“Dad,” nahihiyang tawag niya sa ama pagpasok niya sa hospital room ng Mommy niya.
Nakahiga ito sa puting kama. Tulog o walang malay. Kasama pa rin niya si Gov. Kian sa loob. Hindi siya nito iniwan mula pa kanina.
“Buti at nakalaya ka na!” may galit sa tinig ng Daddy niya.
“Dad,” tawag niya ulit. Nahiya siya para kay Gov. Kian sa tono ng Daddy niya.
“Tingnan mo ang nangyari sa Mommy mo dahil sa katigasan ng ulo mo!” galit na sabi ng Daddy niya.
Hindi siya nakasagot. Yumuko na lang siya.
“Tumaas ang presyon ng Mommy mo nang malamang nasa presinto ka na naman at nasangkot sa gulo! Hanggang kailan ba ganito ang ibibigay mo sa amin? Kailan ka ba magtitinong bata ka!” litanya ng Daddy niya.
“Tingnan mo nga ‘yang suot mo! Para kang sumasayaw sa bar!” dagdag pa nito.
Tumakas lang siya kanina para makasama sa party at mag-enjoy. Hindi niya alam na magkakagulo at madadamay sila ng kaibigan. At lalong hindi niya alam na magkakasakit ang Mommy niya dahil sa takot dito.
“Dad, I'm sorry,” paumanhin niya habang tinititigan ang Daddy niya.
Isang sampal ang isinagot dito. Hindi siya nakailag. Dumapo ang palad ng Daddy niya sa pisngi niya. Tumabingi ang ulo niya at napahawak siya rito. Malakas ‘yon. Parang nahilo siya.
“Uncle!” gulat na tawag ni Gov. Kian sa Daddy niya.
“Masyadong matigas ang ulo ng batang ‘yan, Kian!” asik ng Daddy niya.
Hindi na siya makatingin. Nahihiya siya. Alam niyang nakatingin sa kanya si Gov. Kian. Nakakahiya. Para siyang puro problema lang sa mga magulang niya.
Aminado naman siyang pasaway siya minsan. Gusto niya lang mag-enjoy. Nasa party at gimik. Pero magsasawa rin naman siya pagdating ng araw. Eighteen pa lang siya. Tama lang na mag-enjoy siya.
“Tama na po, Uncle. Baka magising pa si Auntie,” saway ni Gov. Kian.
“Pag may nangyari sa Mommy mo, hindi kita mapapatawad!” pagbabanta pa ng Daddy niya. Lalo siyang yumuko. Takot siyang makita ang galit sa mga mata nito. Gusto niyang mag-sorry, pero umurong ang dila niya. Masyado na siyang napahiya kay Gov. Kian.
Si Gov. Kian na rin ang nagpakalma sa Daddy niya. Kaya naupo na lang siya malapit sa Mommy niya na tulog pa rin. Guilty siya. Sana maging okay na ito at makauwi na sila. Para hindi na magalit sa kanya ang Daddy niya.
Sa may bintana nag-uusap nang masinsinan ang Daddy niya at si Gov. Kian. Malayo sa kanya kaya wala siyang marinig. Pero nagpapasalamat siya at nariyan si Gov. Kian para pakalmahin ang Daddy niya. Kung wala ito, baka hindi lang sampal ang inabot niya.
Hindi naman ito ang unang beses na nasaktan siya ng Daddy niya dahil sa gulo. Pero nagkakabati rin naman sila after.
Hindi niya napigilang sulyapan si Gov. Kian habang kausap ang Daddy niya. Suot pa rin niya ang jacket nito. Ang bango.
Alam na niya siguro ang nasa isip ng Daddy niya. Siguro iniisip nito na sana si Gov. Kian na lang ang anak nito, hindi siya. Nag-iisa lang siyang anak, pero puro stress at problema lang ang binibigay niya.
Nagulat siya nang mahuli siya ni Gov. Kian na nakatingin dito. Mabilis siyang umiwas ng tingin. Baka kung ano pa ang isipin nito.
“Amanda, you want coffee?” tanong ni Gov. Kian.
Napalingon siya dito.
“Sige na. Magkape na muna kayo ni Kian sa ibaba. Samahan mo siya,” utos ng Daddy niya.
“Ah... Eh...” umurong ang dila niya. Hindi niya alam ang isasagot.
“Let’s go,” sabi ni Gov. Kian.
Napatango na lang siya at lumapit dito.
“Amanda, dalhan mo na lang ako ng americano,” sabi ng Daddy niya.
“Opo, Dad,” sagot niya at sumunod na kay Gov. Kian palabas ng kwarto.
“Are you okay?” tanong nito habang naglalakad sila sa pasilyo papuntang elevator.
“Yeah,” tipid at kabado niyang sagot. Sinulyapan niya ito. Diretso lang ang tingin nito.
Gwapo talaga si Gov. Kian. Napakaseryoso ng mukha. Malayong-malayo sa mga ka-edad niyang kasama sa party. Ganitong lalaki sana ang kasama mo. Alam mong safe ka at kaya kang ipagtanggol. Matangkad ito at halatang alaga sa gym ang katawan.
Pumasok sila sa coffee shop sa labas ng ospital. Hindi niya alam na may ganito pala roon. Kahit madaling araw na, may tao pa rin. At pansin niyang sa kanila nakatingin ang karamihan.
Sino ba namang hindi makakakilala kay Gov. Kian sa bayan nila? Kaya hindi na siya nagtaka kung sinusundan sila ng tingin.
Pagpasok sa loob, ganoon din. Umaagaw ng atensyon si Gov. Kian. Lalo na sa mga babae. Napansin niya ang ilang babaeng tumingin sa kanya at napataas pa ng kilay. Inggit lang siguro. Siya kasi ang kasama nito.
Hinayaan na niyang ito ang pumili ng kape nila. Nagpasabay na lang din siya ng tinapay. Nagugutom na siya.
Habang nasa counter si Gov. Kian, hindi niya napigilang titigan ito. Naisipan niyang kuhanan ito ng litrato para kay Molly. Patago niyang kinuhanan ito nang humarap na bitbit ang order, saka agad niyang tinago ang cellphone.
“Thank you,” sabi niya nang ilapag nito ang order.
“Mamaya ko na o-orderin ‘yung sa Daddy mo,” sabi nito at naupo sa tapat niya.
Tumango siya at nagsimula nang kumain. Gutom na siya.
“Ano nga pala ang pinag-usapan ninyo ng Daddy ko?” tanong niya habang ngumunguya.
Sinulyapan siya ni Gov. Kian. Seryoso pa rin ang mukha nito. Para bang ayaw nitong magbiro.
“About you,” sagot nito.
“What about me?” tanong niya at sumipsip sa malamig na kape.
“Hindi na alam ng Daddy mo kung ano ang gagawin para magtino ka,” seryoso nitong sagot.
Napalunok siya. Hindi siya nakasagot. Kitang-kita naman nito kung gaano siya ka-burden sa mga magulang niya.
“Hindi na bata ang mga magulang mo, Amanda. Pahina na nang pahina ang katawan ng Mommy mo. At lahat ng nangyayari sa kanila, dahil sa ‘yo,” sabi pa nito.
“Sa akin talaga, no?” mataray niyang sagot at tinuloy ang pagkain.
“Kung hindi ka tumatakas para mag-party, hindi sana nag-aalala ang mga magulang mo, lalo na ang Mommy mo,” sabi nito na para bang sinermonan na siya.
“Sandali ka, Gov. Kian. Sinesermonan mo ba ako?” inis niyang tanong. Wala siyang pakialam kung Governor ito.
“Sinasabi ko lang kung ano ang nakikita ko. Masyado kang pasaway at pabigat sa mga magulang mo!” matalim na sabi nito.
Nanlaki ang mga mata niya. Hindi pa siya nakakasagot, tumayo na ito, bitbit ang kape, at iniwan siya sa mesa.
“Hoy, sandali!” pigil niya. Napalakas ang boses niya. Umagaw iyon ng atensyon. Pinagtitinginan siya. May mga nagbulungan pa.
Hindi na siya nilingon ni Gov. Kian. Tuloy lang ito sa paglabas ng coffee shop. Iniwan talaga siya.
Humugot siya ng malalim na hininga. Bale-wala niyang tinuloy ang pagkain kahit pinagbubulungan pa rin siya ng mga babaeng naroon.