Dahil sa ginawang pagmamakaawa ng babae para sa batang kaniyang kasama ay kumalat sa buong Central Market ang tungkol doon. Hindi lamang iyon, hindi lang isa kundi marami ang nag-aabang sa gagawin ni Li Xie bilang si Doctor Lx. Nagpupustahan din naman ang mga 'yon kung mapapagaling ba ni Doctor Lx ang bata o hindi.
Dahil sa dami na nang napagaling ni Li Xie ay marami ang pumusta na kaya niya itong mapagaling ang bata at mayroon din naman na hindi pa rin naniniwala.
Nang mabalitaan ng lahat na nakarating na si Li Xie sa Coffee and Inn Shop bilang si Doctor Lx ay kaagad na napuno ang buong unang palapag at hindi na rin naman magkanda-ugaga ang mga tauhan ni Wang Wei sa paggawa ng mga order ng mga bumili at ang mga tagapagdala ng mga order a mga bumili.
"Ugh! Hindi ko alam na ganito pala ka-abala kung mayroong mangyayari," sambit ng isang babae na tagapagbigay ng mga binili sa mga bumili.
"Lalo pa kaya kapag dumating na ng Central Fest," sambit naman ni Wang Wei at saka napa-upo nang maibigay na niya ang huling binili.
Ang Central Fest ay siyang pagkakataon para sa lahat para ibenta ang kanilang mag bagay na gustong ibenta. Ito rin ang pagkakataon na maari nilang mabili ang mga hindi pangkaraniwang mga bagay na hindi basta basta nabibili sa mga pangkaraniwan na araw.
Inikot ni Wang Wei ang kaniyang paningin at nakita niya na lahat ng mga ito ay nakatingin sa ikalawang palapag. Tanging ang mga tao lamang na naka-ukupa sa ikalawang palapag ang siyang makaka-akyat sa ikalawang palapag kaya naman ang mga hindi nakabili ng kwarto sa ikalawang palapag ay napamura na lamang.
"Miss Wei?" tawag ng isang babae na kakababa lamang mula sa ikalawang palapag.
Dahil doon ay kaagad na napatingin ang lahat kay Wang Wei na nasa counter at napangiwi naman ito sa atensyon na kaniyang natanggap.
"Ano iyon?"
"Ipinapatawag ka po ni Doctor Lx," sambit ng babae.
Napabuntong hininga na lamang si Wang Wei at saka niya inalis ang apron na nasa kaniyang dibdib. Kaagad din naman na napalatak ng mga dila ang mga dalagang gustong mapalapit kay Doctor Lx at hindi nila akalain na ang isang gaya lamang ni Wang Wei mapapalapit si Doctor Lx.
'Xie, bakit kailangan mo akong ilagay sa gitna ng ilaw?' inis na sambit ni Wang Wei at hindi gusto ang mga tingin na natatanggap niya.
Ganoon pa man wala rin naman siyang magagawa dahil alam niya na kaya lamang ito ginawa ni Li Xie sa kaniya ay para magkaroon siya ng impluwensya sa buong Central Market. Pinaliwanag na rin naman ni Li Xie ang kaniyang plano kay Wang Wei kaya naman suporta na lamang ang maibibigay ni Wang Wei sa kaniya.
Bawat hakbang ni Wang Wei ay mga mabibigat na tingin ang natatanggap niya hanggang sa mawala siya sa paningin ng mga taong ito. Pinag-uusapan nila kung malapit ba si Wang Wei kay Doctor Lx o kung mayroon silang ugnayan.
Malapit man o hindi, may ugnayan man o wala, sa pagpapatawag pa lamang ay alam nila na hindi pangkaraniwan ang relasyon na mayroon sila.
"Sa tingin ko dapat talaga na maging malapit na tayo sa pamilyang ito,"
"Heh~ akala mo ba makakalapit ka sa mga Wang? Hindi mo ba alam na noon pa lamang ay mahirap na maging malapit sa kanila?"
"Kung mayroon kayong motibo sigurado na hindi talaga kayo mapapalapit sa kahit na sino sa mga Wang."
Samu't saring mga opinyon ang ibinigay ng bawat isa habang naghihintay ng kalalabasan sa paggagamot ni Li Xie sa bata na dala ng kaniyang ina na nagmakaawa sa gita ng Central Market.
COFFEE AND INN SHOP, SECOND FLOOR
Nang ipatawag ni Li Xie si Wang Wei ay kaagad din naman na dumating si Wang Wei at hindi na kailangan pa maghintay ni Li Xie.
"Doctor Lx? Pinapatawag mo raw po ako?" magalang na tanong ni Wang Wei.
Napatingin naman si Wang Wei sa babae na nasa gilid lamang at magkadaop ang palad na wari mo ay nagdadasal.
"Kailangan ko ng isang tao na tutulong sa akin rito at bukod sa iyo wala na akong ibang kilala kaya pinatawag kita," seryosong sambit ni Li Xie at saka ito tumingin sa ina ng bata. "Hindi ko alam kung paano mo nalaman ang tungkol sa akin pero hindi na kita tatanungin pa tungkol doon. Una, pagkatapos ko na ipaliwanag sa iyo ang kundisyon ng anak mo gusto ko na sa labas ka ng silid maghitay. Okay lang ba iyon?"
"Pero..."
"Kung wala kang tiwala sa akin at hindi mo kayang mahintay sa labas ng silid ay hindi ko gagamutin ang anak mo. Hindi ako naggagamot sa mga taong walang tiwala sa kakayahan na mayroon ako," kaagad naman na pagpuputol ni Li Xie.
May mga nakarinig nito sa labas dahil bahagya na nakabukas ang pinto na siyang sinadya naman ni Wang Wei dahil alam niya na ang plano ni Li Xie ay ang kumalat pa ng pangalan niyang Doctor Lx sa buong sulok ng imperyo.
Wala nang nagawa pa ang ina ng bata at tumango na lang ito. Hindi nito alam kung bakit pero nang makita niya na seryoso ang doktor na nasa harapan niya at kita niya sa mga mata nito na kaya niyang pagalingin ang bata ay nagkaroon siya ng pag-asa sa kaniyang puso.
"Okay," mahina na sagot ng ina.
"Ginang, gusto ko lamang itanong, kelan nabulag ang iyong anak?"
"Noong maglimang taong gulang siya,"
"Wala na ba siyang iba pang nararamdaman?"
"Kapag kabilugan ng buwan ay nananakit ang kaniyang mga mata," kaagad na sagot naman ng ginang.
Kaagad naman na bumuntong hininga si Li Xie.
"Ilang taon na ang bata?"
"Sampung taon," mahina na sagot ng ina nito.
Napatingin si Li Xie at sa mga sagot pa lamang ng ina ng bata ay alam na nito kaagad kung ano ang problema.
"Paprankahin na kita," sambit ni Li Xie. "Kung pinatingin ninyo kaagad ang bata sa ekspertong doktor ay hindi na sana aabot sa ganito ang kaniyang sitwasyon," pagsesermon ni Li Xie.
"Ba-bakit? Ano nangyari sa anak ko?!" natatakot na tanong ng ginang.
"Huwag kang matakot dahil may paraan ako para rito," sambit ni Li Xie at saka sumeryoso. "Hindi isang natural na sakit ang dumapo sa anak mo kundi mayroon talagang gumawa nito sa inyo. Isa pa, kapag napagaling ko ang anak mo gusto kong bantayan mo ang mga tao na nakapaligid sa pamilya mo, buong pamilya mo. Kapag may nakita ka na nanghina at nawalan ng paningin gaya ng nangyari sa anak mo siya ang may gawa nito," kaagad na paliwanag ni Li Xie.
"Ibig mo bang sabihin..."
"Oo, mayroong kung anong inilagay sa mata ng anak mo at dahilan ito upang mabulag at kainin ang mga sustansya na mayroon sa kaniyang katawan dahilan upang hindi ito tumangkad." Tumingin ng seryoso si Li Xie sa bata at saka niya ibinalik ang kaniyang tingin sa ina ng bata. "Maging maingat ka sa susunod. Huwag kang tatanggap ng kung anong bagay lalo na sa mga taong alam mong may galit o sama ng loob sa iyo," pagbibigay naman ng babala ni Li Xie.
Napakagat naman ng labi ang ginang habang nakikinig sa paliwanag at sa babala sa kaniya ni Li Xie. Hindi niya akalain na isa sa kaniyang pamilya ang gagawa sa kaniyang anak ng ganito. Mahirap tanggapin ngunit alam niya na hindi niya dapat isara ang kaniyang isipan dito.
Samantala, si Wang Wei naman ay nakatitig lamang sa dalawa at hinihintay na makalabas ang ginang upang makapagsimula na si Li Xie.
"Maghintay ka na muna sa may pintuan. Huwag kang mag-alala dahil makakakitang muli ang iyong anak at sinisigurado ko na gagaling siya," pagpapagaan naman ng loob ni Li Xie.
"Salamat!"
Nang makalabas na ang ginan ay kaagad naman na bumuntong hininga si Li Xie. Sinarado naman ni Wang Wei ang pinto upang hindi na makasilip pa ang mga tao na kumuha pa ng silid sa upang maki-usyoso. Kaagad din naman na nilagyan ni Li Xie ng isang mahika ang buong silid upang walang makarinig sa kung anong usapan ang mapag-uusapan nila ni Wang Wei.
Mula umpisa hanggang matapos ay talagang seryoso ang dalawang tao at wala man lang nakakaalam sa kung ano ang nangyayari sa loob ng silid.