit nagkahiwalay kami ng school dahil hindi niya kaya ang tuition dito. At parati niyang sinasabi na hindi siya nababagay dito dahil mahirap lang siya.
Nakatitig lang ako sa kaniya at walang salitang lumabas sa bibig ko. Malapad siyang nakangiti sa’kin at halata sa itsura niya na gusto niya ring mag-aral dito. Hindi ko alam kung ano ang dapat kong maramdaman ngayon gayong magkakasama kami sa iisang school at alam ni Jeremy na may gusto ako dati kay Ulysses. Ayokong ito ang pagmulan ng hindi namin pagkakaunawaan. Pero alam kong hindi naman mangyayari ‘yon dahil una sa lahat hindi naman nagkagusto sa’kin si Ulysses at meron na rin itong nagpapasaya sa kaniya.
Nagpalinga-linga pa ako at ramdam ko ang titig ng ibang mga estudyante sa’min. Ang iba naman ay tila kinikilig dahil kay Ulysses. Hindi na kataka-taka dahil guwapo naman talaga siya kaya nga nagkagusto rin ako sa kaniya. Hindi lang siya guwapo kaya ko siya nagustuhan. Mabait din ito at higit sa lahat matalino. Siya parati ang top one sa klase at class president pa siya. Pumapangalawa lang ako sa kaniya at kahit kailan ay hindi ko siya kayang tapatan kaya naman mas lalong lumalim ang pagtingin ko sa kaniya dahil sa mga katangian niya. Naging varsity player din siya ng basketball team at siya ang dahilan kung bakit ako nanunod noon kahit wala naman akong hilig manuod ng mga gano’n. Pero simula noong naaksidente siya at nabali ang braso niya dahil sa basketball ay hindi na siya naglaro kailanman.
“Halika, sa labas na lang tayo mag—usap.” Hinawakan ko na siya sa braso niya at hinila palabas ng campus.
Dinala ko siya sa coffee shop at magkatapat naman kami. Um-order na muna kami at pagkatapos ay tinitigan ko siya. Hindi pa rin talaga siya nagbabago. Guwapo pa rin, pero syempre hanggang doon na lang ‘yon at wala na ang dating nararamdaman ko para sa kaniya.
“Paano ka nakapasok sa Southville?” Panimula ko.
Nakaramdam naman ako bigla ng pagka-ilang dahil sa klase ng mga titig niya. Nag-iwas ako nang tingin at napainom na lang ako ng tubig. Hindi naman siya ganito noon pero bakit parang iba ang pakiramdam ko? Napailing na lang ako at alam kong hindi naman ito tulad ng iniisip ko.
“I’ve got an scholarship.” Napabaling ang tingin ko sa kaniya at kunot-noo ko siyang tinitigan.
How did it happened? Ang alam ko ay hindi tumatanggap ang Southville ng scholarship. Naihilig ko pa ang ulo ko dahil iniisip ko ang bagay na ‘yon. Narinig ko pa ang mahina niyang pagtawa at napatingin siya sa aking braso kaya nabaling din ang tingin ko roon.
Namilog pa ang mga mata ko dahil kinuha ni Jeremy ang binigay niya sa’king bracelet at hindi ko alam kung saan niya ‘yon inilagay at malamang ay itinapon na niya ‘yon. Napakagat ako sa aking ibabang labi at nang balingan ko siya ay mataman pa rin siyang nakatingin sa braso ko at pansin ko ang lungkot sa kaniyang mga mata. Marahan niya akong tinitigan at wari ko’y gusto niyang itanong sa’kin kung bakit hindi ko suot ang bigay niya.
“Ah, U-ulysses nakalimutan ko kasing__”
“You liked him a lot?” Hindi ko na natapos ang sasabihin ko nang tingnan niya ako at para bang nadismaya siya.
Nagyuko ako at unti-unting tumango. Alam kong si Jeremy ang tinutukoy niya, kung paano niya nalaman at siguro ay dahil na rin sa dalawa kong kaibigan. Hindi nila kayang paglihiman si Ulysses dahil kaibigan din naman namin siya. Narinig ko pa ang mahinang pagbuntong hininga niya at saka ko lang naalala na hinihintay nga pala ako ni Jeremy.
Bigla akong napatayo sa kinauupuan ko at kaagad ko namang isinukbit ang bag ko. Nagmamadali akong umalis at alam kong sinundan pa ako ni Ulysses pero hindi ko na siya pinansin pa. Patay ako nito kay Jeremy at kahit na hindi ko pa nakikita ang itsura niya ay alam kong hindi na ito maipinta. Hinihingal naman akong nagtungo sa gym at pagkarating ko roon ay isang tahimik ang sumalubong sa’kin. Patay ang mga ilaw at wala man lang katao-tao. Umalis na siguro siya dahil isang oras din akong late at inisip nito na hindi na ako darating. Bagsak ang balikat ko at lalabas na sana ako ng gym ng may mamataan ako sa ‘di kalayuan na naka-white polo shirt at slacks at naka-suot na leather shoes.
Unti-unti siyang lumapit sa’kin at nakilala ko na kung sino siya nang tamaan siya ng liwanag na nanggagaling sa bintana. Hindi ko alam kung bakit ganoon ang suot niya at parang may importante siyang pinuntahan. Wala siyang emosyong nakatitig sa’kin habang papalapit at ramdam ko ang kaba sa aking dibdib. Huminto siya sa tapat ko at hindi ko maintindihan ang ekspresyong pinapakita niya sa’kin. Iyong mga mata niya parang kasing-lamig ‘yon ng yelo at hindi ko mabasa ang nasa isip niya.
“Ahm, J-jeremy, s-sorry kung ngayon lang ako, may pinuntahan kasi ako eh.” Hindi ko siya narinig na nagsalita at basta lang siyang nakatitig sa’kin.
Alam kong hindi siya galit pero hindi ko maintindihan kung ano itong nararamdaman ko. Bakit ba ganito siya? Dahil lang ba sa na-late ako? May ginawa ba akong hindi niya gusto? Ngayon ko lang siyang nakitang ganito at karaniwan kong napapansin kaagad kung galit siya sa’kin. Pero ngayon hindi ko mabasa ang nasa isip niya.
Lalapitan ko sana siya para amuhin nang magsalita naman siya. “So, hindi mo pa rin siya nakakalimutan?” Natigilan ako at nalilito kung ano ba ang ibig niyang sabihin.
“J-jeremy, ano bang sinasabi mo?”
Huminga siya nang malalim at saka ako nito hinarap. Pero bakit ganito? Bakit sa tingin ko nasasaktan siya? Ano bang nagawa ko? Ayokong nakikita siyang ganito at kung puwede lang ay gagawin ko ang lahat para mapatawad lang niya ako kung ano man ang nagawa ko.
“He’s your first priority! Is it because he’s your bestfriend? Or he’s your first love?” Hindi ako nakapagsalita dahil sa narinig ko.
Alam kong nakita niya kami ni Ulysses pero bakit hindi niya ako pinuntahan o pinigilan man lang tulad nang ginagawa niya sa’kin? Ito ba ang dahilan kung bakit siya nagkakaganito? Napalunok ako at hindi ko siya matingnan ng deretso.
“Jeremy nagkakamali ka, kaya siya nandito dahil__”
“It’s because of you! Didn’t you get it? Hanggang ngayon Madeline hindi pa rin ako sumagi sa isip mo! I’m second to the last! Gaano ba ‘ko kahirap mahalin? Bakit siya pa rin?!” Nangilid ang mga luha niya at pinipigilan niya lang itong bumagsak.
Napatulala ako at nagulat sa kaniyang sinabi. Hindi ko alam na ganito na pala ang nararamdaman niya. Alam kong hindi ko pinapakita sa kaniya kung gaano ko siya kamahal at alam kong nagkulang ako sa kaniya. Pero alam ko namang pinaparamdam ko sa kaniya ‘yon.
“Jeremy please, let me explain. Hindi gano’n ang iniisip mo”
“Bakit ba ang hirap sa’yong mahalin ako? Gaano ba kahirap ‘yon? Kailangan ko pa bang magmakaawa sa’yo para ako na lang? Para sa’kin ang buong atensyon mo? Bakit siya pa? Of all people why him?!” Sigaw niya sa’kin at ngayon ko lang siya nakitaan na gano’n.
Kita ko ang galit sa kaniyang mukha at hindi ko malaman kung bakit ganoon na lamang ang galit niya kay Ulysses. Hindi naman niya ito kilala at kung makapagsalita siya ay parang matagal na niya itong kilala. Doon ko na nakitang pumatak ang mga luha niya at kaagad naman niya itong pinunasan. Tatangkain ko sana siyang lapitan nang lagpasan na niya ako at tuluyang lumabas ng gym. Nakatulala lang ako at pabagsak na naupo sa sahig. Tuluyan na akong napaiyak at napatutop ako sa aking bibig.
“Hindi totoo ‘yon Jeremy, m-mahal kita. Sorry kung hindi mo nararamdaman ‘yon pero mahal kita. Mahal na mahal kita!” sigaw ko sa pagitan ng aking pag-iyak.