Chapter 18

1232 Words
Chapter 18 Nang makapagluto na ako ng corn soup, agad ko siyang dinalhan na nakalagay sa mangko, hinanda ko rin ang tubig at gamot niya. Pumasok ako sa silid na dala ang tray at doon nakalagay ang pagkain niya. Nakita kong nakapikit kaya mukhang tulog na tulog siya. Ipinatong ko sa lamesang malapit sa kanya ang tray at kinapa ang noo niya. Napangiwi ako nang maramdaman kong mainit pa rin ito. “Adam,” bahagya ko siyang ginising at tinawag, “Adam,” pag-uulit ko hanggang sa maidilat niya ang mga mata niya. Hindi ito masyadong nakabukas, kitang-kita sa mapupungay niyang mga mata na para bang masama talaga ang pakiramdam nya at bahagya lamang itong nakadilat. “Kain ka na, tapos inom ka na rin ng gamot, pagkatapos nito uuwi na rin ako para makapagpahinga ka na. Uuwi ako ‘pag nakakain ka na,” sabi ko sa kanya. Hindi na siya nagsalita at tinulungan ko siyang makaupo sa kama. Kumuha ako ng isang unan para sandalan niya yon at hindi siya mahilo. Doon ako naupo sa kama para madali ko siyang mapakain. Kinuha ko na ang mangko at kutsara. “Kahit kunti lang ang kainin mo para lang magkalaman ang tyan mo tapos inom ka gamot agad,” saka ko hinipan ang sabaw. Minsang titingin siya sa ‘kin at ipipikit na naman ang mga mata niya. Sinubuan ko na siya at sinisiguro kong hindi siya mapapaso. Tahimik lang ako nagpapakain sa kanya hanggang sa umayaw na siya sa pang anim na subo ng sabaw at hindi ko na siya pinilit pa. Saka ko naman binigay ang gamot at isang basong tubig sa kanya. Hinintay ko talagang maubos niya ang tubig at naghintay kami ng ilang minuto bago siya mahiga. Nakatingin lang siya sa ‘kin, hindi ko alam kong ano ang nasa isip niya at hindi naman siya nagsasalita. Ngitian ko na lang siya at inayos ang pinagkainan niya. “Uuwi na ako, try ko kong pwede kang mabantayan nila Kent o kaya ni Kelly para…” Hindi ko natuloy ang sasabihin ko nang hawakan niya ako sa kamay para maging dahilan para tumigil din ako pagliligpit. Napasulyap ako sa kanya at tinignan siya na may pagtataka. “Bakit?” “Maraming…salamat,” nahihirapan niyang sabi. Ngumiti ako uli sa kanya, “wala ‘yon.” “Pwede bang ‘wag ka muna umalis.” Hindi ko maiwasang mapatitig sa mga mata niya, ayaw ko rin siyang iwan pero nag-aalala rin ako na baka mag-alala rin sila mama para sa ‘kin. Napakagat labi ako at sinagot siya. Tumango ako, “oo, dito lang ako kaya magpahinga ka na.” Tinulungan ko uli siyang makabalik sa pagkakahiga. Kinuha ko ang mga gamit bago ako dumiretso sa kusina at ilapag lahat sa sink. Kinuha ko naman ang phone ko sa bulsa at tinitigan ang pangalan nila Kent, mama at Kelly sa phone book ko. Hindi ko alam kong sino sa kanila ako magsasabi o magpapaalam. Nag-aalangan ako at hindi ko alam ang gagawin. Napaupo ako sa stall ng kusina malapit sa island ng kusina at napaisip. Napailing ako at napakamot, “bahala na nga.” Tinawagan ko si mama, “hello, anak may problema?” Halata sa boses ni mama na para bang nag-aalala siya sa kabilang linya nang sagutin niya ang tawag ko. “Wala naman ma,” naikagat ko ang daliri ko at nag-iisip ng idadahilan ko, “ano kasi…” “Ano ba ‘yon?” “May group project kami ng isa kong ka klase at kailangan namin tapusin dahil biglaang pasahan sa Friday. Pwede bang dito na muna ako sa kanila matulog?” Nag-aalangan kong tanong at hindi ko alam kong papayag si mama sa pagsisinungaling ko, hindi pa nga nangyayari, na guilty na agad ako. “Pwede naman anak, kaso wala kang pantulog, gusto mo bang ipahatid ko kay tito Mark mo ang damit mo…” “Hindi na ma, okay na ‘ko at manghihiram na lang siguro sa kanya. Maulan pa naman sa labas at saka delikado magbiyahe.” “Sige anak, basta ‘wag mong kakalimutan ang gamot mo ah at ‘yong mga bawal sa ‘yo sabihin mo sa kanya.” “Opo, salamat po.” Saka ko pinutol ang tawag nang makapagpaalam na ako sa kanya. Napailing na lang ako sa sarili ko. Tinignan ang uniporme kong suot na natuyo na ang basa ng ulan do’n, oo nga naman, anong pang palit kong damit? Sumilip ako sa bintana at para bang mas lumakas ang ulan. Muli akong bumalik sa silid ni Adam at napasulyap siya nang makita niya akong papasok. Ang akala ko bumalik siya sa pagtulog, hindi pa pala, narinig kaya niya ‘yong pakikipag-usap ko kay mama? ‘Wag naman sana, nakakahiya. “Pwede ba akong makahiram ng damit na pangtulog, yong kakasya sa ‘kin.” “Sa kabinet maghanap ka na lang,” sagot niya. Tumango ako, basta na lang humugot ng damit sa kabinet niya at lumabas ng silid niya. Sa kusina ako mismong nagpalit ng damit dahil hindi ko alam kong saan ba ang banyo. Hindi ako sigurado kong banyo ba ‘yong kabilang silid at baka mamaya hindi naman pala kaya hindi ako nangilam. Para nga lang akong siga sa suot kong puting shirt niya at blue na basketball short. Naghanap ako ng pwede kong makain na pwede rin sa kondisyon ko. May gulay do’n at isdang hindi pa nagagalaw. Niluto ko lang sila sa steam at nagsaing ng kaunting kanin. Habang nagluluto ako, ginawa ko ang assignment ko at ilang beses ko din siyang sinilip sa silid niya habang natutulog siya. Nang maluto ang pagkain, saka naman ako naghapunan at pagkatapos nu’n nakainom na rin ako gamot ko. Nagligpit at naglinis ako sa kusina bago ako bumalik sa silid niya. Inalis ko ang ilang kalat do’n at nilagay lang sa iisang lalagyan. Naghanap ako ng sapin na pwede kong matulugan sa sahig. “Mangingilam uli ako sa gamit mo, Adam.” Sabi ko kahit na tulog na siya at hindi na niya alam ang ginagawa ko. Nang makakuha ako ng makapal na sapin at comforter doon ko sila nilatag sa sahig na malapit sa kama niya. Ilang beses pa kong tinignan kong nakasara na ba ang mga pintuan at bintana bago ako nahiga. “Ay sarap,” bulong ko nang makapag-inat ako at agad akong dinalaw ng antok nang ipikit ko ang mga mata ko. “Good night, Adam.” “MA…MA.” Naalimpungatan ako nang makarinig ako ng ingay at magising sa kalagitnaan ng gabi. “Mama…’wag,” naririnig kong nagsasalita si Adam kaya agad na akong naupo at sinilip siya. Gumapang ako sa kama niya papalapit sa kanya at pinailawan ang lampshade na malapit sa lamesa. Nawala ang antok ko nang marinig ko na naman siyang magsalita at sunod-sunod na luha mula sa kanyang mga mata. Agad akong nag-alala at natakot kong anong nangyayari sa kanya. Pinunasan ko ang mga luha sa kanyang pisngi. “Shhh,” pagpapatahan ko sa kanya at na isip na baka nanaginip lang siya. “Ma…” Nagtaka ako sa naging panaginip niya na para bang tinatawag niya ang kanyang ina. Naupo ako sa tabi niya at sinandal ang likod sa headboard ng kama. Nakita ko siyang gumilid sa pagkakaharap sa direksyon ko at saktong hinawakan niya ang kamay ko ng sobrang higpit. Hinayaan ko na lang siya pero may kakaiba sa puso ko na madalas ko nang maramdaman dahil sa kanya. Sobrang bilis na hindi ko maipaliwanag. “’Wag mo kong iiwan ma,” bulong niyang muli. Pinanood ko siyang matulog hanggang sa matahimik siya. Habang nakasandal ang likod, ipinikit na lang ang mga mata at nakatulog akong nasa ga’nung posisyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD