"ALAM mo ba na may kumakalat na usap-usapan na nahuhumaling daw ang anak ni Mr. Larosa sa isang dayuhan dito sa hacienda? Dito na ako lumaki sa lupain ng mga Larosa, dito sa hacienda, at ikaw lang ang kilala kong dayuhan dito kaya posible na ikaw ang dayuhan na tinutukoy sa kumakalat na tsismis. Ikaw ba ang kinahuhumalingan ng nag-iisang anak ni Mr. Larosa at totoo ba ang tsismis?" tanong ng isa sa kasamahan ni Marco na katulad niya ay nagtatrabaho rin sa hacienda ng mga Larosa. Oras na ng tanghalian at kasalukuyan silang nagpapahinga sa ilalim ng malaking puno ng mangga. May malaki doong lamesa na gawa sa kahoy at may upuan nakapalibot doon. Doon kumakain ang mga trabahante sa hacienda lalo na kapag sobrang init ng panahon tulad ngayon. Tirik na tirik ang araw sa mga oras na iyon pero