HABANG KUMAKAIN ng nilagang kamote si Ayah ay pasimple pa niyang pinagmamasdan ang dampa na siyang tinitirhan nina Prix at ng mga magulang nito. Simpleng bahay lang iyon kung tutuusin. Pero parang kay sarap tirhan kapag may kasama kang isang Prix. Dahil alam niya na hindi siya nito pababayaan. Kung puwede lang ipaglaban ang kung ano’ng mayroon sila. Gagawin niya. Handa siyang makasama si Prix sa hirap at ginhawa. Napabuntong-hininga si Ayah. Kung puwede lang… Napatingin siya kay Prix nang tumikhim ito. “Bakit?” tanong niya rito. Itinigil ni Prix ang pagsisibak ng kahoy at ipinatas naman ang mga kahoy para madali nitong mabuhat papunta sa may lutuan kung saan iyon inilalagay. “Okay ka lang ba rito sa amin? Pasensiya na, ha? Sobrang simple lang nitong dampa namin. Baka manibago ka.”