PART 7

2231 Words
***LEREN’s POV*** Nakarating din ako sa wakas sa trabaho ko. Ano ang trabaho ko? Well, nakakagulat man pero sa isang fitness gym ako nagtatrabaho. Sa kabila ng pagiging balyena ng katawan ko ay front desk clerk ako ng Steel Gym. And yeah, madaming napapaangat ang kilay na customer namin dahil bakit daw ang matabang tulad ko ay nagtatrabaho sa isang gym. Hindi raw angkop. Pero keber, wala silang magagawa dahil matalik na kaibigan ni Tatay noon ang may-ari. Mayabang na ako kung mayabang pero hindi nila ako mapapaalis. Malugi man ang gym dahil sa akin ay hindi pa rin ako magagawang tanggalin ni Tito Norberto. Malakas ako kay boss, eh. “Really? Ikaw ‘yon? Pero paano ka nakapasok dito na empleyado? Buti tinanggap ka?” Kay aga-aga nga ay heto nga, tinataasan-baba na naman ako ng isang bagong member ng gym. Nakangiwi pa na akala mo’y isa akong inahing baboy na naligaw lang sa loob ng gym. Hindi makapaniwala ang gaga na ako ang nakausap niya online no’ng nag-inquire siya ng membership. Buong akala niya yata, eh, sexy at fit na fit na babae ang nakausap. “Hindi po kasi sa katawan tumitingin ang boss ko noong nag-hire siya ng empleyado. Ang mahalaga raw ay magaling at may malasakit sa trabaho,” mabait ko pa rin naman na paliwang kahit na ang totoo ay ilang beses ko na siyang inuntog sa mga bilbil ko sa imagination ko. “Ang kaso ang pangit kasi tingnan na may mataba sa isang fitness gym. Ang ironic ng dating. Sorry, pero parang hindi nakaka-motivate magpa-fit ng katawan dito sa gym habang nakikita kita,” maarteng sabi pa ng babae. “Bakit, Ma’am, nakakahawa na ba ngayon ang bilbil? Wala pa naman akong nababalitaan na gano’n?” pagsa-sarcastic ko na. Bawal kaming magsungit na mga empleyado ng gym, lalo na ako, ang dami ko na ngang warning sa anak ni Boss na si Ma'am Laila, pero bahala na. Pasmado ang bunganga ng kausap ko, eh, alangang magbait-baitan pa rin ako? “Galit ka ba? Nagsasabi lang ako ng totoo, Miss. Actually, ngayon lang ako nakakita ng gym na may...” Tinaasan at binabaan muna ulit niya ako ng tingin bago itinuloy ang panlalait sa akin, “na may katulad mong plus-size human na empleyado. My gosh!” Napabuga naman ako ng hangin sa bunganga ko. Paraan ko para kumalma ang mga dugo kong kumukulo. ‘Pag ito sinampal ko, tulog ‘to panigurado, eh. Kalma, self! Kalma, self! Kalma! Pinakiusapan ko pa nga ang sarili ko. Mahirap na. “Nasaan ba ang manager niyo? Kakausapin ko,” demand pa ng babaeng maarte sa akin. Kala mo seksi at maganda, mukhang palana naman ang bunganga. This time, humugot naman ako ng malalim na hininga. Kahit five percent na lang ang pasensya ko para sa kanya ay sinikap ko pa ring ilarga ang aking pisi ng pagtitimpi. Inayos ko na ang tono ko nang sumagot ako. “Wala po siya, Ma’am, eh. Pero si Coach Eroid po, malapit na daw. He will assist you as per your request.” “Nandito na ako, Leren. Ako na ang bahala kay Madam,” bungad ng tinukoy ko. Muntik-muntikan ko siyang halikan sa saktong pagdating niya. Naging anghel pa nga ang tingin ko sa kanya dahil talaga namang iniligtas niya ako sa puwedeng gawin kong kasalanan na sana—ang sakalin na sana ang babae! Buwisit siya! “Good moring, Madam,” bati ni Eroid sa madam niya. Madam ng mga impakta. “Good morning din, Eroid.” Aba’t ang tamis na ng ngiti ng impakta. Biglang bait. “Kung hindi lang talaga ikaw ang nag-recommend sa gym na ito ay ipapa-refund ko na sana ang ibinayad ko.” “Bakit naman, Madam. Maganda po dito. Maluwag at kumpleto equipment,” paglalambing ni Eroid sa impakta with matching hawak sa baywang. Ew! Pairap na tiningnan naman ako ng impakta. “Hindi kasi ako sanay na nakikipag-usap sa akin ay... ay katulad niya.” Kahit si Eroid ay tumingin na sa akin. Iningusan ko siya. Binigyan ko ng subukan-mong-tumawa-look. Sa lahat ng mga kasama ko sa gym ay siya ang ka-close ko. Paanong hindi, eh, isa rin siyang mapang-asar. Awa ng Diyos ay hindi siya umimik at nilunok niya ang muntik niyang pagtawa sa akin. Pero humanda ako mamaya dahil alam ko tatawanan na naman niya ako. Alam ko na pati ang magiging litanya niya. Sasabihin na naman niyang malulugi talaga ang gym dahil sa akin at magiging kasalanan ko raw kapag nagutom ang pamilya nila. Lulugo-lugo akong bumalik sa table ko sa front desk nang umalis na silang dalawa sa harapan ko. Kaysa maapektuhan sa sinasabi nilang panira na malabalyenang katawan ko ay nagrerebeldeng binuksan ko ang isang setseryang baon ko. Hahaba-haba ang nguso ko at titirik-tirik ang mga matang kumain. Wala silang pake kung mataba ako! Bakit kailangan ba lahat payat? “Gusto mo po, Ma’am?” pang-asar pa ngang alok ko sa impakta nang sulyapan niya ako. Animo’y nakakadiri na naman ako na agad niyang iniwas ang tingin. Natawa na lang ako sa reaksyon niya. “Leren, may mag-i-inquire,” mayamaya’y sungaw-sabi ng aming guard. “Papasukin mo, Kuya,” tugon ko sa kanya. Inilapag ko muna sa desk ko ang setseryang kinakain ko. Sinimot ko rin muna ang mga dumikit sa daliri ko na mga cheese bago inihanda ang mga fliers na ginagamit ko kapag may ganito na may bagong customer. “Leren!” / “Babs!” Ang hindi ko inasahan ay sabay na matinis na tinig nina Xalene at Corinne na mga pumasok. Ang mga bruhang kaibigan ko pala sila. At syempre si bully na si Xalene ang nag-babs. Isa pa ‘to, eh. Gayunman ay biglang parang nagliwanag ang buhay ko. Sobrang nagagalak na umalis ako sa desk ko at mga niyakap sila. Nagtatalon kaming tatlo na nagyakapan. “O, tama na. Tama na. Iyong sahig kawawa. Yupi na,” saglit ay ani Xalene sabay turo sa paanan ko. Kitam, bully rin talaga. “Gaga!” Muntik na siyang lumipad nang paluin ko siya sa braso. “Aray naman!” angal niya. “Panira ka talaga, eh!” angil ko naman. “Oops, tama na ‘yan,” as usual awat sa amin ni Corinne. Saglit ay nagtawanan kaming tatlo. Nag-e-emote pa naman ako noong isang araw na baka matagal kami ulit magkikita ulit, hindi naman pala. “Teka, anong ginagawa niyo rito?” seryosong tanong ko pagkatapos. “Magsu-swimming. Nasaan ang swimming pool niyo dito sa gym niyo?” pilosopong sagot na naman ni Xalene. “Tse!” Inirapan ko siya. Pasalamat siya’t air conditioned ang gym kung hindi paliliparin ko talaga siya sa bintana. “Gusto naming mag-member dito sa gym niyo, Leren,” matinong sagot naman ni Corinne. “Aahh,” kako. Pero nag-dalawang tingin ako bigla sa kanya. “Ano kamo?” Lumuwang ang ngiti niya. “Maggi-gym kami ni Xalene. Napagpasiyahan namin noong pauwi na kami noong last na nag-bonding tayo.” “Seryoso ba kayo? ‘Yang payat niyong mga ‘yan?” kako na nakaismid. Agad akong naawa sa mga buto nila. Baka simpleng dumbbell lang kasi ang hawakan nila ang nagkabali-bali na. “Oo nga kasi hindi naman kasi kailangan na mataba ka para mag-gym. May nagge-gym din naman ang mga tao para maging healthy,” paliwanag ni Corinne. “At sama ka kasi mas kailangan mong mag-gym. Libre ka na ni Corinne,” sabad ni Xalene. “Seryoso talaga kayo?” Ibig ko nang mapantastikuhan. “Hindi kaya naengkanto lang kayong dalawa?” Labas sa ilong na natawa si Xalene. “Gageh ka! May engkanto pa ba sa panahon ngayon?” “Leren, seryoso nga kami. Pero bago ang lahat ay kain muna tayo?” si Corinne. Sa lahat ng sinabi ng dalawa ngayon ay doon lang ako natuwa. “Sige, at dahil dinayo niyo pa ako ay ililibre ko kayo.” “May pera ka?” amused na tanong ni Xalene. “Anong tingin mo sa akin poor?” “Oo, kasi ang lahat ng pera mo napupunta diyan sa mga bilbil mo.” “Corinne, pigilan mo ako. Mapapatay ko na talaga ang taong pimples na ‘to!” Nagkunwari akong papatulan na talaga siya. Nagkunwari naman na pinigilan nga ako ni Corinne. “Geh, akala mo takot ako sa ‘yo!” At nagkunwari namang lalabanan ako ni Xalene. “Baliw talaga kayo,” sabi ni Corinne na tawang-tawa habang hawak ang aking dambuhalang braso. HANGGANG sa isang restaurant na pinili naming kakainan kung saan walking distance lang mula sa gym dahil hindi ako puwedeng lumayo ay nagbabangayan kami ni Xalene. “Anong gusto niyo?” si Corinne. “Ako na o-order. Libre ko na ito,” kako. Inunahan ko siyang tumayo. Lagi na lang si Corinne ang nanlilibre kaya unfair na ‘pag gano’n. “Naks, may pera talaga ang babs,” papansin na naman ni Xalene. “Oo, taong pimps, kasi binigyan ako ni Kuya Rain ng pera noong isang araw,” pagyayabang ko sa kanya. At talagang diniinan ko ang pagbigkas ko ng Kuya Rain dahil alam ko na crush ni Xalene si Kuya. Noong nakita niya ang parcel ko na sinasabi niyang pampayat ay minsan dumalaw sa akin kasi noon si Xalene at saktong nagkita sila ni Kuya Rain. Naguwapohan ang gaga sa kapatid ko. “Kumusta pala si Kuya?” Tulad nang inasahan ko ay nagningning nga ang mga mata niya. Nagkorteng puso ang mga itim na bilog sa mga mata niya. “Sabi niya ay hindi raw siya pumapatol sa taong pimples,” pambawi ko sa mga panlalait niya sa akin. “Tse!” Ang lakas ng naging tawa ko. “Hay naku, hindi na kayo natigil sa bardugalan niyo,” saway sa amin ni Corinne. “Sige na, Leren, um-order ka na ng kahit ano,” tapos ay pagtataboy niya sa akin para kahit paano siguro ay matahimik ang buhay niya. “Okay,” kako na tinungo na nga ang counter. Wala, eh. Ganito na talaga kami noon pa ni Xalene. Sa bardugalan namin ipinapakita ang love namin sa isa’t isa. Habang nakapila ako sa may counter ay nilingon ko sila. Ngumiti sa akin si Corinne. Si Xalene naman ay makulit dinilaan ako. Iningusan ko naman sila. Pang-lima siguro ako sa mga nag-o-order kaya inilabas ko muna ang cellphone ko. Nang bigla ay naalala ko si Kuya Rain. Nag-alala na naman ako sa kanya. Maliban kasi sa hindi siya umuwi noong isang gabi pa ay walang paramdam. Ni seen sa mga messages ko sa kanya ay wala. Nasaan na kaya ‘yon? Pakiramdam ko’y biglang nagsikip ang aking dibdib nang pumasok na naman si isip ko na baka may nangyaring masama na sa Kuya Rain ko. Hindi ko ma-imagine na pati si Kuya ay mawala sa akin. Siya na lang ang pamilya ko. Maliban kina Xalene at Corinne ay siya na lang ang taong nagmamahal sa akin. Nakagat ko ang lower lip ko sabay tingin sa TV na nasa gilid. Ibinaling ko ang atensyon ko doon upang maiwala ang hindi normal nang pagkabog ng dibdib ko. Sosyalin kasi ang kainang kinaroroonan namin. Libre na nga wifi ay libre pa manood ng TV. At news ang makikitang palabas. “UMANOY KIDNAPPER NG TATLONG DOKTOR NA DINUKOT MADALING ARAW NOONG MYERKULES, TUKOY NA NG AWTORIDAD!” ang headline na binanggit ng lalaking news anchor. At hindi ko na sana pagtutuunan ng pansin dahil gumalaw ang pila. Ngunit dahil flinash ang mga larawan ng mga doktor na mga dinukot daw ay bumalik ang tingin ko. Malandi ako, eh, kaya hindi nakaligtas sa paningin ko ang kaguwapohan ng isa. “Dr. Zrion Maixner,” mahinang basa ko pa nga sa pangalan niya. Kinilig ako ng very light dahil pati pangalan niya ay ang guwapo. At hiniling ko na sana mailigtas siya. I mean silang tatlo pala. Sayang, eh. Mga doktor pa naman. Madami pa silang maililigtas na buhay. Lalo na si Dr. Zrion, madami pa siyang pakikiligin na mga malalanding tulad ko. Sayang ang lahi niya kung papatayin lang siya ng mga kidnapper. Hanggang sa napaisip ako bigla dahil parang pamilyar pala sa akin si Dr. Zrion. Parang nakita ko na siya. Hindi ko lang maalala kung saan. “Ay ewan!” kako nang hindi ko talaga maisip. Ipinilig ko na pati ang ulo ko. Kung anu-ano na lang iniisip ko. Ang dami ko nang problema para problemahin pa si Dr. Zrion. Sakto na pagtunog ng cellphone ko. May tumatawag na unregister number sa phonebook ko. “Hello?” nagtatakang sagot ko. “Hello, Ma’am. Mula ang tawag na ito dito sa Police Station 6. Bago ang lahat ay nais ko po sanang malaman kung si Miss Leren Guzman po ba ang kausap ko?” “Ah, eh, opo. Ako nga po si Leren Guzman, Sir. Bakit po?” “Uhm, Ma’am, maari po kayong magpunta dito ngayon?” “Para saan po?” Kumabog na naman ang dibdib ko sa hindi maipaliwang na dahilan. “Tungkol po ito sa kapatid niyo. Kay Rain Guzman.” “Bakit po? Anong meron kay Kuya? Anong nangyari sa kanya?” “Huwag po kayong mabibigla pero natagpuan po dito sa dumpsite ang bangkay ng kapatid niyo.” Para ba’y may tumamang kidlat sa akin nang marinig ko iyon. Nanigas ang buong katawan ko dahilan para mahulog sa sahig ang cellphone ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD