BAKIT sa dinamirami ng maaaring makita ni Ayah ay si Prix pa mismo? Oo, gusto niyang makita si Prix kaya nag-ipon talaga siya ng pamasahe pauwi sa Pilipinas para mapuntahan ito sa probinsiya ng San Diego kung naroon pa ito. Pero ang bagay na iyon ay pinag-iipunan pa rin niyang muli dahil ang pera na dala niya noon ay nanakaw sa kaniya. Kung wala siyang ibang tabi na pera noon, baka sa kalye talaga sila pinulot ng kaniyang anak na si Prince. Kaya heto siya ngayon, nagsisikap makaipon upang makauwi sa San Diego. Ngunit sa nakikita niya ngayon, mukhang wala ng dahilan para puntahan pang muli roon si Prix. Dahil ang pakay niya sa San Diego ay mukhang wala na rin doon. Wala na ang Prix na muli niyang pinangarap makita. Mukhang may bago na itong buhay. Buhay na hindi na niya kaya pang abutin.