Gaya ng plano ni Maverick, sa ibang street sa muli dumaan at umikot para magronda lang sa lugar. Nagbabakasakali na baka siya'y masumpungan. Nauna na siya sa mga trabahor sa site. Dumaan din siya sa kanilang opisina sandali bago dumiretso pag-uwi.
Ala singko trenta na iyon at kararating pa lamang ni Lilith sa kanyang inuupahang silid upang magbihis. Matapos iwan ang gamit sa kanyang kuwarto ay nagmadali na siyang magpalit ng damit upang makapunta na sa kainan ni Aling Mina.
Sampung minuto na lamang bago mag-ala sais nang makalabas siya ng inuupahan. Nasalubong nanaman niya ang landlady nila sa hagdanan. Nakapamewang ito sa pinakababang baitang at nakataas ang noo habang expose na expose ang maitim na leeg nito.
Malapit na magkatapusan ng buwan. Bayaran nanaman ng renta. Nakita ni Lilith na may ibang nagtakbuhan at agad pumasok sa loob ng inuupahan nila dahil alam na nila ang mangyayari kapag nakita sila ng landlady. Kahit wala pa kasi ang araw ng bayaran ay iniisa-isa na niya ang mga naroon upang paalalahanan sa kanilang mga responsibilidad na akala mo naman ay tatakbuhan siya ng mga ito.
"Ano na Lilith ang balita? Narinig kong na-approve na raw ang payroll ninyo? Makakabayad ka na ba?" Sunod-sunod na tanong nito at kay lapad ng ngiti.
Mukhang masaya na ito sa nalaman kahit wala pa naman din. Biglang pumasok sa isip niya na napaka-updated naman nito sa balita at agad niyang nasagap ng radar niya na malapit na ang sahod nila maiabot sa kanila. Hindi niya nga alam kung sino ang nasabi sa kanya o kung saan niya narinig dahil kahapon lang nalaman ni Lilith ang tungkol sa payroll at kanina niya lang nakumpirma sa mga kasamahan.
"Opo raw kaya makakabayad na po ako." Magalang niyang sagot kahit ramdam na ramdam niya ang pagkasarkastiko ng mga tanong nito sa kanya.
"Aba mabuti." Maikling tugon nito na may kasama pang ngisi na hindi nakaligtas sa mga mata ni Lilith ngunit kahit na nakita niya'y nagkibit-balikat na laman siya dahil ayaw na niyang mapahaba ang usapan. Mala-late na siya sa part-time job niya at ito pa ang landlady na nakaharang sa kanyang daraanan at dahil wala nang narinig na sagot mula sa kanya ang landlady, tumabi na ito at hinayaan siyang makadaan.
Nagmadali na siyang maglakad papunta kina Aling Helen upang kunin ang kanyang scooter. Dahil araw ng Lunes, kailangan niyang pagasolinahan ito. Kaya imbes na sa dating ruta kung saan siya dumadaan papunta sa kainan ay sa ibang kalsada siya lumiko at sakto namang pagdating ng sasakyan Maverick.
Nagkasalisi sila at hindi siya nakita ng binata. Nadinig niya ang pamilyar na maingay na scooter ngunit hindi alam na kay Lilith iyon dahil noong nasa bahay nila ang dalaga ay pinarada niya sa kabilang side ng mataas na bakod kung saan may lilim. Ayaw kasi niyang matosta ang pwet niya pagsakay muli rito kaya naman nang makita niya ito na dumaan malapit sa site ay wala siyang ideya na sa babaeng hinahanap iyon.
Matapos ang pag-ikot ay dumiretso na siya sa kanilang bahay. Matapos maipasok ang sasakyan at maiparada malapit sa kotse ng kanyang ama ay bumaba na siya at bago pumasok sa kanilang bahay ay siniguro niya munang nakasara na ang gate nila.
Pagpasok niya pa lamang ng kanilang pinto ay naamoy na niya ang mabangong niluluto sa kanilang kusina. Pumunta siya roon at nakita ang kanyang ina na nasa harap ng kanilang kalan kasama ang kanyang ama.
Pareho silang nakasuot ng apron. Nakapambahay na ang Papa niya at magkasama silang nagluluto ng kanilang hapunan. Naroon din ang kapatid niya. Naglalaro sa tablet nito ng puzzle.
"Nandito ka na pala Mav! Magbihis ka na't maglinis ng katawan. Kain na tayo pagkatapos mo." Wika ng kanyang ina nang makita siyang nakatayo matapos niyang pumihit upang kunin ang asin dahil medyo matabang pa ang Chicken Curry na kanilang niluluto mag-asawa.
Sumunod naman agad si Maverick at pumanhik na sa taas. Matapos niyang maligo at magbihis ng pambahay ay bumaba na siya. Nakaupo silang tatlo at siya na lamang ang hinihintay. Pag-upo niya ay tinanong siya agag ng kanyang ina kung bakit ginabi siya. Biniro pa siya nito na baka nakipag-date at sinabing ipakilala naman niya ito sa kanila.
Natawa nalang si Maverick sa suspetsiya ng kanyang ina. Nagsinungaling siya't sinabing nag-overtime sila sa construction site kaya medyo late niya nakauwi. Madalas kasi'y ala singko trenta ay naroon na siya sa kanilang bahay. Kung may pupuntahan man at magagabihin ay nagsasabi siya sa kanyang mga magulang.
Oo, bente syete na siya at nasa hustong gulang na. Bukod na rito'y isa pang lalaki at di na dapat pang paghigpitan dahil kaya naman ang sarili ngunit sa kanyang ina ay isang bata pa siya. Baby niya kahit na matangkad pa siya kanyang mga magulang.
Hindi siya nagrereklamo, naiintindihan nitong nag-aalala lang ang mga magulang niya kapag wala pa siya sa kanila. Hindi sa pinagbabawalan siyang lumabas-labas at makipagbarkada sa mga ka edad niya, siya rin naman kasi ang may ayaw at mas gusto nitong nasa bahay lang kasama sila at tapusin ang mga inuuwi niyang trabaho.
Habang kumakain ay tumawag sa cellphone ng kanyang Papa ang Lolo at Lola niya sa India. Nangungumusta lang siya at gustong makita ang mga apo. Hindi nila pinapansin si Rowena na para bang hangin lang ito kahit nakikita naman nila siya sa screen.
Tinuon na lang ng Ginang ang mga mata sa kinakain. Nang matapos ang lahat maghapunan, sinenyasan ni Rowena ang asawa na doon na lang sila sa sala upang makapagligpit siya. Tumayo rin naman to agad at niyaya niya ang kanyang mga anak ngunit iniwan niya rin sila roon dahil bumalik siya sa kusina upang tulungan ang misis.
"Okay ka lang?" Tanong nito agad.
Napansin niya kasing malungkot ito at alam niya ang dahilan.
"Oo naman." Sagot ni Rowena ngunit hindi ito nilingon.
Alam ni Bilal na nagsisinungaling ito. Kilalang-kilala niya ang kanyang asawa. Alam niya ang ibig sabihin ng bawat pagkibot ng labi nito at lahat ng ekspresyong ipinapakita.
"Hayaan mo sila. Kung di ka talaga nila matanggap walang kaso iyon. Sila ang may ayaw makilala ng lubos ang pinakamaalaga at mapagmahal na babae sa mundo. Tandaan mo na lang lagi na mahal na mahal ka namin ng mga anak mo." Mahabang sabi ni Bilal.
Nahinto si Rowena sa pagliligpit at saka nilingon ang asawa. Kahit papano'y gumaan ang dibdib niya. Kahit sinabi na niyang tanggap na niya na doon na lang iyon at hindi na magbabago ang pakikitungo nila sa kanya ay nasasaktan pa rin kasi siya sa tuwing tumatawag sila't ganoon ang ginagawa nila sa kanya na para bang wala siyang ambag at hindi siya ang dahilan kung bakit nagkaapo sila ng isang gwapo at isang maganda.
Pinagtulungan nila ang pagliligpit sa kusina at habang kausap nina Maverick at Janina ang kanilang Lolo at Lola at biglang may dumaan na maingay na motor.
Si Lilith iyon. May umorder sa street na iyon kaya siya naroon.
Napangiwi si Maverick sandali at hinintay munang makalagpas ang maingay bago pinagpatuloy ang pagkukwento sa mga kausap ng bago niyang proyekto. Natanong kasi nila at pansin niyang tuwing tumatawag sila'y puro mga bagay na ganoon ang kanilang tanong. Proyekto at mga achievements gaya ng malalaking deals na nakukuha niya na para bang doon na lagi nakafocus ang buhay.
Matapos maibigay ni Lilith ang order ay bumalik siya sa kaninang dinaanan. May isa pa kasing order sa kabilang street naman.
Kakaiba ang ingay ng scooter niya. Alam niyang maingay ito ngunit mas lalo pang umingay. Kahit bagalan niya, ganoon pa rin. Pinagdarasal na lang ng dalaga na huwag sana bumigay para matapos niya ang deliver at para may pera siya para pambayad sa talyer bukas sa check-up ng kanyang partner.
Sa muling pagdaan niya'y nasira ang mukha ni Maverick nang marinig nanaman ang maingay na motor. Nakakabingi kasi. Natanong pa ang kausap nila magkapatid kung ano iyon at nang sabihin niyang motor ay natawa ang dalawa.
"Tell the owner to throw it away and buy brand new." Anito.
"Not everyone can afford a brand new grandpa. Maybe it needs a little fixing ang upgrade." Sagot naman ni Maverick sa matanda.
"You're right but that kind of noise is bothering. To loud and irritating. If ever you see the owner, tell him to work harder so he can buy a new one." Wika ng kanyang Lola.
Parang masama sa pandinig ni Maverick ang sinabi ng kanyang Lola. Isama pa ang ekspresyon nito sa mukha at kumpas ng kamay. Animo'y nangmamaliit ng tao at masyadong minamata ang isang pobre.
Mayaman ang mga magulang ng Papa niya ngunit may mga ugali ang mga ito na ayaw niya. Isa na roon ang di nila pagtanggap sa kanyang ina at ang madalas nilang panghahamak sa tao. Ramdam din ni Maverick kung gaano kasagad silang mag-pressure ng tao na kulang na lang ay gawin nilang puppet at manipulahin ang lahat ng desisyon at nais ng mga ito.
Gusto nila noon magdoktor si Maverick ngunit ayaw niya dahil gusto niyang sumunod sa yapak ng kanyang mga magulang. Ilang beses siyang hinikayat ng mga magulang ng kanyang Papa na magpalit ng kurso dahil mas maganda raw ang medicina mas kagalang-galang kumpara sa inhenyero anila.
Hindi naman sila nagwagi. Buo na kasi ang pasya ni Maverick sa kurso niya at sabi ng kanyang Mama ay sundin ang gusto niya't huwag makikinig sa mga salita ng iba. Matalino naman kasi siya, kaya niya nga medisina kung tutuusin kaso lang kasi ayaw niya makakita nga mga malalaking sugat at maraming dugo.
Sinagot ni Maverick ang parang panghahamak ng kanyang lola sa dumaan kanina. Sinabi niyang hindi naman bawal sa bansang nasaan siya ang ganoon kaingay na motor ang bawal ay iyong nanadya na nagoaoaharurot sa daan para lang ipagyabang ang minamaneho nila.
Alam kasi ni Maverick na ang maingay na iyon ay ang nagdedeliver ng pagkain sa mga bahay-bahay dahil halos dalawang beses na niya itong nakaengkwentro. Isa sa daan at huli ay nang maghatid ito ng ulam sa kanila.
Sinang-ayunan naman siya ng dalawa at matapos ang paksang iyon ay nag-paalam na siya at iniwan na ang kapatid na kausap sila. Patapos na rin naman sa paghuhugas ng kinainan ang Papa niya at pinuntahan na sila sa sala.
Umakyat na siya sa taas at naupo sa gilid ng kanyang kama. Nagmuni-muni muna bago kinuha ang cellphone niya upang tignan ang mapa sa lugar nila. Tinignan niya aling street ang hindi niya pa nadadaanan para roon iikot bukas.