“Uncle, napadaan po kayo,” salubong niya sa kaibigan ng Papa niya na si Mr. Antonio Cruz. Matalik na magkaibigan ang dalawa at magkasosyo rin sa ilang negosyo. Malapit siya sa pamilya Cruz.
Isang linggo na rin mula nang personal niyang tulungan si Mr. Cruz sa anak nitong nadala sa presinto sa San Nicolas dahil sa riot ng mga kabataan. Buti na lang, nang mawalan ng malay ang Mommy nito, nasa bahay siya ng mga magulang niya kaya natulungan niyang madala sa ospital si Mrs. Cruz.
Pinakiusapan na rin siya noon ni Mr. Cruz na siya na ang sumundo sa nag-iisang anak nito sa presinto. Baka kasi tumaas pa ang BP nito.
Halos isang linggo na rin ang lumipas mula nang huli niyang makita ang anak ng mag-asawang Cruz. Unang kita pa lang niya dito noon, alam na niyang magiging sakit ito ng ulo ng mga magulang. Nakita niya kung paano ito kumilos at magdala ng damit. Laging maikli ang suot nito tuwing pumupunta siya sa bahay ng mga Cruz.
Medyo bata pa noon ang anak ni Mr. Cruz, pero halata na niyang ibang landas ang tinatahak nito. At hindi nga siya nagkamali. Ngayon na legal age na ito, nagsisimula na itong magwala at masangkot sa gulo.
Typical teenager ang kilos nito. Mahilig sa party, barkada, alak, at kung ano-ano pang uso ngayon. Iyon nga lang, sumosobra na. Ayon sa Daddy nito, ilang beses na raw itong nadamay sa gulo at nahuli ng mga pulis. Kaya stress na stress na raw ang mag-asawang Cruz.
Halata naman. Tila bumagsak ang katawan ni Mr. Cruz at mas tumanda ito. Nagkakasakit na rin yata sa pag-aalala ang Mommy nito dahil sa anak nila.
Bakit naman kasi lumaking pasaway ang anak nila? Kababaing tao pa naman. Maganda ito at bata pa, kaya marahil ine-enjoy pa nito ang lahat. Noong kabataan niya, ganoon din siya. Tambay sa bar at nag-uuwi ng babae gabi-gabi. Pero kailanman, hindi siya nasangkot sa kaguluhan at hindi niya binigyan ng sakit ng ulo ang mga magulang niya.
Nag-iisa lang din siyang anak ng mga Herrera. Ayaw niyang ma-disappoint sa kanya ang mga ito. Hindi tulad ng anak ng mga Cruz na todo kung magpasaway. Sayang ang ganda nito. Daig pa nito ang mga babaeng kung kani-kanino lang sumasama para mag-enjoy.
Nanghihinayang siya dito. Maganda at mukhang matalino pa naman. Sinasayang lang nito ang sarili. Pag nag-mature na ito, baka sisihin nito ang sarili. Mahirap na makahanap ng matino at rerespeto sa kanya. Baka mapunta lang din ito sa katulad niyang party lang ang alam.
“Gusto sana kitang makausap, Kian,” sabi ni Mr. Cruz.
“Sige po,” sagot niya at niyaya itong maupo sa sofa. Tumawag siya sa secretary para magpadala ng dalawang kape.
“Kumusta na po si Auntie?” tanong niya.
“Okay na siya. Salamat sa ‘yo at naisugod natin siya agad sa ospital ninyo,” pasalamat nito.
Ngumiti siya at tumango. Habang nag-uusap sila, dumating na ang kape.
“Kian, may gusto sana akong sabihin sa ‘yo kaya sinadya kita rito sa munisipyo,” sabi ni Mr. Cruz.
“Tungkol po saan iyan, Uncle?” tanong niya matapos humigop ng kape.
“Bago ka naging Governor, Mayor ka muna ng San Nicolas. Saksi ako sa mga nagawa mo at ng Papa mo para sa bayan natin,” seryoso nitong sabi. “Napaunlad mo nang husto ang San Nicolas.”
“Salamat po,” sagot niya.
“Ilang taon ka na nga pala, hijo?” tanong ni Mr. Cruz.
“Twenty-eight na po,” sagot niya.
“Tingnan mo nga naman. Napakabata mo pa pero ang dami mo nang nagawa. Mana ka talaga sa Papa mo,” nakangiti nitong sabi.
“Siguro nga po nagmana ako kay Papa,” sagot niya. Bago siya sumabak sa pulitika, ang Papa muna niya. Pinagpatuloy lang niya ang nasimulan nito. Mahal ng Papa niya ang mga tao sa San Nicolas. Kaya hangga’t kaya, tinutulungan nito. Ganoon din siya.
Binibigyan niya ng scholarship ang mga kabataan na nahihirapang mag-aral. Para makatapos sila at makahanap ng magandang trabaho.
“Kung lalaki sana ang naging anak namin ng Auntie mo, baka naging katulad ka,” sabi ni Mr. Cruz. May lungkot sa tono nito. Hindi siya nakasagot.
“Alam mo naman siguro, Kian, na problema ang dinadala sa amin ng anak namin,” sabi pa nito.
“Bata pa naman po siya, Uncle,” sabi niya.
“Hanggang kailan siya aastang bata at walang pakialam sa amin? Kapag wala na kami at nag-iisa na lang siya!” May kirot na sa boses nito.
“Matanda na kami ng Auntie mo. Baka hindi na namin maabutan ang pag-mature niya,” sabi pa nito.
“Hindi naman po siguro, Uncle,” tangi niyang sagot.
“Hindi ko na alam ang gagawin ko, Kian,” sabi nito. Halatang problemado. Sa mukha pa lang at sa pangangatawan. Hindi lang stress, may sakit na yata.
“Magiging okay din po ang lahat, Uncle,” sabi niya.
“Kailan kaya mangyayari ‘yon?” tanong nito. Tinitigan siya nito. Puno ng lungkot ang mga mata ni Mr. Cruz. Hindi siya nakasagot.
“Kian,” seryosong tawag nito.
“Ano po iyon, Uncle?” tanong niya. Hindi sila nag-aalis ng tingin.
“Sa ‘yo ko lang sasabihin ito,” sabi nito.
Kumunot ang noo niya. Lalong sumeryoso ang mukha nito.
“Ano po iyon, Uncle?” ulit niya.
Humugot ito ng malalim na hininga. “Kian, I have cancer.”
Nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makasalita. Kaya pala bumagsak ang katawan nito at tumanda bigla.
“Stage two na. Hindi ko alam kung hanggang kailan pa ako,” sabi pa nito. “Hindi pa ito alam ng Auntie mo at ng anak namin. Walang nakakaalam, Kian. Ikaw pa lang.”
“Bakit ninyo po sa akin sinasabi?” tanong niya.
“Ayokong ipaalam sa mag-ina ko. Ayokong mag-alala sila, lalo na si Auntie mo. Marami na siyang iniisip dahil sa anak namin. Ayoko nang madagdagan pa,” paliwanag nito.
“Pero Uncle, may karapatan po silang malaman,” sabi niya.
“Alam ko. Pero saka ko na sasabihin. Uunahin ko muna ang mga importante,” sagot nito. “At ikaw, Kian. Ikaw ang importante.”
“Ako po? Bakit po ako?” nagtataka niyang tanong.
“Kian, kailangan ko ang tulong mo. Sa lagay ko ngayon, wala akong kasiguraduhan kung hanggang kailan pa ako. Kung hanggang kailan ko pa makakasama ang mag-ina ko,” sabi nito.
“Ano po ang maitutulong ko, Uncle? Basta kaya ko, gagawin ko,” buong puso niyang sagot. Malapit na sa kanya si Mr. Cruz. Para na rin niya itong Daddy. Tutulong siya.
“Alam kong kaya mo, Kian. Kaya sa ‘yo ako lumapit,” sabi nito.
Tumango siya. Handa siyang tumulong.
“Ano po ba ‘yon, Uncle?” tanong niya.
“Nag-aalala ako para sa nag-iisang anak ko, Kian. Ayoko siyang makatagpo ng lalaking lolokohin lang siya. Ayoko siyang makisama sa lalaking hindi siya aalagaan,” sabi nito.
Kumunot ang noo niya. Pilit niyang inuunawa.
“Pasaway man ang anak ko, mahal ko siya. Ayoko siyang masaktan o pagsamantalahan. Gusto ko may poprotekta at mag-aalaga sa kanya,” dagdag nito.
“What do you mean po, Uncle?” tanong niya.
“Kian, nais kong hilingin sa ‘yo na pakasalan mo ang anak ko,” sagot ni Mr. Cruz.
Nanlaki ang mga mata niya. Napabuka ang bibig niya pero walang lumabas na salita. Hindi niya inexpect ‘yon.
“Alam kong malaki ang hinihingi ko sa ‘yo, Kian. Pero wala na akong ibang mapagkakatiwalaan. Nag-iisa lang ang anak ko. Ang hiling ko lang, makatagpo siya ng lalaking magmamahal, poprotekta at mag-aalaga sa kanya,” mahaba nitong paliwanag.
Nanatili siyang tahimik. Hindi niya alam ang sasabihin. Ngayon pa lang yata siya nawalan ng masabi sa buong buhay niya. Ano ang isasagot niya?