“TITA TABAAA!!”
Napangiwi siya nang marinig ang pagtawag ng pamangkin sa kanya.
“Tinay, huwag kang sumigaw. Nagpapahinga pa si Tita.”
Umakyat sa gilid ng kama niya ang pamangkin. “Tita, sakit ka?”
Sa wakas ay nagawa na rin niyang imulat ang kanyagn mga mata. At doon lang niya napansin na hindi pamilyar sa kanya ang silid na iyon.
“Nasaan ba ako?”
“Nasa ospital,” sagot ng kanyang ama. “Tumawag si Reigan sa bahay at sinabi nga niyang isinugod ka raw niya rito.”
“Si…Reigan?”
“Galit Dok Pogi, Tita. Hindi siya smile. Katakot.”
Nilingon niya si Lucy. “Nasaan siya?”
“Personal niyang inasikaso ang kalagayan mo. Kulang na lang kaladkarin niya rito ang lahat ng doktor na kilala niya para siguruhing ligtas ka.”
“Mamaya na lang daw siya dadalaw sa iyo at may importante lang siyang aasikasuhin sa labas,” dugtong ng kanyang ina. “Hindi namin maintindihan ang sinabi ng doktor na pangalan ng sakit na dumapo sa iyo. Pero ayon sa paliwanag nila, nagkaroon ng pamamaga sa intestinal walls mo dahil sa mga pagkaing may matataas na content ng acid. Sa palagay mo, saan mo kaya nakuha iyon?”
Sa tono ng kanyang ina, medyo galit din ito. Marahil dahil pareho nilang alam kung saan nanggaling ang mataas na acid sa kanyang intestines. Galing iyon sa mga diet pills at fat-burning capsules na iniinom niya para pumayat. She couldn’t read the labels of the products because it was written in Chinese or Korean. Ito na nga ba ang matagal ng sinasabi sa kanya ng nanay niya.
“Mabuti na lang at naagapan ka,” patuloy nito. “Kung hindi, baka raw na nauwi na sa colon cancer ang sakit mo.”
“O, Sierra, sana naman ay natuto ka na. Makikinig ka sa nanay mo. Hindi sa lahat ng pagkakataon e tama ka.”
“Oho, ‘Tay.”
“At bakit kasi may pagpapayat ka pang nalalaman? Hangga’t wala kang sakit sa katawan, pabayaan mo iyan. At iyon ang importante. Hindi katulad niyan na payat ka nga, sakitin ka naman. Aba’y kung hindi dahil kay Reigan, baka naunahan mo pa kami ng nanay mo sa hukay.”
“Arnulfo, ano ba naman iyang pinagsasasabi mo riyan?”
“Dapat naman talaga prangkahan ang pakikipag-usap dito kay Sierra, eh. Para nakikinig siya. Matigas kasi ang ulo. Manang-mana kay Tinay—“
“Ambaho mo!” tili ni Martina. “Tatay, ambaho mo! Ayoko sayo!”
“O, nakita mo na?”
“Tay, ‘Nay, sorry na. Hindi na uli ako bibili pa ng mga pampayat na iyon.”
“Dapat lang,” wika pa rin ng kanyang ama. “Mabuti pa si Reigan, nakikita ang ganda mo. Naa-appreciate ka sa kabila ng sinasabi mong katabaan mo. Samantalang ikaw, mas pipiliin pang mamatay para lang magkaroon ng ‘magandang katawan’. Anak, kapag namatay ka, walang seksi o mataba. Pare-pareho lang tayong magiging kalansay—“
“Arnulfo.”
“Hindi, eh. Gusto ko lang namang maliwanagan itong dalaga natin.”
“’Tay, enlightened na ako sa mga pinagsasasabi ninyo. Tatandaan ko na iyan, pramis.”
Natatawa na lang ang kanyang kapatid sa naging pag-uusap ng kanilang pamilya. Medyo magulo at maingay. Pero tanggap niya ang lahat ng iyon, pati na rin ang naging pagkakamali niya.
“’Tay.”
“O?”
“Talagang…sinabi ni Reigan maganda ako? Kahit na…mataba ako?”
“Oo nga sabi. Ang kulit mo rin, ano? Kung hindi ka naniniwala, e di tanungin mo siya. Di ba, Eliza?”
“EWan ko sa iyo. Ibinibenta mo na naman ang anak mo.”
“Willing namang bilhin ni Reigan—aray naku!” Palihim itong siniko ng kanyang ina sa tagiliran.
“Huwag mo na lang intindihin ang tatay mo. Magpahinga ka na para mas mapadali ang paggaling mo.”
“Iiwan ninyo ako rito?” Naghikab na rin.
“Ako na muna ang magbabantay sa iyo,” wika ng kanyagn ina. “Mamaya magpapalit kami ni Lucy. Hindi naman puwedeng magtagal dito si Martina at baka gumuho ang ospital na ito sa kalikutan niyan.”
“Tita Taba, kiss.” Hinayaan na lang niyang pupugin siya nito ng halik sa mukha.
“Tama na. Malulunod na ako sa halik mo.”
Nang iwan sila ng kanyang ama para magbantay sa kanilang tindahan kasama nina Lucy at Martina, nagkaroon na rin sa wakas ng katahimikan ang silid na iyon.
“Kaya siguro hindi tumataba si Lucy ay dahil sa kakahabol kay Tinay,” aniya.
“Kung gusto mo pa ring pumayat, pero in a natural way na, mag-asawa ka na at mag-anak. Siguradong mawawala iyan mga kinaiinisan mong taba.”
“TAlaga, ‘Nay?”
“Aba, at sineryoso nga. Matulog ka na nga lang diyan at nang mabawi mo agad ang lakas mo.”
“’Nay.”
“O.”
“Guwapo si Reigan, ‘no?”
“Matagal na. Ikaw lang ang sira diyan na hindi pinapansin iyon.”
“Nakakaasar kasi siya, eh.”
“Nagpapapansin lang ‘yung tao, hindi mo pa pinagbigyan.” Nilingon niya ang ina. Ngunit papalabas na ito ng silid. “Maghahanap lang ako ng makakain mo. Binigyan naman ako ng nutritionist dito ng kopya ng mga pagkaing puwede mong kainin. Maselan pa kasi ang tiyan mo kaya hindi ka puwedeng basta na lang kumain ng kung ano-ano.”
Hindi na mapuknat ang ngiti sa kanyang mga labi mula nang iwan siya roon ng kanyang ina. Nagpapapansin lang daw si Reigan kaya madalas siya nitong pikunin noon. And it was his handsome image that stuck in her mind as she gave in to sleep once more.