HINDI INAALIS ni Sephany ang kaniyang tingin kay Thaddeus na sakay sa Arabian Horse nito na kay bilis ding tumakbo. Nasa lugar sila ng rancho kung saan ipinapastol ang mga kabayo ni Thaddeus. Malayang nakakatakbo roon ang mga kabayo. Napapalibutan iyon ng four-rail vinyl horse fence kung saan hindi basta-basta makakalabas ang mga kabayo sa bakod kapag naroon at nanginginain ng mga d**o. Napakalawak niyon. Nakaupo siya sa upuang nakatalaga na sa lugar na iyon na nasa isang gilid. Nalililungan din iyon ng mayabong na puno ng Narra. Hindi niya mapigilan ang sarili na mas humanga sa lalaking muling nagpatibok sa kaniyang puso sa pangalawang pagkakataon. Sigurado si Sephany na kung may ibang makakakita kay Thaddeus habang sakay ng kabayo, tiyak niya na hindi rin mapipigilang humanga rito.