MAY NGITI sa labi ni Ayah habang pinagmamasdan si Prix na abala sa pamumuti ng mga tanim na talong. May dala talaga itong bayong para sa mga gulay na aanihin nito. “Alam ba ng nanay at tatay mo na narito ka ngayon sa taniman ninyo ng gulay?” usisa pa niya kay Prix. Nakaupo lang siya sa may kubo dahil hindi siya nito pinalalapit sa may tanim na mga gulay at baka raw madulas pa siya at bumulusok pababa ng bundok. “Hindi,” anito sa kaniya. “Kung ganoon, magugulat sila dahil may dala ka pang gulay pag-uwi mo.” “Idadahilan ko na lang na tumambay ako rito dahil wala akong magawa. Okay na siguro ito,” tukoy ni Prix sa pinanguha nitong gulay bago bumalik sa kaniyang kinaroroonan. Tiningnan pa ni Ayah ang mga gulay na nakuha ni Prix. “Tingin pa lang, parang kay sarap ng kainin kapag naluto.”