“Eto nga pala iyong list ng mga contact numbers na madalas na pinapatawagan ni boss,” pahabol ni Ms. Cathy, sabay abot ng laminated na papel.
Kinuha ko iyon at saka pinasadahan ng basa. Nasa unahan ang pangalan ng nanay ni Brandon. Gloria Hizon. Pinasadahan ko pa ang ibang mga pangalan para ma-familiarize ako nang may mapansin ako. Nilingon ko si Ms. Cathy.
“Ms. Cathy, bakit wala iyung pangalan ni Ms. Kimberly dito? Nakalimutan mo ba ilagay?”
“Hindi naman siya kasama sa VIP list ni boss,” sagot niya na hindi man lang nag-angat ng tingin habang nagliligpit ng mga gamit niya sa ibabaw ng mesa niya.
Bahagya siyang natigilan, tapos ay tinanong niya ang tanong na nasa isip niya ngayon
“Pero girlfriend siya ni Sir Brandon.”
Saka lang nag-angat ng tingin si Ms. Cathy sa akin. Nakita ko ang tila pag-aalinlangan sa mukha niya. Tila hati siya kung sasabihin ba niya sa akin o hindi.
“Ang tingin ko kasi… parang wala namang relasyon iyong dalawa.”
Hindi ko napigilang mamilog ang mga mata ko sa narinig ko.
“Para kasing si Kimberly lang ang naga-assume na girlfriend siya ni boss,” dagdag pa ni Ms. Cathy sa paliwanag niya nang makita niya iyong reaksyon ko.
“Pero sa ating dalawa lang ‘yun ha, Stella…” biglang pasunod ni Ms. Cathy na bahagya kong kinakitaan ng takot sa mga mata.
Tumango ako, “oo naman. Pero bakit mo naman nasabi na ganun?” tanong ko pa sa kanya kasi kanina ko pa gustong itanong kay Ms. Cathy ang bagay na iyon pero nahihiya akong itanong sa kanya.
“Eh, kasi…” lumingon si Ms. Cathy sa gawi ng elevator, na para bang sinisigurado niya na walang ibang tao o walang parating bago nagsalita uli, “si Kimberly lang naman ang tawag nang tawag at punta nang punta kay boss. Hindi naman siya hinahanap o pinatawagan sa akin ni boss kahit minsan. So sa tingin ko, siya lang ang naghahabol.”
“Kung ganun, bakit parang okay lang kay Sir Brandon?” tanong ko.
Umaktong nag-iisip si Ms. Cathy, tapos ay nagkibit-balikat.
“Ewan ko. Hindi ko alam.”
“Pero may nililigawan ba si Sir Brandon o natitipuhan…”
Bahagyang tumawa si Ms. Cathy.
“Masyado nang private ‘yan, ha!...” natatawang sabi niya, “pero sa naoobserba ko, mukhang wala naman. Pero di ko pa rin sure, ha…”
Tumango-tango ako habang parang may kung anong pakiramdam sa dibdib ko na nasiyahan sa sagot ni Ms. Cathy pero hindi ko na lang pinansin pa.
“Oh, basta. Tandaan mo. Number one rule dito sa CEO’s Office, what you see and what you hear, leave it here. Nagkakaintindihan ba tayo dun, Stella? Ayokong mapahamak ka. Lahat ng bagay dito sa CEO’s Office, treat it as confidential. Gets, Stella?”
Sunod-sunod ang ginawa kong pagtango. Ayoko rin namang masangkot pa ako sa kapahamakan dito. Unang-una, nandito ako sa Verizon Communications para mag-OJT, para makatapos ako ng pag-aaral ko.
“Promise, Ms. Cathy,” itinaas ko pa ang kanang kamay ko na parang nanunumpa, bilang patunay na susundin ko ang gusto ni Ms. Cathy, “swear to God,” sabi ko pa, tapos ay ngumiti ako sa kanya,
Isa pa, ano bang mapapala ko kuing ipagsabi ko ang anumang sikreto ni Brandon Hizon? Hindi ko naman ikayayaman ‘yun. Baka nga pagkatapos ng training ko dito sa Verizon ay hindi na uli mag-krus ang landas naming dalawa. So, I don’t care sa mga confidential things niya sa buhay.
Ngumiti rin si Ms. Cathy, “good, bukas half day lang naman ako. Papasok muna ako sa umaga. Pero dito ka na mag-report sa umaga baka may kailangan pa akong ituro sa iyo o ipagbilin. Okay? Sasabihin ko na lang sa HR ngayong pag-uwi ko na dito na kita pinapa-deretso.”
“Wala namang problema, Ms. Cathy. Magsasabi na lang din ako kay Mam Leah mamaya pag-uwi ko.”
“Okay. Hanggang kailan pala ang OJT mo?”
“Ah, baka hanggang May pa ako, Ms. Cathy. Bakit?”
Malapad na ngumiti si Ms. Cathy.
“Good! Mukhamg hindi ko na poproblemahin ang magiging kapalitan ko dito sa honeymoon leave ko.”
“Ah, kailan ba ang kasal mo, Ms. Cathy?”
“Sa unang araw ng Mayo. Holiday ‘yun. Para walang dahilan ang mga bisita namin kung bakit hindi sila makakapunta sa kasal namin.”
This time, ako naman ang napangiti.
*ibang klase ka rin, Ms. Cathy.. “
Ikiniling ni Ms. Cathy ang ulo niya sa kanan.
“Bakit naman?”
“Eh, kasi iyong ibang nagpapakasal, mas pabor sa kanila na hindi makakapunta iyong ibang invited nila. Para tipid sa gastos. Tapos, ikaw naman, ikaw pa ang nag-adjust ng date para lang makapunta iyong lahat ng mga imbitado n'yo.”
Natawa si Ms. Cathy.
“Marami talaga akong kaibigan, Stella. Lahat yata ng department dito sa Verizon may friend ako,” mahina uli siyang tumawa, “Miss Congeniality nga ang tawag nila sa akin dito, eh.”
Ako naman ang natawa.
“Perfect match pala kayo ng boss mo,” wala sa sarili na sabi ko habang natatawa ako, “ikaw friendly, tapos kabaligtaran mo siya,” dugtong ko pa, tapos ay natawa uli ako.
Bigla kong napansin ang biglang pagkawala ng ngiti sa labi ni Ms. Cathy Oops! Naloko na. Nahahawa na ako sa katabilan ni Leslie. Natural kasi sa kanya na hindi marunong mag-preno ang bibig ng babaeng iyon, eh!
Agad akong nagseryoso, at saka nag-peace sign kay Ms. Cathy
“Sorry na agad, Ms. Cathy… eh, kasi totoo namang snob at masungit iyong mo. Nagsasabi lang ako ng totoo. Di ba nga may kasabihan tayo, na ang… ano nga? Ah, ang nagsasama nang tapat– ay, mali! Ang nagsasabi nang tapat, nagsasama ng maluwat. ‘Yon!”
“Nang maluwag yata ‘yun,” pagkontra ni Ms. Cathy.
Umiling-iling ako.
“Maluwat ‘yun, Ms. Cathy. Kasi kailangan, rhyme sila,” pagtatama ko naman.
“Talaga ba? May nalalaman ka pang rhyme–rhyme. Eh, ano ibig sabihin ng maluwat na ‘yan? Iyon din yata ‘yun. Maluwag.”
“Wrong ka diyan, Ms Cathy. Ang ibig sabihin ng maluwat ay matagal. Kung tapat kayong nagsasama, at walang itinatago sa isa’t isa, asahan mo na magtatagal ang pagsasama n’yo. Sabi nga sa English, honesty is the best policy.”
Pabiro akong inirapan ni Ms. Cathy.
“Ang dami mong alam. Nakailang boyfriend ka na ba? At parang ang dami mo nang experience sa pakikipagrelasyon?”
Namilog ang mga mata ko. Si Brandon pa lang naman. Iyan dapat ang isasagot ko. Pero matino pa naman ang pag-iisip ko, kaya hindi ko sasabihin iyan. Saka… dati lang ako patay na patay kay Brandon. Ngayon, hindi na. Simula kaninang umaga sa elevator.
Talaga lang ha, Stella….
“Hala si Ms. Cathy… wala pa po akong naging boyfriend. Never been kissed, never been touched,” sagot ko, tapos ay tumawa ako sa sariling joke ko.
“Talaga ba?” pagkukumpirma pa ni Ms. Cathy.
“Oo nga…”
“Bakit? Maganda ka naman, ah! Wait… tibo ka ba?”
Mabilis akong umiling, “of course not!” todo tanggi ko pa.
Pagbintangan pa akong tibo nito, eh ang tagal ko kayang pinagpantasyahan ang boss niya. Noon pala.
“Uy! Bihira na sa mga kabataan iyong ganyan, ha… Iyon tumuntong ng college na hindi pa napasok sa relasyon. Ano nga’ng dahilan mo?”
Nire-reserve ko sana iyong slot na ‘yun sa boss mo. Kaso, nawala na iyong kahibangan ko ngayon sa kanya.
Bahagya kong ipinilig ang ulo ko sa mga naiisip ko. Kung titingnan, mapagkamalang iling lang ang ginawa kong pagpilig ng ulo ko.
“Wala lang, Siguro kasi, meron akong crush na crush. Tapos, unaware… siya siguro ang parang naging standard ko para sa katangian ng magiging boyfriend ko.”
“Pwede…” tumango-tango pa si Ms. Cathy, “eh, ano ba kasi iyang mga katangian na iyan na nakita mo sa crush mo?”
“Umm?” sandali akong nag-isip,
Agad na pumasok sa isip ko iyong poster ni Brandon sa dingding ng kuwarto ko na nasa tabi ng kama ko. Napangiti ako nang malaala ko ang itsura niya dun. Nakasuot siya doo ng three-piece suit pero walang necktie. Parang pormal na inpormal ang dating. Pero siyempre, guwapo pa rin
“Tall and handsome, oozing with s*x appeal, tapos magaling magdala ng damit, nasa corporate world. Ganun.”
“Hala, Stella.. bakit iyong sa description mo, si boss Brandon agad ang pumasok sa isip ko?”
.Napalunok ako. Pero agad din naman akong nakaisip ng isasagot sa kanya.
“Ms. Cathy naman, hindi lang si Sir ang may ganung description dito sa balat ng lupa, ano?”
Nagkibit-balikat si Ms. Cathy.
“Sabagay, tama ka naman diyan… Pero siya talaga agad ang naisip ko,” umiling-iling si Ms. Cathy, “ang taas ng standard mo, girl!” natatawang sabi niya.
Tumango-tango na lang bilang pagsang-ayon, dahil hindi ko alam ang , isasagot ko. Si Brandon lang naman talaga ang nasa isip ko kahit noon pa. Pero hindi naman ako baliw na maniniwalang may pag-asang maging kami dahil malabo iyon sa salitang malabo. Sa laki ng agwat namin ni Brandon, magiiging panaginip na lang kahit mapansin lang niya ako.
“Ang masasabi ko lang, harinawa, eh sana, makatagpo ka niyang ideal boyfriend mo. Malay mo naman, ibigay sa iyo ng langit. Pray ka lang mabuti, Stella.”
Sabay pa kaming natawa ni Ms. Cathy sa huling komento niya
“Tama na nga ang tsismisan natin,” sabi ni Ms. Cathy, tapos ay nagsimula nang ligpitin ang ilang gamit niya ibabaw ng mesa, “sa mga oras na ‘to,” sinilip niya ang relo sa bisig niya, “baka pauwi na si boss sa townhouse niya. Baka maisipan niyang silipin tayo sa CCTV niya dito, makita pa niya na ngdadaldalan lang tayong dalawa.”
Nanlaki ang mga mata ko. Bigla akong kinabahan. Hindi ko alam kung natakot ako o na-excite sa isiping anumang oras ay makikita ako ni Brandon dito sa pamamagitan ng CCTV.
Masyadong bilib sa sarili, Stella? At ano naman ang magiging reason ni Brandon para silipin ka sa CCTV? Ganda ka, girl?
“Talaga, Ms. Cathy? May CCTV dito?” sabay pasimple akong tumingin sa taas at mga sulok-sulok ng kisame.
“Oo naman. Opisina ito ng may-ari ng kumpanya. Kailangan nila iyon bilang proteksiyon nila. Mayayaman ang mga ‘yan, eh. Pwedeng any time, may magtangka sa buhay nila. O magka-interes sa mga gamit nila dito.”
“Eh, ang haba na ng chikahan natin, Ms. Cathy. Baka kanina pa niya tayo pinapanood?” nag-aalalang tanong ko.
“Hindi ‘yun. Kapag ganung kasama niya si Kimbely, hindi papayag iyong babae na ‘yun na hindi siya ihatid ni boss sa unit ng condo niya,” bahagyang lumapit si Ms. Cathy sa akin, at saka mahinang nagsalita “lalandiin niya muna si boss, bago iyon pakawalan. Alam mo na… gagawa ng paraan iyon para ma-hook sa kanya si boss hanggang sa yayain na siya nitong maging girlfriend niya.”
Mataman kong tiningnan si Ms. Cathy.
“Ayaw mo ba si Ms. Kimberly para sa boss mo?”
Umiling-iling si Ms. Cathy.
“Hindi ganung tipo ang babae para sa boss ko. Ang dapat kay boss, isang babaeng mamahalin siya nang tunay. Hindi iyong pera at estado lang ni boss sa buhay ang habol. Marami nang pinagdaanan si boss, it’s time na lumigaya naman siya. Sumaya. Ang lungkot na ng buhay niya, panahon na para naman sumaya siya.”
Malungkot? Kaya ba sa ilang beses naming pagsasalubong dito sa Verizon ay ganun nga ang nakikita kong aura kay Brandon? Pero bakit? Ano ang kuwento sa likod nun?
“Bakit malungkot, Ms. Cathy?”
Bumuka ang bibig ni Ms. Cathy, tapos ay sumara uli.
“Ay, naku! Huwag mo na lang alamin, Stella. Baka kumalat pa at malaman pa ng boss ko na sa akin galing, mawalan pa ako ng trabaho. Eh, sa laki ng ilalabas naming pera ni Mike, hindi ako pwedeng mawalan ng trabaho pagkatapos ng kasal ko.”
“Si Ms. Cathy naman…”
“Pasensiya na talaga, Stella. Pigilan mo muna iyang pagka-marites mo. Mabuti na iyong nag-iingat ako. Tayo. Ang mabuti pa, ipanalangin mo na lang na si boss na iyang maging si ideal boyfriend mo, para sa kanya mo na lang itanong iyang mga gusto mong malaman sa kanya.”
Namilog ang mga mata ko. Hindi ko alam ang magiging reaksyon ko. Matutuwa ba ako?
“Ms. Cathy??”
Nilingon niya ako, “Bakit?” natatawang tanong niya.
“Napaka-imposible naman nun.”
Tinawanan niya ako, “malay mo naman, di ba?”
Magdilang-anghel ka sana, Ms. Cathy… magdilang-anghel ka sana…
At saka ko inilagay ang isang kamay ko sa likuran ko, at saka palihim na ipinorma ang mga daliri ko doon, sabay sabi sa isip ko na - “wish me luck.”
~CJ1016