***LEREN’s POV***
Alas-tres na ng hapon, iyon ang sinabi sa akin ng wall clock ng gym nang sulyapan ko. Napangiti naman ako dahil dalawang oras na lang ay uuwi na ako.
At ibig sa sabihin niyon ay walang Kent na pupunta ngayong araw sa gym. Walang mangungulit sa akin na gusto akong makausap tulad nang inasahan ko kaninang paggising.
Muntik na talaga ako kaninang um-absent sa trabaho dahil sa damuhong iyon. Wala kasing nagawa ang pangungumbisi nina Xalene at Corinne sa akin kagabi na kausapin ko raw si Kent. Ni konti ay hindi nila nabawasan ang inis ko sa lalaking iyon.
Never ko siyang kakausapin. Period!
Maluwag na ang aking pagkakangiti nang tumayo ako sa desk ko. I wandered around, giving the bustling gym an expert scrutiny. Wala naman akong ginagawa kaya tiniyak kong mga member lang ang mga nagwo-work out. Syempre, wala nang libre ngayon. Kung gusto na pumayat o magpalakas sa aming gym, dapat bayad.
“Hoy, kanina ka pa dito, ah? Wala ka bang balak matapos? Dalawang oras lang dapat nagwo-workout ang isang tao,” sita ko kay Xalene.
Oo, nandito sa gym ang gaga. Tahimik lang kuno. Si Corinne ang wala.
“Bakit ba? Eh, sa ganado ako,” aniya. Sige pa rin sa pagpedal sa stationary bike. Animo’y nasa karera.
Siningkitan ko siya ng mga mata dahil nakita kong may munting ngisi sa labi niya nang kindatan niya ako. Mukhang may ibang kalokohan ang naglalaro ngayon sa isip niya. Ano na naman kayang kademonyohan?
“Bahala ka diyan na masobrahan,” sabi ko. Wala kasi siyang coach o trainer. Hindi sila nag-avail ni Corinne dahil hindi raw sila komportable na may tumitingin sa kilos nila o nang may nakabantay sa kanila. Tuloy, hindi alam ang ginagawa.
Madalas sa treadmill at stationary bikes lang tuloy sila. Pero okay na ‘yon. Hindi naman nila kailangang magpapayat. Libangan lang nila.
“Oo kasi iniwo-workout na rin kita para pumayat ka,” tukso na sa akin ng bruha.
“Tse!” pagtataray ko sabay talikod. Iniwan ko na siya’t baka ano pa ang magawa ko sa kanya. Ayaw kong masira ang araw ko.
Nakangiti akong binati ang iba.
“Ay, palaka!” subalit anong gulat ko na lang nang bigla sa minsan pang pag-ikot ko sa lugar ay si Kent Adriano na ang nakaharap ko.
“Kaya pala iniiwasan mo ako kasi mukha na akong palaka,” biro niya habang ngiting-ngiti. Labas dimple pa.
“Wag kang ngingiti! Ang kaharap mo ngayon kahit guwapo ay paasa ‘yan!” mabilis kong paalala sa sarili ko. Muntik, as in muntik na kasi akong madala sa dimple niya. Muntik na akong mapangiti nang wala sa oras.
“Puwede ba tayong mag-usap, Leren?” May pagsusumamo na sa mukha at tinig ni Kent nang muli itong magsalita.
Warning bells began to clang in my head. Nabanggit na niya ang iniiwasan ko. Ang magic word na ‘puwede ba tayong mag-usap?”
“Sorry, Sir, pero busy po ako sa trabaho,” kako’t nilampasan na siya. Nagkandahaba-haba ang nguso ko na tinungo ang desk ko.
“Please, Leren?” pakiusap niya. Sumunod siya sa akin.
Nag-busy-busy-an ako. Kung anu-ano ang inayos ko sa desk ko at tsinek sa computer.
“Alam mo bang sobrang excited ako na makita ka?” sabi niya pa.
Nagbingi-bingihan naman ako. Nang itaas ko ang tingin ko ay hindi ako sa kanya tumingin kundi sa mga nagwo-workout. “Iyong mga hindi member ng gym magsilayas kayo dito! Mga member lang ang puwede dito sa loob!”
Nakita ko sa peripheral vision ko ang pagkamot niya sa ulo. At nakita ko rin syempre si Xalene. She tossed me a teasing frown. Now I know bakit ang tagal ng bruha dito sa gym, ang eksenang ito pala ang hinihintay niya.
Hindi ko siya pinansin. Balik ako sa pag-aayos kuno sa desk ko.
“Galit ba sa akin, Leren? Pero bakit?”
“Makapag-alis nga ng mga alikabok dito sa gym. Pasok kasi nang pasok hindi naman welcome,” parinig ko pa sa kanya sabay dakma sa pamunas.
Nakita ko sa gilid ng mga mata ko na napakamot naman siya ngayon sa likod ng tainga niya. Nakonsiyensiya akong bigla. Kinalaban ko lang.
Nagtungo naman na ako sa may barbell set na walang gumagamit. Iyon ang mga kunwaring pinunas-punasan ko.
“May nagawa ba akong mali, Leren?” Sumunod pa rin sa akin ang hinayupak.
Gamuntikang ibato ko na sa kanya ang ang barbell kasama na mga dumbbell nang lumayas na siya. Gumwapo nga’t pumayat, nawala naman yata ang common sense niya. Hindi man lang mahalata na ayaw ko siyang makausap, eh.
Kapatak ma’y wala pa rin akong salita. Tinungo ko ang treadmill. Sa medyo may edad na naming member ako lumapit at chinika. Naisip ko na baka kapag nakita ni Kent na may kausap ako ay hindi na niya ako kukulitin.
“Kumusta po, Mrs. Tan. Naku, bumibilis na ang takbo niyo ah?”
“Ah, oo, Leren. Lumalakas na ang mga tuhod ko,” sagot ng ginang habang patuloy sa tumatakbo sa running deck ng treadmill.
Madalas naman akong ganito kapag walang ginawa. Kinukumusta talaga sila. Kaya nga minsan ay alam ko din ang progress ng mga member at minsan ay nagiging ka-close ko sila.
“Eh, dapat po ay bilisan natin konti pa,” kako at pinindot ang speed control ng treadmill.
Natawa naman si Mrs. Tan. “Ikaw talaga, Leren.”
“Out mo na ba mamaya, Leren? May alam ako na bagong restaurant malapit. Kain tayo bago ka umuwi?” Si Kent na naman. Nasa likuran ko pala akala ko umalis na.
“Alam mo po, Mrs. Tan. Bilisan pa natin,” sabi ko kay Mrs. Tan at pinindot pa ang speed control ng treadmill. Sa inis ko ay nakalimutan ko na na may edad na ito.
“Naku, Leren, tama na ang bilis nito,” sabi ng ginang.
“Naku, hindi po. Dapat bilisan niyo pa nang sa gayon ay makatakbo kayo ng mabilis kapag may makulit na sunod nang sunod sa ‘yo,” giit ko na nababaliw na. Isa pang pindot ang ginawa ko. Hindi ko namamalayan na malapit nang lumaylay ang dila ni Mrs. Tan sa bilis na ng kanyang takbo.
“Anong ginagawa mo, Leren,” bigla-bigla ay pakikialam ni Kent. Hinawi niya ako at pinindot ang ang treadmill at sinalo si Mrs. Tan.
“Bakit ka ba nakikialam?!” singhal ko sa kanya sabay pamaywang. Sasabog na sana ako gawa ng inis ko sa kanya.
“Are you all right, Madam?”
Ngunit natameme ako’t napahiya nang makita kong inalalayan niya ang hingal na hingal na Mrs. Tan. Nanlaki ang mga mata ko. Luh, oo nga, ano itong ginawa ko kay Mrs. Tan?
“Okay lang ako, iho,” sabi ni Mrs. Tan kay Kent.
Halos hindi maipinta ang mukha ko nang ang sama na ng tinging ipinukol ni Mrs. Tan sa akin. Sermon ni boss is waving. Lol!
“Sorry po, Mrs. Tan,” pahabol ko na paghingi ng pasensiya sa kanya nang nagpaalalay ito kay Kent sa may bench. Doon sila umupo. Kung ano na ang pinag-uusapan nila ay hindi ko alam.
Ako na naiwanan sa may treadmill ay nakangiwi pa ring nakagat ko ang pamunas.
“Pwe! Pwe!” Muntik na akong maduwal nang malasahan ko ang alikabok.
Tumatawa si Xalene nang lapitan niya ako. “Ano? Pahiya ka ‘no? Arte kasi.”
Inirapan ko lang siya. Nakita na nga niyang namumula ako sa sobrang kahihiyan kay Mrs. Tan, eh, nambubuska pa.
“Ano ba kasi’t ayaw mong kausapin ang tao? Anong akala mo sa sarili mo kagandahan para magpahabol?”
“Excuse me. Hindi ako nagpapahabol,” koreksyon ko sa kanya.
Hinalukipkipan naman niya ako. “At ano sa tingin mo itong ginagawa mo kay Kent? Naturingan ka pa namang kababata niya.”
“Sa galit talaga ako sa kanya. Anong magagawa ko?”
Bumalik ang tingin ko kina Kent at Mrs. Tan subalit nakita ko na lamang sila na paalis na sa gym. Napakislot ako pero bandang huli ay hinayaan ko na sila. As if naman may mukha akong ihaharap pa kay Mrs. Tan matapos ang ginawa ko.
Animo’y maiiyak na lang ako habang nakalabi na inihatid ko sila ng tanaw. Lumaylay rin ang mga balikat ko. Ang epic talaga. Kainis.
“So, iiwasan mo na lang siya forever?” tanong na naman ni Xalene.
“Oo, dahil nunka na kakausapin ko siya,” giit ko bago malalaki ang hakbang ko na bumalik sa desk ko.
“At paano mo siya maiiwasan kong araw-araw ay pupuntahan ka rito sa gym, aber?” Sumunod sa akin ang gaga. Nauna pang umupo sa upuan ko.
“Paa mo nga,” saway ko muna sa kanya dahil nakiupo na nga itinaas pa ang mga paa sa desk ko. Ang baboy.
“Baka naman kakaiwas mo sa kanya ay hindi lang si Mrs. Tan ang mapahamak dito sa gym?” pangungonsensya nito kasabay nang pagbaba nga ng paa nito.
Doon ako natigilan at napa-‘Oo nga ‘no?’.
“Alam mo kung ako sa iyo pagbigyan mo na siya na magkausap kayo,” sabi pa ni Xalene. In fairness, matino ngayon ang bunganga nito.
“Manigas siya!” Pero hindi, ayoko pa rin na sundin ang isinisiksik nila sa akin na gawin ko.
“Grabe naman ang puso mo, babs. Pinatigas na ba ‘yan ng mga fats mo?”
“Um!” Ibinato ko sa kanya ang basahan.
“Bastos naman, eh!” Animo’y may uod iyon na iniwasan niya. Napaalis talaga siya sa upuan ko.
“Hashtag deserve,” sabi ko na nakaismid sa kanya.
“Isinusumpa ko, hindi ka magkaka-love life sa ginagawa mo!” At talagang siya pa may ganang manumpa. Lukaret talaga.
“Eh, di don’t,” kako naman sabay flip hair.
“Talaga!”
Mabuti na lamang at may mag-a-out nang member ng gym kaya natigil kami sa bangayan namin. At para makabawi sa nagawa ko kay Mrs. Tan ay ang bait-bait ko na inasikaso.
“Maiba ko, babs. Iyong business card ni Solomon? Anong balak mo?”
“Hindi ko alam. Isa pang problema ang EXODUS na ‘yon,” sagot ko.
“Problema? Don’t tell me may balak ka talagang buksan ang website nila?”
“Oo naman dahil malakas talaga ang kutob ko na may hint akong makukuha sa Solomon na iyon sa pagkamatay ni Kuya Rain.”
“Asa ka. Sa tingin mo magsasayang ng oras ang isang EXODUS member para lang patayin ang Kuya mo?”
“Nawalan ng mga laman-loob si Kuya, Xalene. Malay mo kaya yumayaman ang mga EXODUS na sinasabi mo ay dahil ang gawain talaga nila ay magbenta ng kidney, puso, mata at kung anu-ano pa. Sure ako isa sa kanila ay mafia boo o baka lahat sila."
“Diyos ko, kilabutan ka nga sa sinasabi mo. At saka hinaan mo ang boses mo’t baka may makarinig sa ‘yo.” Takot ang hitsura na tumingin sa paligid si Xalene.
Bumuntong-hininga ako. “Ang mabuti siguro ay pautangin mo na lang ako ng isang milyon para matapos na ang problemang ito.”
“Sa tingin mo may ganoong kalaking pera ang isang personal alalay lang na tulad ko? Isang milyong pimples gusto mo?” Inilapit niya sa akin ang kanyang mukha.
“No thanks. Mahal na mahal ka ng mga pimples mo kaya alagaan mo na lang ang mga iyan,” tanggi ko.
“Heh!” ingos naman niya sa akin.
“Siguro kailangan ko ng madaming sideline para makaipon ng isang milyon. Magbenta kaya ako online ng mga damit?”
“Puwede naman. Magandang ideya,” himala na pagsang-ayon niya.
“O kaya magp*kpok sa gabi?” biro ko.
“Gaga!” Binatukan niya ako.
“Aray!” angal ko at babatukan ko rin sana siya.
“Hoy, binatukan mo na ako sa mga naunang chapter nitong story mo! Siningil lang kita!” pero mabilis niyang duro sa akin kaya hindi ko ginawa. Daming alam talaga.
Hindi naman nagtagal ay umalis na siya. Tinatawagan na raw siya ng Madam niya.
“Ingat ka,” sabi ko lang sa kanya.
Ang hindi ko inasahan ay nang makatanggap ako ng chat mula sa kanya.
‘Si Kent nandito sa labas. Mukhang hinihintay niya ang out mo’ – ang nabasa ko sa message niya.
Muli’y naging aburido ang hitsura ko. Paano ako makakauwi nito kung may nag-aabang sa akin na damuho pala sa labas? Kainis na talaga!
“Hindi ka pa uuwi, Leren?” tanong sa akin ni Manong Guard nang mapansin niyang fifteen minutes na matapos ang alas singko pero wala pa akong balak na lisanin ang gym.
Kapag umaalis na ako ay siya na kasi ang pansamantalang tuka sa mga member na maiiwanan ko. Ang kasama ko kasing si Hailey ay hindi pa bumabalik. Nabuntis kaya naka-maternity leave.
“Mamayamaya, Kuya. Wala naman akong gagawin sa bahay at wala naman akong maisip na puntahan."
“Bakit kasi hindi ka pa mag-boyfriend, Leren, nang may ka-date ka naman minsan?”
Ngumuso ako. “So, iniisip mo talagang may magkakagusto sa isang inahin?”
“Aba’y oo naman. Asawa ko mataba rin. Bakit mahal na mahal ko pa rin naman?”
“Oh, eh di sana all sa asawa mo,” nainggit kong sabi.
Napakamot tuloy siya sa ulo niya.
“Pero very good ka, Kuya. Hindi ka tumitingin sa panlabas na anyo, kundi sa panloob na kagandahan. Ituloy mo ‘yan. Mahalin mo ang asawa mo kasi sure ako mabait siya. Tama?”
Nagtaka ako nang lumala ang pagkamot niya. Wari ba’y may kutong nagsulpotan sa ulo niya.
“Bakit, Kuya? May problema?”
“Sana nga mabait lahat ng misis. Iyong asawa ko kasi parang wrestler. Nakakatakot kapag galit. Kawawa ako doon. Bungangera pa.”
I gulped after hearing those words. Na-imagine ko, eh. Naawa ako pati kay Kuya Guard dahil ang payat-payat niya tapos ganoon ang asawa niya. Nakakaloka.
“Pero mahal ko ‘yon kaya tiyaga na lang. Mabait naman ‘yon pag may sahod ako. Iyong ngiti niya, matamis na matamis,” pambawi niya.
Bahagyang natawa naman ako. “Sige na, Kuya, magbantay ka na sa labas. Tantanan mo ako sa mga baduy mong kuwento,” at pagtataboy ko sa kanya.
Sisipol-sipol nga siyang lumabas na. Ang hindi niya alam ay kinilig akong sinundan siya ng tingin kasi kita ko talagang mahal nga niya ang asawa niya kahit mataba. Sana all na lang ako ulit.
“May gusto namang magpapansin kasi sa iyo, ikaw lang ang maarte,” kinilabutan ako nang parang narinig ko ang boses ni Xalene na sabi sa akin.
Tabingi ang mga labi ko na hinimas-himas ko ang braso ko. Grabe, kahit wala ang babaeng ‘yon, kayang-kaya pa rin akong asarin.
Bumuntong-hininga ako nang maalala ko nga si Kent. Nasa labas pa kaya siya? Sana wala na. Sa totoo lang gustong-gusto ko nang umuwi.
“Aw!” Bigla akong napakapa sa aking tiyan. May nararamdaman na akong hindi maganda.
“Bahala na nga!” banas ko nang sabi nang nagpasiya na akong uuwi na kaysa magkalat pa ako. Kung nasa labas pa si Kent ay di iwasan ko.
Mabilis kong sinamsam ang mga gamit ko. "Kuya, uwi na pala ako,” pagkatapos ay paalam ko na kay Kuya Guard.
“Sige, ingat.”
Paglabas ko sa building ay natanawan ko nga si Kent. Ang damuho naghihintay pa rin sa akin. Ang guwapo niya na nakasandal sa isang kotse na kulay pula.
Kotse niya? Mayaman na rin siya?
Napalabi ako’t tumirik ang mga mata ko. Hindi ako naiinggit at lalong hindi ako humanga. Halata namang second hand lang ang kotse.
Tumikwas naman ang isang kilay ko nang may lumapit sa kanya na sexy na babae. Humalik sa kanyang pisngi. Pakiramdam ko’y tinadyakan ng kabayo ang dibdib ko. Aba’t ibang babae naman ngayon?
“Leren!” Kaway niya sa akin nang maispatan na niya ako.
“Tse!” pagtataray ko sa kanya sabay walk out. Lalong uminit ang bunbonan ko sa kanya. Hindi lang pala hitsura niya ang binago niya pati ugali niya. Mukhang babaero na ang hinayupak.
“Leren, sandali,” habol niya sa akin sana kaso pinigilan siya ng babae niya.
Binilisan ko ang lakad ko. Natigil nga lang ako nang may bumusina sa akin.
“Hop in!” sabi ng babae na nagmamaneho. Ang ganda niya.
“Ako po?” Nagtakang itinuro ko ang sarili ko.
“Yes, Leren. Tara sakay ka na rito.”
Nag-alangan ako dahil hindi ko naman siya kilala.
Ngumiti siya. Lalo siyang gumanda. Kumukinang ang glass skin niyang mukha. I bet mahal ang skin care niya.
“Gusto mo bang maabutan ka ng lalaking ‘yon?”
Sinundan ko ang inginuso niya. Si Kent paparating na.
“Let’s go?” pag-alok niya pa nang ibalik ko ang tingin ko sa kanya.
Napahinuhod ako ng wala sa oras. Kinapalan ko na ang mukha ko. Nagmamadaling sumakay na nga ako sa napakagarang kotse niya.
“Uhm, kilala niyo po ako, Ma’am?” tanong ko nang umaandar na kami. Natakasan ko na si Kent.
“Of course, Leren,” aniya habang nagmamaneho. Panaka-naka ay nagsa-side glance siya akin.
“Ah, naging member po ba kayo ng gym namin? Sorry po, minsan kasi makakalimutan ako,” palusot ko nang naisip kong baka ganoon nga.
“Hindi. Balak ko pa lang sana.”
“Po?” Kumunot na ang noo ko. Nahiwagaan na ako sa kanya dahil hindi kasi pamilyar ang mukha niya sa akin tapos parang kilalang-kilala niya ako.
“Don’t worry, wala akong masamang balak sa ‘yo, Leren. Mas ngumiti pa siya sa akin at inilahad ang kamay niyang bumitaw sa manibela. “By the way, I’m Felicity Aguilan.”
Alanganin na tinanggap ko iyon at nagpakilala rin ng maayos. “Ako naman po si Leren. Leren Guzman."