"When will you ever learn to control your mouth?" Mahina, ngunit mariin kong tanong pagkaupong-pakaupo ng kapatid ko sa driver's seat. Ni hindi pa niya nahihila ang pintuan pasara at hindi pa kami nakakaalis dito sa parking area, ngunit hindi ko na kayang pigilan ang iritasyon na nabubuhay sa buong katauhan ko ngayon dahil sa kanya. Saglit niya akong tinapunan ng tingin at nakuha pa niyang ngumiti saka na hinawakan ang handle ng pintuan na nasa tabi niya para isarado. Mas lalong tumindi ang iritasyon na namumutawi sa akin ngayon dahil do'n. Nakakainis siya! Gustong-gusto kong ilapat ang palad ko sa pisngi niya; baka sakali, matauhan siya at maging maingat na sa susunod subalit ayoko siyang saktan physically. Ayoko na ulit padampiin ang kamay ko sa mukha niya katulad ng nagawa ko noon.