PART 8

1731 Words
***LEREN’s POV*** Sa isang dumpsite kami humantong nina Xalene at Corinne. At pagkababa ko pa lamang sa kotse ni Corinne ay humahagulhol na ako ng iyak. Ang daming tao ang naratnan namin maliban sa mga police. Tuluyang bumagsak ang pag-asa’t ipinagdarasal ko na hindi totoong patay ang Kuya Rain ko at scammer lang sana ang tumawag sa akin kanina at hindi pulis. “Kuya! Kuya Rain!” tawag ko kay Kuya habang nagtatakbo ako palapit sa crime scene. Halos sabay-sabay na lumingon sa akin ang mga tao. Mga nagtaka. “Tabi! Tabi! Paraanin niyo ako!” Umiiyak na pinagtatabig ko ang mga usyosero. Hanggang sa tumambad sa akin ang isang katawan ng lalaki na nakahiga sa mga basura. Nakatakip ang ulo nito ng itim na tela. Nilalangaw ang isang paa nito na walang sapatos. Nakakordon ng yellow na may tatak na ‘DO NOT CROSS’ ang paligid nito, binabantayan ng ilang pulis, at kinukuhanan ng litrato ng iba’t ibang media personnel. “Kuya ko!” Sinubukan ko siyang lapitan at yakapin pero hinarangan na ako ng malalaki ang katawan na mga pulis. Hindi nila ako hinayaan na makalapit ako sa aking kapatid. “Miss, kumalma ka lang,” pakiusap sa akin ng isa. “Gusto kong makita kung si Kuya ko ba talaga siya. Baka nagkakamali lamang kayo,” tigmak ang luhang sabi ko. Tinatabig ko sila pero kahit mataba ako ay wala akong panama sa lakas nila bilang mga lalaki. Napipigilan nila ako. “Leren, please huminahon ka,” umiiyak na sumamo naman sa akin ni Corinne nang makasunod sila. Si Xalene ay niyakap naman ako sa braso. “Lakasan mo ang loob mo, Leren.” “Sir, baka nagkakamali po kayo. Baka hindi si Kuya Rain ang bangkay na ‘yan,” iyak ko pa rin na sabi. Nag-uunahan sa pagbagsak ang butil-butil kong mga luha. “Nakikilala niyo po ba ang wallet, cellphone, at ang sapatos na ito?” May transparent na supot na ipinakita sa akin. Humalagpos pa ako ng iyak nang makilala kong pag-aari lahat ang mga iyon ng aking Kuya Rain. Iyong wallet, regalo ko sa kanya iyon noong pasko, eh. “KUYAAAAAAA!!” malakas na malakas na sigaw ko na sa bangkay ng kapatid ko. ******** SA ISANG FUNERAL CHAPEL malapit sa bahay namin ipinaburol nina Xalene at Corinne si Kuya. Tulala na kasi ako habang patuloy sa pagbagsak ang mga luha ko. Hindi ko mapigilan. Sobrang sakit na pati si Kuya ay kinuha sa akin. At sa kanyang unang gabi ay mabibilang pa sa daliri ang nakidalamhati. Mabuti na lamang at hindi talaga ako iniwanan nina Xalene at Corinne. “Ayos ka lang ba? Gusto mo bang kumain?” masuyong tanong ni Xalene na noon ay lumapit sa akin. Nang hindi ako sumagot at diretso lang ang tingin ko pa rin sa may harapan, sa may kabaong ni Kuya, ay hinawakan niya ang aking kamay. Hinaplos-haplos. “Bakit kailangang kunin din siya ng Diyos sa akin? Kinuha na nga ang mga magulang ko? Bakit pati siya?” kako sa gitna nang pagluha. Sumisinghot-singhot ako na nakikipagtitigan sa picture ni Kuya na nasa taas ng kanyang kabaong. Ang guwapo ni Kuya sa larawan niya. Buhay na buhay. “Huwag mong sisihin ang Diyos. Baka may dahilan bakit siya kinuha na. Baka hanggang dito na lang talaga si Kuya Rain,” ani Xalene sa mangiyak-ngiyak na boses. Sa morge ay grabe din ang iyak nito kanina. Sila ni Corinne. Tatlo kami na ngumangawa doon kanina. “Hindi. Hindi pa. Kagagawan lamang ito ng mga sindikatong dumukot sa kanya. Hindi pa oras sana ni Kuya, halang lamang ang mga kaluluwa nila. Wala silang puso. Binaboy nila ang katawan ng Kuya ko. Demonyo sila,” nagtatangis ang aking bagang na giit ko. Nag-unahan pa lalo ang mga luha ko sa pagpatak. Kanina ay nakausap ko na ang imbestigador na may hawak sa kaso ng Kuya ko. Sinabi niya sa akin na madaming organs ang nawala sa katawan ni Kuya. Pati nga daw mata ni Kuya ay hindi nila pinalagpas. Mga organ trafficker. Sila ang itinuturo ng mga imbestigador na siyang may kagagawan nito sa aking kapatid. “Hahanapin ko sila, Xalene! Pagbabayarin ko ang gumawa nito kay Kuya! Magbabayad sila ng mahal!” mahina man ay galit na galit na turan ko. Hindi tumugon si Xalene. Umiiyak na niyakap niya lamang ako at hinagud-hagod ang aking likod. “Tama na. Huwag ka nang umiyak baka kung ano rin ang mangyari sa ‘yo,” pakiusap niya sa akin nang hindi niya ako mapatahan. Sa halip na sundin ko ang kaibigan ko ay tumayo ko. Dahan-dahan ang aking mga hakbang na nilapitan ko si Kuya. At ngumawa na talaga ako sa iyak nang makita ko siya. Parang natutulog lamang si Kuya Rain. Sa kasuotan niyang barong na white ay mababakas ang kalinisin niyang manamit noong nabubuhay pa siya. Kay kinis rin ng kabuoan ng mukha niya. Hindi kababakasan ng paghihirap niya sa kamay ng mga sindikatong iyon. “Paano na ako ngayon, Kuya? Mag-isa na lang ako,” palahaw ko pa kasabay nang pagyakap ko sa kanyang kabaong. Agad naman akong dinaluhan nina Xalene at Corinne. Hinayaan ulit nila ako pero sa tuwina ay inaalalayan nila ako upang hindi ko maitumba ang kabaong ni Kuya. ********* KINABUKASAN ay may sisiw sa ibabaw ng salamin ng kabaong niya. Tinutuka ang bigas na sa tuwina ay inilalagay ni Corinne. Ang sisiw na iyon ang aking tinitingnan kapag binabantayan ko si Kuya. Paulit-ulit na hinihiling ko sa sisiw na sana ay totoong susunod na mamamatay rin ang mga taong gumawa nito sa napakabait na Kuya ko. At sana sa paraan din na hindi katanggap-tanggap. Iyong mas brutal pa sa ginawa nila sa Kuya Rain ko. “Uminom ka muna,” pag-alok sa akin ni Corinne sa juice na ibinabahagi sa mga nakikiramay. Gabi na naman at medyo mas marami na ngayon ang tao. Ang mga kamag-anak namin, mga kaibigan, at mga naging katrabaho ni Kuya ay sobrang nalulungkot na nakidalamhati sa akin. Dumagsa rin ang tulong. Naipalabas daw kasi sa news sa TV si Kuya. Viral din siya sa mga social media. Trending nga daw ang hashtag na JUSTICE FOR RAIN. Pinag-uusapan ng mga takot na tao ang ginawa sa kanya. Paano daw kung sila na ang susunod o pamilya nila ang makakaranas sa sinapit ni Kuya? “Ang mabuti pa ay umuwi muna kayo ni Xalene para makapagpahinga kayo,” kako sa kanya matapos ang walang kabuhay-buhay pagsimsim ko ng juice. Sa ngayon, kahit paano ay nakokontrol ko na ang emosyon ko. Hindi na rin ako masyadong umiiyak. Naiiyak na lang ako kapag may darating ulit na nakikiramay. “Dito lang kami. Sasamahan ka na namin. Umalis lang saglit si Xalene para kumuha ng mga damit namin. Babalik siya agad,” pero pagtanggi ni Corinne. Namula na naman ang mga mata at ilong ko sa nagbabadyang mga luha ko. “Magkakaibigan tayo kaya magtutulungan tayo. Huwag mo kaming isipin,” sabi pa niya. “Salamat. Hindi ko siguro alam ang gagawin ko kung wala kayo.” Ayoko na umiyak subalit hindi ko pa rin napigilan. “Nandito lang kami para sa ‘yo, okay? Tatagan mo lang ang loob mo. Sige ka magagalit sa iyo si Kuya Rain kapag lagi kang ganyan. Kapag nagalit pa naman siya ay papaluin ka talaga sa puwet.” “Gaga, noong bata ako ‘yon. Ngayon hindi na niya ako mapalo kasi hindi na raw niya alam kung nasaan ang puwet ko. Puros na raw kasi bilbil,” pagtatama ko sa kanya na may kasamang biro. Para na akong baliw na umiiyak pero nakangiti. Gayundin si Corinne. Natawa siya pero kasabay niyon ay ang pagluha niya. Dikawasa’y inakbayan niya ako at sabay kaming tumingin kay Kuya. Nginitian namin ang nakangiti niyang picture. “Hep, hep, anong meron?” bungad naman na ni Xalene. Nakabalik na pala. Umupo siya kabilang tabi ko at naglalambing na sumiksik sa akin. “Heh!” Itinulak ko siya sa ulo. “Ngayon ka lang mabait sa akin porke namatayan ako!” “Grabe ka naman,” angal niyang maasim ang mukha. “Hoy, hanggang dito ba naman magbabangayan kayong dalawa. Nakakahiya ang daming tao,” saway agad sa amin ni Corinne. Tumahimik nga agad kami ni Xalene. Umayos ng upo. “Araaaayyy!” Pero dahil kinurot ko pa rin siya sa hita niya ay ang lakas ng boses niya. Napatayo pa ang gaga. Hiyang-hiya nang makita niyang napatingin sa kanya ang lahat ng tao. Ngiwing-ngiwi na bumalik siya sa pagkakaupo. “Hindi ka na nahiya,” pabulong na sita rito ni Corinne. “Siya kasi, eh, kinurot ako,” pagsusumbong ni Xalene. Hinihimas-himas niya nang mabilis ang kanyang hita. “Sana hindi ka pa rin sumigaw. Nasa lamay ka,” sermon pa rin dito ni Corinne. “Paanong hindi ako sisigaw? Para akong kinurot ng gorilla? Ang sakit,” reklamo pa rin ni Xalene. Gaga talaga. Ginawa naman ako ngayon na gorilla. Muntik na talaga tuloy akong matawa. Mabuti na lang at napigilan ko. Nag-sorry na lang ako kay Kuya. At least, sa kabila ng pagdadalamhati ko ay nagagawa ko pa ring maging normal na. Hindi tulad kahapon na parang mababaliw na ako. “Huwag kang mag-aalala, Kuya. Mapapanagot sa batas ang gumawa nito sa ‘yo. Pangako, Kuya, babantayan ko ang kaso mo. Kung kinakailangang araw-arawin kong puntahan ang mga pulis para kumilos sila sa paghahanap sa mga organ trafficker na mga iyon ay gagawin ko. Hindi ako titigil hangga’t hindi natin nakukuha ang justice para sa ‘yo. Mahal na mahal kita, Kuya,” na sinundan ko ng pangako sa kanya. Na aking tutuparin talaga kahit na anong mangyari, sa kahit na anong paraan, at kahit buhay ko pa ang maging kapalit. Hindi ako papayag na may iba pang mabiktima ang mga demonyo. Nalaman ko kasi na may mga ibang nabiktima na pala ang mga organ trafficker sa iba’t ibang lugar sa bansa. At ayon sa bali-balita ay ibinebenta daw nila ang mga laman-loob na nakukuha nila sa mga mayayamang parokyano nila. Sa dark web, sa dark society, sa mga elite online sites, at lalo na sa black market. Kapalit ng milyong-milyong halaga ay kinukuha nila ang buhay ng mga ordinaryong tao para madugtungan lamang ang buhay ng mga mayayamang may sakit. Ang sama nila! Dapat sila ang nabubura sa mundo! Dapat sila ang nasusunog sa impyerno!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD