Gigil na gigil ako habang tumitipa sa screen ng phone ko. Sakay ako ng kotse namin na minamaneho ni Kuya Julius, katabi ng box ng donuts na bagong bili ko para kay Zyrus.
To: Zyrus
Zyrus! Di ba I told you na dadaanan ka namin
ngayon? The why did you left?
Alam ko namang hindi ako rereplayan ni Zyrus pero pakiramdam ko kailangan kong sabihin sa kanya ang nararamdaman ko ngayon para kahit papaano ay mabawasan ang inis ko sa kanya.
To: Zyrus
Ano ba kasing problema mo sa akin? Kung galit
ka sa ginawa ko last Friday, sabihin mo. Hindi
‘yung para akong tanga dito na text nang text sa
iyo.
Ise-send ko na sana kay Zyrus yung message ko, pero sa halip ay binura ko iyon. Hindi pwede…. hindi ako pwedeng magpadalus-dalos. Baka mainis sa akin si Zyrus at magsumbong kay Daddy. Itinuon ko ang tingin ko sa labas ng bintana.
Si Zyrus lang ito. Si Zyrus pa ba? Alam ko namang kayang-kaya ko siyang paamuin. Muli akong nag-compose ng mensahe para kay Zyrus.
To: Zyrus
Zy, wait mo ko sa labas ng room mo.
Iaabot ko lang sa iyo itong donuts mo.
Hayan. Panigurado namang magiging okay na si Zyrus nito. Kaya nung makarating kami sa school ay magaan ang pakiramdam na naglakad na ako papunta sa room ni Zyrus. Magkahiwalay kasi kami ng section ngayon. Request ko din ito kay Mommy. Pakiramdam ko kasi wala na akong social relationship dahil sa laging nakabantay sa akin si Zyrus dati nung magkaklase pa kami.
At dahil sa medyo na-late kami ng dating sa school dahil sa pagsundo ko kay Zyrus ay limitado na lang ang oras ko bago ang hudyat ng first subject ko. Dali-dali kong tinext si Zyrus nang nasa tapat na ako ng kuwarto niya.
To: Zyrus
Zy, nasa labas na ako ang room mo. Kunin
mo na itong donuts mo para makapunta
na ako sa room ko.
Napansin kong halos wala nang estudyante sa hallway. Palibhasa ay ilang minuto na lang at mag-uumpisa na ang mga klase.
To: Zyrus
Zy! May klase pa ako! Ano ba?
Hindi na ako mapakali. Kapag nahuli ako sa subject ko ay malamang na hindi na ako papasukin ng teacher ko at ma-absent-nan na agad ako. Napagdesisyunan kong tawagan na si Zyrus.
Calling Zyrus….
Pero hindi din nito sinasagot ang tawag ko. Arrrghhh! Nanggigigil na muli akong tumipa sa phone ko.
To: Zyrus
ZYRUS SAMANIEGO! YOU’RE UNBELIEVABLE!!!
Iyon lang at pagkatapos ay nag-martsa na ako paalis doon sa tapat ng kuwarto niya, at saka halos lakad-takbo na tinunton ko ang papunta sa kuwarto ko.
[Zyrus]
Bahagya akong nagulat nang may lumapag na kahon ng paborito kong donuts sa mesang pinagsusulatan ko. Nag-angat ako ng tingin at nakita ko ang isang nakahalukipkip na Ysa.
“Ano iyan?” tanong ko sa kanya.
Umikot muna ang mga mata nito bago sumagot. “Donuts!”
“Alam kong donuts. Para saan ‘yan?” tanong ko uli.
Muling umikot ang mga mata nito. Seriously, hindi ba siya natatakot na mahipan siya ng masamang hangin at maging permanente na ang pag-ikot ng mga mata niya?
“Para sa iyo. Nag-promise ako sa iyo last Friday di ba na bibilhan kita niyan?” sagot niya.
In fairness, kahit ganitong naiinis siya ay cute pa rin siya.
“Nung Friday pa ‘yan? Eh, di panis na ‘yan,” sagot ko sa kanya.
“Duh? Nag-text ako nung Saturday, di ba? Sabi ko, pinakain ko na iyong donuts kasi wala ka naman. Tapos iyong dala ko kanina, pinakain ko na kina Bettina. Kaya pangatlong bili ko na yan! Ang laki na tuloy ng bawas ng allowance ko,” mataray na sagot nito.
“Hindi ko naman sinabing bumili ka,” sagot ko sa kanya.
“Eh, promise ko nga ‘yan, di ba?” ulit nito.
“Hindi naman ako nag-Yes, di ba?” panggagaya ko sa tono niya.
“Grabe ka. Bakit ba ang sungit mo?” Kunwari ay nagtatampong tanong nito.
Napailing ako. Eto na naman si Ysa Montenegro. Ginagamitan na naman niya ako ng charm niya.
“If I know, may kapalit iyang mga donuts mong ‘yan,” diretsahang sabi ko sa kanya.
Laking Pasay kaya ako, sensitive ako sa mga galawan ng mga tao. Alam ko kung may masama itong motibo.
“What???!” malakas na sabi nito, at saka naupo sa tapat ko.
“Grabe ka sa akin, Zyrus Samaniego! Nakakasakit ka ng loob…” pagda-drama pa nito.
“Tell that to me kung hindi tayo sabay lumaki,” sabi ko sa kanya.
Nakita kong bumuka ang bibig niya, pero agad din niya itong isinara. Pagkatapos ay inirapan ako bago tumayo.
"Bahala ka na nga! Hmp!” reklamo nito bago nag-walk out palayo sa akin.
NAGULAT ako nang biglang bumukas ang pintuan ng kuwarto ko. Biyernes ng hapon, at kasalukuyan akong naggigitara.
"Hi, Zy!!!”
“Goodness, Ysa! Bakit ba bigla-bigla ka na lang pumapasok sa kuwarto ko?” inis na sita ko dito.
Ngumuso ito, at saka naglakad papunta sa akin sa kama ko. Nilapag nito sa bedside table iyung dala niyang kahon ng donuts.
“Bakit, dati naman akong pumapasok dito sa kuwarto mo, ah!” reklamo nito, sabay lundag sa kama ko. Sinasadya man niya o hindi, ay tamang-tamang lumanding siya sa tabi ko kaya bahagya akong napaatras.
“Ikaw na nga ang maysabi – dati. Dati ‘yun, mga bata pa tayo. Sixteen na tayo ngayon, Ysa.”
Nilingon niya ako, at saka kunot-noo akong tinitigan.
“Eh ano naman kung sixteen na tayo? Pareho lang naman iyun. Dati. Ngayon. Ikaw pa rin iyan, si Zyrus. Ako pa rin ito, si Ysa,” inosenteng paliwanag nito.
“Hindi iyun pareho. Paano kung nakahubad pala ako pagpasok mo rito sa kuwarto ko?” sagot ko sa kanya.
“Eh, dati naman kita nadadatnang nakahubad dito sa kuwarto mo, ah…” inosente pa ring sabi niya, sabay irap pa sa akin.
Hindi ba niya alam kung anong nararamdaman ko kapag masyado siyang malapit sa akin? Tahimik akong napahinga ng malalim.
“Okay. Para matapos na lang tayo. Ano’ng ginagawa mo na naman dito at saan ka galing?” pag-iiba ko ng topic.
“Sa mall. Gumala. Haler! Last day ng Foundation Day ngayon, noh… dating gawi. Ito naman! Bakit ba kasi ang aga mong umuwi kanina?” tanong nito, at saka tumuwid ng upo kaya hindi sinasadyang napalapit na naman siya sa akin.
Kumilos ako para ilapag ang hawak kong gitara sa may paanan ko. Pero sa totoo lang ay para magkaroon kami ng konting distansiya ni Ysa. Pero nagulat ako nang bigla nitong hawakan ang braso ko kaya nahinto ako sa balak kong paglayo ng kaunti.
“Huy! Tinatanong kita. Bakit nga ang aga mong umuwi?”
“Tsk! Ano naman sa iyo kung maaga ako umuwi? At least, di ka na mahihirapang tumakas papunta sa mall,” sagot ko sa kanya.
Padaskol nitong binitiwan ang braso ko. “Ewan ko sa iyo!” Naiinis niyang sabi, at saka binalingan iyung kahon ng dala niyang donuts.
Dinampot niya iyon, at saka binuksan. Kumuha siya ng isa at saka kinagatan. Nagulat pa ako nang iumang niya iyong kinagatan niya sa bibig ko.
“Um! Iyung favorite mo,” alok niya sa akin.
Bahagya kong iniiwas ang mukha ko. Hindi naman sa ayaw ko sa kinagatan niya pero hindi niya alam kung anong epekto sa akin nung kakagat ako sa kinagatan niyang pagkain.
“Favorite ko, pero ikaw ang kumakain.” Kunwari ay inis ako.
“Ang dami pa nito, oh!” sagot niya, sabay lapit sa akin nung nakabukas na kahon.
“Ano ba kasi talagang ginagawa mo rito, Ysa?”
“Wala….”
Alam ko namang hindi ako o-offer-an ni Ysa ng ‘suhol’ kung wala itong mahalagang sadya sa akin. “Spill it, Ysa. Parang ganito din kasi ang scenario natin last year.”
Pinilit muna nitong lunukin iyung nasa bibig niya bago nagsalita. “Itatanong ko lang sana, Zy… pupunta ka ba sa Prom?”
Mataman kong tiningnan si Ysa bago ako sumagot. Hindi ko sinasadyang mapatingin sa labi niya nang dilaan niya ang ibabang labi niya dahil sa kumalat na mga asukal nung donut.
“Bakit mo tinatanong?” balik-tanong ko sa kanya, bagamat nahihirapan akong magtanong sa kanya dahil sa inakto niya.
“Zyrus??? Yes or no lang ang sagot,” sagot nito sa tonong nagrereklamo.
Mataman ko muna siyang tinitigan bago ako sumagot.
“No. I will not attend the Prom. At alam kong iyon ang hihilingin mo sa akin ngayon kaya may dala kang donut,” sagot ko rito.
Bigla na lang itong yumakap sa akin na ikinagulat ko.
“Yeheyyy!!! Zyrus! Ang galing mo talaga!” dagdag pa nito, pagkatapos ay bumitaw na.
“Lander asked me to be his date kasi. Eh, pag nalaman ni Daddy na pupunta ka, tiyak, ikaw ang magiging date ko nun!” masayang sabi nito.
Tipid lang akong ngumiti sa kanya. Kahit deep inside, nasasaktan ako.
~CJ1016