NAGISING SI Sierra na ang kapatid na lang na si Lucy ang naroon. Mukhang nagpalit na ng shift ang mga ito habang natutulog siya.
“Ilang oras na ba akong tulog?”
“Mahaba-haba na rin. Pero mabuti iyan sa iyon. Advice ng doktor.”
Maingat siyang bumangon upang hindi magalaw ang dextrose na nakakabit sa kanyang kamay. Naupo siya at sumandal sa headboard ng kama.
“Pakibuksan naman ‘yung tv, sis. Nababagot na ako rito.”
“Huwag kang mag-alala. Bukas kapag naging stable pa rin ang kundisyon mo, ire-release ka na raw ng doktor mo.” Binuksan na nito ang telebisyon. “Anong channel? Animax?”
“Ano naman ang gagawin ko sa Animax? Doon na lang sa balita. Pag pangit, mag-Cartoon Network na lang tayo.”
“Hay naku, dapat siguro ay ipa-confine ka na rin namin sa Mental.” Ibinigay nito sa kanya ang remote control. “Ikaw na ang bahalang maghanap ng panonoorin. Iidlip lang ako. Ngayon lang ako nakawala sa galamay ni Martina, eh. Ayan na nga pala sa nightstand sa tabi mo ang mga pagkaing puwede mo lang kainin. Kumain ka na lang kung kailan mo gusto.”
Pumuwesto na ito sa visitor’s couch na nakalagay sa kabilang panig ng silid na iyon. She was surfing the television when she chanced upon an exclusive news report about Bureau of Food And Drugs’ raids on a certain building in Ortigas. Ayon sa report, nagbibibenta raw ng mga pekeng gamot na pampapayat ang naturang kumpanya. Sa nakalap na impormasyon ng BFAD, umabot na ng tatlong kaso ng pagkamatay ng mga gumagamit ng naturang gamot naitala ng mga ito. Bukod pa sa mga nao-ospital dahil sa iba’t ibang kumplikasyong dala ng mga gamot.
“Kung hindi ninyo mabasa o maintindihan ang mga nakasulat sa labels ng mga gamot na binibili ninyo, common sense na lang. Huwag ninyong gamitin, unless masuri iyon ng mga taga-BFAD. Nevertheless, mas mainam pa rin ang bumili ng mga gamot na rekomendado ng mga certified medical professionals para maiwasan natin ang mga ganitong pangyayari.”
Iyon ang salitang binitawan ng director ng naturang ahensya. Nabitiwan niya ang remote control. Hindi man direktang sinabi sa kanya ang mga salitang iyon, tinamaan pa rin siya. Common sense. Marami siya nun. Ang kaso, hindi niya pinakinggan. Kaya heto tuloy siya ngayon sa ospital. At kung hindi siya naagapan, malamang ay siya na ang pang-apat sa mga naging casualties ng gamot na iyon dahil lang sa kaniyang katangahan.
Mas lalo pa siyang napatanga sa telebisyon nang makita kung sino ang sumunod na in-interview ng reporter.
“Mr. Baltazar, kayo ang nag-imbestiga at nagsiwalat ng operation ng kupanyang ito. Ano po ang masasabi ninyo ngayong nasugpo na ang isa sa mga sakit ng ulo ng mga nasa medical field?”
“I would say na hindi dito natatapos ang kampanyang ito ng gobyerno laban sa mga taong walang pakialam kung magbuwis man ng buhay ang marami para lang kumita sila ng malaki.” Tumitig ito sa harap ng camera. “Hindi ako papayag na ang isa sa mga pinakamamahal kong tao sa mundo ay mawawala nang dahil lang sa hindi niya alam kung ano ang kanyang nabiling gamot. Wala siyang mabibiling pekeng gamot kung walang nagbibenta niyon.”
Ngayon naman ay ang hawak niyang piraso ng orange ang nabitawan niya. Siya ba ang tinutukoy ni Reiga na ‘isa sa pinakamamahal nitong tao sa mundo’? Siya ba? At tila naman kasagutan sa kanyang katanungan ay bumukas ang pinto ng silid niya at pumasok ang guwapong-guwapong si Reigan. Napatingin ito sa telebisyon bago bumaling sa kanya. Seryoso.
“Napanood mo na pala ang balita,” anito pagpasok. LUmapit ito sa kanya. “Kumusta na ang pakiramdam mo?”
“M-maayos na.”
Dinampot nito ang piraso ng prutas na nabitiwan niya at ibinato sa trashcan sa kabilang panig ng silid. Pagkatapos ay hinila nito ang isang silya at naupo sa tabi ng kanyang kama.
“Nakausap ko na ang doktor mo bago ako tumuloy dito. Makakalabas ka na raw bukas.”
“Oo, sabi nga rin ni Lucy.” Pinatay niya ang telebisyon. “Ikaw pala ang naka-solve ng kaso sa mga pekeng gamot.”
“I had to. Kung hindi, baka maulit sa iba ang nangyari sa iyo. What’s worse, baka hindi maging kasing suwerte mo ang taong iyon.” Bumuntunghininga ito saka sumandal sa kinauupuan.
“You looked tired.”
“I haven’t had enough sleep lately.”
“Dahil sa ginagawa mong imbestigasyon?”
Tumango ito. “Matagal na naming sinu-surveillance ang kalakaran ng mga fake drugs. Nung una akala namin mga generic drugs lang ang ginagawa nila. Pero nang ibigay sa akin ng nanay mo ang mga gamot na binili mo, doon lang namin nalaman na kasama na rin pala pati ang mga ini-import na gamot sa ibang bansa. Lumawak ang sakop ng kaso kaya medyo natagalan kami sa pag-resolba.”
“At least nagtagumpay kayo.” Tinitigan niya ito. “You saved me, Reigan.”
“Yeah, well, I don’t want anything to happen to the woman I love. Not even to shed off a single ounce of fat in her body. That I’ve grown to love as well.”