DARION DEMORGON C2

2195 Words
ROSETTA FLORES HINDI lang lotion ang mga binigay ko sa kan’ya noong mga nakaraang linggo. Kumpleto. Kung ano ang mga binili ni Rocky, binabahagian ko rin s’ya para hindi na ako pupuwersahin na humingi at kapag nalalaman ‘yon ni Rocky, ako ang binibirahan ng sermon. Baka mag tampo naman ‘yong isa kaya s’yempre, s’ya ang prayoridad ko rito at mas’yado talaga kasing gahaman itong nanay ko. Lahat na lang ng mapapakinabangan, gustong angkinin at nais n’ya, sa kan’ya ang mas lamang. Paano na lang kung namana ko ang ugali n’yang ‘yan? Kawawa lang ang mg aka tribo namin. Kaya kahit ilang beses akong inaya ni Rocky na mamasukan ng kahit anong trabaho sa syudad, tumututol ako dahil kung wala na ako rito, mangingibabaw talaga ang kasakiman ng nanay ko at hindi ako papayag do’n. Ayaw kong iwan ang mga nasasakupan namin at mababawasan ang mga taga turo sa mga bata. Minsan kung may libreng oras, isa ako sa mga tumuturo sa kanila kung paano mag basa at mag sulat. Hindi ‘yan kabilang sa responsibilidad ko dahil bilang anak ng pinuno, ang isa sa mga obligasyon ko ay mag hanap at pumili ng karapat-dapat na lalakeng mapapangasawa ko pero ayoko. Hindi na rin mabilang sa lahat ng mga daliri ko ang mga kalalakihan na pinakilala sa ‘kin ng tatay ko para hingin ang kamay ko para sa kasal. Naninindigan talaga ako na hindi ko gusto. Unang-una sa lahat, hindi sila pasado sa mga mata ko. Bukod pa riyan, sa ugali na rin. Hindi puwedeng kumulang sila isa sa mga ‘yan. Magaasawa na nga lang ako, hindi pa ako mamimili ng maayos? Kanina pa umalis ang nanay ko dahil hindi ko s’ya pinagbigyan. Nangmamanhid ang pisngi ko pero ayos lang basta’t hindi natuloy ang balak n’ya. Tinapos ko muna ang gawaing bahay bago ko sinarado ng mabuti ang kubo ni Rocky at nilakad ang daan palabas ng bakuran. “Ate Rosetta!” Habang mabagal na humahakbang, naagaw ang aking atens’yon sa munting mga boses ng mga bata. Nilingon ko sila at nasilayan kong tumatakbo silang apat palapit sa aking kinatatayuan. “Ate! Tanggapin n’yo po ito! Kami ang nag pitas n’yan!” Tumigil sila sa harapan ko sabay inabot sa ‘kin ang isang pumpong ng mga bulaklak. “Naku… napakaganda naman… Salamat!” Masaya kong kinuha sa isang bata ang pinagsama-samag tangkay. Marahan kong sininghot habang may matamis na ngiti sa labi. “Ilalagay ko ulit ‘to sa plorera ko…” Pinasalamatan ko ang mga mababait na mga batang ‘to. Halos araw-araw nila akong binibigyan ng mga bulaklak na nakukuha lang nila sa kung saan-saan. “Sandali lang, may ibibigay ako sa inyo pero… kainin n’yo agad at ‘wag ipaalam sa ibang bata ha? Baka dumugin ako… Konti lang kasi ‘tong biscuit… Babawi ulit ako sa susunod...” Minsan kung napaparami ang bigay ni Rocky, sa mga bata napupunta. “Opo Ate Rosetta!” Binaba ko muna sa damuhan ang dala kong sako at hinanap ang biscuit. Binigyan ko sila ng tigiisang maliit na supot lang naman. Sakto, apat lang. “Maraming salamat po!” “Sige na, mag-laro na ulit kayo pagkatapos n’yong kainin ‘yan…” Sinangayunan nila ako. Mas nauna akong umalis habang pasan ang sako at bitbit ang mga bulaklak. “Magandang umaga, Rosetta…” “Magandang umaga rin po.” Kapag may nakakasalubong akong katribo namin, magalang nila akong binabati na may ngiti rin lagi sa mga labi. Nang makarating ako sa bahay namin, inakyat ko ang mga hagdan na yari sa tabla bago ako napadpad sa kuwarto ko na nasa ika’tlong palapag. Ang lahat ng mga bahay na makikita rito sa nayon, gawa lang sa kawayan, tabla at nipa naman ang nagsisilbing bubong. Tinago ko na agad ang mga binigay ni Rocky na hindi makikita ng nanay ko. Tumungo naman ako sa munti kong balkonahe at nilapag ang mga bulaklak sa ibabaw ng mesa. Isa-isa kong pinasok iyon sa plorera. “Rosetta, naka-uwi ka na ba anak?” Habang abala sa pag-a-arrange, narinig ko ang boses ng tatay ko at kakahinto lang n’ya sa tapat ng naka-sarado kong pintuan. “Bakit po?” “Kinakailangan natin mag usap, anak…” “Sige po, sandali lang.” Minadali kong tinapos ang ginagawa ko. Pinagbuksan ko s’ya ng pinto at sinalubong ako ng malawak na ngiti. “Rosetta, mag-ayos at mag-paganda ka lalo bukas ng umaga… Aakyat ng ligaw ang anak ng kapitan ng isang baranggay doon sa hilaga… Nais ka n’yang makilala, anak…” Umangat ang magkabila kong mga kilay. “Aakyat ng ligaw?” Na naman. Sa loob ng isang buwan, siguro dalawa o tatlong beses na may pinapakilalang lalake ang tatay ko. “Oo, anak…. Kaya paghandaan mo at sana naman, matitipuhan mo na ang ipapakilala ko sa iyo dahil kakaiba itong binata… S’ya na yata ang mayamang manliligaw na interesado sa iyo, anak…” marahang sambit pa ni papa. Nagsimula lang ‘to noong tumungtong na ako sa legal na edad at nagpapaakyat na s’ya ng ligaw. Lahat ng mga kalalakihan, dumadaan muna sa kan’ya bago sa ‘kin. Kay Tatay, mas mahalaga sa kan’ya ang estado at asset ng pamilya kaysa sa hitsura at ugali. Para sa ‘kin, pumapangatlo lang ang mga katangiang ‘yon. “Sige po, susubukan ko.” Pilit akong kinurbahan ng mga labi. “At… oo nga pala… bakit mainit na naman ang ulo ng nanay mo sa iyo? May nangyari ba?" “Wala na pong ibang dahilan kung bakit…” Nangunot ang noo n’ya. “Ano ba ang nangyari? Hindi sinasabi sa akin ng nanay mo, Rosetta.” “Bumalik ulit si Rocky kanina. Hinihingian n’ya ako pero hindi ko binigyan dahil nagagalit na sa ‘kin si Rocky.” Huminga ng malalim ang tatay ko at saglit na hinilot ang sintido. “Rosetta naman, bakit hindi mo na lang pinagbigyan ang nanay mo? Ayaw ko ng gulo, anak…” “Sige na po, ang dami ko pang gagawin… lumabas na muna kayo.” Mas nauna akong tumalikod sa kan’ya at humakbang ako pabalik sa balkonahe. Umakto akong may ginagawa at narinig kong lumabas na si tatay sa kuwarto ko. Pag sara n’ya ng pinto, marahan akong pumikit at bumuga ng malalim na hininga. Magaaksaya na naman ako ng panahon bukas para sa walang kwentang lalake, panigurado. Ano pa ba ang bago? 'Yan naman ang laging nangyayari. Pagsapit ng maaliwalas na umaga, lumabas na ako ng bahay dala ang gamit ko sa paliligo. Ala syete pa lang. Ang hamog pa ng lambak pero gising na ang lahat ng mga tao sa nayon namin. Maaga silang nagigising para gawin ang kanilang mga responsibilidad. Ang haligi ng mga tahanan, kaninang ala singko pa sila umalis para pumunta sa mga taniman. Ang kanilang mga asawa, naka-toka sa gawaing bahay at ang mga bata naman, naghahanda na mamaya para sa klase nila. Bumaba na ako sa sapa. May mga naliligo at naglalaba na roon. Nag-hanap naman ako ng puwesto ko. “Totoo ba ‘yan? Nako… nakakatakot naman…” “Hindi pa raw natitiyak kung may katotohanan nga dahil ilang beses na tayo nataranta sa maling balitang napadpad sa nayon natin…” Habang sinasabunan ko ang aking katawan, narinig kong may pinaguusapan sina Aling Martina at Aling Selya. Binanlawan ko muna ang bumubula kong katawan bago ako lumapit sa kanila na nasa tabi lang nitong sapa habang naglalaba. “Magandang umaga po…” Kaagad nila akong napansin. Umupo rin ako sa batuhan para maharap sila. “Mukhang may importante po yata kayong pinaguusapan?” “Ay, oo… Rosetta… Kasi kaninang madaling araw… may narinig akong usapan na may isang baryo raw na sinakop ng mga bandido…” “”Yan din ‘yong natanggap nating ulat noong mga nakaraang buwan at noong nakaraang taon…” marahang tugon ko. “Kaya nga ‘e. Ilang beses din tayo lumikas pero wala namang nangyayari… Nako baka pakulo lang ‘to ng mga walang magawa sa buhay at nagpapalakat ng mga haka-haka…” sabi naman ni Aling Selya. “Sana ‘wag na tayong palikasin… nagsasayang lang tayo ng oras at isa pa, wala naman tayong ibang pupuntahan at baka kagagawan lang talaga ‘to para nakawin ng mga kawatan ang mga pananim natin…” “May alam na ba si tatay tungkol po rito?” “S’yempre naman… pero paniguradong gawa-gawa na naman ang balitang ‘yan,” tugon pa sa ‘kin ni Aling Selya. ‘Yan lang ang gusto kong malaman at bumalik na ako sa puwesto ko kanina. Tinapos ko ang paliligo ko at nagmadali akong umalis. Bumalik na ako sa bahay namin at nagbihis muna bago bumaba sa kusina rito sa ikalawang palapag. Naabutan kong nagkakape sina nanay at tatay. “Oh, Rosetta… Mabuti at naka-ligo ka na… Kumain ka muna, ‘nak. Siguro mamayang hapon pa makakarating sina kapitan at ang manliligaw mo…” Nahuli kong napa-irap ang nanay ko habang binabanggit ni tatay ang mga salitang ‘yon. “”Tay, totoo bang may kumakalat na naman na balita tungkol sa mga bandido?” “Oo, may nakarating na naman sa akin pero hindi iyon kumpirmado…. At isa pa... wala na akong panahon para riyan. Bilisan mo na para makapagayos ka pa ng matagal, magpaganda ka ng husto, anak… Gamitin mo ang mga binigay sa iyo ng kaibigan mo.” “Paanong walang panahon? Ikumpirma o mag imbestiga na agad po kayo, ‘tay… Magpadala tayo ng espiya… para kahit totoo man o hindi, masisiguro talaga natin—“ Tinigil ko ang pagsasalita ko nang pabagsak na nilapag ng nanay ko ang hawak n’yang tasa at binalingan ako ng nagtataray na tingin. “Kung nagmamagaling ka, ikaw na lang ang maging espiya. Ikaw na ang mag lakbay sa pagkalayo-layong mga bundok para masunod lang ‘yang gusto mo. Akala mo madali?” Sumeryoso ang mukha ko. “Hindi naman sa gano’n, ‘nay… Naninigurado lang ako dahil mahirap na. Pinuno si Tatay ng buong nayon, natural lang na mag imbestiga para mapatunayan na—“ “Nagmamagaling kang talaga. ‘E ‘di sana ikaw na lang ang pumalit sa puwesto ng tatay mo!” “Rosalia, huminahon ka. Anak mo ‘yang kausap mo.” Tinapunan n’ya ng masamang tingin ang tatay ko. “Nanay n’ya rin ang kausap n’ya! Hindi ko alam diyan sa anak mo, Rodrigo!” Padabog na tumayo si nanay at mabilisang lumakad palapit sa ‘kin. Bago n’ya pa ako mabunggo, binigyan ko agad s’ya ng daan palabas nitong kusina. Huminga ng malalim si Tatay. “’Nak, ‘wag mo nang intindihin ang kumakalat na balitang ‘yon… Kilala mo ako. Mabilis ako umaks’yon, ‘di ba? Limang beses na tayong lumikas sa nayon pero walang lumusob sa atin…” Hindi na ako sumagot pa. Tinikom ko na lang ang bibig ko. “Umakyat ka na sa kuwarto mo, Rosetta.” Nilisan ko na rin ang kusina. Bumalik na ako silid ko. Hindi na ako magbibihis pa. Isang simpleng bestida lang ang sinuot ko na may naka-tapal na mga tela para takpan ang mga butas sa palda. Tinirintas ko na lang ang napakahaba kong buhok at kumuha ng isang pirasong bulaklak ng pulang rosas. Isinabit koi yon sa gilid ng tainga ko. Kapag may nababalitaan ako tungkol sa mga masasamang bandidong nanglulusob ng mga bayan at nayon, hindi ako mapakali sa kakaisip. Nakakahinga ako ng maluwag kung hindi nga totoo. Nagdarasal na lang din ako sa mga ninuno namin na gabayan nila kaming lahat. “Rosetta, kumain ka na muna…” Boses ni Manang Esmeralda. “Papasok na ako ha?” Um-oo na lang ako. Dinalhan n’ya ako ng makakain at nilapag na lang dito sa ibabaw ng mesa. Nagpasalamat muna ako bago s’ya umalis. Hindi na ako lumabas ng kuwarto. Kinain ko na ‘yong pagkain. “Rosetta, bumaba ka na sa sala... narito na ang bisita…” At tinawag ulit ako ni Manang. “Opo, bababa na po.” Tumayo na ako sa pagkakaupo sa bangko at umalis na ako sa kuwarto. Tinahak ko ang daan patungo sa pinakaunang palapag at may naririnig na akong mga boses doon sa sala. Pagkababa ko, bumungad sa aking paningin ang dalawang lalakeng naka-pustura. Kaharap nila ang nanay at tatay ko. Nang mapansin nila ang aking presens’ya, sa akin napa-dako ang buo nilang atens’yon. “Narito na pala ang anak ko…” masayang sambit ni Tatay. “Rosetta, halika, ipapakilala kita.” Pormal akong tumango. Mabagal akong lumakad palapit sa kanila. Kapansin-pansin na sinusundan ako ng tingin ng isang lalake na kasing edaran ko lang yata. Pumagitna ako kina nanay at tatay sabay hinarap silang mag-ama. “Ito ang dalaga kong anak na si Rosetta…” sabi pa ng tatay ko. Hindi ako nag salita. Bahagya na lang akong yumuko. “Ikinagagalak kitang makilala, binibini… Ako nga pala si Matias…” Pinako ko ang buo kong atens’yon sa lalakeng nag-salita. Hindi pa s’ya makontento at hinawakan pa ang kaliwa kong kamay saka dahan-dahang nilapit sa kan’yang bibig pero bago pa dumikit ang mga labi n’ya sa likuran ng palad ko, binawi ko na agad ang kamay ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD